Epilogue

1122 Words
Seven years later... “O MGA ANAK, huwag n'yong kalilimutang laging mag-pray bago matulog, ha?” Tumangu-tango ang mga batang sina Celine, Mario, at Ingreid sa pangaral ni Zigfreid, bagama't kitang-kita ni Mary Ann sa hitsura ng isa sa kambal nila na mayroon itong gustong itanong. “Ano 'yon, Ingreid? Bakit gan'yan ang mukha mo?” malumanay na tanong niya sa bata. “May problema ba?” “Kilala po ba kami ni Jesus, Mama? Maririnig po ba Niya ang prayers namin nila Ate? Eh 'di ba, hindi pa naman po kami nagkikita?” Nagkatinginan sina Mary Ann at Zigfreid at parehas na naaaliw na natawa sa kainosentehan ng bunsong anak. “Kids, makinig kayo kay Papa, ha?” Ang asawa niya ang sumagot para sa kaniya. “Kilala kayo ni Jesus. Kilala Niya tayong lahat at nakikita Niya anuman ang ginagawa natin mula doon sa heaven. Kaya nga dapat, lagi tayong nakikipag-usap sa Kaniya.” “Ano naman pong sasabihin namin sa Kaniya?” singit ni Mario matapos maghikab. “Kahit ano. Puwedeng... magpasalamat kayo sa lahat ng blessings na natatanggap n'yo at humingi ng tawad kapag may nagawang mali.” Siya naman ang tumugon. “At kung meron kayong mga hiling, puwedeng-puwede n'yo iyong ibulong sa Diyos,” segunda pa ni Zigfreid. “Tutuparin po ba Niya ang lahat ng wish namin?” Si Celine, na biglang naging excited. “Aba, oo naman anak! Basta ba manalig ka lang at huwag titigil sa pagdarasal. At s'yempre, samahan mo rin ng pagsisikap na makuha ang hinihiling mo.” Matapos ang mahaba-habang paliwanagan ay nagsimula na nga silang mag-anak sa pagdarasal. Si Zigfreid ang nanguna sa mga bata. Nakangiting pinagmasdan ni Mary Ann ang kaniyang mag-aama habang pare-parehong nakapikit ang mga ito. Tahimik siyang umusal ng pasasalamat sa Panginoon para sa pagkakaloob sa kaniya ng isang masaya at buong pamilya, kagaya ng gabi-gabi niyang ginagawa. Sa nagdaang pitong taon ay naging sobra-sobra pa sa kaligayahang inasam niya ang naibigay sa kaniya ni Zigfreid. Ang minsan niyang ikinatakot na panlalamig nito ay hindi nangyari, sa halip ay nararamdaman pa nga niyang mas lalo siya nitong minamahal sa mga araw na dumaraan. Kahit pa abala na ito sa ipinatayong arts school para sa mga bata ay hindi ito minsan man nawalan ng panahon para sa kanilang pamilya. Sa tuwing wala itong trabaho, inuubos lamang nito ang oras sa pakikipaglaro sa mga anak at sa paglalambing sa kaniya. Kung minsan, tinutulungan siya nito sa pagbi-bake na siyang naging panibagong libangan at pinagkakakitaan niya. Sang-ayon siya sa mga sinabi ng asawa kay Celine, 'pagkat lahat ng iyon ay parehas nilang naranasan. At ngayon, halos wala na siyang ibang mahihiling pa. Kung meron man ay manatili na lang sanang matatag ang pagsasama nila. “TULOG na ang mga bata. Mama naman nila ang patutulugin ko,” mapaglarong sabi ni Zigfreid sabay walang pasabing hinila sa braso si Mary Ann, dahilan para mapaupo ito sa kandungan niya at mapatili. Natatawang ibinaon niya ang mukha sa bandang leeg ng asawa at nilanghap ang bango ng shower gel na gamit nito, saka ito pinupog ng halik doon. Sinadya niya talagang hintayin itong lumabas mula sa banyo para gawin iyon kaya imbes na mahiga ay naupo siya sa may paanan ng kama. “Patutulugin? Talaga, ha?” humahagikhik na tukso nito na bahagya siyang naitulak dulot ng pagkakiliti. “Depende.” Tumayo na siya habang buhat-buhat pa rin si Mary Ann at inihiga ito nang maayos sa kama. Iikot pa lang sana siya patungo sa kabilang bahagi ng higaan nang siya naman ang biglang hatakin nito. Muntik pa niya itong madaganan kundi lang niya naituon ang mga kamay sa kutson. “Mahal, salamat nga pala ulit sa regalo mong relo, ha? Saka, pasensiya ka na rin...” malambing na sambit ng asawa niya kasabay ng pagdama sa naninigas na muscles sa kaniyang dibdib. Halos maduling ito sa pagtitig sa kaniya sa sobrang pagkakalapit ng mga mukha nila. “Bakit? Dahil ba wala kang regalo sa 'kin ngayong seventh anniversary natin?” Sinserong ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. “Walang problema, mahal. Marami ka namang mas importanteng ibinigay sa 'kin sa loob ng mismong pitong taong pinagsamahan natin.” Ginawaran niya ito ng masuyong halik sa noo. Maging ang mga labi sana nito ay dadampian niya ng halik kung hindi lamang mabilis na naiharang nito ang mga daliri sa labi niya. “Mali ka. Meron naman akong regalo, kaso lang, hindi ko maibibigay agad,” makahulugan ang ngiting pagtatama ng kabiyak sa mga unang sinambit niya. “What do you mean?” Magkasabay na napangiti siya at nagsalubong ang mga kilay niya sa pinaghalong amazement at pagtataka. “Kung may regalo ka pala, ba't 'di mo pa ibigay ngayon? Kailan mo balak?” “Mag-promise ka munang kahit awayin kita nang awayin, hindi ka mapipikon sa 'kin. Dapat, huwag kang pumayag na maghiwalay tayo ulit.” Mas lalo siyang naguluhan. Kailan ba sila huling nag-away at muntik magkahiwalay? Napakatagal na. “O-oo, s'yempre naman. Pangako. Hindi talaga ako papayag,” kumpirmasyon pa rin niya. Bago ito tumugon ay hinanap pa ang isang kamay niya at habang hawak iyon ay ipinatong sa ibabaw ng tiyan nito. “Hmm... kung gano'n, 'yung gift ko, siguro mga eight months from now mo pa makukuha.” Naramdaman ni Zigfreid ang pangingilabot sa kaniyang buong katawan. Pinagpawisan siya nang malamig nang sa wakas ay mahulaan ang ipinahihiwatig ni Mary Ann. “B-buntis ka?” nanlalaki ang mga mata at halos hindi makapaniwalang bulalas niya. “Buntis ka ulit?!” Natawa si Mary Ann kasabay ng excited na pagtango. “Six weeks. Noong isang linggo ko lang nalaman, noong bumisita kami ng mga bata kay Mommy.” Halos hindi na siya nakapagsalita pa dulot ng labis na antisipasyong nadarama. Kung hindi lang siya nangangambang mag-alburoto ang tatlong anak kapag naistorbo sa pagtulog ay nais niyang gisingin ang mga ito para idamay sa kasiyahan niya. “Thank you... thank you, mahal! The best ka talagang manurpresa!” Nanginginig ang mga kamay na hinaplos niyang muli ang impis pang tiyan ng asawa. “Kung makapag-react ka naman, parang first time nating magkaka-baby,” tudyo nito sa kaniya, bagama't halatang naaaliw sa reaksyon niya. Hindi na lamang siya umangal. Totoo namang walang pinagkaiba ang nadarama niya ngayon sa kung gaano siya nagalak nang malamang paparating na sina Celine, Mario at Ingreid sa mga buhay nila, at para sa kaniya ay normal lang iyon at walang masama roon. “Ang suwerte ko talaga sa 'yo, Mary. I love you... so much.” Ubod-tamis na ngiti ang isinagot sa kaniya ni Mary Ann. Kasunod noon ay ito na mismo ang kumabig sa kaniya upang magkadikit ang mga labi nila. WAKAS
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD