KABANATA 7

1670 Words
MAGAAN ang pakiramdam ni Laurens habang sakay ng kabayo niya. Ngayon ay tinatahak niya ang landas papasok sa isang kasukalan. Kagagaling niya sa kuweba – na ngayon ay tinatawag nilang Hardin - kung saan doon ay nagsilbing tahanan nilang mga kagaya niyang pinaalis ni Kanor sa lupain ni Esmundo. Wala silang magawa dahil hindi naman nila pag-aari ang lupang kinatitirikan ng bahay nila. May isang paraan para makapanatili sila doon - iyon ay kung makakapagbigay sila ng danyos kay Kanor kapalit ng pagtira nila. Nangyari ang pagpapalayas ng iparating sa kanila at sa lahat ng mga tao sa Sitio Tres na si Kanor na ang mamahala sa buong hasyenda at sa lahat ng nasasakupan ni Esmundo - ang butihing may-ari ng nag-iisang hasyenda sa lugar nila. Nagsimula ang bangungot ng mga tiga Sitio Tres ng maaksidente si Senyor Esmundo kasama ang nag-iisang anak nitong babae sa daan habang pauwi ng Sitio dahilan para sa kamatayan ng mag-ama. Nagdalamhati ang buong hasyenda maging ang mga kakilala at kaibigan ng Senyor. Marami ang hindi makapaniwala at hindi matanggap na wala na ang butihing matanda. Ni hindi nila nakita ang matanda sa kabaong nito kahit sa huling pagkakataon. Habang nakaburol ay nanatiling nakasara ang kabaong dahil sa parehong ang mukha ng mag-ama ang napuruhan sa aksidente. Kagaya ng iba ay isa ang pamilya niya sa nagdalamhati sa pagkawala ng matanda at labis-labis na nanghinayaang sa maaga nitong pagpanaw at ng nag-iisa nitong anak na babae. Ayon sa abogado ng Senyor ay inihabilin kay Kanor ang mga ari-arian nito oras na may mangyari sa matanda. At dahil wala na rin ang anak nitong ni minsan ay hindi niya nakita man lang ay napunta lahat kay Kanor ang pangangalaga sa buong hasyenda. Kilala si Kanor na may mabuting puso at mabuting tao. Ito ang naging kanang kamay ng Senyor simula ng magkakilala ang dalawa. Bukod doon ay itinuring itong parang kapatid ng matanda at pinagkatiwalaan. At dahil malaki ang naging tiwala dito ni Senyor Esmundo ay marami ang naniwalang dito inihabilin ang mga ari-arian nito ngayong parehong wala na ang mag-ama. Subalit ang inaakala ng lahat sa kabutihang pagkatao ni Kanor ay pabalat bunga lamang pala. Ni wala itong ideya na napakasama pala ni Kanor. Kahit sila o kahit sino sa Sitio Tres ay walang nakakaalam sa tunay nitong ugali. Hanggang sa ilantad ang totoo nitong pagkatao. Isang malupit na si Kanor. Malupit sa kanilang lahat at wala itong sinasanto. Hindi rin ito mangingiming pumatay sa kahit sinong hindi sumunod sa nais nito. Isa sa mga naging biktima ng kasamaan nito ay ang magulang nilang magkakapatid. Namatay ang mga ito sa mga panahong pinalayas sila ni Kanor sa kani-kanilang tahanan. Dahilan para mamuhi siya dito. At kalabanin nila sa kanilang paraan. Pare-pareho din nilang alam na may isang anak ni Esmundo - si Saphira. Na ilang linggo palang nilang nakikilala. Ilang linggo palang ng ilantad nito ang sarili at totoong pagkatao sa kanilang magkakapatid. Hindi ito totoong patay kagaya ng ipinakalat ni Kanor sa buong bayan at sa mga nakakakilala sa dalaga. Nalaman nila ang lahat ng holdapin nilang magkakapatid ang maliit na bangko ni Senyor Esmundo sa bayan at aksidenteng naroon din si Saphira. Napangiti siya ng maalala ang pagtatangka nitong pang-ho-hold-up din sana. Kinuha nila ang babae at doon nila nalaman ang katotohanan sa ‘pagkamatay’ ng mag-ama.  At pinalabas lamang lahat iyon ni Kanor pero ang totoo ay buhay na buhay si Saphira. Walang nakakaaalam ng lahat ng iyon. Silang magkakapatid lamang. Si Father Anton at si Kasandra. Hindi sila makapaniwala ng una na naroon ang anak ni Esmundo. Lalong hindi sila makapaniwala na buhay ito. Pero totoo ang pagkamatay ni Senyor Esmundo. Magaling humabi ng kuwento si Kanor at pinaniwalaan iyon ng lahat. Subalit nalaman nila ang tunay na nangyari ng ikuwento sa kanila ni Saphira ang totoong nangyari. Na kaya namatay sa atake sa puso si Esmundo ay dahil kay Kanor. Hindi lang alam ng dalaga kung papaano iyon nangyari. Ayon pa kay Saphira ay natakot itong lumantad sa Tres dahil baka ipapatay ito ni Kanor. Silang tatlong magkakapatid ang nagsilbing guwardiya ng dalaga. Pagkatapos nilang gawin ang 'misyon' - ang misyong tumulong sa mga kagaya nilang mahihirap at pinahihirapan ni Kanor at ng grupo nito - ay dumating ang balitang kinuha ng grupo ni Kanor si Saphira sa isa pa nilang hide-out kung saan naglalagi ang dalaga. Nauna ng nagpunta sa mansiyon kung saan dinala ang dalaga ng dalawa niyang kapatid na sila Ludgi at Liam. Siya naman ay dinala ang babaeng akay-akay kanina - na naging hostage nilang magkapatid - habang wala itong malay sa ikalawang hide-out nila. Ang isa pang kubo ay isa't kalahating kilometro ang layo mula sa unang kubo na isa pa nilang hide-out. Nang masigurong maayos si Oli - ang babaeng hinostage nila - na iniwan niyang wala pa ring malay sa kubo ay sumunod na siya sa mga kapatid kanina para iligtas si Saphira. Nakipaglaban sila sa grupo ni Kanor at sa huli ay sila ang nanalo. Nailigtas nila si Saphira mula sa natitiyak nitong kamatayan. Pero nakatakas si Kanor. Nang masigurong maayos na ang lahat bukod sa pagtakas ni Kanor ay naisip niya si Oli. Sigurado siyang gising na ito. Mabilis siyang nagpaalam sa mga kasama upang puntahan ito. Dumaan muna siya sa kuweba upang kumuha ng pagkain para kay Oli. Pagkatapos ay dumaan siya sa unang hide-out nilang magkakapatid. Kinuha niya ang maskarang matatakpan ang buong mukha niya. Isa iyon sa ginagamit niya kapag ginagawa nila ang 'misyon'. Para sa ibang tao ay masama sila. Siya, at ang dalawa niyang kapatid ay wanted sa batas ng Sitio Tres. Maging sa karatig na Sitio ay nakikilala na sila. Bilang mga bandido. Nangyari ang pagiging bandido nila ng simulan ni Kanor ang pagpapahirap nito sa mga kagaya nilang mahihirap. Dahil sa pagiging tuso ay naulila silang magkakapatid. Nabaril ang ama nila sa pagtatangkang paglaban kay Kanor at sumunod na namatay ang ina nila dahil sa tindi ng sama ng loob sa pagkamatay ng ama nila. Hindi nila ginustong maging bandido. Pero iyon lang ang tanging paraang alam nilang magkakapatid upang makatulong at mapunan ang gutom ng maraming tao sa loob ng kuweba. Ang lahat ng nakakalap nila mula sa panghoholdap ay ibinibinigay nila sa mga mahihirap. Lahat ng iyon ay ipinapadaan nila kay Father Anton. Ang pari sa parokya ng Tres. Madalas nilang gawin ang 'misyon' nila kapag alam niyang may nangangailangan. Ang nakuha nila sa pawnshop kanina ay ibibigay nila sa pamilya ni Ka Kastor. Ipinasunog ni Kanor ang bahay nito dahil ayaw umalis ng pamilya nito. Malubha din ang lagay ng anak nito dahil nagtamo ito ng sunog sa katawan. Wala silang iniiwang kahit magkano sa bulsa nila kapag may nakukuha silang pera. Lahat ng iyon ay ibinibigay nila sa tinutulungan nila. Para sa mga mahihirap ng Sitio Tres ay isa silang bayani. Dahil hindi inililihim ni Father Anton – na kailan lang nila nalaman - na ang lahat ng dumarating na tulong sa mga tao ay galing sa mga bandido. Pero nanatiling tikom ang bibig nito sa kung sino talaga sila. Bayani sila para sa mga mahihirap at bandido para sa mga may kaya sa buhay sa kanila. Walang nakakaalam na sila ang magkakapatid na Bernardo. Pagkakuha niya sa mascara – itim iyon - ay tumuloy na siya sa kubong pinag-iwanan kay Oli. Nakilala niya ang dalaga unang kita palang niya dito sa pawnshop. Kitang-kita niya ang takot na takot nitong anyo. Nabigla pa siya ng gawin itong hostage ng kuya niya. Wala talaga iyon sa plano at hindi pa nangyari na nagkaroon sila ng hostage. Alam niyang wala silang pagpipilian kundi gawing hostage ang dalaga. Nakapalibot na sa kanila ang apat na pulis. Na sa totoo lang ay kayang-kaya nilang takasan. Pero kampante siya dahil alam niyang hindi ito sasaktan ng Kuya Ludgi niya. Nakita niya ang takot sa mukha ni Oli. Hindi niya iyon kayang tingnan. Sinabi niya sa Kuya niyang siya na ang bahala sa dalaga. Nagpalit sila ng hawak. Siya kay Oli at ito sa pera. Pagkatapos ay nag-kanya-kanya na silang tumalilis na magkakapatid. Hindi niya alam kung anong pumasok sa utak niya upang dalhin si Oli sa hide-out nila. Puwede niya itong iwan malapit sa bahay ng dalaga dahil alam naman niya ang bahay nito. Pero malakas ang nag-udyok sa kanyang dalhin ito doon. Parang may malakas na puwersang humila sa kanya para isama doon ang dalaga habang natutulog. Sinasabi ng isip niyang ihatid ito sa bahay nito subalit iba ang sinasabi ng katawan niya. Gusto niya itong makasama kahit isang araw lang – o ilang araw lang. Kahit sandali lang. Dahil sa totoo lang, pagkakita niya kanina sa dalaga ay nasabik siya. Ilang araw din niyang naiisip ang mukha nito. Ilang beses siyang nagmatyag dito pero sa tuwina ay hanggang pagmamatyag lang siya. Pinipigilan niya ang sariling lapitan ito. Hindi sa anupaman subalit hindi pa maayos ang lahat sa kanila. Ayaw niyang mahulog sa isang bagay na hindi niya alam kung makakaahon siya. Oo, at mukhang nakursunadahan niya ang dalaga. Subalit hanggang doon lang iyon. Kumplikado din ang pagiging bandido nila. Hindi siya maaring makipaglapit sa kahit na kanino maliban sa mga nakakaalam ng totoong pagkatao nila. Kapag naayos na ang lahat, siguro ay maari na siyang makipaglapit dito. Kung darating pa ang araw na iyon. Kaya naman kahit anong sabi ng isip niyang diretsong ihatid niya ito sa bahay nito ay hindi niya napigilan ang sariling dalhin ito sa kanilang hide-out. Ni hindi na niya nagawang makapag-isip ng maayos. Nadala siya ng pagkasabik sa dalaga lalo na nang magkalapit sila kanina. Namalayan nalang niyang tumatakbo na sila patungo sa kubong pinagdalhan niya dito. Nakikita na niya kung ano ang magiging reaskiyon nito kapag nagising ito. Baka mag-histerikal ito. Kaya nga itatago niya ang mukha dito. Hindi nito dapat malaman na si Laurens na driver ng tricycle at naghatid dito sa bahay nito nang nakaraang linggo ang siyang magiging hostage taker nito. Kailangan niyang itago ang mukha. Kung ayaw niyang matakot ito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD