AWTOMATIKONG naningkit ang mga mata ni Mary Ann sa sinabi ni Thea. Nang sulyapan niya si Zigfreid ay nasaksihan niya ang pag-awang ng bibig nito.
"Totoo ba ang sinasabi ni Thea, Mary?"
Nataranta siya nang siya naman ang balingan ni Tito Hernan. Pabalik-balik ang naging tingin niya rito at sa pinsan niya bago pa siya makaimik.
Sorry Thea, pero hindi kita mapagbibigyan sa pagkakataong ito.
"Ah, Tito Hernan... hindi po---"
"Hindi po ba halata, Sir Hernan?" Bago pa man niya matapos ang sasabihin ay sumabat na ang halatang ninenerbyos na si James. "Totoo po ang sinasabi ni Thea. B-best friend ko si Zig kaya alam ko."
Naihilamos ni Mary Ann ang mga kamay sa kaniyang mukha. Mukhang napagkakaisahan sila ng magkasintahan.
"Teka... teka sandali! Ma'am, Sir,, nagkakamali po kayo ng akala."
Pigil-hininga si Mary Ann sa sandaling si Zigfreid naman ang umalma. Napansin din niya ang paglamlam ng tingin ng binata kina James, gayunpaman ay balewala iyon kay Thea na talagang pinaninindigan pa rin ang inimbentong kuwento.
"Oo nga naman po, Mom, Dad. Mali ang inaakala ninyo tungkol sa amin ni James. Nakadi-disappoint na kinailangan pang pasundan ninyo ako sa bodyguards."
Kabisado na niya ang ugaling iyon ni Thea. Kapag nalalagay ito sa isang sitwasyong wala na itong malusutan ay gagawin nito ang lahat para lang makatakas. Kadalasan, hindi na nito iniisip kung tama pa ang ginagawa o kung may madadamay na ibang tao. Iyon ang naging masamang epekto ng pagiging spoiled nito sa mga magulang.
"Sinisiguro lang naming hindi mo kami sinusuway, kaya huwag mo kaming baliktarin ng Mommy mo," maawtoridad pa ring ani Tito Hernan.
"At ngayong napatunayan n'yo na, masaya na po ba kayo? Kung wala pala kayong tiwala sa akin, sana sinabi n'yo na lang po kaagad. Halika na po, sasama na lang ako sa inyo pauwi."
Iyon lamang at nag-walkout na si Thea at nagmadaling sumakay sa kotse nito. Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Mary Ann na makausap ang Tito at Tita niya nang agad nang sundan ng mga ito ang kanilang anak.
Akmang hahabulin niya ang tatlo nang pigilan siya ni James sa braso. "Huwag mo muna silang sundan. Dito ka muna."
Yamot at nauubusan ng pasensiyang pumiksi siya sa pagkakahawak ng lalaki. "Anong 'wag sundan?! Kailangan kong linisin yung pangalan ko!"
Lakad-takbo ang ginawa niya pagkatapos makawala kay James, maabutan lang ang paalis nang si Thea. Mabilis ang ginawa niyang pagsakay sa passenger seat ng kotse nito bago pa man ito makaangal.
"Ano 'yung sinabi mo kina Tito? Bakit kailangan mong gumawa ng ganoong kuwento?" agad na kastigo niya. "Napakalaking kasinungalingan no'n, Thea!"
"Mary, forgive me, okay? 'Yon lang kasi talaga yung naisip kong paraan para hindi ako mabisto nina Daddy. 'Yon lang ang tanging escape route na nakita ko." Pinaandar na nito ang sasakyan.
"Tapos ano? Ako naman ang ipinahamak ninyo? Kami ni Zig, gano'n?"
"Sorry na talaga. Pero, tutulungan mo naman ako, 'di ba? Pagtakpan mo ako kina Mommy, ha?" Nakuha pa nito ang ngumiti nang nakakaloko, palibhasa'y namihasang lagi niyang sinasalo.
"Alam mo, Thea, sobra na 'to eh! Sumosobra ka na. Siguro nga, nagkamali ako dahil lagi kitang pinagbibigyan. Pwes, sorry din pero hindi kita matutulungan sa ngayon. Hindi ako magpapanggap para sa inyo ni James."
