“Nagiging tamad at abusado ang mga magsasaka, hijo,” mariing turan ni Primo. “Kaya bumababa ang ani. Nalulugi ang asyenda dahil sa kanila. Hahayaan ba nating maghari-harian ang mga hampaslupang iyon?”
Napabuntong-hininga si Lorenzo sa paliwanag ng amain.
Si Nana Anita na nagsasalin ng tubig sa baso ni Primo ay napasulyap sa binate. Dahilan upang hindi sinasadya’y matabig nito ang baso. At bago pa maiwasa’y tumapon na ang laman niyon sa kandungan ni Primo.
“Estupida! Hindi ka nag-iingat sa iyong trabaho!” sigaw nito habang pinupunasan ang bahaging nabasa.
“Dispensa, Señor. Hindi ko sinasadya,” natatarantang sabi ni Nana Anita.
“Hijo, ang mga katulong na katulad ng matandang ito’y kailangang turuan ng leksiyon sa tuwing magkakamali. Masyado na silang nawiwili,” galit na turan ni Primo sa binate. Inaasahan marahil nito na kakampihan ito ni Lorenzo.
“Hindi sinasadya ni Nana Anita ang nangyari, Tiyo Primo. At tulad natin, ang mga katulong ay mga tao ring nagakamali. Hindi sapat na dahilan iyon upang parusahan sila,” bagkus ay mahinahong sabi ni Lorenzo.
Walang masabing nagtiim na lamang ng mga bagang si Primo.
“Bukas ay gusto kong maglibot sa asyenda, sa taniman ng tubo, sa koprahan at sa taniman ng palay. Gusto kong personal na maobserbahan ang mga magsasaa, para matiyak ko kung totoo ang inyong sinasabi.”
“Hijo, natural na hindi sila magpapakita ng katamaran habang naroon ka at nag-oobserba. Alam mo naman ang mga hampaslupa---“
“Matagal nang panahong kasama sa asyenda ang mga magsasaang sinasabi ninyo, Tiyo Primo. Mula pa sa kanilang mga ninuno’y nagsilbi na sila sa angan ng mga Roman, dapat ay alam ninyo’ yan. Kaya nagtataa ako kung bakit ngayon pa sila kakikitaan ng katamaran Hindi aya dahil hindi nila nagugustuhan ang pamamalakad ninyo?”
“Wala akong maling ginagawa, Lorenzo Kung anuman ang mga pagbabagong ipinatupad ko, yon ay para na rin sa kapakanan ng asyenda”
“Sana nga, Tiyo Primo. Dahil kapag napatunayan kong kayo ang may pagkakamali, pasensiyahan na lang tayo”
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ng matandang lalaki. Pinamulahan ito ng pisngi at pinagpawisan. “Hijo, hindi mo kakayanin ang mag-isang pagpapatakbo sa asyenda at sa iba n’yo pang mga negosyo. Kailangan mo pa rin ako.”
“Madali akong makakakuha ng kapalit ninyo, Tiyo Primo,” tahasang sabi ni Lorenzo, hindi inaalis ang mga mata sa mukha ng amain.
Nagpunas ng pawis sa noo si Primo. “H-hindi mo magagawa ang bagay na’yan, hijo. Kapatid ako ng iyong ama at may karapatan din ako—“
“Wala kayong karapatan sa mga pag-aaring iniwan ng Papa.”
Nagtiim ang mga bagang ni Primo ngunit walang masabi.
Hindi pa man tapos kumain ay tumayo na si Lorenzo. Binalingan niya si Anita na naghihintay ng ipag-uutos. “Sabihin n’yo kay Mang Simon na ihanda ang aking kabayo bukas ng umaga.”
“Oo, Lorenzo.”
Pagdaka’y muling sinulyapan ng binata ang amain. “Hanggang bukas, Tiyo Primo. At isang bagay pa ang gusto kong iwasan ninyo. Ayokong tinatawag na mga hampaslupa ang mga manggagawa sa asyendang ito.”
“O-oo, hijo. Dispensa,” agad na tugon ni Primo.
Hindi pa pumuputok ang araw kinabukasan ay nasa kuwadra na si Lorenzo. Kausap niya ang matandang lalaking tagapangalaga ng mga kabayo.
“Ho, Warrior,ho,” aniya nang kumilos ang Arab-breed stallion habang hinahaplos niya ang mukha nito.
“Inaalagaan ko si Warrior gaya ng bilin ninyo, Señorito. At talaga naming walang ibang maaaring sumakay sa kanya Sinubukan na minsan ng inyong tiyuhin pero muntik pa itong masipa,” natatawang kuwento ni Mang Simon.
“Sa tono ninyo’y parang ikinatutuwa n’yo pa ang nangyari, Mang Simon,” pabirong sabi ni Lorenzo.
“O, mabuti ngang masipa ang matandang iyon. Patawarin ninyo ao sa aking sinabi, Señorito. Pero, talagang napakasama ng ugali ng inyong amain lalo na sa mga kabayo. Lagi na lang mayroong latay ng latigo ang mga kabayo kapag ibinabalik niya sa kuwadra.” Napabuntong-hininga ito. “Alam n’yo naman kung gaano ko kamahal ang aking mga alaga.”
“Naiintindihan ko kayo, Mang Simon,” naiiling na sagot niya.
Naputol ang pag-uusap nila nang makitang papalapit si Primo. Susukut-sukot na kinuha ni Mang Simon ang kabayong gagamitin nito.
“Mabuti na lamang at hindi ako sinumpong ng aking rayuma,” nakangiting sabi ni Primo. Nangingilag na sinulyapan nito si Warrior. “Muntik na akong patayin ng kabayong yan, Lorenzo.”
“Nagkataon lang na hindi kayo ang kanyang amo, Tiyo Primo,” kaswal na tugon niya at mabilis na sumakay sa likod ni Warrior. “Kung handa na kayo ay tayo na.” Bago pa makasagot ang amain ay pinatakbo na niya papalayo ang kabayo.
Sumampa si Primo sa kabayong ibinigay ni Mang Simon.
Ilang sandal pa’t kasunod na ito ni Lorenzo.
SA PAGLILIBOT sa mga taniman ay nakita ni Lorenzo ang masipag na paggawa ng mga magsasaka. Humihinto lamang ang mga ito upang kumaway sa kanila.
Sa kubong pinagpapahingahan ng mga magsasaka sa oras ng pananghalian ay kinausap niya si Mang Benito, ang matandang katiwala sa tubuhan. Inalam niya ang mga hinaing at problemang kinakaharap ng mga ito.
Habang nag-uusap sila ng matanda’y napansin niyang ilag it okay Primo Parang takot itong magsalita. Kaya ipinasya niyang kausapin na lamang ito sa ibang pagkakataon.
Pabalik sa Villa ay kapansin-pansin ang pananahimik ni Primo.
“Wala akong nakikitang pagbabago sa mga magsasaka, Tiyo,” aniya matapos nilang ibalik sa kuwadra ang mga kabayo.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan nito. “Siguro nga’y may mga pagkakamali ako sa aking pamamalakad kaya sila nagrereklamo,” amin nito. “Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon, Lorenzo.”
Matagal na tinitigan ng binata ang amain. Nagtagumpay si Primo na ipakita sinseridad sa tinuran nito. Nagkibit-balikat siya.
“Bibigyan ko kayo ng isa pang pagkakataon, Tiyo Primo. Pero huwag ninyo akong pigilan sa binabalak kong ikuha kayo ng makakatulong sa pamamalakad ng asyenda sa tuwing wala ako.”
Maiksi ang tawang nanulas sa mga labi ng matanda. Nang magsalita ito ay halatang napipilitan lamang. “Buweno, kung ‘yan ang gusto mo, ikaw ang bahala.”
MAKALIPAS ang dalawang araw, matapos ayusin ang problema ng mga magsasaka sa amain ay lumuwas sa Maynila si Lorenzo upang sunduin si Sofia. Nang muling magkita’y masayang nagyakap ang mag-ina.
Makaraang pirmahan ng doctor ang papeles ni Sofia ay inilabas na ito ng binate sa pagamutan. Itinuloy niya sa town house sa Makati upang makapagpahinga bago mumiyahe pabalik sa Hacienda Roman.
“I’m so happy now that we’re together again, Mama,” ani Lorenzo at niyakap ang ina. “Sana’y hindi na tayo magkalayo pa.”
Nakangiting tinapik-tapik ni Sofia ang braso ng anak. “Basta ipangako mo sa aking hindi mo ako iiwang mag-isa sa villa.”
“Promise.”
“At gusto ko rin na sana’y isipin mo na ang pagpapamilya, hijo. Gusto ko ng magkaapo.”
“Mama,” natatawang sabi niya. “Wala pa sa isip ko ang bagay na’yan. At gusto kong mapunan muna ang mga taong nawala sa ating dalawa.”
Humugot ng malalim na hininga si Sofia. “Ikaw lang naman ang inaalala ko,hijo. Kailangan mo ng isang pamilyang makakasama kapag wala na ako.”
“Youre still young, ‘Ma. At hindi kappa mawawala. Hindi mo pa ako iiwan.”
“Gusto ko lang kasing magkaroon nan g direksiyon ang buhay mo. Iba na kapag may asawang mag-aalaga at magmamahal sa iyo.”
“Okay, you win. Hayaan mo’t pakakasalan ko kaagad ang babaeng hinahanap ko kapag nakita ko siya,” pabirong sagot ni Lorenzo. “For the meantime, magpahinga ka na muna. Maaga pa ang biyahe natin bukas.”
“SOFIA!”
Nagmamadaling lumapit si Nana Anita nang bumaba ng sasakyan sina Lorenzo at Sofia. Bakas sa mukha nito ang kailigayahan.
“Anita!” bulalas ni Sofia at patakbong niyakap ang babae.
“Maligayang pagbabalik! Nagagalak ako ngayonng nandito ka na.”
“Salamat. Salamat, Anita.”
“Maligayang pagbabalik, Señora,” panabay na bati ng apat na nakababatang katulong.
“Maraming salamat sa inyo.”
“Kumusta ka na Sofia? Ikaw n asana ang bahalang magpaumanhin kung hindi ka naming nadalaw ni Carlos noong nasa pagamutan ka.”
“Nauunawaan ko, Anita. Wala kang dapat ipag-alala. At---“
Ang anumang sasabihin pa sana ni Sofia’y pinutol ng paglabas ni Primo mula sa front door.
“So, nagbalik na pala ang reyna ng Villa Roman.” nakangising turan nito. “Kamusta na, Sofia?”
Sandaling namayani ang katahimikan. Ang lahat ay naghihintay sa susunod na mangyayari. Kapansin-pansin ang pagtatagis ng mga bagang ni Lorenzo.
“Mabuti, Primo,” makaraa’y mahinahong sagot ni Sofia. “Ikaw, kamusta ka na? Hindi mo pa ba nakukuha ang gusto mo kaya naririto ka pa?”
Pinamulahan ng mukha si Primo sa implikasyon ng tinuran ni Sofia.
“Lorenzo,hijo,” baling nito sa binata. “Samahan mo ako sa aking silid. Biglang sumakit ang ulo ko.”
Nagpatiuna sa pagpasok sa pinto si Sofia matapos pukulin ng makahulugang tingin si Primo. Sumunod si Lorenzo sa ina. Sa likod ng binata’y sina Nana Anita at Mang Carlos kasunod ang apat na nakababatang katulong.
Si Primo ay naiwang nagpupuyos sa kinatatayuan nito.
“Hanggang ngayo’y wala pa rin akong tiwala sa kapatid na’yan ng iyong papa, Lorenzo. Masama ang kutob ko sa kanya. Hindi siya magtatagal dito sa asyenda kung wala siyang binabalak laban sa atin,” seryosong pahayag ni Sofia sa binate nang makapasok sa kuwartong katabi ng kay Lorenzo.
Isa sa mga kahilingan nito bago magbalik ng Villa ay ang huwag nang gamitin pang muli ang master’s bedroom kung saan napatay nito ang asawa at ang kerida nito.
“K-kung nasa tamang pag-iisip lamang ako noon, hindi ako papaya na manatili siya rito. At lalong hindi ang pamahalaan niya ang asyenda.”
“Magpahinga na muna kayo, Mama. Huwag n’yong alalahanin ang Tiyo Primo.”
“I don’t trust him, hijo.”
“So, don’t trust him. Now, rest. Habang ipinahahanda ko kay Nana Anita ang pagkain.”
Nagbuntong-hininga si Sofia bago marahang tumango. Nakangiting pinisil ng binate ang baba ng ina at nagpaalam.
Ngunit nang makalabas ng kuwarto’y napalis ang ngiti sa mga labi ni Lorenzo.