KABANATA 10

1603 Words
SA MULING paggising ni Oli ay maliwanag na maliwanag na ang paligid. Napabalikwas siya ng bangon ng matanto niyang naroroon pa rin siya sa loob ng kubo. Kung gayon ay hindi talaga siya nananginip lang. Totoo ang nangyayari at nasa reyalidad siya! Sinipat niya ang relong pambisig sa kanyang braso at nalaman niyang pasado alas nuebe na. Alas nuebe! Ganoon ba kasarap ang naging tulog niya at hindi niya namalayan na tinanghali na siya ng gising? Nasa gitna siya ng panganib at nasa lugar na hindi niya alam pero nakakatulog pa siya ng ganoon katagal? Gusto niyang batukan ang sarili. Napasabunot din siya sa buhok na tila isang nababaliw. Ang sarap ng tulog mong babae ka! Hindi mo alam, papatayin ka na pala! Nang igala niya ang paningin sa paligid ay bukas na ang isang bintana habang ang isa ay sarado pa rin. Iyong bintana na tinatamaan ng sinag ng araw na puwedeng tumama sa mukha niya. Napansin din niyang wala na ang platong pinagkainan niya kagabi. Napalitan iyon ng isang supot ng pandesal. Isang thermos at isang instant coffee. Naroroon pa rin ang pitsel ng tubig. Nakapatay na din ang lampara na siyang ilaw kagabi. Napalitan na ang mga iyon ng hindi niya namamalayan. Kumpleto na ang agahan niya! Mabilis na lumipad ang tingin niya sa pinto ng kubo. Saka siya malakas na napasinghap. Nakapasok ang lalaking nakamaskara! Nakasara iyon kagabi, iyon ang tiniyak niya. At bukas na din ang bintana! Nakapasok ang hostage taker niya sa loob ng kubo ng hindi man lang niya namamalayan! Habang ang sarap-sarap ng tulog niya ay may nilalang na palang nagpapalakad-lakad sa paligid niya! Kinilabutan siya sa kaisipang may masamang loob na kasama niya sa kubo habang tulog na tulog siya. Ngayon ka pa kikilabutan eh buhay na buhay ka pa nga. Ang sarap pa nga yata ng naging tulog mo...eh! sita ng isang bahagi ng utak niya. Pero kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag na wala itong ginawa sa kanya. Kung mayroon mang pagtatangka ang mga bandido sa buhay niya - ulit - ay siguradong hindi na siya inabutan ng araw ngayon. Subalit heto at buhay na buhay pa din siya. Heto pa nga at may naghihintay ng agahan sa kanya. Speaking of the stranger hostage taker, kumilos siya at umalis ng higaan. Tinungo niya ang nakabukas na bintana at sandaling nagmasid sa paligid. Napangiwi siya ng makita ang kadawagan at kasukalan. Umalis din siya sa bintana at tinungo ang pinto. Ngayon sila magtutuos ng hostage taker niya. Pagkalabas ay aga niyang sinuyod ng tingin ang paligid habang hinahanap ang lalaki. Naglakad-lakad siya sa paligid pero wala talaga kahit kaunting kaluskos. Napakatahimik ng lugar. Kagaya ng nagdaang araw ay pulos mga kulisap lamang ang naririnig niya. Wala siyang marinig na kaluskos sa paligid na nagsasabing may iba pang tao bukod doon. Mukhang iniwan na siya ng lalaki. Hindi na sana siya matatakot dahil umaga na at patirik na ang araw. Makaisip man siya na may mga maligno doon ay hindi na masyadong nakakatakot dahil maliwanag na maliwanag na. Pero hindi pa rin niya maiwasang makaramdam na kabahan. Kung wala ang lalaki ay nag-iisa lang talaga siya doon. Walang kasama. Ano ang gagawin niya kapag may umatake sa kanyang mga ligaw na hayop? Hindi pa naman siya marunong lumaban. O kaya may maligaw na NPA? Lalo siyang kinabahan. Hindi din niya sigurado kung talagang walang mga engkantong nakatira doon. Relax Oli. Maliwanag na. Madali ka nalang makakatakbo dahil nakikita mo na ang daanan mo. Pakunswelo niyang sabi sa sarili saka siya huminga ng malalim ng ilang beses. Tumango-tango siya. Sinang-ayunan ang sarili. Hindi siya dapat matakot. Hindi siya dapat magpadala sa kanyang imahinasyon. Baka mas lalo lang siyang mapahamak. Tutal naman ay umaga na at gaya ng ipinangako niya sa sarili kagabi, tatakas siya. Walang magagawa kung pangungunahan siya ng takot. Baka sa pagtakas niya ay mahanap niya ang tamang daan. Pero kailangan muna niyang kumain para magkaroon siya ng lakas. Naramdaman na din kasi niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Sasamantalahin niya ang bait ng kanyang hostage taker. Isa pa iyon sa ipinagtataka niya – mukhang mabait ang hostage taker niya dahil wala pa itong ginagawa sa kanya at hindi pa siya ginutom nito dahil sa hapunan at agahan na ihinain nito sa kanya. Pero walang mabait na hostage taker o holdaper. Baka pinapakagat ka lang niya sa kunwari’y kabaitan niya. Huwag kang padadala sa pagbibigay niya ng mga pagkain sa iyo! Kambiyo ng isang bahagi ng isip niya. Kung mabait talaga ito ay pinakawalan na siya. Pero hindi, naroroon pa rin siya sa kubo. Pumihit siya pabalik sa kubo pero napasigaw siya sa gulat ng biglang sumulpot sa harap niya ang lalaking may mataas na bulto. Nakamaskara ito kagaya ng lalaki kagabi at wala siyang makita sa mukha nito maging ang buhok nito ay hindi niya makita. Tanging ang  dalawa at itim na itim na mga mata nito lamang ang kanyang nakikita. Nakasuot kasi sa buong mukha nito ang isang tila bonet na binutasan lang sa bandang mata para makakita. "Ano ba!" sikmat niya sa sobrang gulat. Natutop pa niya ang dibdib. "Pabigla-bigla ka nalang lumilitaw diyan. Kumatok ka naman!" pasinghal niyang sabi. Kumatok ang lalaki sa isang kahoy malapit sa kanila saka tumawa ng walang tunog. Lalo siyang nainis. "Pwede ba magsalita ka nga! Pipi ka ba?" Sa halip na tumugon ay naglabas ito ng isang notebook at ballpen na hindi niya alam kung saan nanggaling. Nagsulat ito sandali saka ipinakita sa kanya. Binasa niya iyon. "Hindi ako pipi, okay? Lalong hindi ako kapre. Hindi ako puwedeng magsalita dahil maririnig mo ang boses ko." patag ang tonong pagbabasa niya. Napasimangot siya. Kung gayon ay ito din ang lalaki kagabi na pinagkamalan niyang kapre. Kusang humagod ang tingin niya sa katawan nito. Kung sa liwanag ay hindi naman talaga ito mukhang kapre. Pero mataas nga itong lalaki at aabutin sa anim na talampakan. Malaki ang katawan nito pero hindi malaking-malaki. Iyong sakto lang kapag niyakap nito ang katawan niya. Iyong katawang puwedeng gawing modelo at hindi puro bilbil at taba. Bakat kasi sa suot nitong putting t-shirt ang maskulado nitong katawan. Maging ang six-pack abs yata nito ay naaninag niya. Shit! Bakit pinupuri niya ang katawan nito? Bakit ganito ang naiisip niya sa hostage taker niya? Maghunos-dili ka Oli! Ipinilig niya ang ulo. Sa halip ay pinagtuunan ang pagsusungit dito. Malakas siyang tumikhim bago muling nagsalita. "Bakit hindi ko puwedeng marinig ang boses mo? May pasulat-sulat ka pang nalalaman." lalo siyang nainis. Umiling ito saka muling nagsulat. Medyo nainip siya dahil mukhang marami itong sinusulat. Ipinabasa nito ulit iyon pagkatapos. "Makikilala mo ang boses ko kapag nagsalita ako. Mahirap na. Hindi mo puwedeng marinig ang boses ko lalo na kapag nakaalis ka dito. Baka makapagsumbong ka sa mga pulis." napaismid siya pagkatapos basahin ng malakas ang isinulat nito. "Ayos ka din ano? Sino nga bang holdaper at hostage taker ang magsasabi ng iniisip niya sa bihag niya?" patuyang sabi niya. Nagkibit-balikat lang ang lalaki. "Bakit mo ba ako dinala dito?" nauubusan ng pasensiyang tanong niya. Mas lamang ang inis na nararadamamn ngayon niya keysa ang takot sa lalaking ito na hindi din niya maintinidihan kung bakit. Muling nagsulat ang lalaki. "Hostage kita diba?" Sinimangutan niya ito. Dumaan ulit ang mga mata niya sa katawan nito subalit mabilis niyang inilihis ang tingin dito. Nagsulat nanaman ito. "Kailangan kitang dalhin dito dahil ikaw ang nakakita sa pangho-holdap namin sa pawnshop. Hindi kita puwedeng pakawalan hangga’t hindi ko nasisigurong hindi mo kami ipapahamak." iyon ang nabasa niya. Parang sira ulong humalakhak siya. "Ano ba ito? Confession ng isang holdaper?" malakas niyang bulalas. "Bakit hindi mo pa ako pakawalan? Hindi naman kita nakilala. Wala akong nakilala sa mga kasama mo - teka, nasaan ang ibang kasama mo?? Bakit ikaw lang ang nakikita ko?" kakatwa dahil tuluyang nawala ang takot niya sa kaharap. Pero para siyang masisiraan ng ulo dahil siya lang ang salita ng salita. At kapag binabasa naman niya ang mga isinusulat nito ay para itong nagpapahayag sa kanya ng mga maaring mangyari kapag nagpakilala ito o nakita niya. Hindi ito sumagot. Wala itong sinagot sa mga huling tanong niya. Sa halip ay pumasok ito sa loob. Nakita niyang sumenyas itong dapat ay kumain na siya. Sinimangutan niya ito saka humalukipkip. Karapatan niyang magmatigas. Bumuntong-hininga ang lalaki. May isinulat itong muli pagkatapos ay iniharap sa kanya. Huwag kang mag-alala. Hindi kita sasaktan. Ligtas ka sa akin. With matching smiley sa huli. Iyon ang nakasulat. "Talaga?" sarkastikong sabi niya. "Niloloko mo ba ako? Sa tingin mo ba ay mapapaniwala mo akong ligtas ako sa ‘yo? Hello! Holdaper ka at hostage taker ko! Tapos sasabihin mong huwag akong mag-aalala?! Hindi mo ako mapapaniwala!” Kung sasaktan kita ay kagabi pa sana habang tulong ka… Hindi kaagad siya nakasagot sa sinabi nito. May punto naman ito. Pero hindi pa rin siya dapat magpakakampante. Kumain ka na. Baka malipasan ka na ng gutom niyan… Inirapan niya ito. “Kapag nagkaroon ng pagkakataon ay tatakas ako dito." matigas niyang sambit saka pinakawalan ang isang nakamamatay na irap dito. Nagpakawala ng malalim na paghinga ang lalaki. Sa pagkagulat niya ay iminuwestra nito ang gubat. Kung gusto kong tumakas ay gawin mo na ngayon… Bumuka ang bibig niya at hindi kaagad siya nakakilos. Tuluyan siyang napanganga ng hilahin nito ang isang braso niya at kaladkarin papunta sa loob ng gubat. Napapasong mabilis niyang hinila ang kamay. Hindi dahil natakot siya dito kundi dahil muli niyang naramdaman ang kuryenteng iyon. Mas malakas keysa kagabi. Muling nagpakawala ng buntong hininga ang lalaki. Saka walang salitang iniwan siya na nawawala pa rin sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD