Chapter 06: Reality

2959 Words
“WHAT’S wrong? Kanina ka pa tahimik.” Mula sa inuupuang couch ay tiningala ni Mary Ann si Zigfreid na nakatayo sa harapan niya, para lang muling mag-iwas ng tingin bago pa man masagot ang tanong nito. Sa kung anong dahilan ay hindi niya matagalang tingnan ito habang tanging boxer shorts lang ang saplot nito at nakabalandra pa sa harapan niya ang tila bato-bato nitong dibdib. Kaliligo lang kasi ng binata, ni hindi pa tapos magpatuyo ng buhok. Ang Herodes! Hindi man lang naisip na magbihis bago siya kausapin! Sapul ng ipanganak ay ngayon lang siya naapektuhan sa ganoong pangangatawan, samantalang noo’y walang kuwenta sa kaniya ang mga ganoong bagay at madalas pang sermunan si Thea na mahilig mag-‘window shop’ ng kung sinu-sinong macho na lalaki sa internet. Sadya yatang nasosobrahan ang impluwensiya sa kaniya ng pinsan at nahahawa na siya sa mga trip nito. “Bored lang. Medyo out-of-place din sa ibang bisita,” balewalang pagtatapat niya nang makabawi, wala sa loob magreklamo. Sabado noon, unang araw ng two-days-two-nights trip nila sa Zambales kung saan gaganapin ang beach wedding ng kinakapatid ni Zigfreid. Kinabukasan ng hapon ang mismong seremonya ngunit kagabi pa sila bumiyahe patungong Zambales, tulad ng iba pang imbitado. Ayon iyon sa kahilingan ng mga ikakasal, upang magkaroon pa raw ng libreng oras ang lahat para ma-enjoy ang stay sa magandang lugar na iyon at makapag-bonding bago ang selebrasyon. Sinagot ng mga ito ang lahat ng gastusin mula sa vacation rentals hanggang sa iba pang pangangailangan ng mga guest na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Kinuhang groomsman ng mga ikakasal si Zigfreid at s’yempre pa, dahil nakilala ng bride bilang girlfriend ng lalaki ay nadamay siya sa invitation. Kesyo raw para hindi malungkot ang boyfriend niya kapag nalayo siya ng ilang araw. Napangiti siya. Habang tumatagal ay nagiging musika na sa kaniyang pandinig ang mga ganoong sinasabi ng mga nakapaligid sa kanila ng binata. Ngunit nang matauhan, nais naman niyang sabunutan ang sarili. Diyata’t masyado na siyang nagpapadala sa palabas na silang dalawa rin ni Zigfreid ang sumulat. “Gano’n? Gusto mo, balik na tayo sa ‘tin? Magsabi ka lang. Nand’yan lang sa labas ang kotse ko.” Natigil sa paglipad ang isip niya gawa ng banat nitong iyon. Kamay niya ang sunod na lumipad pahampas sa matigas nitong balikat. “Baliw! At ano na lang ang sasabihin sa iyo ng kinakapatid mo kapag inindyan mo siya? Naturingang kasama ka sa entourage!” “Ano naman? Hindi naman ako ang groom niya kaya matutuloy pa rin ang kasal even without me. Sasabihin ko, may emergency.” “Ano naman iyang emergency mo, aber?” Kumunot ang noo nito, animo may napakalaking problema. “Hindi pa ngumingiti ang sweetheart ko mula kaninang umaga. I must do something to bring her back to being cheerful, otherwise I’ll be really disheartened.” Bigla ang pagsiksik nito sa okupado na niyang pang-isahang upuan, dahilan upang lihim siyang mapalunok. Mabuti na lang at may suot na itong damit-pang-itaas. “Ano, tara?” Tuluyan nang nabura ang inip niya. Nadaig iyon ng pinaghalong kakatwang bilis ng pagkabog ng kaniyang dibdib at pagkaalarma dahil mukhang seryoso ang lalaki sa pagyayayang umalis. “Ayos lang naman ako,” tumatawang aniya saka pilit umalis sa puwesto. “Saka kung puwede, tigilan mo ang pambobola sa akin dahil hindi uubra ‘yan. Huwag mo ‘kong itulad sa ibang mga babae mo.” Humalakhak nang malutong ang lalaki… pero bakit parang kabaliktaran ng tuwa ang nababasa niya sa mga mata nito? Bago pa niya masagot ang tanong sa isip ay tumayo na rin ito at muling nagsalita. “Okay. You’re the boss. Pero dahil ako lang ang ka-close mo ngayon dito, hayaan mo akong aliwin at samahan ka para hindi ka mainip,” hiling nito, bago naglahad ng isang kamay para hawakan niya. Hindi na siya nag-isip na kumontra, imbes ay pinagbigyan na lang si Zigfreid. After all, sapat na naman talagang kasama at kausap niya ito upang hindi makaramdam ng pag-iisa. PINANONOOD lang ni Mary Ann ang may kalakasang paghampas ng mga alon sa dalampasigan. Doon niya inabala ang sarili habang naghihintay na bumalik si Zigfreid. Kasama niya ito kanina ngunit umalis saglit para maghanap ng signal at makausap nang maayos si Tita Marissa na tumawag sa telepono nito. “Ang sarap dito, ano? Wala ang ingay ng mga sasakyan at nagkakagulong mga tao. We can only hear the sounds of nature.” Kunot-noong napabaling siya sa kaniyang tabi, kung saan nagmula ang baritonong boses ng nagsalita. Isang matangkad na lalaki ang nalingunan niya; sa tantiya niya ay nasa six feet ang taas. Guwapo ito, mala-Richard Gutierrez sa unang tingin. Kung pagbabasehan ang mga mata ay mukha itong masungit, pero nakangiti naman ang labi nitong mas mapula pa kaysa sa labi niya kaya nagdalawang-isip siya. “Hi! Ako si Geoff, kapatid ko ang bride-to-be,” anito sabay lahad ng isang kamay sa harapan niya. “How 'bout you? Bisita ka ba ng bayaw ko? Bakit ngayon lang yata kita na-meet?” Pamilyar sa pandinig niya ang pangalan nito. Nabanggit na itong minsan ni Zigfreid sa kaniya, pero hindi niya inasahang darating ang araw na makahaharap ito. “Uh, hindi. Kasama lang ako ni Zig sa pagpunta rito.” Nakipag-handshake siya sa lalaki kahit medyo naaasiwa. “I'm Mary. Girlfriend niya.” Tumaas ang malalagong kilay nito at napatango-tango kasabay ng pagkapawi ng ngiti. “G-girlfriend ka ni Zig? Sayang.” Umarko ang kilay niya dulot ng huling sinambit ni Geoff. Pabulong iyon kaya hindi niya tiyak kung tama ang dinig niya. “May sinasabi ka?” Impit itong tumawa. “Sabi ko, ang ganda ng name mo. Kasingganda mo. Nasa'n nga pala si Zig? I haven't seen him yet.” “May sinagot lang na phone call. Baka pabalik na rin siya rito.” Inasahan niyang nagpapaalam na ito pagkasabi niyang parating na ang boyfriend niya ngunit kabaliktaran ang nangyari. “Kung gano'n, hihintayin ko na siya. Ang tagal na rin naming hindi magkikita nung mokong na 'yon eh. Okay lang ba sa 'yo?” “Oo naman. Bakit hindi?” “Kapag nagkita kami ni Zig, itatanong ko kung anong gayuma ang ginamit niya para mapasagot ka.” “Hindi kailangan ni Zig ng kahit anong gayuma para mapasagot ako.” Hindi niya ikinubli ang pagtataray sa tinig. Ano ang tingin mo kay Zig? Pangit o masama ang ugali? Napangiwi ito. “Alam ko naman. I was just kidding. 'Wag kang ma-offend.” Tahimik na siyang nakamasid sa paggalaw ng tubig-dagat nang magsalita ito ulit. “Naaalala ko nung bata pa kami, muntik na akong makagat ng aso sa labas ng school gate. 'Buti, dumating si Zig. Binato niya ng tumbler 'yung aso. 'Ayun, pinagtapusan, siya ang nakagat.” Nanlaki ang mga mata niya sa kuwento nito. “O, 'tapos? Anong nangyari?” “Nadala naman kaagad siya sa clinic.” Naputol ang pagkukwento nito nang matawa. “Hindi ko makalimutan ang hitsura niya no'n. Ngawa siya nang ngawa sa harapan ng nurse!” Sumabay siya sa pagtawa ni Geoff matapos ma-imagine ang sinabi nito. “Hayan, ngumiti at tumawa ka rin. Kanina mo pa 'ko sinisimangutan, eh.” May idurugtong pa sana ito sa sinasabi pero may napansin sa bandang likuran niya. “Nand'yan na pala si Zig, eh. Ba't umalis ulit?” Lumingon siya at nakita ngang naglalakad na naman palayo si Zigfreid. “Ewan, baka may tumawag ulit,” sabi na lang niya sa kausap, kahit maging siya ay hindi kumbinsido roon. NATIGILAN si Zigfreid. Mahigit tatlong minuto lang yata niyang iniwan si Mary Ann sa may tabing dagat kung saan sila naglalakad-lakad kanina upang magpababa ng kinain, pagkatapos ay daratnan niya itong may kasama nang ibang lalaki. Napakabilis naman. Kung titingnang mabuti, walang masama sa eksenang naabutan niya. Una sa lahat ay kilala niya ang kumakausap sa babae at tiyak na wala iyong maitim na balak sa paglapit dito. Si Geoff iyon, ang nag-iisang kapatid ng ikakasal na si Jina. He knows the man very well dahil bukod sa anak din ito ng ninang niya, naging classmates sila ng lalaki buong elementary at high school. Sa haba sigurong iyon ng panahon kaya naging malapit niya itong kaibigan noong nag-aaral pa sa kabila ng napakalaking pagkakaiba ng personalidad nila. Unlike him na dulot marahil ng pagiging likas na friendly sa mga opposite s*x ay itinuring nang Casanova ng karamihan, si Geoff ay may ubod-linis na reputasyon sa mga mata ng mga kababaihan. For them, he isn’t the type of guy who’ll intentionally harm or offend anyone---especially women. Bagay na walang dahilan upang pasinungalingan niya, yamang maging siya ay halos perpekto ang tingin dito. Sa sobrang tino ay literal na inakala niyang magpapari ito pagdating ng panahon. Mismong si Geoff ay ikinonsiderang tahakin ang landas na iyon, ngunit nagbago ang isip nito nang minsang magpalipas ng summer vacation sa probinsya kung saan may malawak na lupain ang pamilya nito. Doon ito nagsimulang magkaroon ng interes hanggang sa tuluyang napamahal sa pagsasaka. Sa kasalukuyan ay graduate na ito sa kursong BS in Agriculture at ito na ang tuluyang nagpatakbo ng farm sa probinsya, ayon sa mga kuwento ni Jina. Muling natuon ang atensyon niya sa dalawang pinagmamasdan na hanggang sa sandaling iyon ay nagkukuwentuhan. Akmang lalapit na siya upang pormal na ipakilala kay Geoff si Mary Ann bilang kaniyang kasintahan nang sa kung anong rason ay nagkatawanan ang mga ito. Hindi niya nagawa ang plano dahil sa pagkakaroon ng tila bara sa kaniyang paghinga habang nakatitig sa bumubungisngis na babae. Paanong sa maikling panahon ay napasaya ito nang ganoon ng isang taong ngayon lang nito nakatagpo, samantalang siya, matapos mag-effort para mapangiti lang ito ay nasabihan pang ‘nambobola’? Bigla ay pumasok sa isip niya ang mga sinabi nito kanina. “Kung puwede, tigilan mo ang pambobola sa akin dahil hindi uubra ‘yan. Huwag mo ‘kong itulad sa ibang mga babae mo.” Mapait na napangiti siya bago tila napapasong lumayo sa mga ito. Bakit nga ba nakalimutan niya kung anong klaseng lalaki ang tingin sa kaniya ng kaisa-isang babaeng iniingatan? DIRE-DIRETSONG nagtungo si Zigfreid sa counter nang makapasok sa bar na madalas niyang pinupuntahan noon. Wala sa sariling naupo siya sa isa sa mga high chair na naroon. Ni hindi niya naibalik ang bati ng bartender na mukhang nagulat pang muli siyang napadpad doon. It was Friday night, mag-iisang linggo mula nang makabalik sila galing sa Zambales. Sa normal na mga Biyernes ng buhay niya, pagkagaling sa maghapong pagtatrabaho ay nambubulabog muna siya at nakikikain ng hapunan sa bahay nina Mary Ann bago umuwi. But that day wasn't normal. It was so damn abnormal. Kaya sa halip ay natagpuan niya ang sariling nagbalik sa lugar na iyon na halos kalahating taon na niyang hindi napapasok. Lugar na siyang takbuhan niya sa tuwing namomroblema. “Ano'ng atin?” “Beer lang. Dalawang bote. Magda-drive pa 'ko pauwi.” “Ngayon ka lang ulit naligaw, ah? 'Kala ko, tinalikuran mo na ang night life mo,” hirit ng bartender bago ilapag ang order niya sa harapan niya. “Akala ko rin, eh.” Hindi na ito muling nagsalita kaya tinungga na niya ang unang bote ng alak. Nahalata siguro nitong mas gusto niyang mapag-isa kaysa magkaroon ng kausap. Dinukot niya ang cellphone mula sa bulsa ng pantalon at pinakatitigan ang mukha ng babaeng nasa wallpaper niyon. Walang iba kundi si Mary Ann. Si Mary Ann na limang araw na niyang hindi nakikita, nakaka-text o nakakausap man lang sa telepono. Kagagawan niya iyon. Pakana niya para ituwid ang landas ng sira ulong puso niyang lumilihis sa kasunduan nila ng babae. Pusong humihiling na maging totohanan ang dapat ay kunwarian lang. Game over na siya. Nahulog na ang loob niya sa dalagang kaytagal na iniwasan, sa pag-iisip na masyado itong mabuti para mapunta sa isang gaya lang niya. Ngayong may nakilala itong iba na 'di hamak na mas nababagay rito, nagkakandaletse-letse ang sistema niya. Lintik na pag-ibig nga naman! Hindi niya namalayang naubusan na siya ng beer. Kukuhanin na sana niya ang ikalawang bote ngunit may kung sinong nauna sa paghablot niyon. “Bakit nag-iinom kang mag-isa rito? That's so unlike you.” Nilingon niya ang nagsalita at nakumpirmang tama ang pagkakakilala niya sa boses nito. Sitting beside him was Jade, dating katrabaho niya sa pinapasukang publishing house. Nag-resign sa pagiging editor doon ang babae para i-pursue ang pangarap na maging radio DJ. “May batas bang nagbabawal na uminom mag-isa?” Napadaing ito sa paraan ng pagkakatanong niya. “Ouch naman! 'Higit isang taon pa lang akong umalis sa office, stranger na kaagad ang turing mo sa 'kin?” Ngumiwi siya pero hindi na umangal pa. Sa una pa lang ay vocal na ito sa pagkakagusto sa kaniya. Hindi lamang niya pinatulan kahit kailan dahil may pagka-obsessive type itong tao. “Huwag ka namang gan'yan!” Nilaklak nito ang beer na dapat ay para sa kaniya. “Alam mo naman kung ano ang tingin ko sa iyo, hindi ba?” Basta na lamang na siniil siya ni Jade ng halik sa labi. Sa pagkabigla ay hindi siya kaagad nakapalag. Nasa ganoong posisyon sila nang isang imahe ng babae ang pumasok sa imahinasyon niya. Imahe ng galit at naniningkit ang mga matang si Mary Ann. Marahas na naitulak niya si Jade palayo. “Get off me! I'm taken.” Heck, I'm not! Only my heart was. Pero parte naman ng pagkatao ko ang puso ko, hindi ba? Mariin siyang napapikit dulot ng pagkokontrahang iyon sa kaniyang isip. Bago pa mabasa ng babaeng mapagsamantala ang pag-aalinlangan sa mga mata niya, nilisan na niya ang lugar na iyon. HINDI mapalagay si Mary Ann. Hanggang sa mga sandaling iyon ay wala siyang maisip na matinong dahilan ng biglaang pagbabago ng pakikitungo ni Zigfreid sa kaniya. She was sure there was something wrong, pero hindi niya magawang mag-usisa sa lalaki. Bukod sa naiilang, hindi rin niya alam kung paano at saan magsisimula. “O, ba’t naman lukot na lukot ang mukha mo riyan? Nainip ka masyado sa paghihintay sa ‘kin?” tanong ni Thea na iniluwa ng naulinigan niyang lumangitngit na pinto ng kuwarto nito. “Hindi. S-si… si Zig kasi… ‘Di pa kami nagkikita ulit, eh. Almost one week na,” pagtatapat niya. Tumikhim si Thea at nagmamadaling ini-lock ang pinto sa likod nito upang siguruhing walang ibang makapapasok bago sumampa sa kama. Kasama kasi niya nang hapong iyon sa pagdalaw sa mansyon ang lola nila. Nasa garden ito’t nakikipag-bonding kay Tita Cielo. “Eh, ano naman? Ayaw mo ‘yon, hindi ka mahihirapang mag-effort sa pagpapanggap sa harap ni Lola.” Hopeless na napabuntong-hininga siya. Hindi nagi-gets ng pinsan ang point niya, na ayaw rin naman niyang direktang sabihin dito. “Oo nga kaso… feeling ko kasi kasalanan ko kung ba't hindi siya kumo-contact, eh. Pero wala naman kaming pinag-awayan. Alam mo ‘yon?” Sumagi sa isip niya ang huling naging paghaharap nila ni Zigfreid bago magkaroon ng tila pader sa pagitan nila. Iyon ay noong nakita siya nitong nakikipag-usap sa kaibigan nitong si Geoff. Hindi kaya... nagselos siya kay Geoff? “Kung talagang bothered ka, eh ‘di, tawagan mo. Tanungin mo kung bakit tinotopak,” salubong ang kilay na sabi ni Thea, na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan. “Iyon pa nga ang isa, eh.” Napayuko siya. “Sinubukan ko siyang tawagan kagabi.” “And…?” “Babae ang sumagot.” “May kasamang chick si Zig?” Tumawa ito at napairap sa ere. “Well, that’s usual and expected of him. Hanging out with some random girls. Para namang hindi natin kilala si Mister Zigfreid Lacson.” Gusto niyang magprotesta ngunit nagpigil ‘pagkat wala namang sinabing mali si Thea. Baka nga wala naman talagang problema. Baka nagsawa lang si Zigfreid sa company niya kaya naghanap ito ng ibang babaeng makakasama. Iyong may potensyal na maging totoong girlfriend nito. Marahil, siya itong nagkamali sa pag-aakalang himalang nagbago na ang lalaki sa loob ng halos kalahating taong pinakisamahan niya ito. Sa paglimot sa eksaktong rason kung bakit kahit na matagal na siyang biniyayaan ng mga matang may pagtingin para dito, pinili pa rin niya’ng magbulag-bulagan. “Wala naman sigurong problema doon basta huwag lang siyang magpapahuli kay Lola o kay Tita Marissa,” nakaringgan niyang dagdag ni Thea na hindi na nagawang sagutin. Gawa ng pananahimik niya ay napalingon sa kaniya ang babae. Ilang segundong tinitigan siyang muli gamit ang naniningkit na mga mata. “Unless…” Malakas na pinagtama nito ang dalawang mga kamay sa harapan niya. “Natuluyan ka na, couz, ano? In love ka na kay Zig, for real!” “Imposible!” pagtanggi niya. “Totoo!” “Hindi.” “Oo!” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at bahagyang niyugyog. “Stop denying it, Mary! Ako pa ba'ng lolokohin mo? Mas magandang gawin mo, umamin ka sa sarili mo para masolusyunan ang problema.” “Anong dapat kong gawin, Thea?” natutulirong tanong na halos ‘di lumabas sa bibig niya mayamaya. Huminga nang malalim ang babae kasabay ng pagngiti na sa palagay niya’y hindi naman akma sa sitwasyon. “Dear… since nakarating ka na sa point na ‘yan, dapat siguruhin mo kung may pag-asa nga bang maging totohanan ‘yung sa inyo ni Zig. Pero, kung sakali mang imposible ‘yon…” Ibinitin nito ang sinasabi para haplus-haplusin ang balikat niya. “Better na itigil mo na ang pagiging girlfriend niya sa harap ng ibang tao. I don’t want you to get hurt, Mary.” Pero nasasaktan na siya ngayon pa lang. At dahil iyon sa posibilidad na isinasampal ni Thea sa mukha niya. “P-paano ko gagawin ‘yon? Saan ako magsisimula?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD