Chapter 01: Alibi

2595 Words
ALL SMILES si Mary Ann habang nakaharap sa full length mirror na katabi ng kaniyang aparador at sinusuklay ang abot-baywang niyang buhok. Nang masigurong maayos na ang hitsura niya ay nagwisik naman siya ng pabango sa magkabilang gilid ng kaniyang leeg. Palabas na sana siya ng kaniyang kuwarto nang bigla namang bumukas ang pinto niyon. Bumungad sa kaniya ang mukha ng pinsan niyang si Thea. "Hi couz! Sorry, 'di na 'ko kumatok. Bihis na bihis ka, ha?" bati nito sa suot niyang floral na bestida matapos silang umupo sa gilid ng kaniyang kama; madalang lang kasi kung magsuot siya ng ganoon kagarang damit. Ginantihan naman niya ng ngiti ang magandang bati sa kaniya ng pinsan. "May date kasi kami ni Lola ngayon. Paalis na nga dapat kami, eh." "Ah, so nakaiistorbo pala 'ko, gano'n?" nakanguso pang anito, halatang nagpapa-cute na naman. "Sira! Hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin." "Alam ko! Ito naman, para nagbibiro lang 'yung tao. Nabanggit nga sa 'kin ni Lola nung naabutan ko siya sa sala na lalabas daw kayo. Saan ba'ng punta n'yo?" "Manonood lang kami ng sine. May bagong pelikula kasi 'yung paborito niyang love team. Gusto mong sumama sa 'min?" Umiling si Thea. "Maybe next time. May lakad din kasi ako ngayon eh. Dinaanan lang talaga kita." "Eh, bakit nga ba? May kailangan ka sa 'kin?" "Actually Mary... I need your help. May hihingin sana akong favor, kung okay lang sa 'yo?" Napangiti si Mary Ann. Sinasabi na nga ba niya. Basta't bigla na lang sumulpot si Thea nang hindi nagsasabi sa kaniya ay tiyak na may pabor na naman itong hihingin. "Depende. Ano bang pabor iyon?" "Hmm... bale... mahabang usapan kasi eh. Hindi ko naman nalaman agad na may lakad ka bago ako sumugod dito. Mas mabuti siguro kung mamaya ko na lang ipaliwanag sa 'yo. Ayos lang ba?" Kumunot ang kaniyang noo. Mas lalo tuloy siyang naintriga dahil sa sinabi ni Thea na mahabang usapin ang ipinunta nito. "Mukhang malaking pabor ang hihingin mo sa 'kin, ah?" nanghuhuling tanong niya. "Ah, oo eh. Ang totoo, medyo malaking pabor nga," nag-aalangang kumpirmasyon ni Thea. "Naku! Basta siguraduhin mo lang na hindi kalokohan iyan, ha? Siya sige, mamaya mo na nga lang sabihin sa 'kin at hinihintay na ako ni Lola sa baba." Iwinaksi muna ni Mary Ann sa kaniyang isip ang kung anumang malaking pabor na tinutukoy ni Thea at nag-focus na lang sa bonding time nila ng Lola Eming niya. Masayang-masaya siya dahil nakikita niya sa mukha nito na sobra nitong na-enjoy ang paglabas nilang iyon. Mula musmos pa lamang siya ay ang matanda na ang nag-aruga sa kaniya dahil sa hindi naging magandang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Kaya ngayong nasa tamang edad na siya at nakakaya nang tumayo sa sariling mga paa, wala siyang ibang gustong gawin kundi ang mapasaya ito at maibalik ang lahat ng kabutihan at pagmamahal na ibinigay nito sa kaniya. "O, 'La, inom na po kayo ng gamot n'yo," aniya matapos kumuha ng isang tableta ng gamot pang-maintenance ng Lola niya. Pagkauwing-pagkauwi sa bahay ay iyon agad ang inasikaso niya. "Nagustuhan n'yo po ba 'yung pinanood nating movie?" "Oo naman, apo. Salamat sa panlilibre sa akin ng ticket sa sinehan." Bakas sa mukha ni Lola Eming ang kagalakan sa simpleng pagkapanood sa mga paborito nitong artista. "Sus! Wala ho iyon, Lola. Kayo pa po ba? Malakas po kayo sa 'kin eh!" masiglang ani Mary Ann na yumapos pa sa kaniyang abuela. Hindi pa sana sila maghihiwalay kung hindi tumunog ang cellphone niya. Nag-text si Thea. "Bakit, apo? May problema?" usisa ni Lola Eming nang mabanaag ang pag-aalinlangan sa mukha niya. "Sino ba iyang nag-text? Nobyo mo?" "Si Lola talaga! Wala po akong boyfriend. Si Thea po kasi, nag-text. Tinatanong kung puwede akong pumunta sa bahay nila." "O, eh, bakit gan'yan ang hitsura mo?" "Okay lang po bang maiwan ko muna kayong mag-isa rito? Wala po kayong kasama." "Susmaryosep! Huwag mo akong intindihin. Kaya ko ang sarili ko," natatawang sambit ng matanda. "Pero akala ko talaga, makikipag-date ka." "Lola, kung may boyfriend po ako, kayo ang unang makaaalam. Dadalhin ko po siya agad dito sa bahay natin." "Naku! Eh kailan ka nga ba magkakaroon ulit ng kasintahan, bata ka? Aba, eh, tatlong taon na rin nung huling may ipinakilala kang lalaki sa 'kin." "Lola, twenty-three pa lang naman po ako. Saka 'di ba po, kayo po ang nagturo sa 'kin na dapat hindi minamadali ang pag-ibig? Para hindi po magkamali sa pagpili at ma-enjoy 'yung bawat stage ng pakikipagrelasyon." Ipinagmamalaki ni Mary Ann na hindi niya nakalilimutan at nai-a-apply pa niya sa buhay niya ang lahat ng ipinangaral sa kaniya ni Lola Eming. "Mabuti naman at natatandaan mo pa pala ang lahat ng mga sinabi ko sa 'yo." "S'yempre naman po! O pa'no, alis na muna po ako, ha? Bibili na rin ako ng panghapunan natin sa labas, para kakain na lang po tayo pag-uwi ko." Humalik pa siya sa pisngi ng kaniyang lola bilang pamamaalam. Ngunit bago tuluyang umalis, nagbihis muna siya ng maong pants at cotton shirt na mas komportable kumpara sa suot niyang dress. NANG makarating si Mary Ann sa mansyong tinitirhan nina Thea ay ang Tita Cielo niya ang naabutan niya sa sala. Abala ito sa panonood ng TV habang prenteng nakaupo sa sofa, ngunit nang mapansin ang pagdating niya ay agad din itong tumayo at bumeso pa sa kaniya. "Long time no see, hija. Bakit napadalaw ka?" nakangiting tanong nito. "Pinapupunta po kasi ako ni Thea. Nasaan po siya?" "Gano'n ba? Nasa kuwarto niya ang pinsan mo. Umakyat ka na lang at baka hinihintay ka na noon." Tumango na lang siya at maayos na nagpaalam sa tiyahin saka pinuntahan ang talagang pakay. Hindi pa narinig ni Thea nang pihitin niya ang seradura ng pinto ng kuwarto nito dahil sa pagiging tutok nito sa cellphone. "Huy! Busy ka masyado riyan, ha?" panggugulat niya nang makaupo sa kalapit na silya ng kama nito. Napakislot naman at napairap si Thea sa ginawa niya. "Couz naman! H'wag mo naman akong ginugulat. Akala ko kung sino na, eh! Ka-text ko pa naman si James." Kumunot ang noo ni Mary Ann sa pangalang binanggit nito. "James? James, as in 'yung ex mo?" Tumango naman agad si Thea, kaya't dagling sumilay ang nanunuksong ngisi sa labi niya. "Bakit ka-text mo na naman 'yon?" "Eh kasi..." Lumapit ito sa tabi niya at bumulong. "May sasabihin ako ha? Atin-atin lang ito." Tumango na lang siya at hinayaan itong magpatuloy, kahit may ideya na siya kung ano ang sasabihin nito. "Boyfriend ko na kasi ulit si James. Kami na ulit." Bagama't inasahan na niyang marinig iyon ay ikinagulat pa rin niyang iyon nga talaga ang sinabi ni Thea. Alam kasi niya kung gaano ang pagtutol ng tiyuhin at tiyahin sa binata para sa anak ng mga ito. "Ano?!" Pinigilan niya ang pagtaas ng boses sa pangambang may sinumang makarinig sa kanila. "Eh, paano ang mga magulang mo? Pinayagan na ba nila kayo?" "Hindi pa rin nga, eh." "So paano na kayo n'yan? Secret lovers?" "Oo... parang gano'n na nga." Naiiling na napapalatak si Mary Ann. "Mahirap ang sitwasyong pinasok ninyo, Thea." "Alam ko naman 'yon. Kaya nga... kaya nga ako humihingi ng tulong mo, eh." Napaawang ang bibig niya. Ano naman ang kinalaman niya sa itinatagong relasyon ng dalawa? "Ha? Pa'no naman ako nasali sa topic na 'yan? Saka ano nga pala 'yung pabor na gusto mong hingin sa 'kin?" "Basta! Mamaya na lang ako magpapaliwanag. Basta ngayon, tulungan mo muna akong tumakas kina Mommy ha? Sakyan mo lang ang mga sasabihin ko," halos paanas na sabi ni Thea. Nagsalubong na naman ang mga kilay niya. Ngayon pa lang ay parang hindi na niya nagugustuhan ang binabalak nito. "Ano? Bakit kailangan kitang itakas? Saan ba tayo pupunta? Teka nga Maria Mattea! Baka kung anong kabulastugan ang ipagagawa mo sa akin ha?" defensive na pag-angal niya, wala pa man. "Couz, 'wag ka munang hysterical. Tulungan mo na lang ako, please?" Huminga nang malalim si Mary Ann. Minabuti niyang makinig na lang sa sinasabi ni Thea, hangga't hindi pa niya naririnig ang buong kuwento ng pakikipagbalikan nito kay James. "NGAYON, nakaalis na tayo sa inyo. Puwede mo na bang sabihin sa akin kung saan ang punta natin?" Sakay na sila ng kotse ni Thea pero hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin ito nakapagpapaliwanag sa kaniya. Saglit siyang sinulyapan nito kahit pa abala ito sa pagmamaneho. "Pupunta tayo sa bahay nina Zig." "Sinong Zig? Yung best friend ni James?" paniniguro niya. "Uh-huh," ngiting-ngiti pang anito at halatang tuwang-tuwang nakatakas sila, samantalang siya naman ay hindi na maawat sa pagtataas ng kilay. Hindi naman isang estranghero para sa kaniya si Zig. Kabarkada nga nila ito, kung tutuusin. Iyon nga lang, sa grupo nila ay ang lalaki na ang maituturing niyang pinakahuling ka-close. Understatement ang sabihing guwapo si Zig. Sa paningin ni Mary Ann, artistahin ito. Mas makalaglag-panty pa ito kaysa mga hunk celebrity na pinagpapantasyahan palagi ni Thea. Bagay na mukhang feel na feel naman ng binata, kaya ubod ito ng babaero. Hindi nga niya ma-imagine kung ilang kabaro na niya ang literal na nalaglagan ng panty sa harapan nito. Iyon lang ang nakikita niyang dahilan kaya sa limang taong kakilala niya ang lalaki ay nanatiling malayo ang loob niya rito, sa kabila ng kabaitan din nitong taglay. "Anong gagawin natin do'n? At isa pa, bakit mo sinabi kay Tita na pupunta tayo sa bahay ng boyfriend ko? Ha? Ni wala nga akong boyfriend, eh!" naiiritang singhal niya kay Thea. Iyon kasi ang idinahilan ng pinsan niya sa ina nito, payagan lang silang makaalis---ang sleepover kuno nila na gaganapin sa bahay ng 'boyfriend' niya. Hindi naman siya makatanggi dahil hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ni Thea sa sandaling sirain niya ang gawa-gawang kuwento nito. "Eh, pasensiya ka na, Mary. Naubusan ako ng alibi eh. Hindi ko naman kasi akalaing magtatanong pa si Mom kung saan gaganapin ang sleepover natin." Napairap siya sa ere. "Ano nga ba kasing gagawin natin kina Zig?" "Doon kami magkikita ni James." "Hay naku, Maria Mattea! Kahit kailan, napakapasaway mo! Siguraduhin mo lang na hindi ako mapapahamak sa pinaggagagawa mo ha?" "Huwag kang mag-alala, couz. Sagot kita. If ever mang magkabukuhan kami nina Mommy, sisiguraduhin kong hindi ka madadamay kung magalit man sila." "Dapat lang." Napabuntong-hininga siya. "Kasasabi ko lang kay Lola na wala pa akong balak mag-boyfriend. Ano na lang ang gagawin ko kapag nakarating sa kaniya ito?" "Hindi ito makararating sa kaniya. I'll make sure of that," paniniguro ni Thea na kumindat pa sa kaniya. "HANGGANG kailan n'yo ba balak ni Thea na itago 'yang relasyon n'yo?" usisa ni Zigfreid sa kaibigang si James. Kung bakit naman kasi hindi na lang nito harapin ang mga magulang ng dalaga. Tuloy, pati siyang nananahimik ay nadadamay sa simpleng pagkikita lang ng dalawa. Mabuti na lamang at wala ang Mama at mga kapatid niya sa bahay nang gabing iyon. "Ipagtatapat din naman namin ito sa parents niya, eventually. Ayaw lang naming paghiwalayin na naman nila kami kapag nalaman nilang nagkabalikan kami." "Well, you better do that as soon as possible. Dahil kapag nalaman ng mga magulang niya na naglihim kayo, baka mas lalo ka nilang hindi matanggap para sa unica hija nila," prangkang payo niya. "I know. Kaya lang, ito kasi ang hiniling ni Thea. Kailangang mapatunayan ko muna kina Tita Cielo na nagbago na at matino na akong lalaki, bago ako magpakilala ulit bilang boyfriend ng anak nila." Halos mag-iisang oras din ang ipinaghintay nila bago dumating si Thea kasama ang pinsan nito. Alam ni Zigfreid na kailangan ng privacy ng magkasintahan kaya iniwan niya muna ang mga ito at hinayaang mag-stay sa sala, habang siya naman ay humantong sa pool side ng bahay nila kung saan naratnan niya si Mary Ann na nakaupo sa bench malapit sa tubig. "Ikaw siguro ang isinangkalan ni Thea sa pagtakas niya sa kanila, ano?" Dahil sa pagkabagot ay naisipan niyang makipagkuwentuhan dito, kahit na hindi iyon normal na gawain para sa kaniya. Tuloy ay parang nagulat pa ang babae nang magsalita siya. "Ah, o-oo eh. Ang sabi niya kay Tita..." Ibinitin nito ang sinasabi kaya napaangat ang mga kilay niya. "Magsi-sleepover daw kami." "Sleepover? Iyon talaga ang ipinalusot niya ha? So wala pala kayong balak na umuwi ngayong gabi." Pambihira! Ang usapan nila ni James ay katatagpuin lang nito ang girlfriend sa bahay niya. Hindi kasali ang pagpapalipas doon ng gabi. Dagling umiling si Mary Ann. "Ay, hindi, si Thea lang siguro. Aalis din naman ako mayamaya." Pagkatapos noon ay pareho silang natahimik. Palibhasa'y hindi naman close kaya wala silang maisip na pag-uusapan. Naupo rin si Zigfreid sa kabilang dulo ng upuang inookupa ni Mary Ann. Doon siya nagkaroon ng pagkakataong mapagmasdan ang dalaga. Pinag-aralan niyang mabuti ang bawat parte ng mukha nito---ang bahagyang matambok nitong pisngi, matangos na ilong, manipis na labi, may pagkasingkit na mata, at ang natural na malagong kilay at malantik na pilikmata nito. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang nunal nito sa kaliwang bahagi ng mukha na dinaraanan ng luha. Bahagyang napailing siya. Napakaganda ni Mary Ann, kaso ay hindi naman ang mga katulad nito ang tipo niyang babae. Sa tinagal-tagal na nakakadaupang-palad niya ito at sa pamamagitan na rin ng pinsan nitong si Thea ay napag-alaman niyang masyado itong seryoso at pihikan pagdating sa pag-ibig. Madali makuha ang loob nito at pakitaan lang nang kaunting kabutihan ay mapapalapit na agad sa isang tao, ngunit kapag nakatunog na higit pa sa pakikipagkaibigan ang habol dito ng isang lalaki ay nangingilag na. Ayaw niya ng ganoon. Ang gusto niya ay iyong mga babaeng daring. Iyong hindi siya pagpapawisan sa panliligaw dahil hindi rin naman pangmatagalang commitment ang hanap. "Sir Zig, may tao sa labas." Nawala ang pagkatulala ni Zigfreid nang marinig ang tinig ng kanilang kasambahay. "Sino po 'yon, Ate Ruby?" "Hindi ko kilala, Sir eh. Matandang lalaki at babae, hinahanap si Ma'am Thea." Nanlaki ang mga mata niya. Hindi pa man nakikita ay malakas ang pakiramdam niyang ang mga magulang ni Thea ang naghahanap dito. Nagkatinginan pa sila ni Mary Ann na halatang nagulat din sa sinabi ng kasambahay, bago nila naisipang sabihin kina James at Thea ang problema. NGUNIT huli na ang dalawa, dahil bago pa makalapit ang mga ito sa kinaroroonan nina Thea at James ay kaharap na nila ang hindi inaasahang bisita. "Mom, D-Dad, p-paano po kayo nakarating dito?" nanginginig na tanong ni Thea. "Pinasundan namin kayo sa bodyguards mo... pero hindi na iyon mahalaga. Ang tanong ay kung bakit nakikipagkita ka na naman sa lalaking 'yan? Anong kalokohan na naman itong ginagawa mo, ha?!" Namumula sa galit at malamlam ang tingin ng kaniyang ama sa kanila ni James. "Ang sabi mo sa 'kin ay magsi-sleepover lang kayo nina Mary. Pati talaga ang pinsan mo ay kinasabwat mo pa sa pagsisinungaling. Gan'yan ba kita pinalaki, ha, Maria Mattea?" dismayadong segunda ng ina niya. Napaiwas ng tingin si Thea. Hindi niya matagalan ang galit na ekspresyong nakikita sa mga magulang. Labis ang kabang nararamdaman niya. Akmang magsasalita na si James nang mapansin ni Thea ang papalapit na sina Mary Ann at Zigfreid. Bigla ay nakaisip siya ng paraan upang makatakas sa senaryong iyon. "T-totoo po ang sinabi ko, Mommy. May sleepover po talaga kami at nagkataon lang na kasama si James. Sa katunayan po..." Nanginginig pa ang kamay niya na itinuro ang direksyon ng magkatabing pinsan at kaibigan niya. Nabasa niya ang pagkabigla at pag-alma sa mukha ng dalawa, pero saka na niya iyon poproblemahin. "Siya po ang boyfriend ni Mary na tinutukoy ko kanina."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD