KUNG hindi pa nangalay ang batok sa katitingala sa kanilang bahay ay hindi pa aayos ng tindig si Mary Ann. Binalikan niya ng nagdadalawang-isip pa ring tingin ang katabing si Zigfreid na mukha nang naiinip.
"Aren't we going up?"
"Tama ba talaga itong gagawin natin, Zig?" nangungunot ang noong tanong niya.
Nakukulitang napabuntong-hininga ang lalaki. "Napagkasunduan na natin 'to, Mary. Ilang beses pa nating pinag-usapan, 'di ba?"
Lumihis siya ng tingin at kinagat ang ibabang labi. Ano ba kasi ang pumasok sa kokote niya at napapayag siya ni Zigfreid na gumanap sa palabas nito? Na-hypnotize yata siya.
"Really, Mary? You're turning your back on me? Paano ang Lola mo?" nanghahamong pahabol ni Zigfreid na tila awtomatikong nagpalingon sa kaniya. "Nabanggit na sa akin ni Thea ang lahat ng concerns mo. She even called me 'hulog ng langit'. Mabuti pa siya, marunong magpasalamat."
Napalitan ng panlilisik ang pagtatanong sa mga mata niya. Oo nga at kahit papaano ay may dapat siyang ipagpasalamat, pero ginamit pa rin siya ng lalaki ng walang consent mula sa kaniya. At mas lalong nakaiinis na nakukuha pa siya nitong pag-trip-an ngayon.
"Come to think of it. Isn't it nice if we'll help each other? All we have to do is to continue being a pretend-couple. Then, hindi na ako kukulitin pa ng Mommy ko about my love life at kayo ng Lola mo, makaiiwas sa matinding alitan na puwedeng mauwi sa pagkaatake niya sa puso. Happy ending!"
Dalawang beses pa nilang napag-usapan sa telepono ang proposed plan ng nobyo niya bago siya tuluyang kumagat doon. Hindi na siya masyadong nagpakipot dahil kung iisipin, siya ang mas makikinabang sa magiging setup nila.
Ngunit ngayong oras na para simulan ang palabas, saka pa niya gustong umurong.
"Halika na kasi!"
Bago pa makaimik ay nahila na siya ni Zigfreid paakyat ng hagdan. Magpoprotesta sana siya nang alalayan naman nitong bigla ang kamay niya.
"Watch out. Matapilok ka."
Kimi lang siyang ngumiti at sinunod ang sinabi nito. Nagsalita lamang siya nang akmang hahakbang na ito papasok sa nakatiwangwang nilang pinto.
"Sandali," pigil niya sa braso ng lalaki. "Huwag mong i-English-in ang Lola ko, ha? Paduduguin mo pa ang ilong niya."
Humalakhak si Zigfreid na siyang ikinatulala niya. "Sus! Akala ko naman, kung ano. Huwag mong alalahanin 'yon."
NAGULAT si Zigfreid sa paraan ng pagtanggap sa kaniya ng lola ni Mary Ann. Inasahan niya kasing ito iyong tipong istrikta o masungit, ngunit nang makapagpakilala siya at makapagmano rito ay kabaliktaran ng expectation niya ang nangyari. Kung makapagkuwento at makahalik sa pisngi niya si Lola Eming, akala mo'y matagal na siyang kilala.
Bagay na kinaaliwan naman niya. Tuwang-tuwa siya sa malambing na gestures ng matanda.
"Mabait na, guwapo pa at matalinong kausap. Ang galing talagang pumili ng apo ko," pambobola ni Lola Eming na lalong ikinalapad ng ngiti niya. "Ang kaso hijo, bakit naman hindi ka nagpakita rito sa bahay noong nililigawan mo pa lang siya? Dapat ay noon pa kita nakilala."
"Sorry po, Lola, pero... magpapakatotoo po ako sa inyo. H-hindi po kasi kami... dumaan sa ligawan ni Mary."
Dudugtungan pa sana niya ang sinasabi kundi lang siya muntik mapadaing nang biglang higpitan ni Mary Ann ang pagkakahawak sa kamay niya. nang lingunin niya ito sa kaniyang tabi ay pasimple siya nitong pinandilatan.
"Ano?!" Nag-iba bigla ang mood ni Lola Eming. "Ang ibig bang sabihin Mary Ann eh, bumigay ka kaagad dito kay Zigfreid nang walang kahirap-hirap?!"
Pinigilan niyang matawa nang masamid sa sariling laway ang babae dulot ng naging panenermon ng matanda. Pagdaka'y siya na ang kusang sumagot para dito.
"Ah, hindi po sa gano'n, 'La. Sadya lang pong... sa tagal naming magkaibigan ni Mary, nakilala na namin nang lubos ang pagkatao ng isa't isa. Kaya nang nagkaaminan po kami ng feelings, napagdesisyunan po naming huwag nang mag-aksaya pa ng panahon, dahil hindi ko na po kayang itago kung gaano ko siya kamahal at ganoon din siya sa 'kin."
Tinapunan niya ng malagkit na tingin ang dalaga, na sa hindi malamang dahilan ay bigla namang tumingin sa malayo.
NATAPOS ang gabi nang sa palagay ni Mary Ann ay maayos naman. Napaniwala ang lola niya sa gawa-gawang relasyon nila ni Zigfreid. Ang ibig sabihin, mission accomplished sila ng binata.
Paakyat pa lang sana siyang muli sa bahay matapos ihatid ito nang mag-ring ang cellphone sa bulsa niya. Ikinakunot-noo niya ang pangalan ng texter.
"Ang galing kong umakting 'no? Pang-Starstruck na ba?" - Zig
Nilingon niya ang kalsadang pinanggalingan. Wala pang limang minuto mula naghiwalay sila ngunit heto at nangungulit na ang boyfriend niya.
"Hoy! Nagmamaneho ka, 'di ba? Don't text and drive," mataray na reply niya.
"Naka-park po ang kotse ko sa tabing-daan. Sungit!" Hindi pa siya nakapagre-reply ay nag-text na itong muli. "Oh, may utang ka sa akin, ha? Pay me back later."
Umupo siya sa pinakaibabang baitang ng hagdan at ngiting-ngiting nagtipa ng message. "Ano naman ang ibabayad ko, aber?"
"You'll know. Maybe in two or three weeks' time," ang reply nito with matching wink emoticon pa.
Being true to his words, makalipas nga ang mahigit dalawang linggo ay dinala siya ng lalaki sa bahay ng mga ito para ipakilala naman sa Mama at bunsong kapatid nito. Bagay na hindi nito ipinaalam sa kaniya in advance kaya labis ang kaba niya nang makarating doon.
"Ba't 'di mo sinabing nandito ang family mo? Hindi ko napaghandaan!" natatarantang bulong niya sa tainga ni Zigfreid.
"Huwag ka ngang mag-panic! Just be yourself," salubong ang kilay ngunit hindi mukhang inis na ganting-bulong nito.
Dapat ay makikipagtalo pa siya subalit hindi na nagawa dahil dumating na ang ina nito sa garden kung saan sila pinaghihintay. Agad siyang pinag-aralan ng mga mata ng ginang mula ulo hanggang paa.
"Siya ba ang girlfriend mo, Zig?"
Puno ng pagdududa ang boses nito. Mabuti na lamang at si Zigfreid ang kinakausap dahil kung siya iyon ay hindi makasasagot.
"Yes, 'Ma, si Mary po," natural na anang lalaki saka bumaling sa kaniya. "Mary, meet my mom, Mommy Marissa."
"Hello po, Tita Marissa. Nice meeting you."
Iaabot sana niya ang kamay pero nagdalawang-isip siya sa paraan ng pagkakatitig ng binabati. Parang may kung ano itong iniisip na hindi maganda sa kaniya.
"'Ma! Ano ba naman 'yan? Binabati po kayo ng girlfriend ko, oh," pabirong sabad muli ni Zigfreid. "What? Don't you like her for me?"
Noon lang ngumiti si Tita Marissa, gayunma'y hindi pa rin naalis ang skeptical na anyo.
"How dare you say that in front of her? Ikaw talaga! It's just that... well..." Lumapit ang ginang sa tapat niya at hinawakan ang isa niyang kamay. "Mary's so simply beautiful, looks polite, decent and well-mannered. Doesn't seem to be your type of girls."
Sa kabila ng mga papuring narinig ay hindi napalagay si Mary. Kinukutuban siyang sa isang maling galaw ay magmi-mission failed sila ni Zigfreid. Mukhang gano'n din ang tingin ng lalaking natahimik din sa tabi niya.
"But then again ang gan'yang klase ng babae... ang pinakagusto kong maging daughter-in-law mula sa 'yo."
"Salamat po, Tita," bukal sa loob na usal niya dahil pakiramdam niya ay natanggalan ng salubsob sa daliri.
Mahaba-habang oras din ang inubos pa nilang tatlo sa paghuhuntahan bago nag-abiso ang isang kasambahay na handa na ang pananghalian. Sabay-sabay silang tumuloy sa dining room kung saan naratnan nila ang isang de-eyeglasses na lalaking tinawag na Zander.
"Say hi to Mary, Zander," anang tuwang-tuwang si Tita Marissa sa bunsong anak. "She's your Kuya's new girlfriend."
Nabulunan bigla si Zander na nagsimula nang kumain kahit wala pa sila.
"What's that again? Girlfriend?!" ulit nito nang makabawi, bago siya i-head-to-toe gaya ng ginawa ng ina nito kanina. "Seryoso kayo?"
Saglit kumunot ang noo niya. Napakahirap bang paniwalaan?
"Well, hi, Mary! Good luck sa relationship n'yo ni Kuya," bati na rin ni Zander, na nahimigan naman niya ng tila panunuya.
Sa buong durasyon ng pagkain nila ay panay ang sulyap kay Mary Ann ni Zander. Akala ng dalaga ay siya lang ang naiilang doon ngunit gayundin pala si Zigfreid na hindi nakatiis manahimik.
"'Wag mong tingnan ng gan'yan ang girlfriend ko sa harap ko, kung puwede."
Napalingon ang babae sa gawing kanan niya kung nasaan si Zigfreid. Bakit naman mas mukhang apektado pa ito kaysa sa kaniya?
"Don't be paranoid, brother," natawang tugon ng katapat nila sa mesa. "Ngayon pa lang ang pangalawang beses na may inuwi kang babae. I'm not that cruel to steal her away."
Hindi na muling umimik pa si Zigfreid hanggang sa makaalis sila sa hapag.
"SIGURO dapat, galingan pa natin ang acting. Malakas pang-amoy ng pamilya natin, eh," naisatinig ni Mary Ann.
Nasa gilid sila ng kalsada noon habang kumakain ng ice cream na binili sa naraanang convenience store. Ihahatid na dapat siya ni Zigfreid pauwi matapos ang lunch kasama ang pamilya nito nang mag-crave siya bigla sa sorbetes.
"Ba't mo nasabi?"
"Nakita mo naman kanina. Plus si Lola, maayos lang ang pagtanggap sa ''yo pero sa totoo lang, nanibago ring ang tipo mo ang ipinakilala kong nobyo."
"Kasi nga, hindi natin type ang isa't isa."
Natawa ito sa sariling sinabi. Pagkatapos ay sinenyasan siyang maupo sa motor habang ito nama'y idinantay ang siko sa parilya noon.
Ngumiti siya. "Great. So we won't end up together, tulad ng sa mga drama."
"S'yempre!" Umayos ito ng tayo paharap sa kaniya. "Mahilig ka palang manood ng gano'n?"
Nagkatawanan sila. Ilang segundo bago siya magtanong.
"Nakakakaba ang Mommy mo kanina. Parang ang taray. Lagi ba siyang gano'n?"
"Hindi naman. O siguro, lagi nga, basta may kinalaman sa 'kin."
Kumunot ang noo niya sa pagtataka. Napansin iyon ni Zigfreid kaya maagap nitong dinugtungan ang sinasabi.
"When I was a kid, masiyahin si Mom, palangiti at malapit ang loob sa 'kin. But as I grow older, naging mainit na ang dugo niya sa 'kin. Para siyang laging nagme-menopause kapag ako ang kaharap."
Dama niya ang lungkot sa tinig ng lalaki. Hindi niya inakalang sa likod ng pa-cool na image nito ay may natatago palang ganoong side ng pagkatao. Mas lalong hindi niya inakalang matutuklasan iyon ngayon.
"Baka naman 'di lang niya nagugustuhan 'yung lifestyle mo. Lalo na 'yung pagiging..." Nag-alinlangan siya sa sasabihin, sa pangambang ma-offend ito.
"'Yung pagiging playboy ko?" hula nito sa sasabihin niya, na sa huli ay tinanguan na lang niya.
"Gan'yan ba talaga ang tingin sa akin ng lahat? Even you, Mary?"
"Bakit, hindi ka ba gano'n?"
"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong hindi?"
"Maniniwala ako. Lalo na kung ipaliliwanag mo rin sa akin kung anong ibig sabihin para sa 'yo ng pakikipag-date mo sa iba't ibang mga babae kung hindi ka playboy."
Hindi batid ni Mary Ann kung anong klase ng espiritu ang sumapi sa kaniya para masabi ang ganoon. Hindi naman siya karaniwang mapanghimasok sa buhay at mga rason ng ibang tao. Isa pa, napakadaling isiping nagsisinungaling lamang ang lalaki, lalo't sa kaniya na rin nanggaling na kung sinu-sino ang mga idini-date nito. Malay ba niya kung paano nagtatapos ang bawat date na iyon.
Pero ang tiyak lamang niya, hindi niya nagugustuhan ang ideyang mabibigo ito sa oras na sabihin niyang hindi ito paniniwalaan.
"Alam mo ba kung bakit sa dami ng profession na puwede kong pasukin, pagiging book illustrator ang pinili ko?"
Nagulat siya sa naging tugon nito. Anong connect no'n sa pinag-uusapan? "Ha?"
"Talented ang daddy ko sa pagdo-drawing at pagpipinta. Nung bata ako, lagi ko siyang kinukulit na turuan akong mag-drawing, pero ang sabi naman niya sa 'kin, 'yung mga ganoong bagay daw, kusang natututuhan. Pero kahit ayaw niya 'kong turuan, tuwing may libreng oras naman siya, sinasabayan niya akong mag-art activity sa garden namin. Pati si Mommy nakikisali na rin kahit siya ang nagpamana sa aming magkakapatid ng stick figures. Kaya, 'ayun. Minahal ko ang sining, to the point na ipinangako ko sa sarili kong sa pagdo-drawing and anything about arts ko gugugulin ang buhay ko when I grow up."
"Bakit mo sinasabi sa 'kin 'yan? Hindi 'yan ang tinatanong ko."
Mahinang natawa si Zigfreid. "Hindi pa naman kasi tapos ang kuwento. Itutuloy ko o huwag na lang?"
Napapahiyang sinenyasan niya itong magpatuloy.
"Hindi lang ang pagiging artist ang tumatak sa puso't isip ko, kundi lalo na 'yung bonding moments namin as a family. That's why bukod sa careerwise dream ko, pinangarap ko ring magkaroon ng masayang pamilya at maging successful family man balang-araw, just like my dad nung nabubuhay pa siya. At 'yon... 'yon po ang dahilan ng pakikipag-date ko. Dahil in search pa rin ako sa babaeng perfect para makatuwang ko sa buhay."
Natigilan si Mary Ann. Mali... namangha. Iyon ang tamang salita para sa nadama niya dulot ng mga narinig. Gusto niyang isiksik na lang uli sa isip na inuuto lang siya ng lalaki ngunit hindi naman iyon ang sinasabi ng mga mata nitong nakatitig sa kaniya habang nagkukuwento ito. Hindi tuloy niya maiwasang ma-turn on.
"Oh, bakit gan'yan ang hitsura mo riyan? Huwag mong sabihing corny ako, ha? Ikaw itong nagtanong.”
Nag-alis siya ng bara sa lalamunan bago nakasagot. “Wala naman akong sinabing gano'n, ah? Bumilib nga ako sa 'yo, eh.”
Ito naman ang natulala at hindi nakapagsalita agad, na naging daan upang mapagtanto niya ang sinabi. Saka lang siya nailang.
“Uh...” Napakamot siya sa batok. “Eh, sa palagay mo ba, makikita mo 'yung perfect wife material na hinahanap mo sa mga tipo ng babaeng idini-date mo? Ni hindi nga yata marunong magluto ang mga iyon, eh.”
Totoo ang sinabi niya, bagama't sinabi lang para mailihis nang kaunti ang usapan. Madalas kasi kapag nagkikita-kita silang magkakaibigan ay nagsasama si Zigfreid ng random girl, palibhasa'y ito lang sa mga katropa niyang lalaki ang walang matinong girlfriend. At sa tuwina ay napagdidiskitahan niyang lihim na kaliskisan ang mga babae nito, lalo na kapag medyo bored siya.
Halos pare-pareho lang ang basa niya sa kilos, pananalita at hitsura ng mga babaeng iyon. Sa madaling sabi, mga anak-mayamang ang alam lang ay magpaganda at magpasarap sa buhay, habang ang mga importanteng bagay ay iniaasa na lang ng mga ito sa iba. Alam niya iyon dahil minsan siyang muntik gawing utus-utusan ng isa.
“Bakit? Para sa 'yo, anong klaseng babae ba ang dapat kong i-date?” nangingiting tanong ni Zigfreid na pumutol sa pag-iisip niya.
“Ha? Bakit ako ang tinatanong mo? Malay ko sa iyo.”
“In your opinion nga eh. Dali na.”
“Uhm... eh 'di siguro... 'yung kapantay mong may mataas na pagtingin sa konsepto ng pagpapamilya. Iyong may malalim na pang-unawa sa pagmamahal at hindi iyon ginagawang laro lang. Saka siyempre dapat, iyong pangmatagalang commitment ang habol sa 'yo.”
“Ibig mong sabihin... parang ikaw?”
Nawala siya sa momentum ng pagpapaka-love guru nang humirit ang binata nang ganoon. Pinanlakihan niya ito ng mga mata.
“Huy! Anong ako? Hanggang peke lang itong relasyon natin, ha? Malinaw na wala tayong feelings sa isa't isa!”
Humagalpak ng tawa ang walanghiya. “Oo na! Patola! Ang laki ng butas ng ilong mo.”
Tawa pa rin ito nang tawa. Siya naman ay iling nang iling.
“Maalala ko. Paano at kailan nga pala natin tatapusin ang pagpapanggap?”
Sumeryoso na ang mukha ng lalaki, bagama't sapo pa rin nito ang tiyan na nanakit marahil sa katatawa nito. “Hindi ko pa alam, eh. Bahala na pagdating ng araw.”