HABANG ABALA ang mga staff ng club para sa pagbubukas at pagwi-welcome ng mga nagdadatingang parokyano ay hindi inaasahang makikita ni Angela ang hindi natapos na iguhit na mukha mula sa isang puting papel. Pagkakita pa lamang niya niyon ay nakaramdam na siya ng kaba. Gayundin ang pagbabalik tanaw muli sa nakaraan.
"Pamilyar ang mukha na 'to, hah? So, ibig sabihin-- ay hindi pa rin tumitigil si Thunder na makamit ang hustisya?" napapausap niyang pagkausap sa sarili habang nakatitig sa mukhang nakaguhit sa puting papel. At kahit pa kilay, mata at ilong lang iyon ay sigurado siya sa sariling kilala niya ang itsurang iyon.
Samantala'y nagkataon namang bumalik ng guest room si Thunder bilang Thanya para balikan ang naiwan na wig. Kaya pagbalik ni Thunder ay hindi niya inaasahang madadatnan si Angela sa k'wartong iyon.
"Bakit mo hawak 'yan? A-at anong ginagawa mo rito sa may guest room?" Napalingon ito sa kaniya at hindi pa man ito nakakasagot ay mabilis pa sa alas kwatrong kinuha niya 'yon sa kamay nito.
"Thunder." Napasulyap siya sandali sa pagbanggit nito ng pangalan niya. At tila ba bumalik sa kaniyang isipan ang nakaraan kung saan ay masaya lang silang naglalaro at walang dinadalang problema.
Napabuntong hininga pa siya bago tuluyang magsalita, "Mahalaga ito para sa akin."
"Alam ko." At naging sorpresa sa kaniya ang katagang sinabi nito. Ilang sandali pa ay naging malaya itong makalapit mula sa kinatatayuan niya. "Hanggang ngayon pala ay umaasa ka pa rin na mahahanap ang mga taong pumatay sa pamilya mo," kaswal na wika nito na bahagyang nagpatango sa kaniya.
Malayo ang tingin niya nang magsimulang magsalita. "Kahit kailan ay hindi ko sinukuan na makamit ang hustisya para sa magulang at mga kapatid ko," may tonong lungkot ngunit may paninindigang aniya. "Kung noon na bata pa ako at malabong paniwalaan ng batas, ngayon namang may abilidad na akong lumaban at mayroon nang maipapakitang ebidensya laban sa kanila ay saka naman ako pinanghihinaan ng loob. Paano ko magagawang humingi ng tulong sa batas para makamit ang hustisya kung ako mismo ay may kasalanan din sa batas?"
"Iyan ba ang bumabagabag sa isip mo? K-kaya ba hindi mo tinapos 'tong iguhit?"
"Ang totoo niyan ay balak ko talagang tapusin 'yan, kung hindi lang sumagi sa isip ko.. ang mga sinabi mo." Doon niya nagawang sentruhin ng tingin ang dalaga. "Kaya nga masaya ako dahil.. nagbalik ka. Angela, aaminin kong.. malaki ang pasasalamat ko sa'yo, sa pagligtas mo pa lang sa buhay ko at pati na rin sa buhay ng dalawang kaibigan ko-- pero, sa ngayon ay kailangan ko talaga ang tulong mo."
Nakita niya ang pagngiwi ni Angela. "Hindi mo naman kailangang sabihin 'yan sa akin, Thunder.. dahil bago mo pa man sabihin 'yan ay nakaplano na akong tulungan ka para makamit ang hustisya para sa'yong pamilya."
Maluha-luha siya nang lingunin si Angela at aaminin niya na nang sandaling iyon ay nais niya itong yakapin ng mahigpit, bilang pasasalamat sa isang kaibigan na matagal na panahong nawalay sa kaniya.
Pero tila may kung anong pumipigil sa kaniya na gawin iyon at sa huli ay nasambit niya lang ang mga katagang, "Salamat." Tipid na ngumiti si Angela bago pa man ito magpasyang lisanin ang guest room. "Ah, nga pala," wika niya na sandaling nagpatigil dito. "Habang buhay kong pasasalamatan ang pagbigay mo sa amin ng mga kaibigan ko ng trabaho, Annie." Bahagyang napalingon sa kaniya si Angela ng kaniyang banggitin ang pangalan nitong nakasanayan niya noon.
"Hangad ko ang pagiging successful mo sa buhay, Thunder. Dahil alam kong mabuti kang tao kahit marami ka nang nagawang mali."
Napayuko siya sa sinabi nito at aaminin niyang nakaramdam siya ng hiya. "Kung alam ko lang na hindi ka talaga nawala sa tabi ko ay hindi sana ako natutong gumawa ng masama para lang mabuhay."
"Hindi naman porque gumawa ka ng mali ay masama ka ng tao, tandaan mo na bawat bagay sa mundo ay may dahilan. At ikaw, nakatadhana ka sigurong lumaki nang walang ibang inaasahan para malaman mo kung saan ang hangganan ng iyong kahinaan. At kung hanggang saan ang iyong kalakasan." Doon siya tuluyang nilingon nito at sa puntong iyon ay lalo siyang hindi nakapagsalita sa magandang ngiti nito. "Halika na? Dumarami na ang mga customers natin." Tipid siyang ngumiti at saka dinampot ang wig na siyang dahilan ng kaniyang pagbalik kanina.
Sabay silang humarap sa mga customers habang dala-dala niya ang katauhan bilang si Thanya. "Thanya! Bakit parang ang tagal mo naman yata sa guest room?" pagbigay puna sa kaniya ni Zander bilang si Zandra sa bago nitong katauhan. Napuna pa nitong doon lamang sila naghiwalay ni Angela nang humarap ito sa ilang customers na naroon sa club.
Saka siya pasimpleng bumulong dito habang nakangiti lamang sa kanila si Felix na ngayo'y si Felicia. "Zander, may mahalaga akong sasabihin sa inyo mamaya ni Felix."
At pasimple rin itong sumagot sa kaniya, "Gaano naman kahalaga iyon, Thunder? Alalahanin mong mas mahalaga ngayon ang trabahong ipinagkaloob sa atin."
"Alam ko, pero masaya akong maibahagi iyon sa inyo. Iyon na yata ang isa sa pinakamatagal ko nang hinihintay," wika niya habang naghahanda na para sa isang performance nila sa stage. Samantala'y naging palaisipan iyon kay Zander gayong may pagdududa itong nararamdaman sa pagitan nina Thunder at kanilang boss na si Angela.
Kaya naman nang magkaroon ng bakanteng oras ay diretsahang kwinestyon ni Zander ang kaibigan doon sa may ligtas na lugar at walang ibang makaririnig ng usapan nila. "Thunder, umamin ka nga sa akin, anong namamagitan sa inyo ni Madam Angela?"
Bahagya namang napangiwi si Thunder sa itinanong niya. "Anong klaseng katanungan 'yan? Malamang, empleyado niya ako at amo natin siya."
"Hindi, e. Nagtataka lang ako kasi kagabi ay natunugan kong lumabas ka ng guest room at medyo natagalan ka bago bumalik. E, saan ka ba naman pupunta ng ganoong oras at ganoon pa katagal, aber? Saka, hindi malabong magkagustuhan kayo ni Madam Angela, dahil pareho naman kayong walang asawa."
Bahagyang napangisi si Thunder sa sinabi niya. "Zander naman, kung anu-anong tumatakbo sa isip ko." Pagkasabi ni Thunder niyon ay kalauna'y napawi ang pagngisi nito. "Pero tama ka, hindi malabong magustuhan namin ang isa't isa." Doon siya natigilan at piniling makinig na lang muna sa sasabihin nito, "Dahil noon pa man ay gusto ko na siya."
Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi nito. "Sandali, anong sinasabi mong noon pa lang ay gusto mo na siya?"
At doo'y sinentro siya ng tingin ni Thunder. "Dahil siya ang kababata kong si Annie, Zander." Nanatili siyang tahimik bago pa man ito muling makapagsalita, "At sa maniwala ka man o hindi ay hindi mortal si Annie o si Madam Angela."
Doon muling nagsalubong ang kilay niya. "Paanong--"
"Dahil isa siyang anghel." Natameme siya sa narinig. "At dahil sa kaniya ay nararamdaman kong malapit ko nang makamit ang hustisya para sa magulang ko. Dahil handa niya akong tulungan. Kagaya nang pagtulong niya sa atin no'n."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Hindi ba't nakapagtataka kung paano tayo palaging nakaliligtas sa batas o kahit sa anumang kapahamakan?" Bahagya siyang napatango. "Zander, dahil iyon kay Annie, siya ang gumagabay sa akin noon pa man. At dahil batid niya na mahalaga kayo sa akin ay hindi niya rin hinahayaang mapahamak kayo. Katulad na lang ng ingkwentro rito noong nakaraan, muntikan na tayong mabuking ng mga pulis, 'di ba? At kung hindi dahil sa kaniya ay baka.. nakakulong na tayo o di kaya ay patay na."
"Hindi ako makapaniwala.." wika niya at saka napangisi sa sinabi nito. "Pero paano ka naman matutulungan ng isang anghel? Paano ka niya kukunsintihin sa isang maling gawain? At saka kung talagang anghel siya ay bakit narito siya sa lupa?"
"Zander, hindi ko alam. Pero ang alam ko lang ay si Annie na nakilala ko noon ay siya na si Angela ngayon. A-at saksi rin siya sa mismong araw na naganap ang pagpatay sa aking magulang at dalawang nakababatang kapatid. Zander, ang sabi niya ay may misyon siya rito. At balang araw ay, iiwan niya rin ako. At iyon siguro ang misyon niya na matulungan akong makamit ang hustisya."
Napatango siya ngunit naging palaisipan sa kaniya ang realidad. Dahil sa mga k'wento noon ni Thunder ay walong taon na rin ang lumipas magmula nang mangyari ang krimen. "Pero paano ka niya matutulungan na makamit ang hustisya gayong napakatagal na panahon na ng krimeng iyon?"
"Hindi ko alam. Sinubukan ko namang mag-report dati sa mga pulis, e. Pero wala akong maipakitang ebidensya dahik matalino ang mga suspek para hindi mag-iwan ng bakas na magpapatunay na sila ang pumatay sa pamilya ko." Tila nawalan siya ng pag-asa sa sinabing iyon ni Thunder, subalit napalitan ant kawalang pag-asa na 'yon nang pagkakaroon ng munting pag-asa sa sumunod na sinabi nito, "Pero may iginuhit akong mukha ng isang suspek na hanggang ngayon ay natatandaan ko pa rin ang itsura. Tatapusin ko pa iyon at kapag handa na ay si Angela na ang bahalang magpaliwanag sa mga pulis. Zander, ito na 'yon, si Angela ang ipinadala ng Diyos sa akin para makamit ko na ang hustisyang matagal ko nang hinihiling."