NAGISING si Oli sa likha ng ingay ng mga kaluskos sa labas ng kubo. Pagmulat niya ay sumalubong sa kanya ang madilim na paligid. Hindi kumikilos ang katawan na ibinaling niya ang mukha sa isang sulok. Kung saan naroon ang lamesita. Hindi pala madilim. Dahil mayroon ng munting liwanag na nanggagaling sa lampara na nakapatong sa lamesita. Sigurado siyang may nagsindi niyon. Ibig sabihin niyon ay may kasama na siya doon o may tao na sa paligid.
Inalis niya ang tingin sa lampara at hindi gumagalaw na inilibot niya ang tingin sa paligid. Naroroon pa rin siya sa kubo at sa papag na hinigaan niya kanina. Saglit niyang pinakiramdam ang sarili at ang paligid. Bukod sa bumabangon nanaman ang kaba sa kanyang dibdib ay wala na siyang maramdamang kahit ano sa kanyang katawan. Intact pa din ang kanyang mga kasuotan maliban sa nag-iba na siya ng posisyon sa pagkakahiga. Ang tanda niya kanina ay nakapamaluktot siya. Ngayon ay maayos na siyang nakahiga with matching unan sa kanyang ulunan.
Napalunok siya. Naroroon sa kubong iyon ang kanyang holdaper habang siya ay tulog na tulog. Pero pinakiramdam na niya ang sarili at wala naman siyang masasabing ‘nagbago’ sa kanya. Ibig sabihin ay hindi pa siya ‘ginagalaw’ ng holdaper. Kahit papaano ay nabawasan ang takot niya pero hindi pa rin maalis ang kaba sa kanyang dibdib. Nasa poder pa din siya ng mga holdaper at hindi nanaginip lang dahil naroroon pa rin siya sa kubo.
Nagpatuloy din ang naririnig niyang mga kaluskos sa labas. Bumalikwas siya ng bangon upang alamin kung ano ang kumakaluskos sa labas. Tinungo niya ang pinto at pabalyang binuksan iyon upang tumama lamang ang ulo niya sa isang matigas na bagay.
Napasigaw siya. "Aray! Ano bang --- ." sabay hawak sa ulong nasaktan. "Bakit nagkaroon ng pader ---." nilamon ng lalamunan niya ang iba pang sasabihin ng makita ang bagay na nabangga niya. Hindi iyon pader kundi isang mataas na bulto. Mula sa dibdib ng bulto ay umakyat ang tingin niya sa mukha niyon. May takip ito sa mukha at hindi niya masiguro kung ano ang itsura nito. At dahil may kadiliman ang paligid kahit pa may liwanag na nagmumula sa lampara ay lalo iyong nakadagdag sa pagkabigla niya. Umawang ang kanyang bibig at nanlalaki ang mga matang mas malakas siyang sumigaw. "Kapreeee!!!!"
Kasabay ng paninindig ng lahat ng balahibo niya sa katawan ay mabilis siyang bumalik sa papag at sumiksik sa pinagilid ng kubo. Takot na takot siya. Nanginig ang katawan niya dahil mukhang pinasok na ng mga engkanto ang kubong iyon. Iyon lang ang naiisip niyang tamang salita sa bultong nabangga niya dahil napakataas niyon dahil nakatingala na siya. At ano pa ba ang inaasahan niyang magpapakita sa kanya sa gitna ng gubat na iyon?
Hindi na siya magtataka kung may sumulpot na duwende, white lady o kung anumang engkanto sa kubong iyon. Dahil sa isiping iyon ay lalo siyang natakot. Pakiramdam niya ay aatakahin na siya sa puso.
“Diyos ko.. huwag niyo po akong pababayaang kunin ng mga engkanto dito…” wala sa loob na usal niya. “Huwag kang matatakot, Oli. Kapre lang ‘yan… kapre lang ‘yan… eeeee…” dagdag pa niya.
Kung alam lang niyang pinamumugaran ng engkanto ang kubong iyon ay nagbakasali nalang sana siyang pasukin ang gubat kanina habang maliwanag pa. Pero malay ba niya kung pulos engkanto ang gubat na iyon at hindi lang sa kubong iyon.
Kinikilabutan siyang umalerto kahit na takot na takot na siya. Naghanap siya ng maari niyang gamiting sandata habang iginala ang tingin sa paligid niya. Pero bukod sa lampara na puwede niyang ibato ay isang unan lamang ang nahagilap niya. Malambot pa iyon. Mayroon pa pala. Bahagya nalang niyang napansin ang dalawang mangkok na may takip. At isang pitsel na kulay transparent at puno ng tubig. Katabi niyon ang isang baso. Pwede niya iyong ibato dito kung pagtatangkaan siyang saktan. Pero mukhang mahihirapan siyang kunin iyon dahil nangangatal na ang buong katawan niya. Ni hindi na niya naisip na wala iyon kaninang unang beses siyang magising doon. Para na siyang hihimatayin ng magsimulang humakbang ang ‘kapre’ papasok sa loob ng silid.
"Huwag kang lalapit!" sigaw niya sa nanginginig na tinig. “Huwag kang lalapiiiiittt!!!”
Huminto sa paghakbang ang 'kapre'. Hindi niyon nabawasan ang takot niya.
"Huwag mo akong lalapitan! Huwag mo akong sasaktan. Pakiusap." nagsimulang mangilid ang luha niya sa gilid ng mga mata niya. Alam niyang para na siyang tanga dahil kinakausap niya ang ‘kapre’ e hindi naman niya alam kung naiintindihan siya.
Sa pagitan ng pagngawa niya ay sumenyas ang 'kapre'. Pinag-ekis-ekis nito ang dalawang braso.
Saglit siyang nahinto sa pag-iyak. "K-Kapre ka ba? K-kapre ka ano! Huwag mo akong gagalawin. Naiintindihan mo ba ako? Huwag mo akong lalapitan kundi ibabato ko sa’yo lahat ng nakikita ko dito!" hiyaw niya.
Hindi niya alam kung imahinasyon lang niya na humagikhik ito? Umiiling-iling ito.
Alin ang inilingan nito? "K-kapre ka ano!" ulit niyang tanong. Gusto niyang makasiguro.
Muli itong umiling, magkakasunod.
Bahagya siyang natigilan. Naiintindihan siya nito. Sumigok-sigok din siya. Saglit niyang pinagmasdan ang ‘kapre’ na hindi naman ayon dito. Nabawasan ng kaunti ang pangangatal niya pero naroon pa rin ang takot niya. Kung hindi ito kapre, ano ito?
Teka. Tao ba ito? Salubong ang mga kilay na binisitahan niya ang itsura nito. Sa tulong ng liwanag ng lampara ay binistahan niyang mabuti ang anyo nito. Oo, matangkad ito. Ang taas nito ay nasisiguro niyang lagpas sa anim na pulgada. May kalakihan ang katawan. Napansin niya iyon sa nakalapat na suot nitong puting t-shirt. Sigurado din siyang kupasing pantalon ang suot nito. At pares ng rubber shoes. Rubber shoes? Kapreng naka-rubber shoes? At kapreng naka-puting T-shirt at maong na pantalon? Mukhang hindi nga ito ang inakala niyang dapat katakutan. Hindi pa siya nakakakita ng kapre kaya ngayon ay hindi na niya sigurado kung kapre nga ito. Oo, matangkad ito. Isang matangkad na lalaki. Pero hindi naman ito nauuntog sa bubong para magmukhang kapre.
Masyado lang sigurong naging wild ang imagination niya dahil sa takot na nasa gitna siya ng gubat at nilalamon ng dilim ang kubong iyon. Masyado na rin siyang napaparanoid dala nang nangyari kanina. Kahit papaano ay nabawasan ang panginginig niya. Sumandal siya sa dingding para sumagap ng hangin.
Nang bigla ay maalala niya ang nangyaring panghohostage sa kanya kanina ay napalitan ng galit ang takot niya. Bigla ay ang reyalisasyong isa ito sa mga holdapper na nang-hostage sa kanya.
Nanlisik ang mga mata niyang iniamba ang unan dito. "Ikaw! Isa ka sa holdaper kanina at nang-hostage sa akin diba! Umamin ka!" mas galit ang tinig niya ngayon keysa ang takot. Akmang susugurin sana niya ito pero ng humakbang ang lalaki ay napabalik siya sa sulok. Hindi niya kakayanin ang katawan nito kapag nanlaban siya.
Nagtaas lamang ng dalawang kamay ang lalaki. Mukhang napansin nito ang pagbalik ng takot niya kaya bigla din itong huminto sa paghakbang.
Sunod-sunod siyang napalunok. Hindi siya maaring maging mahina sa paningin nito. Kailangan niyang maging matatag kung gusto niyang makaalis ng buhay sa lugar nna iyon.
"Ikaw nga! Tanggalin mo ang maskara mo! Ipakita mo ang mukha mo!" utos niya sa mataas na tinig.
Muli itong umiling. At pinameywangan pa siya nito!
"Magsalita ka nga! Bakit ayaw mong magsalita? Kung hindi ka magsasalita ay sisigaw ako!" pananakot niya. Pero nasisigurado na niyang kahit magsisigaw siya buong taon ay walang makakarinig sa kanya doon.
Muli lang itong umiling ng umiling saka tinalikuran na siya.
“Aba’t! Hoy! Sumagot ka ‘kapre’! Pipi ka ba ha?!”
Pero hindi siya papayag na hindi siya nito kausapin. Lalong hindi siya papayag na hindi siya nito pakakawalan. Sigurado siyang hinahanap na siya ngayon ng nanay at tatay niya. Sigurado din siyang nag-aalala na ang mga ito dahil kanina pa siya nawawala - para sa mga ito. Kailangan na niyang makauwi. Mabilis siyang bumaba ng papag at marahas na hinila ang isang braso ng lalaki. Napaurong pa siya ng bigla itong humarap sa kanya. Bahagya nalang niyang naramdaman ang kilabot na gumapang sa kanyang katawan. Nakaramdam siya ng takot na makita ang nakamaskara nitong mukha. Wala siyang ideya kung ano ang itsura nito. Malay ba niya kung mas malala pa ito kay Frankenstein.
Hindi siya nakapagsalita sa ilang sandali. Napakurap-kurap siya at sandaling nablangko ang utak. Nang hindi siya kumilos ay ang lalaki ang unang gumalaw. Itinuro nito ang mga nakatakip na plato sa lamesita saka ito sumenyas. Kumain daw siya. Saka ito lumabas ng kubo.
Sandali lang niyang napukulan ng tingin ang pagkaing itinuro nito. Mabilis siyang napasunod dito sa pag-aakalang iiwan siya nito. Kung iiwan siya nito ay mas lamang sa malamang na baka tuluyan siyang matuluyan sa takot at pag-iisip na siya lang ang maiiwan doon. Sa gitna ng gubat na iyon na hindi niya alam kung saan. Mas gusto niyang kasama na niya doon ang hostage taker at holdaper na ito keysa palipasin ang buong gabi ng mag-isa sa kubong iyon.
"Sandali! Saan ka pupunta? Huwag mo akong iwan dito!" pasigaw niyang sabi saka muling hinila ang isang braso nito. Sa pagkakataong iyon ay hindi ito lumingon. Bigla lang itong tumigil. Kahit siya ay biglang tumigil. Muli niyang naramdaman ang kilabot na hindi niya masyadong napansin kanina ng hawakan niya ang braso nito. Ngayon lang niya napagtanto na hindi pala iyon kilabot kundi tila kuryente. Electric flash na nagmula sa balat nito na naramdaman niya sa katawan niya. At malakas iyon. Sobrang lakas. Bumitaw siya dito. "Saan ka pupunta?" tanong niya ng makabawi. Kahit pa inaasahan niyang hindi ito magsasalita.
Humarap ito sa kanya. Hindi pa ring nagsasalitang itinuro nito ang kawayang upuan ang metro lang ang layo sa kubo. Nasa gilid iyon ng kubo. May maliit nang unan na naroon. Sumenyas ito na doon ito matutulog. Kahit papaano ay muli siyang nakahiga ng maluwag. Hindi naman pala siya nito iiwan. Wala siyang dapat ipangamba. Naisip din niyang may bait din naman pala ang hostage taker niya. At gentleman. Hindi ito nakipag-agawan sa papag sa loob. Muli itong sumenyas na pumasok na siya sa loob. Hindi siya sumagot pero tumalikod na siya upang pumasok sa loob ng kubo pero napaiktad siya ng kalabitin siya nito. Lumitaw sa harap niya ang isang puting kumot. Nawawala pa rin sa sariling kinuha niya iyon. Saka na siya nagpatuloy sa paghakbang.
Pagpasok niya sa loob ay naupo siya sa papag. Napatingin siya sa pagkaing nasa lamesita. May pag-aalinlangang tinungo niya iyon. Pero napaisip siya na baka may lason ang pagkain. Subalit isang bahagi ng isip niya ang nagsasabing wala iyong lason. Dahil kung gusto siyang patayin ng lalaking nasa labas ay kanina pa siya sana hindi huminga at hindi nakakaramdam ng ganoon. Kung gusto sana siya nitong gawan ng hindi maganda ay itinapos nalang sana siya sa kung saan at hinayaang mamatay. Pero naroroon at buhay pa din siya. Binigyan pa siya ng pagkain at kumot.
Naramdaman na din niya ang pagkalam ng sikmura kaya minabuti na niyang kumain. Isa pa ay kailangan niya ng sapat na lakas para kung may pagkakataon siyang tumakas ay magagawa niya. Lumapit siya sa lamesita at sinimulang lantakan ang pagkaing nakahain. Wala siyang itinira at wala na siyang pakialam kahit ano pang klaseng pagkain iyon. Pagkatapos niyang kumain ay bumalik siya sa papag. Namaluktot lang siya habang nakaupo. Hindi niya maiwasang makaramdam ng lungkot. Isa siyang hostage ngayon ng mga bandido sa kanilang lugar. Hindi niya alam kung kailan siya makakaalis doon o makakaalis pa ba siya. Hindi niya alam kung pakakawalan siya ng mga hostage taker niya. Ni hindi niya alam kung bakit buhay pa siya ngayon sa totoo lang.
Pero nakapagtatakang hindi na siya nakakaramdam ng matinding takot. Kakatwa. Wala na ang pakiramdam na pinanginginigan siya ng katawan dahil naiisip niyang papatayin siya ng lalaking ito. Sa ngayon ay mas natatakot pa siyang mapag-isa sa lugar na iyon keysa ang makasama ang lalaki. Ang totoo ay parang mas ligtas pa nga ang pakiramdam niya ng makita ang lalaki kanina.
Ano ba itong nararamdaman niya? Dapat ay matakot siya sa lalaki pero hindi. Biglang nawala ang takot niya. Naguluhan siya. Ah! Sa halip na ubusin niya ang lakas sa pag-iisip ay humiga siya. Mas kailangan niya ng tulog. Kahihiga lang niya ng mapatingin siya sa pinto. Hindi na siya natatakot sa lalaki pero hindi pa rin niya maiwasang magduda. Tumayo siya at tiniyak na nakasarado ang pinto.
As if naman hindi siya makakapasok. Kantiyaw ng isang bahagi ng isip niya.
Madali nalang nitong gibain ang pinto. Isa pa, kaydaling buksan ang dalawang bintana doon na nakasara na ngayon. Pero just to be safe. Nang matiyak na sarado ang pinto ay bumalik siya sa papag. Ikinumot niya sa katawan ang manipis na kumot. Pumikit siya. Bukas ay tatakas siya habang may liwanag.