SUNUD-SUNOD at nagmamadali ang pagkatok ni Mary Ann sa nakapinid na pinto ng kuwarto ni Thea. Wala siyang pakialam kahit manakit pa ang mga buto niya sa daliri sa ginagawa. Habang tumatagal na hindi siya nito pinagbubuksan ay mas dumodoble ang bilis ng kabog ng puso niya.
"Ano ba 'yan! Para kang hinahabol ng kabayo kung makakatok, ah? What's the matter ba?" naiiritang bungad ni Thea na hindi na nagulat na siya ang napagbuksan ng pinto.
Hindi pinansin ni Mary Ann ang pagkayamot ng pinsan, sa halip ay itinulak ito papasok ng kuwarto bago niya natatarantang ini-lock muli ang doorknob.
"May malaki tayong problema, 'insan," paanas niyang bungad bago ikinuwento ang buong pangyayari.
"U-uhm... s-sorry na po, Lola. Hindi ko lang po agad naipakilala sa inyo ang boyfriend ko kasi... k-kasi kasasagot ko lang po sa kaniya three weeks ago. Gusto nga po sana niyang pumunta rito para ma-meet kayo kaso... bigla po siyang nagkaro'n ng out of town trip sa trabaho niya. Huwag na po kayong magtampo, oh?"
Hinawakan ni Mary Ann ang kanang kamay ng matanda at masuyong pinaghahalikan habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Tumigil lamang siya nang ipatong nito ang isa pang kamay sa ulo niya.
"O siya, patatawarin na kita. Pero bago iyon, may kondisyon ako."
"Ano po iyon?"
"What?!" Halos lumuwa ang eyeballs ni Thea sa sobrang gulat. "Gusto ni Lola Eming na ipakilala mo sa kaniya si Zig?"
Nanlulumo siyang tumango. "Ganoon na nga. Eh, alam naman nating hindi rin pabor si Zig sa pagpapanggap na kaming dalawa. At isa pa, ayoko na rin namang palakihin pa ang kasinungalingang 'yon. Pero kung malalaman ni Lola na gawa-gawa lang ang relasyon namin at wala akong ginawa para i-correct ang maling pagkakaalam ni Tita, tiyak na malalagot ako sa kaniya."
"At ang malala pa, baka magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan niya kung madi-disappoint siya sa iyo," pagsalo ni Thea sa mga nais pa niyang sabihin.
"Iyon na nga ang mas ikinatatakot ko, eh."
Hindi nakaimik si Thea, imbis ay tinitigan lang siya gamit ang apologetic na mga mata. Ngunit nang waring may maalaala ito, biglang napuno ng pagkataranta ang mga matang iyon.
"So, ano? What are we going to do? Aamin ba tayo kay Lola o gusto mong kausapin natin si Zig para tulungan ka?" Sinunggaban nito ang kamay niya. "Bilisan mong mag-decide habang may oras pa."
"Anong ibig mong sabihin?"
"S-si... si James kasi... nagkausap na kami kanina bago ka dumating. Malamang, on the way na siya papunta rito para sabay naming aminin kina Mom and Dad 'yung sa amin."
"Ano?! P-pa-paano na 'yan? Kapag nagkataong naunahan tayo nina Tito at Tita na makaharap si James, paniguradong mapakakanta na siya at eventually, mabubuking na rin ng parents mo na pekeng boyfriend ko lang si Zig."
Nasapo ni Mary Ann ang noo gamit ang nanlalamig nang kanang kamay. Hindi pa man siya nakapag-iisip ng solusyon sa problema ay mukhang maiiwan na siyang walang ibang pagpipilian.
"Ah... Uhm... Mabuti pa, let's go downstairs na muna. Salubungin na natin si James bago pa siya makita ng parents ko." Palundag na tumayo si Thea mula sa kama. "Tara!"
Pero kahit gaano pa kagusto nina Mary Ann at Thea na agapan ang mga mangyayari, mukhang wala na rin silang magagawa. Nasa kalahati pa lang kasi sila ng hagdanan ay natanawan na nila ang hindi maipintang mukha ni James na kausap ng dalawang taong ipinananalangin nilang huwag makaharap ng binata sa mga sandaling iyon.
"Huli na tayo, Thea," nanginginig ang mga tuhod at natutulirong bulong ni Mary Ann na halos siya lamang ang nakarinig.
Wala naman sanang problema sa kaniya sakaling magkabukuhan man at masisi siya ng Tito at Tita niya sa ginawang pangongonsinti kay Thea. Nakahanda siyang tanggapin ang lahat ng sermon at maaaring masakit na salitang aabutin mula sa mga ito dahil batid niyang may pagkakamali siya. Ang tanging inaalaala niya ay si Lola Eming. Pihadong magdaramdam ito nang husto at magagalit sa kaniya oras na mabunyag dito ang kalokohang kinasangkutan niya. Iyon pa naman ang pinakaiingatan niyang huwag mangyari dahil noong huling nagkaroon ng matinding sama ng loob ang matanda, inatake ito sa puso at ilang araw na nanatili sa ospital.
Natatakot siya sa maaaring malalang kahinatnan ng Lola niya. Bukod kay Thea at sa mga magulang nito na hindi naman niya masyadong ka-close, si Lola Eming na lang ang natitirang pamilya niya. Hindi niya alam ang gagawin sakaling maging ito ay mawala pa sa kaniya.
"Thea! Bumaba ka nga rito!"
Napapitlag siya at natauhan sa umaalingawngaw na boses na iyon ni Tito Hernan. Saka lang niya napansing nakalingon na pala sa kinatatayuan nila ng pinsan ang tatlong taong kanina ay pinanonood lang nila.
Halos wala pa rin siya sa sarili nang tangayin ni Thea palapit sa mga ito.
"Anak!" nagugulumihanang bulalas ni Tita Cielo. "Ano itong sinasabi ni James na gusto niyang hingin ang basbas namin ng Daddy mo? Magpaliwanag ka nga!"
"'Ma... D-dad... kasi po," ibinitin ni Thea ang sinasabi at saglit na nilingon si Mary Ann bago lumipat sa tabi ni James, "James and I are back together. And... pinapunta ko po siya rito ngayon para sabay naming aminin sa inyo ang lahat."
Parang natulig ang tainga ni Mary Ann. Sa dami ng tumatakbo sa isip niya ay hindi na niya lubos naunawaan ang pag-uusap ng mag-anak. Ngunit isa lamang ang natitiyak niya: sa takbo ng mga pangyayari ay wala na rin siyang takas pa sa magiging hinanakit ng Lola niya. Ang puwede na lang niyang gawin ay ang manalanging hindi magkatotoo ang mga ikinatatakot niya.
"Sandali, ang ibig bang sabihin nito, ginamit mo lang talaga ang pinsan mo noon para malusutan kami?" naulinigan niyang itinanong ni Tito Hernan bago siya balingan, na lalong nagpatindi ng kabang nadarama niya. "Mary, you tell us. Kasinungalingan lang din ba ninyo ni Thea na may boyfriend ka at siya ang pinuntahan n'yo noong sinundan namin kayo? Don't you dare lie this time!"
Nanlamig nang husto ang katawan ni Mary Ann at pakiramdam niya ay nanginginig ang kaniyang mga kalamnan. Maging ang mga mata niya ay namasa sa takot sa kaniyang tiyuhin pati na sa kawalan ng masasabi.
"Sagutin mo ang Tito mo, Mary," segunda pa ng mukhang dismayado ring si Tita Cielo.
"I... I-I'm sorry po, T-tito, Tita---"
"Kasalanan ko po, Ma'am, Sir. Tinulungan ko si Mary noon na pagtakpan si Thea at ang best friend ko," maagap na pagsalo ni Zigfreid, na noon lang namalayan ni Mary Ann na naroon din pala. "Pero, iyon lang po ang pagkakamali namin kaya kung puwede po sana... huwag na ninyong sisihin pa ang girlfriend ko. Natatakot na po kasi siya sa inyo."
Hindi naiwasan ni Mary Ann ang mapatitig at mapatulala kay Zigfreid na ngayon ay katabi na niya at hawak pa ang kaniyang kamay.
Ano'ng ginagawa ng lalaking ito? Bakit pinaninindigan pa rin niyang girlfriend niya 'ko?
Kung ilang minutong nanahimik, nagkatitigan at hindi nagsisagot ang mag-asawa, bagay na halos pumatid sa mga hininga nina Mary Ann, Thea, James at Zigfreid.
"Excuse us for awhile," sa wakas ay sambit ni Tita Cielo. "Dito muna kayong apat. Huwag ninyong isiping abswelto na kayo."
Pumanhik ang mag-asawa sa kuwarto ng mga ito nang hindi hinihintay na sumagot sinuman sa kanila.
"PUWEDE mo bang ipaliwanag kung ano'ng ibig sabihin nung ginawa mo kanina? The last time I checked, tutol na tutol kang maging pretend boyfriend ni Mary."
Nakangising binalingan ni Zigfreid ang katropang si Thea. Sa tono nang pananalita ng babae, tiyak niyang panunukso ang mas pakay nito sa kaniya kaysa sa paghahanap ng explanation.
"Oh, ayaw mo ba 'yung ginawa ko? Hindi ba, idea mo naman iyon?"
"Huwag mo nga akong pilosopohin, Mr. Lacson! Bakit nga?"
"Akin na lang 'yon, Theys. Kung ayaw mo, babawiin ko na lang ang statement ko sa parents mo."
Sigurado naman kasing magkukuwento rin dito si Mary sa oras na sabihin na niya sa huli ang dahilan niya.
"Okay, fine! Pero kung anuman 'yang dahilan mo, thank you na rin dahil parang hulog ka ng langit sa pinsan ko."
Napukaw ang kyuryosidad niya. "Hulog ng langit? Why is that?"
Sa katatatanong niya ay napilitan si Thea na ibahagi ang tungkol sa Lola nito at halos lahat ng detalye tungkol sa pagkakasakit sa puso ng matanda. Nalaman din niyang ang matanda ang solong nagpalaki kay Mary Ann mula noong sampung taon pa lang ang babae.
"Sige na, pupuntahan ko lang ang boyfie ko."
Lumawak ang pagkakangisi ni Zigfreid habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Thea, na nagpaalam na pupunta sa garden matapos siyang kausapin. Nasa ganoon siyang posisyon nang may maramdamang naupo sa tabi niya.
"Uminom ka muna," anang nalingunan niyang si Mary Ann na naglapag ng isang basong juice sa harapan niya.
"Oh, thanks!" Kibit-balikat na nilagok niya ang inuming nakahain sa kaniya. "Actually, nauuhaw nga ako."
Binalewala ni Mary Ann ang feeling close na pananalita niya, dahil mukhang preoccupied ito ng ibang bagay. Sa basa niya ay may nais itong sabihin at nahuhulaan naman niya kung ano iyon.
"If you have something to say, just say it. Don't beat around the bush," kunot-noong aniya.
"Uhm... B-bakit mo sinabi kina Tita na boyfriend kita? Hindi naman iyon totoo," mahinang tanong nga ng dalaga, sa takot marahil na may ibang makarinig.
Nanumbalik ang ngisi niya. I knew it.
"Why do you ask? Hindi ka ba natutuwang tinulungan kita even without you asking for it?" may pang-aasar na balik-tanong niya.
"Hindi naman sa gano'n, Zig. N-nakapagtataka lang."
"Hmmm... bakit ko nga ba sinabi sa kanilang girlfriend kita?"
Napangiwi si Zigfried nang makitang napuno ng kaba ang ekspresyon ni James matapos makausap ang nobya nito sa telepono. Ilang minuto lang ang nakalilipas ay pinagtatawanan siya nito sa problema niya, 'tapos ay mukhang kinakarma na ito ngayon.
"O, pa'no? Iwan na kita, ha? Pinapupunta na ako ni Thea sa kanila. Nando'n daw pareho ang parents niya. So, she guessed, now's the right time."
Mabilis na gumana ang utak niya. "Sandali! You think, nando'n din si Mary?"
Nagkibit-balikat si James. "Siguro. Halos hindi naghihiwalay ang magpinsang iyon eh. Bakit?"
"Paano kung... si Mary ang i-present ko kay Mommy na girlfriend ko?" Kuminang ang mga mata niya kasabay ng lalong pagsasalubong ng kilay ng best friend niya. "Let's go! I'll come with you."
"Ano?! Kunwari ka pang tinulungan ako, 'yon pala ay gusto mo lang akong gamitin?"
Hindi agad nakapag-react si Zigfreid sa pagsigaw ni Mary Ann. Unang beses niyang narinig na nagtaas ng boses ang babae kaya hindi niya napaghandaan.
"Nagkamali pala ako ng tingin sa iyo."
Naalarma siya nang tumayo ito at akmang tatalikuran siya.
Damn girl! You left me with no choice.
"Really, Mary? You're turning your back on me? Paano ang Lola mo?"