Bigla ang pagpa-panic na lumitaw sa mukha nito. "What? Pero, couz---"
"Wala nang pero, Thea. Hindi ko kokonsintihin ang pagsisinungaling n'yo tungkol sa 'min ni Zig. Pero h'wag kang mag-alala, hindi ko rin sasabihin kina Tita Cielo na wala kaming relasyon. Hahayaan kong sila ang kusang makaalam no'n."
Sandali siyang tiningnan ni Thea, ngunit hindi na ito nagprotesta pa. Sa seryosong hitsura niya ngayon ay nakasisiguro siyang alam nitong hindi na mababago ang isip niya.
DALAWANG linggo ang pinalipas ni Mary Ann matapos ang pangyayaring iyon. Hindi niya muna kinausap ang pinsan niyang si Thea. Ni text, tawag o anumang paramdam ay wala. Iyon ang paraan niya ng pagpapakitang talagang hindi niya nagustuhan ang ginawa nito. Ngunit nang araw na iyon na nag-text ito at nagtanong kung ready na siyang makipagkita ay pumayag na rin siya.
"Mary! Buti at dumating ka. I miss you."
Ngiting-ngiti ito nang salubungin siya sa kaniyang pagdating sa napag-usapang fast food restaurant. Parang sabik na sabik itong makita siya.
"Bakit mo ako pinapunta rito?"
Seryoso pa rin siya. Hindi muna niya ipinahalatang na-miss din naman niya ito.
"Wala lang. Na-miss lang talaga kita. Ang tagal mo kasing hindi nagparamdam eh. Mukhang nagalit ka talaga sa ginawa ko."
Lumambot ang puso niya nang makita ang guilt at kalungkutan sa mukha ni Thea. Paano ba naman niyang matitiis ito, gayong isang kapatid na ang turing niya rito?
"Hindi naman sa galit ako. Gusto ko lang talagang mapag-isipan mong nagkamali ka. Ang hirap kasi sa 'yo, parang hindi ka na nakapag-iisip kung minsan."
"Alam ko naman 'yon eh, kaya nga akala ko, nanawa ka na nang tuluyan sa pagiging spoiled brat ko."
"Puwede ba naman 'yon? Eh bukod sa pinsan kita, ikaw rin ang best friend ko."
"Ikaw talaga! Kaya love kita eh," anito at niyakap pa siya. "Pero alam mo couz, nakapag-isip-isip nga ako nitong nakaraang mga araw. Tama ka eh. Hindi kayo dapat madamay ni Zig sa problema namin ni James. Gusot namin ito, kaya kami ang dapat na umayos."
"So ano na ang balak ninyo ngayon? Pa'no ang relasyon n'yo?"
"Magpapakatotoo na lang siguro kami. Tutulungan ko si James na matanggap siya nina Mommy."
Napapangiti siyang hinawakan ang kamay ng pinsan. "Pagdating d'yan,matutulungan pa kita. Pero, bakit nga ba gustong-gusto mo si James? Kahit noon na parang wala pa siyang balak magseryoso sa buhay, patay na patay ka na sa kaniya."
Nagningning ang mga mata nito kasabay ng pagsagot. "May tiwala kasi ako kay James. Alam kong mabuti siyang tao, at kahit papa'no, may pangarap din naman siya. Iba lang ang paraan niya ng pag-abot sa mga 'yon kumpara sa karamihan. Ang gusto niya, nai-enjoy niya bawat stage ng buhay niya."
"Sa bagay. Kahit ako, alam ko namang mabuti siya. Saka in fairness, nakikita ko ring handa talaga siyang magpakatino para sa 'yo."
"Sige, kailangan ko nang umuwi ah? Mahirap na. Baka kung kailan wala akong ginagawang kalokohan, saka naman magduda sa 'kin sina Mommy kapag nagtagal akong wala sa bahay," mayamaya'y paalam ni Thea.
"MABUTI naman at natauhan kayo ni Thea. Hindi iyong idadawit n'yo pa pati ang pangalan ko sa kalokohan n'yo," kunwaring yamot na ani Zigfreid kay James.
Kapuwa silang nakasandal sa kani-kaniyang motor matapos ang kanilang pagkakarera, kung saan tulad ng dati ay si Zigfreid na naman ang panalo.
"Pasensiya ka na ulit, pare. Nataranta lang talaga kami that time, pero naisip namin ni Thea na mali talaga kami. Don't worry, next time, siguradong hindi na namin kayo idadamay."
"Dapat lang. Ang dami ko na ngang iniisip, dadagdag pa kayo eh." Pinagtatawanan na lang nila ang nangyaring insidente.
Sumeryoso ang mood ni James sa kaniyang sinabi. "Teka nga, ano na naman nga bang problema mo? Sabi na nga ba. Bad trip ka na naman siguro kaya ka nagyayang makipagkarera, ano?"
Umasim ang mukha niya sa tanong na iyon. "Si Mommy kasi, ang kulit! Pilit akong hinahanapan ng bagong nobyang ipakikilala sa kaniya."
"O, bakit pinakikialaman na ngayon ni Tita Marissa ang love life mo?" Natawa ang kaibigan sa dahilan ng pagka-bad trip niya.
Ganoong-ganoon ang tanong niya sa sarili, pero wala naman siyang mahanap na maisasagot. "Ewan ko ba, pare! Siya ang natataranta para sa 'kin, eh. Sa edad ko raw na twenty-seven, dapat mag-asawa na 'ko."
Wala naman sana siyang angal doon, dahil kung tutuusin ay halos pareho lang sila ng gustong mangyari ng ina. Pumapasok na rin sa isip niya ang lumagay sa tahimik, ang kaso'y hindi pa nahahanap ang tamang makakapareha. Kaya nga hanggang ngayon ay patuloy pa rin siya sa pakikipag-hang out sa mga nakikilalang bebot sa pag-asang matagpuan na ang perfect match niya. Lamang ay unti-unti na rin siyang nawawalan ng gana sa pakikipag-date, lalo pa't nobenta porsyento ng mga nakakasama niya'y mas wild pa kaysa sa kaniya. Hindi nauunawaan ng mga ito na malalim na pakikipagkilala lang ang habol niya at hindi makamundong kaligayahan.
Hindi na mabilang sa mga daliri ang mga babaeng namuhi sa kaniya dahil sa pagtanggi niya sa mga ito. Ilang beses na siyang natawag na corny, boring, paasa at kung anu-ano pang mga pang-iinsulto. Pero wala siyang pakialam doon dahil alam niya ang kaniyang pinanggagalingan.
"Baka naman gusto lang ni Tita na magkaapo na. Eh, bakit nga ba hindi ka pa maghanap ng bagong syosyotain? Himala yata, ah?"
Nakaltukan niya si James sa huling sinabi. "Sira! Sa ayoko pa, eh. Na-miss ko ang pagiging single."
"Ugok! Ang sabihin mo, wala lang gustong pumatol sa iyo!"
Kahit kailan talaga yata ay hindi makakausap nang matino ang lalaking ito! Nagsisisi siya kung bakit nag-open-up pa ng problema dito.
PAG-UWI ni Mary Ann ay agad siyang nagmano kay Lola Eming. Iyon ay kahit pa ang nakabusangot na mukha nito ang naabutan niya.
"O Lola, bakit po kayo nakasimangot? May masakit po ba sa inyo?"
"Nagtatampo ako sa iyo, apo."
Naalarma siya sa tugon nito. "Ano po? Bakit naman po, Lola? May nagawa po ba akong hindi maganda?"
Lumuhod siya sa harapan ng nakaupong matanda upang magpantay sila.
"Kaninang tanghali, napadaan dito ang Tita Cielo mo para kumustahin ako. May nabanggit siya sa 'kin noong nagkakuwentuhan kami."
Nabanggit? Teka... h'wag mong sabihing... Namutla siya sa naiisip.
"A-ano pong nabanggit ni Tita?" Sana mali ako.
"Sinabi niya sa aking may nobyo ka na."
Patay! Pa'no na 'to? Nakarating nga kay Lola!
Nagpa-panic na ang kalooban niya. Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag ang lahat sa Lola Eming niya.
"Ah, Lola, kasi po---"
"Ang sabi mo sa akin, kapag nagkanobyo ka ay ako ang unang makaaalam. Pagkatapos ngayon, kay Cielo ko pa pala malalamang may boyfriend ka na."
Napayuko na lang siya at napakagat-labi. Mukhang mas lalo pang lalaki ang problema niya ngayong nakarating sa lola niya ang tungkol sa relasyon nila ni Zigfreid.