"THE woman I was looking at earlier, that's Ruth, my ex. Isa siya sa dadalawang naging serious relationships ko."
Kunot-noong nilingon ni Mary Ann si Zigfreid. May ilang minutong tinitigan nito ang puntod ng kaniyang ina matapos siyang magkuwento ng tungkol sa kabataan niya, at nang mag-angat ito ng tingin ay iyon agad ang sinabi. Pinakitaan pa siya ng picture ng tinawag na "Ruth" na naka-flash sa cellphone screen nito.
"'Yung Daddy niyang kasama kanina, he's one of the main reasons kaya kami naghiwalay."
Nakauunawang napatango siya matapos ang saglit na pag-iisip. Mukhang nang dahil sa pag-o-open-up niya ay napukaw rin ang loob ng binata para magbahagi ng nakaraan sa kaniya. Isang kabanata sa buhay nito, na hindi niya alam kung dapat ikatuwa o hindi.
“Ipinakilala lang sa 'kin si Ruth ng kababata ko, si Geoff. First few encounters pa lang namin, na-attract na talaga agad ako sa kaniya. Parang nasa kaniya kasi 'yung mga katangiang hinahanap ko sa isang babae. 'Yung... mabait, disente, tiyak ang gusto sa buhay, walang arte kahit anak-mayaman, straightforward at higit sa lahat, may takot sa Diyos. Not to mention she's also very beautiful and talented. So, I asked her out on a date. To see kung uubra kaming dalawa.”
“'Tapos, naging kayo nga?”
Tumango ito. “Two years ding naging kami. Akala nga namin, magtatagal pa since smooth sailing naman kami. Pero dumating 'yung time na kinausap kami ng Daddy niya tungkol sa future plans namin. Kung kailan daw ba namin balak na magpakasal, o kung may balak nga ba kami. Big deal kasi sa parents ni Ruth ang usaping kasal.”
“Ba't 'di mo siya pinakasalan? Ang sabi mo, siya 'yung ideal girl mo.”
“We considered that. Pareho naming pinag-isipan nang mabuti. Pero imbes na makabuo ng plano para sa paglagay sa tahimik, iba ang na-realize ko. Na hindi ko malinaw na nakikita si Ruth bilang magiging ilaw ng itatayo kong tahanan.”
Sumilay sa labi nito ang matipid na ngiti, tanda ng amusement. “Well, akala ko ako lang ang nakaisip pero siya rin pala. Deretsahan niyang sinabi sa 'kin noon na hindi pa siya ready na mag-settle down. Hindi pa raw niya nai-imagine ang sarili niya bilang isang homemaker... bilang asawa ko.
That's when our love story ended. Pero nangako naman kami sa isa't isa na habambuhay kaming magtuturingan bilang magkaibigan.”
Nabahiran ng lungkot ang pakiramdam ni Mary Ann. “Unpredictable talaga ang tadhana, 'no? Kahit na 'yung mga taong parang sobrang compatible na, hindi pa rin pala magkakatuluyan.”
“Sabi nga nila, kapag hindi ukol, hindi bubukol. Alangan namang ipilit ko, 'di ba? Dapat ba, lumuhod pa ako sa harapan ng isang babaeng hindi ako pinipiling makasama?” Umiling-iling ito kasabay ng mahinang pagtawa. “No way!”
Kumulo ang dugo ni Mary Ann sa naalaala. Kung tunay ang mga sinabi ni Zigfreid noon, ano itong eksenang nagaganap sa harapan niya ngayon?
"NAKATUTUWA, ano? Lagi tayong nagkikita accidentally.”
Nginitian lang ni Zigfreid si Ruth. Hindi inaasahang nakabangga niya ang babae sa kaniyang pag-iikot sa shop habang naghihintay na dumating si Mary Ann.
“Oo nga, eh. Siguro dahil hindi tayo natutuloy na mag-meet kapag pinaplano.” Impit siyang tumawa. “Ano'ng ginagawa mo rito? Don't tell me... titingin ka rin ng wedding gown?”
Tumawa nang malakas si Ruth, pero hindi bilang pakikisakay sa biro niya. Pinagtatawanan siya nito.
“'Di ka talaga updated sa 'kin eh, 'no? Nakakatampo naman.”
“Ha?”
Nakadama siya ng pagkapahiya. Lately ay hindi na talaga siya nakapagbubukas ng social media accounts dahil masyado nang busy sa trabaho at kay Mary Ann, kaya wala talaga siyang balita kay Ruth.
Am I missing something?
“I finally found the one, Zig. Nag-asawa na ako, six months ago pa.” Nagningning ang mga mata nito. “And, sa ngayon, I'm four months pregnant. Nandito nga kami para tumingin-tingin ng baby clothes.”
Namilog ang mga mata niya sa pagkabigla. “Talaga? Wow, congrats!”
Hinagod niya si Ruth ng tingin mula ulo hanggang paa, saka lang napansing may maliit na umbok nga ang tiyan nito. Lumawak ang pagkakangiti niya. He felt genuinely happy for his special friend.
“Thanks! Mamaya, i-introduce kita sa husband ko. Lumabas lang siya saglit to get his wallet sa kotse namin.”
Natahimik silang pareho. Pero mayamaya lang ay nagsalita ulit si Ruth matapos may maalaala.
“Wait... ano nga ulit 'yung tanong mo kanina? Kung titingin "din" ako ng wedding gown? Ano'ng ibig mong sabihin do'n, ha?”
Hindi napigil ni Zigfreid na matawa sa pang-iintriga ng babae. “Ikakasal na rin ako. Kami ni Mary.”
“Mary... the girl you're talking about last time? Uy, siya pala talaga ang nakatuluyan mo?”
Ngiting-ngiting tumango siya.
“Where is she? Ipakilala mo naman sa 'kin.”
Luminga-linga siya sa paligid, checking kung naroon na ang fiancée. “Parating na rin siguro siya. Baka... na-traffic lang.”
Kumunot ang noo niya nang lumingon muli sa entrance ng boutique. Kanina pa nag-text sa kaniya si Mary Ann na papunta na roon pero hanggang ngayon ay wala pa. Bigla, nag-aalala siyang baka may kung anong nangyari dito habang nasa daan.
Hay! Dapat talaga sinundo ko na lang siya, eh.
Bago pa mag-isip ng kung anu-ano ay hinarap na lang ulit niya si Ruth. Unang nalapagan ng paningin niya ay ang sapatos nitong hindi nakasintas nang maayos.
“Hindi ayos ang shoe lace mo, baka marapa ka. Let me help you.”
Bago pa sumagot si Ruth ay nagkusa na siyang ibuhol ang sintas ng sapatos nito. Katatapos lang niyang gawin iyon nang may tumawag sa pangalan niya.
“Zig...”
Napaangat ng tingin si Zigfreid at nagmadaling tumayo nang makilalang kay Mary Ann ang boses na iyon. Bumangon ang kaba sa dibdib niya nang mamasdan ang madilim na anyong ngayon lang niya nakita rito.
"Love! Nandito ka na pala," aniya kasabay ng paghalik sa pisngi ng fiancée, sa kabila ng kalamigan nito. "Nahirapan ka bang mag-commute?"
"Sino siya?" sa halip ay patanong na baling nito kay Ruth.
Hindi niya nagugustuhan ang tono at ekspresyon ni Mary Ann, gayunman ay maayos pa rin siyang sumagot. "Uh, she's Ruth. Naikuwento ko na siya sa 'yo before."
"Hi! You must be Mary," sabad ni Ruth. "Lagi kang nababanggit sa 'kin nitong si Zig. It's nice to finally meet you!"
Nakangiting naglahad ng kamay si Ruth sa harap ni Mary Ann. Tahimik siyang naghintay na tanggapin iyon ng huli ngunit naghintay siya sa wala. Imbes ay parang walang nakitang bumaling sa kaniya ang kasintahan.
"Hindi ako nahirapang mag-commute, sadyang na-late lang ako. Nagmadali na nga akong makarating at baka mainip ka sa paghihintay. Pero mukhang hindi naman pala dahil nakahanap ka naman ng ibang pagkakaabalahan."
Mary Ann's sharp words caught Zigfreid off guard. Hindi lamang ng mga salita kundi higit ng asal na ipinakita nito. Diyata't pinaiiral na naman ang pagkaselosa. Hindi niya malaman kung ano ang unang iintindihin: kung ang maling pagkakaintindi ba ng kasintahan sa naging tanong niya o ang paghinging-paumanhin sa napahiyang kaibigan.
Bukod doon ay may bumangon pang inis sa loob niya na hindi ganoon kadaling pigilin. Hindi lang kasi si Ruth ang naipahiya ni Mary Ann kundi maging siya. Napahiya siya sa 'di iilang taong nasa loob ng gusaling kinaroroonan na nakikiusyoso na dahil sa narinig na sinabi ng babae. Nawalan din siya ng mukhang maihaharap sa mismong kaibigan dulot ng kabastusang ipinamalas ng fiancée na ipinagmalaki pa man din niya rito kani-kanina lang.
"Nandito ka na rin lang, gawin na natin ang pakay natin dito," sabi na lang niya at marahang hinila si Mary Ann sa braso. "Ruth, pasensiya na. We have to go."
"BAKIT hindi ka umiimik d'yan? May problema ka ba?"
Sandaling nahinto si Zigfreid sa tangkang pagsasara ng pinto ng passenger seat ng kotse na pinanggalingan ni Mary Ann nang magsalita ang babae sa likod niya. Ipinagpatuloy muna niya ang ginagawa bago ito hinarap.
"Ako dapat ang magtanong n'yan, Mary. What was your problem earlier?" mariin ngunit kalmadong buweltang-tanong niya.
Kanina pa niya iyon gustong itanong. Inuna nga lang niyang ihatid sa bahay nito si Mary Ann pagkagaling nila sa boutique sa pangambang hindi na ito magpahatid sakaling magkasagutan sila.
"Bakit? Wala naman akong sinabing masama, ah?"
"Hindi porke't wala kang sinabing masama, wala ka ring ginawang mali. So, tell me. Bakit mo ginano'n si Ruth?"
Sa kabila ng paubos nang pasensiya ay pinilit niyang huminahon. Wala silang mareresolbang isyu kung init ng ulo ang paiiralin.
Hindi nakasagot si Mary Ann. Huminga lamang ito nang malalim at nag-iwas ng tingin. Nang harapin siya, namumula na ang mga mata nito.
"Hindi mo ba talaga alam? So, ano palang in-expect mo? Na manonood lang ako habang 'yung fiancé ko, nakikipag-usap sa ex niya sa harapan ko? Dapat ba hinintay ko kung kailan ka niya hihilahing tumayo at kung ano'ng gagawin n'yo pagkatapos? Sorry pero hindi ako 'yung tipong gagawa ng gano'n!"
Tumulo bigla ang ilang butil ng luha mula sa mga mata nito. Muntik na siyang bumigay dahil doon ngunit tinatagan niya ang sarili. Bilang nagmamahal dito ay kailangang lagi niyang piliin ang mas makabubuti para sa kapakanan nito. At sa pagkakataong iyon, kailangang ituwid niya ang baluktot na pag-uugaling nakikita rito.
"Sa madaling salita, you got jealous. Again.” Napahilot siya sa kaniyang sentido. “Ilang beses ko bang uulit-ulitin sa 'yong ikaw lang ang nag-iisang babae sa buhay ko? O kahit hindi ko sabihin, hindi ba sapat 'yung mga ginagawa ko para patunayang kuntento naman ako sa 'yo?"
Huminto siya sa pagsasalita nang maramdamang may namumuong sama ng loob sa kaniyang sistema; kapag ganoon kasi ay madalas na nakapagsasalita siya ayon sa idinidikta ng ego niya. Ayaw na niyang makipag-usap ulit kay Mary Ann sa ganoong paraan. Dahil noong huling beses na pride ang pinairal niya sa pakikipag-usap dito, muntik na itong mawala sa kaniya.
Sa halip, ikinulong niya sa mga palad ang dalawang kamay nito at pinagdikit ang kanilang mga noo upang mapakalma kahit paano ang kapuwa nagpupuyos nilang mga damdamin. "Magtiwala ka naman sa 'kin, oh? Kasi, masakit kapag lagi mo akong pinagdududahan. Napapagod din naman ako."
Akala niya'y gagana ang estratehiya para mapaamo ang kasintahan, pero hindi. Mas lalo pa nga yatang lumala ang sitwasyon.
"Hindi ko alam kung ang ikinagagalit mo ay ang pagpapahiya ko kay Ruth sa harap ng maraming tao o dahil pagod ka na sa 'kin," malamig na saad nito matapos siyang itulak palayo. "Pero alam ko kung ano'ng makapagpapawala ng galit mo."
Pinanlataan siya ng buong katawan nang walang pag-aatubiling hubarin nito ang suot na engagement ring sa harapan niya. Ni hindi niya nagawang iangat ang kamay upang pigilan ito.
"Huwag na muna nating ituloy ang kasal. Pag-isipan mo muna kung sa babaeng tulad ko mo nga ba gustong magpatali."
Umiging sa kaniyang pandinig ang pagkalansing ng singsing na basta na lamang nitong ibinalibag sa sementadong sahig.