“SEE you. Mag-ingat sa pagda-drive, ha?”
Iyon na lang ang ini-reply ni Mary Ann sa huling mensaheng natanggap mula kay Zigfreid na nagsasabing magkita sila pagkaraan ng isang oras. Pagkatapos ay iniwan na niya ang cellphone sa ibabaw ng kama upang makapagsimulang gumayak. Mabuti na lang at saktong kaliligo lamang niya nang magyaya ang lalaki na lumabas. Sa gayon ay hindi siya masyadong magtatagal sa paghahanda ng sarili.
Ang orihinal niyang planong magsusuot lang ng simpleng maong pants, t-shirt at doll shoes tulad ng nakagawian ay nag-fifty-fifty nang magbukas siya ng aparador. Doon ay bumungad sa kaniya ang dilaw na casual dress na naka-hanger pa. Regalo iyon sa kaniya ni Thea noong nagdaang Pasko pa ngunit ni minsan ay hindi pa niya naisuot. Hindi siya komportableng magsuot nang ganoon lalo na kung pangkaraniwang araw.
Mataman niyang pinagmasdan ang magarang bestidang nakasampay. May kalaliman ang neckline noon ngunit takip pa rin naman ang dibdib at hindi labas ang cleavage. Ang haba ay hanggang sa itaas ng tuhod niya. De-butones ang style niyon.
Bumaling siya sa pader sa isang sulok ng kuwarto kung saan nakapaskil ang kalendaryo. Matapos pakatitigan doon ang kasalukuyang petsa ay tipid na napangiti siya. February 5 ngayon, third monthsary nila ng fake boyfriend. Bagama’t kunwarian lang at hindi naman isi-celebrate, hindi masamang idahilan iyon sa sarili upang magamit ang magandang kasuotang nasa harap niya.
Kibit-balikat na dinampot niya iyon bago pinabagsak sa sahig ang suot na bathrobe.
KUSANG gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Zigfreid pagkabasa sa reply ni Mary Ann. Simula noong unang nakipag-text siya rito hanggang ngayon ay nakasanayan na yata ng babae ang paalalahanan siya nang ganoon sa tuwing alam nitong may pupuntahan siya. Kung hindi “Ingat sa pagda-drive”, “Don't text and drive” ang bilin nito. Nasanay na rin naman siya sa mga text nitong ganoon, kaya nga sa pagkakataong iyon ay hindi na siya nag-abala pang sabihing kanina pa siya nakarating sa meeting place nila. Ang totoo, bago pa niya yayain ang babae ay naroon na siya. Alam niyang palaging early bird ito sa mga lakad at ayaw naman niyang paghintayin pa ito.
Inilapag niya ang cellphone sa mesa bago ilibot ang paningin sa paligid. Nasa isang fast food restaurant siya.
Kung siya ang masusunod, gusto niyang sa ibang kainan dalhin si Mary Ann. Puwedeng sa Thai, Korean o Japanese restaurant. Mahilig ang babae sa maaanghang kaya tiyak na magugustuhan nito ang mga pagkain doon. Ang kaso, tuwing magyayaya siya ay nasesermunan pa nito. Ayaw nitong gumagastos siya ng mahal para lang sa pagkain kapag sila ang magkasama. Kahit ikatuwiran niyang hindi naman ganoon kalaki ang magagastos niya ay hindi pa rin ito mapapayag.
Sa tuwina ay nagtatapos ang pagtatalo nila sa pangungulit niya ritong ipagluto na lamang siya, para lang makabawi sa pagtanggi nito. Bagay na agad naman nitong pinagbibigyan. Excelent pala ang cooking skills ng dalaga kaya ganoon na lang kung manghinayang sa perang magagamit nila sa pagkain sa labas.
May mga piling pagkakataon din namang napipilit niya itong mag-friendly date sila; kapag ganoon ay ang lugar na kinaroroonan niya ang laging destinasyon nila. Today is one of those rare occasions.
“Zig? Ikaw nga ba iyan?”
Naistorbo ang pagmumuni-muni ni Zigfreid nang isang babaeng may pamilyar na boses ang tumawag sa kaniya. He looked up just to see Ruth, his ex-girlfriend.
“Hey, Ruth!” he greeted, smiling. “Long time no see.”
“Oo nga, eh. Kumusta? What are you doing here alone?”
“Heto, maayos naman. Hinihintay ko lang 'yung...” Err... “... 'yung girlfriend ko. Magkikita kami rito.”
Mapanudyong ngumiti si Ruth, saka umupo sa katapat niyang silya. “Oh, I see. Siya ba iyong girl na madalas mong i-post sa sss? Is it because of her that your eyes smile like that?”
Impit na tawa lang ang itinugon niya.
Hindi na siya nagtakang may ideya ito tungkol kay Mary Ann dahil friends naman sila sa f*******:. Maayos ang naging paghihiwalay nila noon kaya hindi naputol ang kanilang koneksyon.
“O, sige na. I don't think it's a good idea na maabutan niya tayong magkasama. Dito na 'ko sa kabila,” paalam ni Ruth mayamaya. “May date din kasi kami ng dad ko today.”
Tumango na lang siya at inihatid ito ng tingin sa kalapit na mesa. Sakto namang dumating na ang ama nito kaya nakita niyang magkaagapay nang naglakad ang dalawa papunta sa counter.
Noon pa man ay hanga si Zigfreid sa closeness ni Ruth at ng daddy nito; paghangang hindi nagbago kahit pa ang matandang lalaki ang nagsilbing mitsa ng paghihiwalay nila ng dating nobya.
Napangiti siya kapagkuwan. Dati ay iniisip pa niya kung bakit hindi sila ni Ruth ang nagkatuluyan. Ten percent ng kalooban niya ang nanghihinayang noon. Pero ngayon, mukhang unti-unti na niyang naiintindihan kung bakit.
CUARENTA Y CINCO minutos pa lang ang nakalipas ay nasa fast food restaurant na si Mary Ann. Maaga pa ng fifteen minutes pero mas minatamis niyang hintayin na lamang ang lalaki kaysa ma-late pa siya.
Kaya naman ganoon na lang ang gulat niya nang pagtapat sa mesang usual spot nila ay naroon na pala ito. Nga lamang ay mukhang hindi napansin ang kaniyang pagdating dahil okupado ang isip nito ng kung anong tinitingnan sa 'di kalayuan.
Imbes na ipaalam ang presensiya ay tinunton niya ng tingin ang tinututukan ng mga mata nito. Tila nag-init ang puso niya nang malapagan ng paningin ang isang mag-amang nagkakatuwaan habang kumakain sa kalapit na puwesto. Nakadama siya ng simpatya para kay Zigfreid na muli na niyang nilingon.
Sa nakalipas na mga buwang mas lalo silang nagkalapit ay marami na siyang natuklasan hinggil sa personal na buhay ng lalaki; mga bagay na sa tinagal-tagal nilang magkakilala ay ngayon lamang niya nabatid. Ilan lang sa mga iyon ang pagiging malayo ng loob nito sa dalawang kapatid, disappointment ni Tita Marissa sa propesyong pinili nito at maagang pagpanaw ng ama nito sanhi ng pakikipag-alit na nakasangkutan sa trabaho.
Bago tuluyang pumatak ang luha ay sinikap na niyang pasiglahin ang anyo saka tumikhim. Matagumpay noong naagaw ang atensyon ni Zigfreid na hindi niya sigurado kung natutulala nang makita siya. Paglipas ng ilang sandali ay ngumiti ng ubod-tamis.
“Hey, gorgeous! Narito ka na pala.” Masiglang tumayo ito at hinila ang upuang katapat para sa kaniya. “Maupo ka na. Ako na ang bibili ng pagkain.”
Nasiyahan ngunit hindi na siya nanibago sa ipinakitang pagiging gentleman nito. Nakasanayan na niya ang magandang katangiang iyon na unconsciously ay lagi nitong ipinamamalas sa kaniya. Gayunman, hindi siya roon nag-focus sa pagnanais na buksan ang isang usapan.
“Kani-kanina pa, actually. ‘Di mo lang napansin at mukhang busy ka sa kanila,” aniya sabay nguso sa mag-ama.
“Pasensiya na. May… may mga naalala lang ako upon seeing them.”
Sumeryoso at mukhang napahiya ang lalaki, bagay na hindi niya naibigan. Wala sa loob na hinaplos-haplos niya ito sa braso kalakip ang ngiti sa labi.
“Pagkakain natin… shall we go somewhere else? Doon natin pag-usapan iyang tinutukoy mo.”
Nais niyang mag-open-up ito ng saloobin sa kaniya dahil naniniwala siyang mapagagaan noon ang dibdib nito. Bukod pa roon ay may isang bahagi niya ang umaasam na mas palalimin ang pagkakakilala rito. Kung saan nagmula ang eagerness ay hindi na niya gustong ungkatin pa sa sarili.
“MEMORIAL PARK?” hindi makapaniwalang naibulalas ni Zigfreid. “Dito mo gustong makipag-usap? Why here?”
Nilingon niya si Mary Ann na nakapaglatag na sa damuhan ng higanteng kartong binili sa naraanan nilang sari-sari store. Naihanda na rin nito roon ang large fries, sundae at burgers na i-t-in-ake out mula sa fast food restaurant.
Sa kabila ng init ng araw na damang-damang tumatama sa kaniyang balat ay ni hindi pumasok sa isip niya ang magreklamo. Hindi niya alintana iyon dahil masyado siyang amazed sa kasama para intindihin ang ibang bagay. Idagdag pa ang gayak nito, na bago sa paningin niya. First time niyang makita itong nakasuot ng simpleng bestida at sandals. May kaunti ring kolorete sa mukha, na lalong nagpalitaw ng natural nitong ganda.
Damn! Talo pa niya ang nakakita ng isang dyosa sa makabagong mundo.
Pigil na muling mapatanga sa harap ng babae, umiling-iling siya, as if driving his thoughts away. Gusto niyang pagtawanan ang sarili. Kung umasta’y akala mong inosente ang mga mata sa mga sexy at magagandang Eba, gayong sa hindi mabilang na parties na napuntahan niya in the past years, marami siyang nakasalamuhang mas chix pa kung tutuusin kaysa sa katabi ngayon.
Ah! Marahil bunga lang iyon ng paninibago. Sa nagdaang ilang buwan kasi ay puro si Mary Ann na lang ang tanging nakakasama niyang lumabas kaya nasanay na ang kaniyang paningin sa maong pants at t-shirt na madalas nitong gayak.
“Weird ba? Pasensiya na ha? Ito kasi talaga 'yung pinupuntahan ko kapag gusto kong mag-isip o makipag-usap nang masinsinan sa isang tao. ‘Di ko naisip na baka hindi ka komportable.”
Muntik hindi maintindihan ni Zigfreid ang sinabing iyon ng girlfriend sa layo ng narating ng isip niya. Mabuti’t agad siyang nakabawi ‘pagkat hindi niya nagugustuhan ang paninisi nito sa sarili.
“Ah, hindi, ayos lang naman. Medyo nagulat lang ako dahil ‘di ko in-expect na dito mo 'ko dadalhin.”
Upang pagtibayin ang isinaad ay sumalampak na siya ng upo sa improvised picnic mat. Agad itong nag-alok ng nilalantakang sundae na hindi naman niya tinanggihan.
Natahimik ito, waring may pinag-iisipan, bago nakangiting umimik. “Sige, babawi na lang ako. Dahil ako ang nasunod sa pupuntahan natin, hahayaan kitang mag-decide kung magkukuwento ka o ayaw mo. Kung iyong huli ang choice mo, ako na lang ang magkukuwento. Anything about me.”
Napaisip si Zigfreid. Kung tutuusin ay walang kaso ang pagbabahagi kay Mary Ann ng parte ng buhay na gumugulo sa isip niya kanina. Ngunit sa isang banda ay nais niyang gamitin ang chance upang mas makilala ng lubos ang babaeng itanggi man ay… mas lalo nang hinahangaan sa pagdaan ng mga araw.
He let his curiosity govern his decision. “Bakit si Lola Eming ang nagpalaki sa iyo? Puwede ko bang malaman kung nasaan ang parents mo?”
Tumupad si Mary Ann sa pangako nito. As a result, natuklasan niya ang malalim na dahilan ng paghihiwalay ng mga magulang nito---bagay na noong una ay narinig lang niya sa isa sa mga kuwento ni Thea.
Isang bunga ng kapusukan ang turing ni Mary Ann sa sarili, dahil ipinagbuntis ito sa panahong hindi pa lubos na handang bumuo ng pamilya ang ama’t ina nito. Kapuwa disisyete anyos ang dalawa at hindi tapos ng pag-aaral nang mangyari iyon. Bagama’t nagpupuyos ang kalooban, nang maisilang si Mary Ann ay nagkasundo na rin ang mga lolo at lola nito sa magkabilang panig na ipakasal ang mga magulang nito, hindi lamang para makaiwas sa kahihiyan kundi higit para sa mabuting kapakanan ng apo.
Subalit sang-ayon sa pinaniniwalaan ng iba na ang hindi nagsimula sa magandang paraan ay wala ring mabuting patutunguhan, makalipas lang ang pitong taon ay nagpasya ang parents ni Mary Ann na huwag nang magsama sa ilalim ng iisang bubong. Minabuti nila iyon, sa patnubay na rin ni Lola Eming na siyang natitirang nakatatanda, upang hindi lumaki ang bata na sanay sa sigawan, sakitan at walang humpay na bangayan dahil sa pera. Iningatan nilang huwag itong maging suwail dulot ng kanilang sariling kagagawan.
Ang desisyong iyon ang nagbigay-laya sa ama ni Mary Ann na makisama sa iba. Sa paglipas ng ilang panahon ay hindi lamang ang sustento nito ang naputol kundi maging ang komyunikasyon nito sa anak matapos itong lumipat sa kung saang lupalop kasama ng bagong pamilya.
Hindi pa lubos na natatanggap ng noo’y sampung taong si Mary Ann ang mapait na sitwasyon ay napilitan na itong sumailalim sa panibagong pighati. Iyon ay matapos pumanaw ang ina nito nang ma-hit-and-run habang pauwi galing trabaho. Ni hindi nito naabutan sa paghihingalo ang ina upang makapagpaalam man lang.
Nabagabag nang husto ang kalooban ni Zigfreid sa mga nalaman. Halos mapaluha siya. Hindi niya ma-imagine na ang isang mapagmahal, maalalahanin at mapagbigay na taong tulad ni Mary Ann ay nanggaling sa isang ubod-dilim na nakaraan.
Subconsciously, umangat ang kaniyang kamay upang pahirin ang luha sa pisngi ng dalagang hindi namalayan ang pag-iyak. Marahan, bago ito pagkalooban ng isang mainit na yakap.
Pinakawalan niya rin ito subalit ikinulong naman ang mukha sa loob ng kaniyang mga palad. “Stop crying, honey. Ngumiti ka lang, kagaya ng dati. Kung nasaan man ang mga magulang mo ngayon, pihadong matutuwa silang makitang lumaki ka bilang isang mabuti at mapagmahal na tao. Just like how they exactly wanted you to be.”
He smiled at her one more time, bago niya balingan ang puntod ng Mama nito sa kanilang harapan, na siyang pinuntahan nila roon at ipinakilala nito sa kaniya. Silently and wholeheartedly, he uttered his promise to the departed old woman.
Pangako pong tutulong ako at gagawin ang lahat para laging pangitiin ang anak n’yo... sa abot ng makakaya ko.