Chapter 07: No Hard Feelings

2348 Words
WARING may malalaking mga batong nakadagan sa mga paa ni Mary Ann habang naglalakad siya palapit sa bahay ng mga Lacson. Sa bawat hakbang ay nadaragdagan ang kabang nadarama niya, lalo na nang nasa labas pa lang siya ng gate ay namukhaan na ng kasambahay na pumasok sa kabahayan at mukhang tatawagin ang amo nito. Samantalang pinatuloy naman siya ng security guard na bumati pa sa kaniya. "Mary! What brings you here?" balewalang bungad ni Zigfreid nang labasin siya. Normally ay masaya siyang palaging nakikita ang lalaki at naririnig ang boses nito, subalit nang mga sandaling iyon, lihim niyang nahiling na sana'y hindi na lang ito nakaharap. Naduduwag siyang ituloy ang plinanong gawin bago magpunta roon, pero obviously, huli na para umatras. "Ah... uhm, n-nagtaka lang ako kung bakit hindi ka nagpaparamdam." Pinilit niyang pakaswalin ang tinig. "Baka 'ka ko... kung ano'ng nangyari sa 'yo." "Anong mangyayari sa 'kin? Wala! I just... took some time para i-enjoy naman ang buhay-binata ko. Parang nakalilimutan ko na kasing binata pa nga pala 'ko, eh." Tumawa pa ito, na parang napakawalang kuwenta ng sinabi niya. "Wala namang masama ro'n, 'di ba?" Kung umasta ito, parang wala siya ni katiting na importansya para dito. Parang hindi man lang siya na-miss kahit kaunti. Parang wala itong pakialam sakaling isa sa mga araw na hindi siya nito kino-contact ay masagasaan siya sa kalsada at mamatay. Muntik na siyang mapahikbi. Nananakit na ang lalamunan niya ngunit tinitiis niya iyon, huwag lamang siyang mapaluha sa harapan ni Zigfreid. Gusto niyang sampalin ito at sumbatan sa p*******t na ginagawa sa damdamin niya pero... wala nga pala siyang karapatan. Dahil isang palabas lang ang relasyon nila. "Anyway, tinanong mo ako no'n kung paano natin tatapusin ang palabas, 'di ba? May naisip na ako." Nagpatuloy ito nang hindi siya umimik. "Once na isa sa 'tin, nakahanap na ng totoong mamahalin, sabihin na lang natin sa lahat na nag-break na tayo. Kaya malaya na tayong magmahal ng iba. That way, no one will ever know that we lied about us." Hindi niya naitago ang disappointment. "Pa'no mo nasasabi sa 'kin 'yan? Siguro, ikaw, nakahanap na ng totoong mamahalin, ano?" Natameme ang lalaki. Animo may nais sabihin ngunit hindi mailabas. "Tingin mo, kailan ko masasabing nahanap ko na 'yung taong tunay kong mamahalin?" sa halip ay balik-tanong nito. Lumunok siya... Huminga nang malalim pero walang sinabing anuman. Tinitimbang muna niya kung iyon na nga ba ang tamang panahon para magtapat dito. Pero bakit nga ba hindi? After all, pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay sigurado namang hindi na niya kakayanin pang magpatuloy sa kalokohang ginagawa nila. Lalo na sa tuwing maaalaala niya kung paano siya pinakiharapan nito ngayon. Oras na nga siguro para tapusin ko ang lahat. "Hindi ko rin alam. Palagay ko, wala naman talagang eksaktong panahon kung kailan mo masisiguro 'yon. Basta, sa bawat araw na nagigising ka, mabubuhay ka lang at aakto sa paraang inaakala mong tama ayon sa dikta ng bawat sitwasyon; kasama 'yung taong itinutulak ng tadhana para makasama mo. Hanggang sa... hindi mo mamamalayang 'yung mga bagay na ginagawa mo lang dahil sa obligasyon, 'yon na pala 'yung nagiging rason ng bawat pagngiti mo, ng kaligayahan at 'yung kukumpleto sa araw at buhay mo. "Parang ako. Pumayag lang ako nung una na magpanggap na girlfriend mo para hindi kami magkagulo ng Lola ko. Dahil akala ko, 'yon ang makabubuti para sa kaniya. Hanggang hindi ko napansing sa pagtagal, n-nahulog na pala ang loob ko sa 'yo. N-na..." Diretso siyang tumingin sa naguguluhang mga mata nito. "mahal na pala talaga kita." ZIGFREID was astonished. Halos mabitawan niya ang hawak na baso nang dumulas iyon sa kamay niya matapos mag-sink-in sa kaniyang isip ang ipinagtapat ng babae. Hindi niya mapaniwalaang kay bilis na nagdilang-anghel si James. "Mag-isa ka lang pala rito ngayon. Kaya pala may oras kang makipagkita sa akin at hindi puro si Mary ang inaatupag mo," tudyo ni James pagkaupong-pagkaupo sa katapat niyang silya. Dala ng pananawa sa nakabibinging katahimikan sa bahay nila, inimbitahan niya ang kaibigan nang gabing iyon. Umalis kasi ang Mommy niya para dalawin ang amiga nito sa kung saang lugar at nagpaalam na kinaumagahan na makauuwi. Si Zander, may business trip sa ibang bansa habang ang kapatid naman niyang babae, isinama ng fiance nitong umuwi ng probinsiya at sa isang linggo pa makababalik. Palaging nangyayaring naiiwan si Zigfreid ng mga ito dahil sa kung anu-anong dahilan, at wala siyang reklamo palibhasa'y sanay na. Ngunit higit kailan man, sa mga sandaling iyon ay lubos niyang nadarama ang pag-iisa. At aminin man o hindi, he knows deep inside where that solitude springs from. "Manahimik ka na nga lang, James!" Pabagsak na naglapag siya ng shot glass sa harap nito at sinalinan iyon ng alak. "Daig mo pa'ng selosang girlfriend na putak nang putak d'yan, eh!" "Psh, nagsalita!" palatak nito, sa nanenermong himig. "Ikaw nga itong seloso pagdating sa babaeng hindi mo naman talaga girlfriend." "Nagpapatawa ka? I'm not jealous, okay? Ba't ako magseselos? Imposible!" pagdi-deny niya, sa tonong kahit ang sarili niya ay hindi makumbinsi. "Sabihin mo 'yan kay Joe, o kahit kay Jade... pero huwag sa akin, Zig. Nagsasayang ka lang ng laway." Marahas siyang bumuga ng hangin. Noong makalawa ay hindi sinasadyang naiwan niya ang cellphone sa bar na pinuntahan nang magmadali siyang umalis para makaiwas sa nakaiiritang pang-aakit ni Jade. Mabuti na lang at si Joe, ang bartender na naging kaibigan na rin niya ang nakapulot niyon. Nagawa'n nito ng paraang maibalik sa kaniya ang telepono, sa tulong ni James na siyang tinawagan nito gamit iyon. Dahil sa nangyari ay hindi na siya nakatakas sa pang-uusisa ng best friend. Naikuwento niya rito ang hindi magandang tanawing nasaksihan sa Zambales. "Hindi mo yata naiintindihan, Pare. Naisip ko kasi, baka... baka masyado kong nakakain 'yung oras niya. Kung lagi niya akong kasama, hindi siya magkakaro'n ng chance na makita 'yung totoong para sa kaniya. Someone who's probably... better than me." At ayaw na rin niyang mas ma-attach pang lalo kay Mary. Kung ngayon pa lang ay naaapektuhan na siya nang husto sa simpleng pakikipagtawanan lang nito sa ibang lalaki, natatakot siyang kapag pinatagal pa ang pakikisama rito ay tuluyan siyang mawasak sa oras na gusto na nitong kumawala sa kaniya. He won't let that happen. Iyon ay kahit na ipinagsisigawan ng isang parte ng kalooban niyang huli na ang lahat para isalba ang kaniyang sarili. Dahil tuluyan na siyang nabitag ng sariling patibong. "In your eyes, can there be someone better than the one you love?" Napaangat ang tingin niya sa palaisipang binigkas ni James. "Mary loves you. At gano'n ka rin sa kaniya, Zig." Tinagpo niya ang matiim na pagkakatitig ng kaibigan. Oo, mahal na niya ang babae. He admitted that to himself quite a long time ago, ngunit ganoon ba siya kadaling basahin para malaman iyon ni James? At... "Paano mo nasabing mahal ako ni Mary?" "Ang galing mong magpayo sa problema namin ni Thea, pero pagdating sa sariling usapin mo, bopols ka!" Binigyan siya ng lalaki ng isang suntok sa balikat; medyo napalakas kaya napangiwi siya. "Halatang-halata kaya kayo! Alam ng buong barkada iyon. Kayo nga lang yatang dalawa ang hindi nakaaalam eh. Sa bagay, a book can't read itself, can it?" "Seryoso ka ba riyan?" Tumango lang si James. "And maybe, that's Thea's subconscious reason kaya nagamit niyang alibi noon iyong sa inyo ni Mary." "You're not answering my question, pare," natutulirong usal niya. "Paano n'yo nga nasabing mahal niya 'ko?" Bagot na napailing-iling ito. "Naaalala mo nung first time ipinakilala ni Thea sa barkada si Mary?" Five years ago... Nalaglag sa semento ang balat na pinagkainan ng kornik ni Zigfreid matapos mabitiwan iyon. Nang mapulot ay ishu-shoot na sana niya iyon sa basurahan kundi lang napadako ang kaniyang paningin sa nagkukumpulang mga kaibigan sa 'di kalayuan. Kasama niya ang mga ito sa bahay ng kabarkadang si Tanya kung saan sila nagkita-kita para i-celebrate ang pag-graduate ng ilan sa grupo nila. "Psst, pare!" tawag-atensyon niya sa katabing si James na naninigarilyo. "Sino 'yung kasama ni Thea?" Mula sa may gate na kinaroroonan nila ay nilingon ng lalaki ang girlfriend na nakatayo malapit sa may fountain kung saan nakapalibot din ang iba pa nilang kaibigang nagkakaingay. Gumala ang paningin nito, marahil upang hanapin ang tinutukoy niya, pagdaka'y napangisi. "Ah, si Maria Clara!" "Ano? Maria Clara?" ulit niya sa binanggit nitong pangalan ng babaeng kanina pa tinititigan. "Joke lang, Mary Ann ang pangalan n'yan. The pure and innocent Mary Ann Bernal. Pinsan 'yan ni Thea." Tumawa si James sa hindi niya malamang dahilan. "Ingat ka sa pinaggagagawa mo sa harapan ng babaeng 'yan, p're." Saglit lang niyang tinapunan ng tingin ang kausap na parang timang sa pinagsasasabi, bago muling pagsawain ang mga mata sa magandang nilalang na nasa harapan. "Pure and innocent... Mary Ann," tumatangong pagbanggit niyang muli na waring itinatatak sa isip ang tinurang ngalan. "The way you looked at her that day? Tinamaan ng magaling, Zig! Kitang-kita ko, na-lab at pers sayt ka!" Humagalpak ng tawa ang loko-loko. "Tsk! Umuwi ka na nga lang! Lasing ka na, eh. Paikot-ikot lang ang mga sinasabi mo." "O, easy ka lang! 'Wag mo akong kagalitan," tatawa-tawang depensa nito, bago magseryoso. "Go find the answers to your questions from Mary, Zig. Huwag sa kung sinu-sino. Isa pa, instead of pushing her to find someone better than you, why not try to be the best man for her?" Tinungga nito ang natitirang laman ng baso, saka tumayo at tinapik siya sa balikat. "Mag-isip ka'ng mabuti. Salamat sa painom." Wala pang kalahating oras na nakaaalis si James nang tawagin siya ng kasambahay sa garden at sabihing naghihintay sa labas si Mary Ann. For the first time in his life, he panicked upon seeing her again face-to-face. Hindi niya mahanap ang mga salitang dapat sabihin sa babae. Gusto niyang ipagsigawan kung gaano niya ito na-miss; to confess how he dies to see her or even hear her voice these past few days, pero hindi siya sigurado sa itutugon nito. Natakot siyang ma-reject at mapahiya, kaya hinayaan niyang ang ego ang magsalita para sa kaniya. Ipinagpatuloy niya iyon kahit na ibinubulong ng puso niyang maaaring masaktan ang dalaga sa mga salitang lumalabas sa bibig niya. Ngunit nang magtapat ito ng tunay na pagtingin sa kaniya, talo pa ng pakiramdam niya ang hinampas ng rumaragasang alon ng dagat. "Parang ako. Pumayag lang ako nung una na magpanggap na girlfriend mo para hindi kami magkagulo ng Lola ko. Dahil akala ko, 'yon ang makabubuti para sa kaniya. Hanggang hindi ko napansing sa pagtagal, n-nahulog na pala ang loob ko sa 'yo. N-na... mahal na pala talaga kita." Dala ng labis na kagalakan, napasulyap siya sa madilim na kalawakan. Dear Lord, what good have I done to deserve this reward from You? MAS nagtatagal ang pananahimik ni Zigfreid, mas dumarami ang tila ngumangatngat na daga sa puso ni Mary Ann. In the midst of uncertainty, pumasok sa isip niya ang napag-usapan nila ni Thea kagabi. "P-paano ko gagawin 'yon? Saan ako magsisimula?" "Take a risk and the initiative, Mary. Knowing Zig, wala iyong ipagtatapat sa 'yo hangga't hindi niya muna nalalaman ang feelings mo for him." Umirap ang babae sa ere. "That guy's just too coward to jeopardize your friendship." Iyon lang naman talaga ang ipinunta niya roon: ang alamin kung may katugon ang pag-ibig na nadarama para sa lalaki o wala. Idinalangin niya sa Diyos na patnubayan ang lakad niyang iyon, at base sa kalamigang ipinamalas sa kaniya ni Zigfreid nang makaharap siya, sa paglalahad nito ng plano kung paano tatapusin ang kunwariang relasyong namamagitan sa kanila, at sa pananahimik lang nito matapos niyang umamin ng damdamin, mukhang dumating na ang sagot na hinihintay niya. Tama na ang dalawang beses na nilakasan niya ang loob sa pagtawag sa lalaki noong makalawa at sa pagtatapat ng buong katotohanan sa harapan nito ngayon. Tama na rin ang dalawang beses siyang mabigo at masaktan. Hindi na kailangang ipagpilitan pa kay Zigfreid ang tsansang inaasam sanang makuha, sa gayon ay lubusang matapakan ang dangal niya bilang babae. Hindi niya gustong sa huling pagkakataon ay bumaba nang husto ang tingin nito sa kaniya. "Ngayon, alam mo nang nakahanap na 'ko ng totoo kong mamahalin. May sapat na tayong dahilan para tapusin ang pagpapanggap." Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya, bago pinilit na ngumiti. "Pasensiya ka na, ha? Masyado akong nagpadala, eh. 'Ayan tuloy, hindi na kita matutulungan sa Mommy mo." Nagawa niyang tumawa sa kabila ng labis na paninikip ng dibdib. "P-pa'no, ito na 'yon? Break na tayo? I-ikaw na lang ang magsabi kay Tita Marissa, at ako na ang magpapaliwanag kay Lola." Binigyan niya ng pagkakataong sumagot si Zigfreid, pero mukhang wala na talaga itong balak na kausapin pa siya. "No hard feelings, ha? Sana hindi mo 'ko ituring na iba kahit alam mong... minsan akong nagkagusto sa 'yo." Dahil ako, naiintindihan ko kung hindi mo man ako minahal. Iyon lang at tuluyan na siyang tumalikod. Habang naglalakad palayo ay inilibot niya ang paningin sa buong paligid. Kasabay noon ang pag-agos ng mga pinipigilan niyang luha. Sa lugar na iyon... doon nagsimula ang pekeng love story nila ni Zigfreid. Bakit hindi niya naisip ang posibilidad na doon din iyon magtatapos? Hahawakan na sana ni Mary Ann ang malamig na rehas ng gate na nasa kaniyang harapan nang isang mainit na palad ang sumakop sa mga kamay niya at pumigil sa pag-angat niyon. Mabilis siyang pinihit ng taong nasa likuran niya paharap dito. Nabigla siya nang malingunan si Zigfreid, kapantay ng rumehistrong pagkabigla sa mga mata nito nang masaksihang lumuluha siya. Ngunit imbes na umimik, masuyo lang nitong tinuyo ang mga pisngi niya. Nang matapos sa ginagawa ay lumapit ito at masuyong bumulong sa tapat ng tainga niya. "No hard feelings din, Mary, pero nahanap ko na rin ang sa akin. And after hearing her say she loves me too, hindi ko kayang hindi siya ituring na iba sa pagiging kaibigan." Bago pa man makapagsalita ay siniil na siya ng lalaki ng halik sa labi. Isang halik na sapat upang maramdaman niya ang init at tindi ng pagsuyong mayroon ito para sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD