PUTING PAPEL at lapis agad ang hinanap ni Thunder sa opisina ni Angela-- bahala na kung masabihan man siyang walang respeto basta't ang kaniyang prinsipyo noon pa man na makahanap ng paraan para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng magulang at dalawang kapatid ay hindi nawala sa kaniyang isipan.
Nagsimula siyang gumuhit. At napangiti siya dahil sa loob ng maraming taon ay may kakayahan pa pala siyang gawin 'yon. Inalala niyang mabuti ang itsura ng isa sa mga suspek na natatandaan niya pa rin ang itsura hanggang ngayon. At babang iginuguhit ang itsura ng suspek ay hindi niya maiwasang makaramdam ng sari-saring emosyon. Hanggang sa natigilan siya sa ginagawa nang maalalang muli ang mga katagang sinabi ni Angela.
Sa kalaliman ng gabi ay nanatiling palaisipan para kay Thunder ang mga huling salitang binitawan ni Angela. Kaya naman hindi niya namalayang napabitaw na siya sa puting papel at lapis na gamit at saka tuluyang nahiga. Nakailang palit siya ng puwesto sa pagtulog subalit ayaw pa rin siyang tantanan ng kuryosidad na 'yon.
Wari'y bumalik sa kaniyang alaala ang nakaraan.. kung saan ay lulong pa siya ng kung anu-anong uri ng krimen. Subalit nakapagtataka na palagi niya iyong nalulusutan sa tuwing malapit na siyang mapahamak. Maging ang kaniyang dalawang kaibigan na kasa-kasama niya simula nang mabuhay siyang mag-isa. At anong kaginhawaan sa kaniya sa tuwing nakalulusot sila sa batas dahil kahit ano naman ang mangyari ay ayaw niya ang mga itong mapahamak-- dahil para sa kaniya ay hindi lang sila kaibigan kundi pamilya na rin.
Subalit, unti-unti siyang nakadama ng antok habang iniisip 'yon, hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang siyang dinalaw ng antok gayong batid niya sa kaniyang sarili na gising na gising pa ang diwa niya. Halos ilang minuto na nang magsimula siyang pumikit at hindi niya inaasahang may isang anghel na papasok mula sa kaniyang panaginip.
Isang anghel na hindi malinaw para sa kaniya ang itsura..
At para bang ipinaparamdam nito sa kaniya na hindi siya nag-iisa.
Sa sandaling iyon ay bigla siyang nagising. Pakiramdam niya'y totoo ang kaniyang nakita sa panaginip. Na para bang may koneksyon ang anghel na 'yon sa buhay niya.
Katulad kanina ay tahimik pa rin ang kabuuan ng guest room. At sandali niyang sinilip ang nakaawang na pinto mula sa kaniyang kaliwang bahagi habang mahimbing na natutulog ang kaniyang dalawang kaibigan. Hindi niya mawari kung bakit tila may kung anong nag-uudyok sa kaniya na lapitan ang pinto. Kaya naman dahan-dahan siyang tumayo upang suyurin ang daan patungo sa pinto. At ang sumunod na nangyari ay nakita niya na lamang ang kaniyang sarili na nakalabas na ng silid na iyon. Dahan-dahan siyang naglakad hanggang sa matigilan siya sa natunugang yabag ng mga paang papalapit sa kaniya. Pinili niyang pakiramdaman iyon bago pa man alamin kung sino man iyon. At sa kaniyang paglingon ay bumungad mula sa kaniyang likuran si Angela. Anong kaba ang naramdaman niya ng sandaling iyon.
Ngunit ang maamong mukha nito ang naging dahilan para maibsan ang naramdaman niyang kaba. "Thanya? Anong ginagawa mo? Bakit gising ka pa?" takang tanong nito.
At bago pa man siya sumagot ay sandali niyang inalala ang dapat niyang hindi makalimutan-- ang pagpapanggap. At mula sa tonong bakla ay sumagot siya, "Hindi ako makatulog, madam."
Napangiti si Angela. "Kung ganoon, halika sa aking silid." Hindi niya maintindihan kung ano ba'ng pinaplano nito pero handa siyang sumugal para makilala kung sino ba talaga ito.
Pagkapasok sa silid ay malapad na ngumiti sa kaniya si Angela habang mabilis nitong naisara ang pinto. At hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa nito dahil pumulupot ito sa kaniyang leeg habang pinagpantay naman ang kanilang mukha. Akma na sana siyang hahalikan nito subalit mabilis niya itong naitulak. Hindi niya mawari ang rason ng pagtangka nitong paghalik sa kaniya nang malapad pa rin itong ngumiti sa kaniya.
At nang tila mahimasmasan ay muli niyang pinagpantay ang tingin nilang dalawa habang hawak-hawak ang babang parte ng mukha nito. "Sino ka ba talaga, hah?" Hindi niya akalain na lalabas ang totoong boses niya nang dahil sa kuryosidad.
At hindi niya inaasahan ang isasagot nito, "E, ikaw? Sino ka rin ba? Nagpapanggap ka lang naman na bakla, 'di ba?" Hindi siya nakapagsalita gayong hindi pa rin naalis ang pagkakatitig niya sa dalaga. Wala siyang kamalay-malay na sa likod ng mga ginagawa nito ay may nagkukubling plano. "Kung ikaw ay hindi mo maamin kung sino ka ba talaga.. baka magulat ka kung sino ba talaga ako at kung bakit kilala kita." Doon siya labis na nagtaka kaya pinili niyang pakinggan pa rin ito dahil naniniwala siyang makikilala niya rin ito. "Ilang beses ka bang nakatakas sa mga krimeng pinasok mo? Hindi ka ba nagtataka na sa paulit-ulit na krimeng kinasasangkutan mo ay iyong nalulusutan? Pati na rin ang iyong mga kaibigan?"
Napakunot ang noo niya nang marinig ang mga katagang iyon. Naisip niya bigls na, "Paano nalaman ng taong 'to ang kanilang pamumuhay noon na magkakaibigan kung kailan lang naman nila ito nakilala?" Nanatiling nakakunot ang noo niya at sa pangalawang pagkakataon ay muli niyang naangkin ang mukha nito upang ilapit sa kaniya. "Sino ka ba talaga? Bakit halos alam mo ang lahat ng tungkol sa buhay ko?"
"Gusto mong malaman?" panghahamon nito sa kaniya habang gumaganti rin ito sa titig niya.
"Oo!" napasigaw na aniya.
Napangisi ang dalaga at sa sandaling iyon ay hindi siya naging handa sa isinagot nito. "Ako lang naman si Annie, ang 'yong kababata--"
"Stupid, niloloko mo lang ako! Paanong magiging ikaw iyon, e, ikaw si Angela!"
Napangiwi ang dalaga at napatalikod sa kaniya. "Minsan, hindi lahat nang nakikita at naririnig mo ay totoo, Thunder.." Napaawang ang bibig niya habang inuunawa sa isipan ang mga katagang sinabi nito. "At hindi lahat ng taong nakasasalamuha mo sa araw-araw ay pangkaraniwan."
"Anong ibig mong sabihin?"
Humarap ito sa kaniya at hindi maitatangging nadadala siya sa maamo nitong mukha. "Natatandaan mo pa ba noong minsan ka nang nakaligtas sa bingit ng kamatayan? At kung hindi dahil kay Annie ay namatay ka rin kasama ng iyong pamilya."
"Paano mo nakilala si Annie? At saka 'yung sinasabi mong ikaw si Annie ay imposibleng mangyari 'yon--"
"Posible." Nanatili siyang tahimik. At saka niya nakita ang pagkislap ng mga mata nito na dulot ng munting luha. "Dahil totoo ang sinasabi ko-- na iisa kami ni Annie. Dahil ako si Annie!" Sandali pa itong napalihis ng tingin habang hindi niya namalayang unti-unti nitong pinapaalala sa kaniya ang mga nangyari noon. "Inaya kang maglaro kayo ni Annie sa ilalim ng kama n'yo dahil ramdam niyang may parating na panganib at iyon lang ang naisip niyang paraan para mailigtas ka sa kapahamakan. Dahil ang batang Annie ay imposible namang paniwalaan ng iyong magulang kung sasabihin niyang may panganib na darating. Ilang taon pa lamang tayo noon at muwang pa sa kahit anong karahasan at kapahamakan. Pero, si Annie ay bukas na ang isipan sa mga gano'ng bagay.." Hindi siya makapaniwala sa narinig. At doon niya lang napatunayan na si Annie nga ang nasa harapan niya. Pero ang naging katanungan sa kaniyang sarili ay kung bakit ito nagtago sa pangalan na Angela?
"Kung ganoon ay utang ko sa'yo ang buhay ko?" naluluhang tugon ni Thunder sa dalaga.
"Hindi iyon ang nais kong ipaintindi sa'yo!" gigil na tugon ni Angela.
"E, kung ganoon.. ano?"
"Dahil isang anghel si Annie," seryosong wika nito na nakapagpatahimik sa kaniya. "At si Annie ay nandirito pa rin hanggang ngayon para gabayan ka.." naluluhang tugon nito habang paulit-ulit na itinuturo ang sarili.
Hindi na napigilan pa ni Thunder ang maluha, gayong ang alaala ng nakaraan ay muling nagbalik sa kaniyang isipan. Mahirap mang paniwalaan ngunit nakita niya lang ang sarili na yakap-yakap na si Angela. At sandali siyang napabitiw sa yakap na 'yon para harapin ito. "Akala ko.. hindi na kita makikita, akala ko, nawala ka na lang bigla matapos ang malagim na trahedyang nangyari sa pamilya ko.. akala ko wala ka na, Annie.." Lulan ng luha ay napayakap sa kaniyang muli ang nakababatang kaibigan.
"Hindi naman ako nawala sa tabi mo, sa katunayan ay wala kayong kamalay-malay ng mga kaibigan mo na palagi akong nakasunod sa inyo."
Napapikit si Thunder. "Kaya pala.. kataka-takang palagi naming nalulusutan ang mga krimeng pinapasok namin. At dahil pala sa'yo." Napangiti si Angela. Ngayon na alam na ni Thunder ang katotohanan ay batid niya naman na nagbabadya ang isang katotohanang kailangan niya ring umalis pagdating ng araw.
"Pero dahil din 'yon sa katapangan mo," wika nito na ikinakinang ng mga mata niya. At hindi maitatangging sa paglipas ng panahon ay hindi nawala ang pagkagusto niya para rito.
"Angela-- Annie, gusto kong malaman mo na--"
"Gusto mo pa rin ako?" Hindi niya maiwasang matawa kung gaano kabilis nito mahulaan ang iniisip niya. Kakatwang nakadama siya ng hiya matapos marinig iyon mula kay Angela. Kaya napatango na lang siya habang nakatitig dito. At mabilis pa sa alas kwatro ang pagsagot nito. "Gusto pa rin naman kita, e.." Nabuhayan siya ng pag-asa sa sinabi nito pero parang napawi ang pag-asang 'yon nang magsalita itong muli. "Pero sa sitwasyon natin, hindi p'wedeng magkatuluyan ang isang anghel at isang mortal."
Napailing siya. "Posible 'yon, Annie. Dahil tanggap ko kung ano ka.. at masaya na ako na araw-araw kang makakasama." Sa sandaling iyon ay napayuko ang dalaga at dahan-dahang napailing. Bagay na nagbigay sa kaniya ng lungkot.
"Hindi habang buhay ay nasa tabi mo ako, Thunder.. at kapag kinailangan ko nang bumalik sa langit dahil sa kagustuhan ng Diyos ay wala na akong magagawa kundi-- sundin iyon.." malungkot na sabi nito.
"Pero kailan naman? Matagal pa naman 'yon, 'di ba?" umaasa niyang tanong.
"Kapag natapos ko na ang misyon ko rito sa lupa," malungkot na tugon nito dahilan para unti-unting madurog ang puso ni Thunder. Ang bigat sa kaniyang kalooban na isiping may aalis na naman sa buhay niya pagdating ng araw. At kung maaari ay ayaw na niyang mawalan na naman ng mahal sa buhay. Masakit tanggapin, pero iyon ang katotohanan.