KABANATA 9

1331 Words
HINDI malaman ni Laurens kung maiinis o matatawa sa unang naging reaksiyon sa kanya ni Oli. Naglalakad na siya patungo sa upuang kawayan na itinuro niya kay Oli kanina. Mukha ba talaga siyang kapre sa dilim? Sa dinami-rami ng puwede nitong isipin tungkol sa kanya ay ginawa pa talaga siyang kapre! Kailan pa nagkaroon ng kapreng kasing-guwapo niya? Kunsabagay ay hindi niya masisisi kung bakit ito nakapag-isip ng ganoon. Kaya nga natawa nalang siya ng tanungin pa siya nito kung kapre ba siya. Gusto niyang humalakhak kanina at matinding pagpipigil lang sa sarili ang ginawa niya. Muntik na rin siyang makasigaw ng 'hindi' kundi lang niya naalala na hindi siya puwedeng magsalita sa harap nito. Hindi siya nito maaring mabosesan. O matunugan ang boses niya. Hindi niya alam kung natatandaan pa siya nito o maging ang kanyang boses. Kailangan pa rin niyang mag-ingat. Kailangan mong mag-ingat Lau kung ayaw mong magtapos sa ganito ang pagkakakilala niyo ng babaeng ‘yan. Usal ng isip niya. Napangiti siya ng maisip ang maari nitong maging reaksiyon kapag nalaman nitong siya si Laurens na nagmagandang loob na ihatid ito sa bahay nito. Galing siya noon sa kabilang bayan dahil may kinuha siyang kung ano-anong mga angkat na galing pa sa ibang probinsiya. Sa kabilang bayan ang bagsakan niyon at pinakiusapan siya ng isang kakilala na siya ang kumuha ng mga gulay na ititinda nito sa kanilang maliit na palengke sa Tres. Kahit tumanggi siya sa bayad ay inabutan siya noon. Pabalik na siya sa Tres ng mapansin niya si Oli na inip na inip na naghihintay sa paradahan ng tricycle. Hindi pa siya masyadong nakakalapit ay napansin na kaagad niyang noon lang niya nakita ang babae. Hindi pamilyar ang kagandahan nito sa lugar nito. Iyon ang una niyang napansin dito. Kahit na bakas sa mukha ng dalaga ang pagkainip ay hindi maitatanggi ang hindi simpleng mukha nito. Petite ang katawan ng dalaga. Pero puwedeng artista ang mukha. Kung mas tatangkad pa ito ng kaunti ay papasa itong modelo. Hindi nalalayo ang ganda nito kay Saphira na kasintahan ng kanyang Kuya Ludgi. Nakalampas na ang tricycle na minamaneho niya ng awtomatiko ang reflex niyang ibalik ang sasakyan sa dalaga. Huminto siya sa mismong tapat niyon. At sa pagtapat niyang iyon sa nakatayong babae at makita ng malapitan ang mukha nito ay nasabi na niya sa sariling gagawin niya ang lahat maiangkas lang niya ito. Na sa totoo lang ay hindi din niya alam kung bakit niya iyon nasabi sa sarili. Unang beses niyang gumawa o mag-isip ng ganon para sa isang babae. Parang may biglang sumanib na sa kanyang kung ano o nagbulong na kailangan niyang maiangkas ang dalaga. O mas tamang sabihing kailangan niyang makilala ang babae. Kaya lihim siyang natuwa ng mapapayag niya ito. Kahit pa mukhang napipilitan lang ang dalaga na sumabay sa kanya. Kunsabagay ay ganoon din ang gagawin niya kapag siya ang nasa sitwasyon nito. Kaya naman dinaan niya sa pagpapacute ang dalaga. Hindi niya alam kung nadaan niya sa killer smile niya o talagang wala lang itong choice. Kinailangan pa niyang ipakita ang ID niya na mabuti nalang ay nabitbit niya.  Wala naman siyang intensiyong masama dito. Gusto lang talaga niya itong maiangkas at maihatid sa bahay nito. Okay sige, gusto din talaga niya itong makilala. Masaya siya kapag nalaman niya ang pangalan nito. Hindi na din niya itatanggi na pagkatapos ng pagkakailala nilang iyon ay masusundan ng pagkakaibigan ang una nilang pagkakilala. Ang balak niyang pagbisita kay Oli sa mga susunod na araw ay hindi na nangyari dahil naging abala siya kasama ng mga kapatid sa kanilang 'misyon'. Hanggang sa pagmamatyag nalang ang nagawa niya. Pinili niyang huwag na lamang itong lapitan. Kaya nga gulat na gulat siya ng makita ito sa pawnshop kaninang tanghali. Hindi niya ikakailang natuwa siya pagkakita dito kanina. Kahit pa nasa ‘kakatwang’ sitwasyon sila. Ang balak niya kanina ay ibalik din ito sa sentro o kung saan malapit ang bahay nito pero nakalimutan na niya ang balak ng mapagmasdan ang anyo nito habang natutulog kanina. Malaya niyang napagmasdan ang maganda nitong mukha. Alam niyang matatakot ito sa kanya at marahil ay iniisip nitong isa siyang masamang tao. Naisip din niyang marahil ay nag-aalala na ang mga magulang nito sa pagkawala nito. Dapat talaga ay pakawalan na niya ang dalaga. Dapat ay inihatid na niya ito kanina pa. Iyon ang dapat niyang gawin. Pero sa udyok ng isang damdamin na hindi pa niya kayang ipaliwanag ay hinayaan niyang matulog at manatili ang dalaga sa kubo. Malakas ang puwersang nag-uudyok sa kanya na huwag muna itong isauli sa mga magulang nito. Parang gusto pa niya itong makasama sa lugar na iyon. Isinisigaw ng utak niyang hindi tama ang gagawin niya pero hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Nagtatalo ang isip at ang isang bahagi ng kalooban niyang ibalik na ito. Sa huli ay mas pinakinggan niya ang bulong ng kanyang damdamin. Sinabi niya sa sariling sandaling panahon lamang ang itatagal ng dalaga doon. Gusto lang talaga niya itong makasama. Gusto niya itong masolo sa loob ng gubat na iyon. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya naging makasarili. Naisip niya ang magiging konsekwensa sa gagawin niya pero hindi na niya iyon masyadong napagtuunan ng pansin. Mas nanaig sa kanya ang kasiyahang nadarama sa kaalamang kasama niya si Oli sa kubong iyon. Siguradong sisitahin siya ng mga kapatid kapag nalaman ng mga ito ang kanyang ginagawa pero saka na siya magpapaliwanag. Ang totoo ay hindi din talaga niya maintindihan ang sarili. Alam niyang puwede naman niya itong ihatid sa bahay nito at palabasing pinatakas nalang nilang mga bandido. Sigurado din siya na nag-aalala na ang mga magulang ng dalaga sa ginawa nilang ito. Pero hindi niya ito mapakalawan sa ngayon. Talagang hindi. Mas nananaig sa kanya ang ngayon ang pakiramdam na makasama ito sa kahit na anupaman.  Gusto lang talaga niyang pagbigyan ang sarili. Kahit ilang araw lang. Sa puntong ito ay paninindigan niya ang sarili bilang hostage taker ng dalaga. Tutal ay iniisip naman na nitong ginawa niya itong hostage ay paniniidihan nalang niya. Saka na niya ito pakakawalan kapag … kapag gusto na niya itong pakawalan. Pero siyempre ay hindi naman niya aabusuhin ang sitwasyon. Pagbibigyan lang niya ang sarili ng ilang araw. Iyon lang iyon. Dahil pagkatapos niyon ay hindi na ulit niya alam kung makakasama pa niya ulit ang dalaga. Naramdaman niya ang pagtunog at paggalaw ng pinto mula sa loob. Iiling-iling na tumingin siya sa pinto. Nasisigurado na niyang tinitiyak ni Oli na nakasara ang pinto. Naiintindihan niya iyon. Kahit naman siya ay ganoon ang gagawin o mararamdaman kapag siya ang nasa sitwasyon nito. Dapat din siyang matakot. Pero natutuwa siya dahil kitang-kita niya sa mga mata nito kanina na natakot ito ng bigla siyang umalis. Naramdaman niyang ayaw nitong mapag-isa. Mas natakot yata itong mag-isa sa lugar na iyon keysa ang kasama siya doon. Pag-isipan ba naman siyang kapre ng dalaga. Ibig sabihin ay nag-iisip ito ng mga bagay na nakakatakot. Napailing-iling si Laurens. Hindi kita sasaktan Oli. Magtiwala ka. Piping sabi niya sa dalaga. Maging hostage man kita ay hinding-hindi kita sasaktan. Magsisilbing bakasyon mo ito habang naririto ka sa gubat. Maya-maya pa ay wala na siyang narinig na kaluskos mula sa loob. Marahil ay natulog na ito. Gusto na din niyang matulog dahil talagang nakakapagod ang araw na iyon para sa kanya. Pero ayaw siyang dalawin ng antok. Pagod ang katawan niya. Pero tila ayaw pang magpahinga ng isip niya. Ramdam na ramdam din niya ang lamig mula sa hanging dumadapyo sa kanyang katawan. Mabuti nalang at may bubong ang upuang kinahihigaan niya. Kung sa ibang pagkakataon ay makakatulog siya kahit nasa ganoon siyang tulugan. Pero hindi ngayon. Hindi siya makatulog dahil sakop na sakop ni Oli ang buong diwa niya. “Ah… iba ang ginagawa mo sa akin, babae. Hindi ko nakikilala ang sarili ko ngayon dahil sa pagsulpot mo sa buhay ko…” kausap niya sa sarili. “Ano ang nangyayari sa iyo, Laurens Bernardo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD