Prologue
WARING may malalaking mga batong nakadagan sa mga paa ni Mary Ann habang naglalakad siya palapit sa bahay ng mga Lacson. Sa bawat hakbang ay nadaragdagan ang kabang nadarama niya, lalo na nang nasa labas pa lang siya ng gate ay namukhaan na ng kasambahay na pumasok sa kabahayan at mukhang tatawagin ang amo nito. Samantalang pinatuloy naman siya ng security guard na bumati pa sa kaniya.
“Mary! What brings you here?” balewalang bungad ni Zigfreid nang labasin siya.
Normally ay masaya siyang palaging nakikita ang lalaki at naririnig ang boses nito, subalit nang mga sandaling iyon, lihim niyang nahiling na sana’y hindi na lang ito nakaharap. Naduduwag siyang ituloy ang plinanong gawin bago magpunta roon, pero obviously, huli na para umatras.
“Ah… uhm, n-nagtaka lang ako kung bakit hindi ka nagpaparamdam.” Pinilit niyang pakaswalin ang tinig. “Baka ‘ka ko… kung ano'ng nangyari sa ‘yo.”
“Anong mangyayari sa ‘kin? Wala! I just… took some time para i-enjoy naman ang buhay-binata ko. Parang nakalilimutan ko na kasing binata pa nga pala 'ko, eh.” Tumawa pa ito, na parang napakawalang kuwenta ng sinabi niya. “Wala namang masama ro'n, 'di ba?”
Kung umasta ito, parang wala siya ni katiting na importansya para dito. Parang hindi man lang siya na-miss kahit kaunti. Parang wala itong pakialam sakaling isa sa mga araw na hindi siya nito kino-contact ay masagasaan siya sa kalsada at mamatay.
Muntik na siyang mapahikbi. Nananakit na ang lalamunan niya ngunit tinitiis niya iyon, huwag lamang siyang mapaluha sa harapan ni Zigfreid. Gusto niyang sampalin ito at sumbatan sa p*******t na ginagawa sa damdamin niya pero... wala nga pala siyang karapatan.
Dahil isang palabas lang ang relasyon nila.
“Anyway, tinanong mo ako no’n kung paano natin tatapusin ang palabas, ‘di ba? May naisip na ako.” Nagpatuloy ito nang hindi siya umimik. “Once na isa sa ‘tin, nakahanap na ng totoong mamahalin, sabihin na lang natin sa lahat na nag-break na tayo. Kaya malaya na tayong magmahal ng iba. That way, no one will ever know that we lied about us.”
Hindi niya naitago ang disappointment. “Pa’no mo nasasabi sa 'kin ‘yan? Siguro, ikaw, nakahanap na ng totoong mamahalin, ano?”
Natameme ang lalaki. Animo may nais sabihin ngunit hindi mailabas.
“Tingin mo, kailan ko masasabing nahanap ko na ‘yung taong tunay kong mamahalin?” sa halip ay balik-tanong nito.
Lumunok siya... Huminga nang malalim pero walang sinabing anuman. Tinitimbang muna niya kung iyon na nga ba ang tamang panahon para magtapat dito.
Pero bakit nga ba hindi? After all, pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay sigurado namang hindi na niya kakayanin pang magpatuloy sa kalokohang ginagawa nila. Lalo na sa tuwing maaalaala niya kung paano siya pinakiharapan nito ngayon.
Oras na nga siguro para tapusin ko ang lahat.
“Hindi ko rin alam. Palagay ko, wala naman talagang eksaktong panahon kung kailan mo masisiguro ‘yon. Basta, sa bawat araw na nagigising ka, mabubuhay ka lang at aakto sa paraang inaakala mong tama ayon sa dikta ng bawat sitwasyon; kasama ‘yung taong itinutulak ng tadhana para makasama mo. Hanggang sa... hindi mo mamamalayang ‘yung mga bagay na ginagawa mo lang dahil sa obligasyon, ‘yon na pala ‘yung nagiging rason ng bawat pagngiti mo, ng kaligayahan at ‘yung kukumpleto sa araw at buhay mo.
“Parang ako. Pumayag lang ako nung una na magpanggap na girlfriend mo para hindi kami magkagulo ng Lola ko. Dahil akala ko, 'yon ang makabubuti para sa kaniya. Hanggang hindi ko napansing sa pagtagal, n-nahulog na pala ang loob ko sa ‘yo. N-na…” Diretso siyang tumingin sa naguguluhang mga mata nito. “mahal na pala talaga kita.”
Mas nagtatagal ang pananahimik ni Zigfreid, mas dumarami ang tila ngumangatngat na daga sa puso ni Mary Ann.
Iyon lang naman talaga ang ipinunta niya roon: ang alamin kung may katugon ang pag-ibig na nadarama para sa lalaki o wala. Idinalangin niya sa Diyos na patnubayan ang lakad niyang iyon, at base sa kalamigang ipinamalas sa kaniya ni Zigfreid nang makaharap siya, sa paglalahad nito ng plano kung paano tatapusin ang kunwariang relasyong namamagitan sa kanila, at sa pananahimik lang nito matapos niyang umamin ng damdamin, mukhang dumating na ang sagot na hinihintay niya.
Tama na ang dalawang beses na nilakasan niya ang loob sa pagtawag sa lalaki noong makalawa at sa pagtatapat ng buong katotohanan sa harapan nito ngayon. Tama na rin ang dalawang beses siyang mabigo at masaktan. Hindi na kailangang ipagpilitan pa kay Zigfreid ang tsansang inaasam sanang makuha, sa gayon ay lubusang matapakan ang dangal niya bilang babae.
Hindi niya gustong sa huling pagkakataon ay bumaba nang husto ang tingin nito sa kaniya.
“Ngayon, alam mo nang nakahanap na ‘ko ng totoo kong mamahalin. May sapat na tayong dahilan para tapusin ang pagpapanggap.”
Iyon lang at tuluyan na siyang tumalikod.