KABANATA 6

1500 Words
NAGISING si Oli sa isang hindi pamilyar na paligid. Mababa ang kisameng tinitingnan niya ngayon at gawa sa pawid. Hindi ganoon kababa ang bubong ng bahay nila at gawa iyon sa yero. Ilang segundo muna siyang kumukurap-kurap bago niya natanto na nasa estrangherong lugar siya. Saglit niyang inalala ang mga pangyayari bago siya nakatulog. Mula sa pagkakahiga ay bumalikwas siya ng bangon sa papag na kinahihigahan at mabilis na iginala ang tingin sa paligid. Naalala na niya ang mga nangyari bago siya nakatulog o mas tamang sabihin na nawalan siya ng malay. Papag na may napakanipis na kutson pero maayos. Manipis na puting sapin ang nakapatong sa kutson. Bukod sa papag na iyon at isang maliit na lamesita ay wala na siyang nakikitang bagay sa paligid niya. Meron pa pala. Isang lampara na nakapatong sa lamesita. Maayos ang loob ng nasisiguradong niyang isang silid. May dalawang maliliit na bintana na kakasya ang isang taong sa magkabilang dingding. Dinig na dinig ni Oli ang malakas na tunog ng mga ibon sa paligid. Maging ang mga kulisap na nagpapalakasan sa ingay. Ibon at mga kulisap. Malakas siyang napasinghap ng matanto kung nasaan siya. Siya ay nasa isang lugar na wala siyang ideya kung saang lupalop ng mundo! At muling rumagasa sa isip niya kung ano ang nangyari bago ang oras na iyon. Mula sa pagpunta niya sa pawnshop hanggang sa pagdating ng mga holdaper. Ang pang-ho-hostage ng mga ito sa kanya. Kung gayon ay nasa poder siya ng mga ito! Nagsimulang kumabog ang kanyang dibdib. Nang malakas! "Hindi!" sambit niya sa reyalisasyon sabay takbo sa isang bintana. Tumambad sa kanya ang naglalakihang mga puno at ang masukal-sukal na paligid. Wala siyang makitang trace ng daan. Nagsimula siyang magpanic. At kilabutan. Tinungo niya ang isa pang bintana. Kagaya sa isang bintana ay gayundin ang nakita niya. Pulos puno at kasukalan. Palakas ng palakas ang tambol ng dibdib niya ng tunguhin niya ang nag-iisang pintuan. Pabalya niya iyong binuksan upang muling manlumo dahil walang ipinagkaiba ang paligid. Pulos berde ang nakikita niya sa paligid. Saka niya natanto na ang silid na kinaroroonan niya ay siyang mismong kubo at hindi isang silid lamang sa loob ng kubo. Walang pag-iisip na lumabas siya upang ikutin ang kubo. Maliit lang iyon. Parang isang maliit na pahingahan. Sa labas ng kubo ay may mahabang upuan na may sandalan na yari sa kawayan. May katerno iyong mesa na pahaba na gawa din sa kawayan. Naisip niyang ginawa ang kubong iyon upang pahingahan. Wala siyang makitang trace ng daan na puwede niyang puntahan. Oo at mayroong tila maliit na bakuran ang kubo subalit iyon lang iyon. Kung lulusot siya sa isang bahagi ay hindi niya alam kung saan siya dadalhin niyon. "Nasaan ako?" nagpapanic na tanong niya sa sarili. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya makapag-isip ng maayos. Ang tanging nais niya ay makaalis sa lugar na iyon. “Diyos ko! Saan ako dinala ng mga bandidong iyon?” masisiraan na ng ulong bulalas niya. “Tao po!!! May tao ba diyan?!” malakas niyang sabi. Ingay ng mga kulisap ang naging sagot sa tawag niya. Napalunok siya. Lalong lumakas ang kaba niya. Sa pagkakataong iyon ay hindi nalang takot sa mga bandido kundi sa tingin niya ay nag-iisa siya sa lugar na iyon. Kapag may nangyari sa kanya ay wala siyang maaring hingan ng tulong o anuman. Hindi siya matatakutin subalit kahit sino namang normal na babaeng makakaramdam ng pag-iisa sa ganoong klaseng lugar ay makakaramdam ng takot talaga. “Oli, mag-isip ka ng maayos. Huwag kang magpalamon sa takot mo. Isip. Isip. Isip.” Kausap niya sa sarili. Kahit papaano ay pinatatag niya ang kanyang sistema kahit nininiyerbos na siya. Muli niyang iginala ang tingin sa buong paligid niya at umikot-ikot pa. “Imposibleng walang daan dito. Siguradong may daanan ang mga bandidong iyon…” usal pa niya. Muli niyang inikot ang paligid ng kubo sa pagbabakasakaling nalingatan lang niya ang daan. Kahit maliit lang at baka mayroon siyang makita. Subalit nakailang ulit na siya ng ikot at nahihilo na din siya ay wala talaga siyang makitang trace. Pulos mga puno at kadawagan lang ang nakikita niya. Wala rin siyang madamang kilos o presensiya na nagsasabing may kasama siya sa lugar na iyon. Napakatahimik ng paligid. Nakabibingi ang ingay ng mga kulisap. Pinanindigan siya ng balahibo sabay yakap sa sarili ng isang beses na yakapin siya ng malamig na hangin. “Ano ba naman ito? Bakit ba napasok ako sa ganitong sitwasyon? ‘Nay. ‘Tay. Nasaan na kayo?” parang nawawala na sa sariling sabi niya. naalala niya ang mga magulang na siguradong naghihintay na sa kanyang pag-uwi. “Hoooooooyyyyyyy!” malakas niyang sigaw. “Kayong mga bandido!!! Lumabas kayo!! Pakawalan niyo ako sa lugar na ito!!!” Pero walang sumagot sa kanya. Hindi siya nagmumura pero sunod-sunod ang mga hindi magagandang salita ang lumabas sa bibig niya. Iyon ay dala ng frustration, takot, sama ng loob at galit. “Pakawalan niyo ako dito!!!!” Pero hanggang sa mapagod nalang siya sa kasisigaw ay walang sumagot sa kanya. Tila nahahapong napaupo siya sa upuang kawayan. Noon talaga niya natanto na mag-isa talaga siya sa lugar na iyon. Bago pa siya makaramdam ng kung ano-ano ay nagpasya siyang bumalik sa loob ng kubo. Dire-diretso siya sa papag at naupo roon. Saglit siyang tumunganga lang at nag-iisip nang maaring gawin. Nang maalala ang oras ay sinipat niya ang relong pambisig na suot – pasado alas kuwatro ng hapon. Kung gayon ay humigit-kumulang dalawang oras siyang nakatulog. Nagsimulang manubig ang kanyang mga mata hanggang sa hindi na niya mapigilan ang pag-iyak. Ngayon ay hindi lang siya kinakabahan. Natatakot na din siya. Hindi lang dahil sa mag-isa siya doon kundi dahil literal na mag-isa siya sa lugar na iyon.  Hindi niya alam kung haunted kubo ba iyon o ano. Wala siyang mahingan ng tulong. Wala ang mga taong kumidnap sa kanya. Bigla ay naitanong niya kung nasaan ang mga ito. Bakit iniwan nalang siya doon? Sana ay itinapon nalang siya sa lugar na maaring may makatagpo sa kanya kahit papaano at hindi sa lugar na iyon. Ni hindi niya alam kung saang lupalop siya dinala ng mga lalaking iyon. Hindi niya alam kung nasa Sitio Tres pa rin siya. Isa lang ang natitiyak niya, base sa nakita niya sa paligid ay nasa isang gubat siya. Hindi lang niya matiyak kung saan. Bago pa niya napigilan ang sarili ay muli siyang sumigaw. “Tulong!! Tulungan niyo ako!! Kung may nakakarinig sa akin, pakiusap naman! Tulungan niyo ako!!!” Sigaw niya habang tumutulo ang luha sa kanyang pisngi. Pero tanging echo lang ng boses niya ang sumasagot sa kanya. Walang ibang naroroon. Siya lamang. Saka niya naisip ang tumakas. Muli niyang tinungo ang bintana upang muling makadama ng matinding panlulumo. Hindi niya alam kung aling daan ang tatahakin niya. Wala naman kasi talaga siyang nakikitang daan. Baka lalo lang siyang maligaw. Hindi niya kabisado ang lugar na iyon. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay na panganib kapag sinuong niya ang kasukalan. Maaring may mga mababangis na hayop at malalaking ahas ang nasa gubat. Pero hindi ba at nasa panganib na din naman siya ngayong nasa poder siya ng mga taong nanghold-up at nanghostage sa kanya? Isang katanungan ang pumasok sa kanyang isip. Bakit siya iniwan ng mga ito sa lugar na iyon? Ni hindi man lang itinali ang mga kamay o paa niya para hindi siya makawala. O baka masyado lang kampante ang mga itong iwan siya doon dahil alam ng mga itong mahihirapan siyang tumakas dahil na din sa itsura ng lugar? Maari. Siguro, kung malakas lang ang loob niya ay papasukin talaga niya ang gubat. Pero hindi ganoon kalakas ang loob niya lalo pa at pahapon na. Takot siya sa ahas sa totoo lang. Maaring hindi siya mamatay sa kamay ng mga holdaper pero mamamatay siya sa takot sa mga ahas na maari niyang makasalubong. Ahhh! Ano ba ang dapat niyang gawin? Dapat ay magpasya na siya bago pa dumating ang mga holdaper. “Mag-isip ka na, Oli. Bilisan mo!” parang nababaliw na niyang sabi. Tumayo siya at nagpalakad-lakad sa loob ng kubo. Saka muling lumabas doon. Muli niyang pinagmasdan ang paligid at ang kasukalan. Narinig niya ang malakas na pag-ihip ng hangin. Ang isang bahagi ng gubat ay napansin niyang nag-uumpisa ng dumilim. Dahil doon ay muli niyang nayakap ang sarili. Mas takot siya sa mga maligno at ahas sa paligid kesa sa mga holdaper. Iyon ang natanto niya. Kaya mabilis siyang bumalik sa loob.  Nawalan na siya ng pag-asa. Kung sana ay hindi siya hinimatay habang hostage ng lalaki. Sana ay nalaman niya ang daang tinahak nila. Baka matandaan pa niya. Pakiramdam niya ay muli siyang papanawan ng ulirat. Muli siyang nakaramdam ng panghihina. Sa pagkakataong iyon ay sa kawalan ng pag-asa. Hinayaan niyang bumagsak ang katawan sa manipis na kutson. Pumikit siya at namaluktot saka niyakap ang sarili. Gusto nalang niyang matulog. Baka paggising niya ay nasa sa kanila na siya. Baka nanaginip lang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD