NAGLIPARAN ang mga tuyong dahon sa pagdaan ng isang pulang Terrano sa kalsadang nababakuran ng mabababang puno ng niyog sa magkabilang gilid. Mula sa b****a ng Hacienda Roman ay dalawang kilometro bago marating ang Villa.
Sa backseat ay tahimik na nakaupo si Lorenzo habang pinagmamasdan ang mga tanawinng nadaraanan. Sa rearview mirror ay pasulyap-sulyap ang driver na si Mang Carlos.
“Kamusta ang iyong biyahe, Lorenzo?” basag ng matanda sa katahimikang pumapagitan sa kanila. “Siguro’y napakarami ng nakilala mong magagandang babae,” biro pa nito.
Ngumiti si Lorenzo at marahang napailing. “Maayos ang biyahe, Mang Carlos. And yes, napakaraming magagandang babae…” Napabuntong-hininga ang binate. “…at lahat sila’y iisa ang ibig mangyari.”
Natawa si Mang Carlos sa narinig. “Talagang napakasuwerte mo sa mga babae, Lorenzo.”
Walang naging komento sa bagay na iyon ang binate. Muling naghari ang katahimikan.
Tanaw na ang Villa Roman nang ibaba ni Lorenzo ang bintana at tugunin ang kaway ng mga magsasakang huminto sa paglalakad sa pagdaan ng Terrano.
“Talagang mahal na mahal ka ng mga magsasaka sa asyenda, Lorenzo. Taliwas sa mga naririnig kong sinasabi nila patungkol sa iyong Tiyo Primo,” ani Mang Carlos.
“Ano ang ibig ninyong sabihin?” tanong ni Lorenzo na napakunot-noo.
“Marami ang nagrereklamo sa pamamalakad ng iyong amain. Masyado raw siyang mahigpit na wala naman sa katwiran.”
Napabuntong-hininga si Lorenzo sa tinuran ng matanda. Hindi ito ang unang pagkakataong nakarinig siya ng puna sa maling pamamalakad ng tiyuhin sa asyenda. At alam niyang hindi intensiyon ng mga magsasaka at ni Mang Carlos na sirain ang pagtitiwala niya sa tiyuhin. Nagmamalasakit lamang ang mga ito.
“Hindi sa nakikialam ako sa inyong pamilya, Lorenzo. Gusto ko lamang na bigyan ka ng babala. Sa mga nakikita kong ikinikilos ni Primo, malayong nagmamalasakit ito sa kapakanan ng asyenda.”
Ilang sandaling natahimik si Lorenzo. Inakala ni Mang Carlos na hindi niya nagustuhan ang komento nito. Saka lamang nakahinga nang maluwag ang matanda nang marinig ang sinabi niya.
“Maraming salamat sa pagmamalasakit ninyo, Mang Carlos. Kung may makita pa kayong mali sa ginagawa ni Tiyo Primo, huwag kayong mag-aatubiling sabihin sa akin.”
“Makakaasa ka, Lorenzo.”
Nang huminto ang Terrano sa harap ng Villa ay lumabas si Nana Anita mula sa front door at nakangiting hinintay ang pagbaba ng dalawa.
“Maligayang pagdating, Lorenzo!” Masayang niyakap ni Nana Anita ang binate. Animo’y isang taon siyang hindi nakita gayong isang buwan lamang mula nang huling dumalaw siya roon.
“Kumusta na kayo, Nana Anita?”
“Naku, heto, madalas nang sumpungin ng rayuma tulad ng Mang Carlos mo,” anito at sinulyapan ang asawa.
“Aba, Anita, kalabaw lang ang tumatanda. Bakit ba kung anu-ano ang sinasabi m okay Lorenzo?”
Sapagka’t sanay na ay natatawa na lamang ang binate sa iringan ng dalawa. Mula pagkabata’y nagisnan na niya sa Villa Roman ang mga ito. Pareho pang binata’t dalaga ang mga ito, hanggang sa maging mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Kung mayroon siyang pinagkakatiwalaan sa bahay na iyon, walang iba kundi ang mga ito.
“Siyanga pala, ipinaghanda kita ng mga paborito mong paborito mong pagkain,” ani Nana Anita na nagpatiuna na sa pagpasok.
Si Mang Carlos nama’y sumunod kay Lorenzo bitbit ang dalawang maleta.
“Nasaan ang Tiyo Primo, Nana Anita? Hindi ba niya alam na darating ako sa araw na ito?” tanong niya at iginala ang paningin sa maluwang na sala.
“Nakita kong umalis kaninang umaga, pero hindi ko alam kung saan pupunta.”
“Pagdating niya’y pakisabing gusto ko siyang makausap, Nana Anita. Tutuloy na muna ako sa aking kuwarto para magbihis.”
“Oo, hijo. Pagdating na pagdating niya’y sasabihin ko.”
“Isunod n’yo na lang sa akin ang mga maleta, Mang Carlos,” baling nito sa matandang lalaki.
Tahimik na tumalima ito. Sumunod ito sa kanyang mabilis na pagpanhik sa marangyang hagdanan.
Pagpasok sa kuwato’y ibinaba lamang ni Mang Carlos ang mga maleta at lumabas na. Nang mapag-isa, lumapit sa bintana si Lorenzo, hinawi ang kurtina at wala sa loob na tumitig sa swimming pool sa ibaba.
Napakaraming alaala ang nakakulong sa Villa Roman. Masasaya, malulungkot na alaala ng isang pamilyang sinira ng isang babae.
Napabuntong-hininga si Lorenzo. Sa makalawa’y iuuwi naniya roon ang kanyang inang nagtiis ng hirap sa pagamutan ng mga baliw sa loob ng kung ilan ding taon. Kaya kung anuman ang problema sa asyenda ay kailangang maayos niya bago ang pagbabalik nito.
NAKAPAG-SHOWER na at nakapagbihis si Lorenzo nang kumatok si Nana Anita at sabihing dumating na si Primo.
Naabutan ng binate ang tuyuhin sa sala, nakatayo paharap sa bintana. Nang marinig ang mga yabag ay pumihit ito at nakangiting sumalubong sa kanya.
“Hijo, how are you? Kumusta ang business trip mo sa Europe?” tanong nito at tinapik sa balikat si Lorenzo.
“Fine, Tiyo Primo.”
“Ihahanda ko na ang pagkain, Lorenzo,” putol ni Nana Anita sa pag-uusap ng dalawa.
“Sige, Anita. Tiyak na gutom na ang binate papasok sa komedor.
Hindi nakaligtas sa paningin ni Lorenzo ang disgust sa mukha ng matandang babae nang palihim na sulyapan ito.
“Kailan mo nga pala iuuwi rito si Sofia?” tanong ni Primo habang kumukuha ng pagkain sa bandehang hawak ni Nana Anita.”
“Ano ang balak mo?”
“Ibalik sa normal ang buhay ng Mama.” Nakita niyang ngumiti si Nana Anita nang isilbi nito ang pagkain sa tabi niya.
“Hijo, pagkatapos ng nangyari, umaasa ka pa ring magbabalik sa normal ang buhay ni Sofia? I mean… don’t get me wrong. Ayoko lang na umasa ka’t sa bandang huli’y mabigo.”
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Lorenzo. “Magaling na ang Mama, Tiyo Primo. Tiniyak sa akin ng mga doctor ang bagay na’yon.”
Tumangu-tango si Primo at itinuon ang konsentrasyon sa pagkain.
“Siyanga pala, Tiyo Primo, nabalitaan kong nagrereklamo ang mga magsasaka sa paraan ng pamamalakad ninyo. Ano ang masasabi ninyo tungkol sa bagay na ito? tanong ng binate na nakatitig sa mukha ng tiyuhin. Nakita niya nang kumunot ang noo nito.