Chapter 13: Halik

2952 Words
“NAND'YAN ho ba sa loob si Thea? O kahit si James?” “Opo, Sir Zig, nasa loob sila pareho. Si Ma'am Thea, kadarating lang.” “Puwede ho bang pakitawag? Pakisabi, nandito ako.” “Eh, bakit hindi na lang ho kayo pumasok? Welcome naman ho kayo lagi kina Ma'am at Sir.” “Hindi na ho. Hindi naman ako magtatagal. Importante lang.” Hindi na nakipagdiskusyon pa ang kasambahay at sumunod na lang sa pakiusap ni Zigfreid. Siya naman ay nanatiling tahimik na nakatayo sa tapat ng pintuan ng bahay nina James habang pinipilit na alisin ang hindi maipaliwanag na tensyong nadarama. Ilang minuto siyang ganoon bago makaharap si Thea. Kabuntot nito ang asawa. “Zig! Ayaw mo raw pumasok sabi ng maid. What’s wrong with you?” Everything, Thea. Everything's wrong with me. “Gaya ng sabi ko kay Manang, hindi naman ako magtatagal. Gusto ko lang sanang malaman ang bagong address ng pinsan mo,” deretsahang aniya. He was desperate. Wala na siyang ibang maisip na paraan para matunton si Mary Ann. Umalis na ito sa dating tahanan, nagpalit ng cellphone number at i-b-in-lock siya sa social media accounts. Maging sa shop nito ay puro mga katiwala ang nararatnan niya, na sa tuwing pagtatanungan ay walang matinong maisagot sa kaniya. Ang dalawang kaharap: ang mga ito na lang ang pag-asa niya. Sigurado siyang may alam ang mga ito kung saan nagtatago si Mary Ann. “Bakit mo pa tinatanong? Wala na kayo, 'di ba? You're even dating another girl,” pag-iiba ni Thea ng usapan. “Dahil hindi ako naniniwalang meron na siyang iba. Sigurado akong wala. Kaya gusto kong maintindihan mula mismo sa kaniya kung bakit siya nagsinungaling sa 'kin at ba't niya 'ko pinagtataguan.” Nakumpirma niya iyon matapos makausap si Geoff sa telepono kanina lang. Labag man sa loob ay tinawagan niya ang lalaki para pasimpleng alamin kung nakakasama pa nito si Mary Ann o kung meron pa itong kahit na anong koneksyon sa babae. Si Geoff lang kasi ang tanging suspect niya na maging bagong karelasyon ng ex-fiancée, kung meron man. Ngunit nang makausap niya si Geoff, tila nabaliktad ang sitwasyon. Parang ito pa ang nagtatakang hindi pa rin sila nagkakaayos at ikinakasal ni Mary Ann. May nabanggit pa itong “I thought you already know” na hindi niya naunawaan. Nang tanungin naman niya ay hindi rin nagpaliwanag. Lalo tuloy sumakit ang ulo niya. Nakipagtitigan siya kay Thea at napahilamos ng palad sa mukha nang makitang wala pa rin itong balak magsalita. “Si Jade... tinigilan ko na siya. Nilinaw ko na sa kaniyang ibang babae talaga ang mahal ko at hindi siya. Kaya sige na, sabihin mo na sa 'kin kung nasa'n si Mary.” Bumuka ang bibig ni Thea pero walang lumabas na salita mula roon. Sa halip ay itinikom lang iyon muli nito bago nakipagtinginan kay James. “I'm sorry, Zig, pero hindi rin nagpaalam sa 'kin si Mary, eh. Wala akong maitutulong sa 'yo,” sa huli ay pagtanggi nito. “Hindi... hindi, imposible!” pailing-iling at halos pabulong na lang na protesta niya. “Walang isinisikreto sa 'yo si Mary, kaya siguradong alam mo. Ano'ng kailangan kong gawin para ituro mo siya sa 'kin?” Marahas na bumuntong-hininga si Thea; kung dahil sa naiinis na ito o nahihirapan nang magpalusot sa kaniya ay hindi niya alam. “Zig, come on! You asked me so many times already. Kung alam ko lang sana, kanina ko pa ibinigay sa 'yo ang address. Kaso---” Hindi na hinayaan ni Zigfreid na matapos sa pagdadahilan ang kaibigan. Pakiramdam kasi niya, kung hindi niya makukuha ang sagot na hinahanap ngayong gabi ay tuluyan na siyang masisiraan ng bait sa kaiisip ng mga posibleng rason ni Mary Ann, gayundin sa hindi masupil na pangungulila niya rito. Kung kinakailangang ibaba niya na nang husto ang pride na pinakaiingatan, nakahanda siya. Walang pag-aatubiling ibinagsak niya ang mga tuhod sa sementadong sahig saka tiningala sina Thea at James. “Nagmamakaawa ako, Thea. Tulungan mo ako. Please... save me from this torture.” NAPASINGHAP si Thea kasabay ng panlalaki ng kaniyang mga mata. Hindi niya akalaing ang taong tulad ni Zigfreid ay luluhod sa harapan niya. Hindi pa niya kailan man nakitang ginawa nito iyon sa kahit na sino, sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan nila. Sa tagpong iyon ay kitang-kita niya kung gaano talaga katindi ang pagmamahal ni Zigfreid kay Mary Ann. Sadya ngang may kapangyarihan ang tunay na pag-ibig na baguhin ang sinumang tao. Her tears fell involuntarily. Nagalak siya para sa pinsan at humanga naman sa matalik na kaibigan. She was thankful that finally, nahanap na ng dalawang taong malapit sa puso niya ang walang hanggan at wagas na pag-ibig na nararapat para sa mga ito, at sa isa't isa pa. Abala siya sa pagpupunas ng luha nang mahina siyang kalabitin ng asawa. “Heart, sabihin na natin sa kaniya,” bulong nito. “He deserves to know.” Agad siyang tumango. Kahit hindi siya pagsabihan ni James, iyon na talaga ang balak niyang gawin. “Okay fine, Zig. Panalo ka na. Ibibigay ko na sa 'yo ang whereabouts ni Mary.” “Kaya tumayo ka na riyan, Pare. Hindi kami sanay na gan'yan ka. Hindi bagay sa 'yo,” segunda ni James sa magaang tono. Magkaagapay at may pagmamadaling hinakbang nila ang tatlong baitang palabas sa bahay nila upang lapitan si Zigfreid. Pagsapit sa harap nito ay kapuwa sila yumuko para tulungan itong tumayo. “Nasa Agoncillo, Batangas siya ngayon. Sa hometown ni Lola Eming. May inupahan siyang maliit na bahay roon.” Silang mag-asawa lang ang tanging pinagsabihan ni Mary Ann ng tungkol doon, dahil na rin kinailangan nito ang tulong nila para mas mapadali ang paglilipat. Noon lang din nito ipinagtapat sa kaniya ang pagdadalang-tao nito. Nang malaman niya ang kondisyon ng pinsan ay mahigpit niyang tinutulan ang pinaplano nitong paglayo at paglilihim kay Zigfreid ng tungkol sa bata. Ngunit sa bandang huli ay wala rin siyang nagawa para pigilan ito nang pagbantaan siyang mag-isa itong aalis at maging sa kaniya ay hindi na magpapakita sa oras na magsabi siya kay Zigfreid. Kilala niya si Mary Ann; alam niyang tototohanin nito ang bantang iyon. Kaya pinagbigyan na lang muna niya ang gusto nito dahil kung hindi ay mawawalan siya ng isang itinuturing na kapatid. Mawawalan din ng karamay si Mary Ann, at iyon ang mas ikinababahala niya. “S-sinong kasama niya ro'n? Siya lang ba mag-isa? Maayos ba ang lagay niya roon?” tanong ni Zigfreid, sa pinaghalong pag-aalala at pagkatuliro. “Nakapamumuhay naman siya nang ayos doon dahil malaki-laki ang halaga ng perang naipon ni Lola at iniwan sa kaniya. Ngayon lang niya 'yon ginamit. Kaso, medyo nag-aalala nga ako dahil nagsosolo siya roon. Kaya dinadalasan ko na lang ang pagbisita kahit sinasabi niyang kaya niya ang sarili niya.” Tumaas-baba ang dibdib ni Zigfreid. “Akin na ang eksaktong address, Thea. Pupuntahan ko siya ngayon din.” Wala na siyang inaksayang oras at i-s-in-end agad kay Zigfreid ang location na hinihingi. Paalis na sana ito nang tawagin ni James ang atensyon nilang dalawa. “Sandali! Anong oras na ba?” sabi nito sabay sulyap sa sout na wristwatch, saka bumaling sa kaniya. “Maagang nagpapahinga si Mary, 'di ba, Heart?” Mabilis niyang nakuha ang ibig sabihin ni James, kaya maging siya ay napaisip. Mayamaya ay malawak siyang napangiti. “Sige na, Zig, bumyahe ka na. Call me once you're almost there. I'll make sure na magkakaharap kayo ni Mary bago matapos ang gabi.” NAPUNO ng 'di maipaliwanag na pag-aalala ang dibdib ni Mary Ann matapos makatanggap ng tawag mula sa natatarantang si Thea sa alas-nuebe y media ng gabi. Ipinagbigay-alam nito na may hindi raw magandang nangyari kay Zigfreid. Sinabi pang huwag muna siyang matutulog dahil papunta ito sa kaniya kasama si James para ipaliwanag ang buong pangyayari. Kumakabog ang dibdib na lumabas siya ng bakuran at nag-abang sa gilid ng kalsada. Oras na dumating ang dalawa ay walang pag-aatubiling magpapasama siya sa mga ito patungo sa kinaroroonan ng dating kasintahan. Hindi mapapanatag ang loob niya hangga't hindi nakikitang ligtas ito. Bahala na kung ano'ng mangyayari pagkatapos. Nasa kalagitnaan siya ng tahimik na pananalangin nang may maramdamang presensya mula sa likuran niya. Gayon na lamang ang gitla niya nang yakapin ng kung sino bago pa man siya makalingon. Ang takot at pag-aalala ay napalitan ng kaba at kakaibang init sa puso niya nang mapagsino ang nagmamay-ari ng bisig na ngayon ay nakapulupot sa kaniyang dibdib. Hindi kailangang makita niya muna bago makilalang si Zigfreid iyon. Kung gano'n, niloko lang pala ako ni Thea. Dapat ay magpumiglas siya at kumawala sa mahigpit na yakap ng lalaki, ngunit pinipigilan siya ng kaniyang pusong naghuhumiyaw ng labis na pangungulila para dito. Oo nga't palagi niyang tinititigan ang mga larawan nito, pero wala pa ring makapapantay sa mga sandaling tulad noon na nasasamyo niya ang bango nito at nadarama ang init ng hininga nitong tumatama sa kaniyang balat at nagpapatindig ng kaniyang mga balahibo. Piping nahiling niyang magsalita ito upang marinig ang baritono nitong boses na laging nagiging malambing kapag kinakausap siya. Hindi nangyari ang inaasam niya. Imbes ay pinihit siya nitong paharap dito, na dahilan upang maimulat niya ang napapikit na mga mata. "You're... you're pregnant?!" MADILIM na ang paligid dulot ng lumalalim nang gabi, pero waring nagliwanag ang mundo ni Zigfreid nang sa wakas ay marating ang destinasyon. Inabot din ng mahigit dalawa't kalahating oras ang byahe niya patungo roon. Thea didn't disappoint him, 'pagkat sa lugar na itinuro nito ay natagpuan nga niya ang matagal nang hinahanap. Nang makita si Mary Ann na nakatayo sa harap ng bakuran at tila may hinihintay, walang ibang rumehistro sa kaniyang isip kundi ang matinding pagnanais na lapitan ito at yakapin nang ubod-higpit. So he did. Hindi niya muna pinansin ang pagsinghap nito sa pagkagulat nang walang pasabing yumapos siya mula sa likuran nito, sa halip ay ninamnam lang ang pamilyar na init na hatid sa kaniyang puso ng simpleng pagdidikit ng kanilang mga balat. Bumitiw lamang siya ilang segundo ang nakalipas matapos mahimasmasan at mayroong mapansin. Kunot-noong pinihit niya paharap si Mary Ann para makumpirma ang hinala. "You're... you're pregnant?!" hindi makapaniwalang sambit niya. Nagtalo sa kaniyang kalooban ang pagkagulantang, pagkagalak at bahagyang pagtatampo. Buntis ito... at sa laki ng pagkakalobo ng tiyan nito ay nahuhulaan niyang nabuo ang batang dinadala nito sa unang gabing may nangyari sa kanila. Hindi siya maaaring magkamali. Natitiyak niyang anak niya ang batang iyon! Ngayo'y lubos na niyang nauunawaan ang sinabi ni Geoff, mga salitang tila may ibang laman na ipinahabol ni James bago niya iwanan ito at si Thea kanina, gayundin ang mga huling pahiwatig na binanggit ni Mary Ann bago siya pagtaguan. “I thought you already know.” “Sandali! Anong oras na ba? Maagang nagpapahinga si Mary, 'di ba?” "Ang ibig mong sabihin... isang taong pipiliin kong makasama habambuhay? 'Yung magbibigay sa akin ng lakas at magsisilbing dahilan ko para magpatuloy sa buhay? Oo, Zig. Meron nang iba bukod sa 'yo." Everything makes sense now. Maging ang mga pagbabagong naganap sa kilos at asal ng dating nobya. Ang hindi na lang niya matanggap ay ang ginawa nitong paglilihim sa kaniya na nagdadalang-tao ito. “Kung hindi ako nakarating dito, hindi ko malalaman, 'di ba? Wala kang balak na ipaalam sa 'kin!” nasasaktang pahayag niya. “Bakit, Mary? Bakit lalo kang umalis imbes na magsabi sa 'kin?” "Dahil alam ko kung anong tingin mo sa 'kin!" Sa wakas ay sumagot si Mary Ann, kasabay ang tuluy-tuloy na pagdaloy ng mga luha sa pisngi. "Narinig ko ang mga sinabi mo kay James noon. Na iniisip mong mas makabubuting maghiwalay na tayo dahil hindi mo alam kung paano pang pakikisama ang gagawin mo sa 'kin. Kung ngayon pa lang, pumapasok na sa isip mo ang gano'n, tingin mo magtatagal tayo?” “Kahit na! Kung nalaman ko sana nang mas maaga, nakapag-usap sana tayo nang mas maayos. Baka nga kasal na tayo ngayon.” “'Yon nga mismo ang ayokong mangyari! Ayokong magpakasal sa isang lalaking hindi buo ang loob na gusto niya akong makasama, at ayoko ring itali ka sa responsibilidad mo sa 'min ng magiging anak ko.” Tila hirap na hirap ang loob na umiling-iling si Mary Ann. “H-hindi... hindi puwedeng umabot sa puntong tutulad ka sa ginawa ng papa ko. Masyadong mahalaga para sa 'kin ang mga pinagsamahan nating alam kong pinanghihinayangan mo na lang din... kaya huwag na nating hayaang maging mas masakit pa kaysa rito ang maging wakas no'n. Huwag na nating idamay ang bata!” Parang sinaksak sa dibdib si Zigfreid. Sa mga huling sinabi ni Mary Ann, unti-unting naglaho sa paningin niya ang imahe ng dating kasintahang nang-iwan at tumalikod sa kaniya. Napalitan iyon ng tunay na pagkatao ni Mary Ann na halos makalimutan niya: isang babaeng laging takot mapag-iwanang nag-iisa. Ganoon na ang pagkakakilala niya rito mula pa noon, na kakatwang naging dahilan kaya mas lalong nahulog ang loob niya rito. At ngayon, isa na rin itong mapagmahal na inang nais protektahan ang anak sa sariling paraang alam nito. Ubod ng pait ang tawang kusang lumabas sa bibig niya nang mapagtanto ang ugat ng kanilang problema. Ang dating pagkakatali niya sa mataas na pagpapahalaga sa sarili at pagtangging ipakita nang hayagan sa iba ang tunay niyang nararamdaman, gayundin ang pagkakagapos ni Mary Ann sa takot na maulit ang pagkakamali ng nakaraan nito: iyon pala ang talagang nakaharang sa pagitan nilang dalawang nagmamahalan. “I'm sorry.” Walang anu-ano'y inangkin niya ang mga labi ni Mary Ann. Kung hindi niya matagumpay na maiparating dito ang tunay na laman ng puso sa pamamagitan ng mga salita, sa ibang paraan na lang niya daraanin. KUSANG tumigil sa pagtulo ang mga luha ni Mary Ann nang dumampi ang malambot na mga labi ni Zigfreid sa kaniya, gayunman ay sinikap niyang huwag magpadala rito. Sinubukan niyang itulak ang lalaki palayo, subalit hindi ito nagpatinag. Sa bawat pagsubok niya ay mas lalo pa nitong nilalaliman ang paghalik. Kakaibang uri ng halik ang ipinagkakaloob nito sa kaniya nang mga sandaling iyon. Hindi iyon marahan at basta lang naglalambing gaya ng nakasanayan niya. Agresibo iyon at tila uhaw na uhaw, ngunit hindi naman marahas. Para bang sinasabi ng paraan ng paghalik nito na wala itong ibang nais hagkan kundi siya lamang. Parang pinatutunayan noon kung gaano ito nananabik at nangungulila sa kaniya. Na kung maaari lang ay ayaw na nitong tumigil sa ginagawa. Maingat na tinangay siya ni Zigfreid papasok sa bakuran nang hindi pa rin pinakakawalan ang mga labi niya. Iginiya siya nitong maupo sa papag na naroroon bago ito lumuhod sa semento upang magpantay ang mga mukha nila. Doon ay hindi na niya pinigilan pa ang sarili. Kasabay ng paglalandas ng mga daliri niya mula sa may perpektong hugis na panga nito paakyat sa pisngi ay ang mainit niyang pagtugon ng halik dito. Kung ilang minuto ang dumaan bago ito tila pinangapusan ng hininga. Humiwalay ito sa kaniya ngunit mayamaya ay nakapikit na idinikit ang bahagyang nakakunot nitong noo sa kaniya. “Napakagago ko. Patawarin mo ako, Mary,” habol-hininga nitong bulong. “Ang mga narinig mo, sinabi kong lahat iyon kahit na hindi minsan man tinanggap iyon ng puso at isip ko. Mula pagkabata, nasanay akong hindi sinasabi at ipinapakita sa iba ang talagang nararamdaman ko, kaya gano'n ang sinabi ko kay James. Dahil ayokong malaman niya at ng kahit na sino na halos mabaliw ako sa takot na tuluyan kang mawala sa 'kin.” Bahagyang itinulak ni Mary Ann si Zigfreid palayo at hinagilap ang mga mata nito. Nais niyang mabasa ang damdaming nakapaloob sa mga iyon. “Pero, ang balita ko... may iba ka nang idini-date habang wala ako.” Mahigpit nitong hinawakan ang mga kamay niya. “It didn't work out. Paano ako magkakagusto sa iba kung ikaw ang laging naaalala at hinahanap ko sa lahat ng ginagawa ko?” “Nagsasabi ka na ba ngayon ng totoo?” “Hmm. Kaya kong patunayan kung gusto mo.” Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito, na ilang panahon na rin niyang hindi napagmamasdan. “Tungkol sa baby natin... pareho nating alam na wala nang mas gaganda pang kinabukasan para sa kaniya kaysa sa lumaki siyang kasama ang mama at papa niya. Huwag mong isiping tutularan ko ang naging pagkukulang ng papa mo noon dahil sa totoo lang, walang buhay ang buhay ko kapag hindi kita kasama. Lalo na ngayong alam kong magkakaanak na tayo.” Parang batang nabigyan ng candy ang hitsura nito habang hinaplus-haplos ang umbok sa tiyan niya, samantalang ang kabilang braso ay nakapulupot sa kaniyang baywang. Siya naman ay speechless at nakangiting napaluha. Akala niya'y sa panaginip at imahinasyon na lang niya mangyayari ang tagpong iyon. Nang mag-angat ito ng tingin ay nagtama ang mga mata nila. Noon nito naisipang tumayo at marahan siyang hinilang sumunod dito. May dinukot itong kung ano mula sa bulsa ng pantalon pagkatapos ay kinuha ang kaliwang kamay niya. Saka lang niya nakita nang maayos kung ano ang bagay na iyon noong naisuot na nito sa kaniya. “Ngayong magiging mga magulang na tayo, dapat na tayong magbago at magsikap na ayusin ang mga buhay natin, lalo na para sa bata. Nakahanda na akong talikuran ang mataas na pride na laging nagiging dahilan ng mga problema natin, Mary. Ikaw, handa ka rin bang harapin at kalabanin ang mga takot na nand'yan sa puso mo, para sa amin ng baby?” Pinakatitigan niya ang engagement ring na suot. Sukat na sukat talaga iyon sa daliri niya. Naluluhang binalingan niyang muli si Zigfreid pagkatapos. “Wala naman akong hindi kayang gawin, basta para sa inyong dalawa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD