CHAPTER 1: Pangungulila

1753 Words
“Tayo na, Selina. Nag-uwian na ang lahat ng nakipaglibing,” ani Yaya Linda habang iniayos ang dalang payong. “Mauna na kayo sa kotse, Yaya Linda. Susunod na ako.” Napatingala sa kalangitan si Linda, ramdam ang nalalapit na pagpatak ng ulan. “Nagdidilim na, Selina. Mukhang uulan na talaga.” “Sandali na lang, Yaya. Gusto ko pang makapiling ng ilang sandal si Pia,” mahina ngunit mariing sabi ng dalaga. “O, sige. Hihintayin ka na lang namin ni Mang Nardo sa kotse,” paalam ni Linda bago dahan-dahang umalis. Nang makalayo si Linda, lumuhod si Selina sa harap ng puntod ng kanyang yumaong kapatid. Marahang hinaplos ang malamig na marmol na lapida ni Pia, pakiramdam niya'y napakabigat ng kanyang dibdib. “Mahal na mahal kita, Pia,” bulong niya, tila umaasa pa ring maririnig siya nito. Si Pia ang kanyang kaisa-isang kapatid, ang tanging pamilya na natira mula nang maulila sila sa kanilang mga magulang. Si Selina ang tumayong ina at ama para kay Pia, sinubaybayan ang paglaki nito, binigyan ng lahat ng pangarap at pagmamahal na kaya niyang ibigay. Ngunit sa isang iglap, nawala ang lahat dahil lamang sa isang lalaki—isang walang kuwentang lalaki. Hindi matanggap ni Selina na tapusin ni Pia ang sariling buhay dahil sa isang taong minahal niya nang sobra. Ang lahat ng pangarap nila ay naglaho kasabay ng buhay ni Pia. Sa iniwang sulat ni Pia nalaman ni Selina ang dahilan ng kanyang pagkitil ng buhay. Nalaman niyang nagdadalang-tao si Pia nang itapon ito ng lalaking nagpakilig sa kanya. Walang pag-aatubili, iniwan siya ng lalaki matapos makuha ang lahat ng gusto nito. Ang sakit, ang kahihiyan—hindi kinaya ni Pia ang lahat. Kaya, piniling tapusin ang lahat gamit ang overdose ng sleeping pills. “Hindi ito matatapos nang ganito,” bulong ni Selina sa sarili. “Isinusumpa ko, Pia. Magbabayad siya. Magbabayad ang hayop na lalaking iyon!” “Selina, hija, umaambon na,” tawag ni Yaya Linda, muling bumalik upang sunduin siya. Walang imik na tumayo si Selina at tumungo sa payong ni Yaya Linda. Mabibigat ang kanyang mga hakbang habang papalayo sa puntod ni Pia, tila bawat hakbang ay hinihila siya pabalik, ngunit kailangan niyang magpatuloy. Dahil sa kanyang puso, alam niyang hindi matatapos dito ang laban. Pagdating nila sa mansiyon, dama ang katahimikan at lamlam ng paligid. Ang mansiyon ng mga de Rama, na dati’y puno ng tawanan at musika kapag naroroon si Pia, ay tila naging extension na lamang ng libingan. Malungkot at walang sigla. Naupo si Selina sa sofa na nakaharap sa bintana, tanaw ang madilim na hardin. Nakapako ang kanyang tingin sa malayo, hindi alintana ang nagaganap sa paligid. “Magpapahanda na ako ng pagkain, hija. Halos dalawang araw ka nang hindi kumakain nang maayos,” paalala ni Yaya Linda, puno ng pag-aalala. “Hindi ako nagugutom, Yaya. Kayo na lamang ni Mang Nardo ang kumain,” malamig na tugon ni Selina. “Magpahinga na rin kayo pagkatapos. Alam kong pagod kayo.” “Pero hija—” “Kakain din ako kapag kaya na ng sikmura ko, Yaya,” putol ni Selina bago tumayo at tumungo sa hagdan. “Magpapahinga na ako.” “Sige, hija,” malungkot na sagot ni Yaya Linda. Marahan ang mga hakbang ni Selina habang umaakyat sa hagdan. Ngunit hindi sa kanyang sariling silid ang tungo niya. Diretso siyang pumasok sa kwarto ni Pia. Binuksan niya ang pinto, at para bang may bumalik na alaala—nakita niyang nakaupo si Pia sa harap ng salamin, nagsusuklay ng kanyang buhok at ngumiti sa kanya. “Pia!” tuwang-tuwang sigaw niya, ngunit nang lapitan niya ito, nawala ang imahe. Hangin lang ang kanyang niyakap. Napagtanto niyang totoong wala na nga si Pia. “Patay na si Pia,” bulong niya sa sarili habang umuupo sa gilid ng kama. Niyakap niya ang unan ni Pia, humihikbi habang dama ang malalim na pangungulila. Pagkatapos ng ilang minuto ng paghihinagpis, tumayo si Selina at nagsimulang maghalughog sa mga gamit ni Pia. Alam niyang kailangang malaman kung sino ang Lorenzo Roman na sinulat ni Pia sa kanyang huling liham. Sa ilalim ng drawer, nakita niya ang isang lumang litrato ni Pia kasama ang isang gwapong lalaki. Sa likod ng litrato, nakasulat: “Me and Lorenzo on our first date at Manila Hotel.” Nagngingitngit sa galit si Selina habang tinititigan ang mukha ng lalaki. Hindi na nakapagtataka kung bakit nahulog ang loob ni Pia rito. Gwapo si Lorenzo, may kakaibang karisma ang mga mata, at ang mga labi nito’y tila nangangako ng matatamis na halik. “Damn it!” bulong ni Selina sa sarili. Hindi siya dapat naaakit sa pisikal na itsura ng lalaking ito. Isa itong manloloko at walang konsensiya. At isinusumpa niyang pagbabayarin ito sa ginawa nito kay Pia. Nagsimula nang gumuhit sa isip ni Selina ang plano. Kailangan niyang makuha ang lahat ng impormasyon tungkol kay Lorenzo. At handa siyang gumastos at gawin ang lahat para makamit ito. Nag-hire si Selina ng isang detective upang mangalap ng impormasyon. Sa loob ng ilang araw, bumalik si Conrad, ang detective, dala ang lahat ng detalye tungkol kay Lorenzo Roman. “Mayaman ang lalaki, Miss de Rama. Marami siyang negosyo rito at sa Cebu. Kapag narito siya sa Maynila, tumutuloy siya sa bahay niya sa Dasmariñas Village,” ulat ni Conrad. “Marami ba siyang naugnay na babae?” tanong ni Selina, ramdam ang pamumuo ng galit sa kanyang dibdib. “Oo, marami. At wala ni isa ang sineryoso. Iniwan niya ang lahat kapag napagsawaan na.” Nagsikip ang dibdib ni Selina. “At kabilang si Pia sa mga babaeng iyon,” bulong niya, puno ng pait. “May isa pang impormasyon na maaaring interesante sa inyo,” dugtong ni Conrad. “Ang ina ni Lorenzo, si Sofia Molino Roman, ay pumatay sa kanyang asawa at sa kalaguyo nito. Nasiraan siya ng bait at ipinasok sa mental hospital.” Biglang kumislap ang ideya sa isip ni Selina. “Nasa mental hospital pa ba siya ngayon?” “Oo,” sagot ni Conrad. “Good.” Tumayo si Selina, nag-isip nang malalim. Alam na niya kung ano ang susunod na hakbang. Iniabot niya ang sobre kay Conrad. “Narito ang bayad mo. Maghanda ka lamang kung kakailanganin kitang muli.” Nag-dial si Selina ng numero mula sa kanyang personal directory. “Hello, Dr. Molina? It’s Selina de Rama. Kailangan ko ng pabor.” Nang magkita sila ni Dave Molina, agad itong nagtanong. “Bakit ka narito, Selina? Kilala kita. May malalim kang dahilan.” “Gusto kong makilala ang ina ni Lorenzo, si Sofia Molino Roman,” prangkang sabi ni Selina. Nagtataka si Dave. “Bakit? Ano ang plano mo?” “Wala akong balak na masama, Dave. Gusto ko lang siyang makita at makausap. Gusto kong maunawaan kung bakit ganoon ang anak niyang si Lorenzo—ang taong nagwasak sa buhay ng kapatid ko.” Nag-alangan si Dave ngunit sa huli’y pumayag. “Sige. Sasamahan kita, pero sana alam mo ang ginagawa mo.” Nang makita ni Selina si Sofia Molino Roman, nagulat siya. Hindi ito mukhang baliw. Maganda at maayos ito, tila may dignidad sa kabila ng pagiging pasyente. “She looks normal,” bulong ni Selina. “She’s almost cured. Baka hindi na siya magtagal dito,” sabi ni Dave. Muntik na palang hindi niya abutan dito ang babae. “C’mon, gusto mo siyang makausap, hindi ba? Lapitan natin siya.” Iginiya siya ni Dave palapit sa kinaroroonan ng babaeng abala sa pagbuburda. Ngumiti ito nang mapansin sila. “Good afternoon, Sofia,” bati ni Dave at iminosyong maupo sila sa kaibayo nito. “Good afternonn, Dave. May kasama ka?” “Ah, yes This is Selina de Rama. Kaibigan ko. She’s a doctor---“ Palihim na siniko ni Selina ang lalaki. “---an OB-GYNE.” “Hello, Dr. de Rama,” nakangiting sabi ni Sofia. Iniabot nito ang kamay na tinanggap naman ng dalaga. “Selina…Napakaganda ng pangalan mo.” “Salamat.” “Ilang araw na yatang hindi dumadalaw ang anak mo, Sofia,” ani Dave na sumulyap kay Selina. “Oh, may business trip sa Europe si Lorenzo, Dave. Isang linggo siya roon.” “So, extended ang pamamalagi mo rito.” “Baka, pero hindi ako sigurado. Ang sabi k okay Lorenzo, uuwi lamang ako sa Villa Roman kung titiyakin niya sa akin na lagi ko siyang makakasama roon. Dapat nga sana’y noon pa, hindi ba? Pero nasa Amerika pa noon si Lorenzo at nagpapakadalubhasa sa kanyang kuro kaya mas ninais ko pang mamalagi rito kaysa umuwi roong ang tanging kasama’y ang mga katulong at ang aroganteng kapatid ng nasira kong asawa.” Lumungkot ang anyo ni Sofia. Saglit na gumuhit sa mga mata nito ang pag-aalala.”Kung hindi lamang ay Lorenzo ay hindi ko na gugustuhin pang bumalik sa lugar na iyon.” Nahiwagaan si Selina sa mga sinasabi ni Sofia. Naging curious siya sa mga detalye sa buhay nito na,” lingid pa sa kaalaman niya. Ramdam niyang maraming lihim na bumabalot sa pagkatao nito. “We’re going to miss you, Sofia,” ani Dave na nasa mukha ang pagkagiliw sa babae. “Ganoon din ako, Dave At siyanga pala, nagkausap na kami ni Lorenzo tungkol sa donasyong ibibigay naming para sa mga kasamahan kong pasyente rito.” “Maraming salamat, Sofia. Napakabuti mo.” “At iniimbitahan kita, Dave--- isama mo rin si Selina--- sa Villa Roman para sa isang bakasyon.” Ikinatuwa si Selina ang sinabi ng babae ngunit nanlumo siya sa isinagot ni Dve. “Thank you, Sofia, pero matatagalan pa siguro bago ko mapaunlakan ang imbitasyon mo. Alam mo naman sa trabaho ko, masyadong kailangan ang aking oras at panahon.” “Sayang…” May panghihinayang sa tono ni Sofia. Pero mayamaya’y ngumiti ito at bumaling kay Selina. “Kung hindi puwede, Dave, iniimbitahan ko pa rin ang kaibigan mo.” Nabigla ang dalaga sa tinuran nito. “Nakakahiya naman yata sa iyo, Sofia. Ngayon lang tayo nagkakilala…” “Wala kang dapat alalahanin. Ang kaibigan ni Dave ay kaibigan ko na rin. Isa pa’y napakagaan ng loob ko sa iyo. Hindi ka siguro manininwala, pero parang bigla akong natuwa nang makita kita, hija. Kaya iniimbitahan kita sa aming Villa. At gusto kong makilala mo ang aking anak.” Sincere si Sofia kaya tinanggap ni Selina ang imbitasyon. Sa sarili ay nangingiti siya. Hindi na siya mahihirapang hanapin si Lorenzo Roman. Ang ina na mismo nito ang magdadala sa kanya sa lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD