Simula
Nabibingi ako sa lakas ng mga sigawan habang pinapanood ang mga estudyanteng nagpapatayan.
Maging ang pagsirit ng dugo at pagliparan ng parte ng kanilang mga katawan sa ere ay kitang-kita ng dalawang mga mata ko.
Habang tumatagal ay pabagal nang pabagal ang oras. Para lamang may sariling pag-iisip ang aking katawan na siyang kumikilos upang makipagpatayan sa kapwa ko estudyante.
"Mamatay ka na, Mei!"
Sari-saring mga boses ang nagsusumigaw sa aking pangalan. Ngunit bago pa man nila ako magawang lapitan ay kaagad na silang bumabagsak sa lupa nang nahahati sa dalawa.
"Papatayin kita, Mei!!!"
Tila'y mababangis na hayop na nakawala sa bilangguan, at sabik na sabik sa aking dugo ang inaasal nila!
"Huwag niyo siyang buhayin!"
Marami na'ng katapusan na nagdaan. Subalit ito na yata ang pinakabrutal na p*****n. Ang mga senior students ang labis kumitil ng buhay! At kahit na alam ko ang dahilan, hindi ko parin maintindihan kung bakit nila pinupuntirya ang junior student na gaya ko?!
Bakit ako? Bakit ako?!
"Aaaaaaaah!!" Naghihingalos kong tinaas sa ere ang aking kampilan upang laslasin hanggang sa malagutan ng hininga ang kung sinumang magtangka sa akin!
Bawat pagtalsik ng dugo sa aking mukha ay ang lalong pagdidilim ng paningin ko! Ganoon na rin lang ang pagkikiskisan ng aking mga ngipin sa sobrang panggigigil! Wala na ako sa kontrol na pati sarili ko ay nasusugatan ko na!
Nag-aagaw dilim na, karaniwan ay isang oras lamang nagtatagal ang katapusan, at kanina pa dapat ito tapos. Subalit gaya ng estado ng mga estudyante ngayon, si Dean Chicago ay walang pinagkaiba, sa halip ay siyang naging pasimuno sa walang tigil na p*****n. Pinamumunuan niya ang pag wasak sa mga batas ng Murim school sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng eskwelahan.
"Aaaaaah!!" Sa tuwing bumabalik sa isipan ko, mas lalong nabubuhay ang pagka-uhaw ko sa dugo!
"M-Mei! 'Wag!"
Binaon ko ang aking kampilan sa lalamunan ng huling lalaking natitirang nakaharang sa daan ko. Kasabay ng paghugot ko ay ang paggulong niya sa lupa. Sa puntong ito ay nakatayo na ako sa tuktok ng bundok ng mga bangkay habang binabalutan ng mga dugo ang katawan ko.
"Hindi 'to maaari!!! Sa puntong 'to maraming estudyante ang mapapatay niya!!!" Dinig na dinig ko ang nangingibabaw na malaking boses ni sir Danilo mula sa malayo, kasama ang dalawa pang guro na nakikisali.
Nagsalubong ang mga mata naming dalawa at kitang-kita ko ang gulat niya. Bigla ay bumalatay sa mukha niya ang labis na takot. Napangisi ako nang nakakaloko.
Nasa batas ng katapusan at maging ng Murim School na hindi pwedeng mangialam ang mga guro, guwardya, dean at sino pa mang hindi estudyante. Ito ay labanan ng kapwa estudyante hanggang p*****n. Kung sinuman ang mangialam, katumbas ay ang ulo na magiging palamuti sa gate ng Murim.
Pero para makita si sir Danilo na tinutulungan ang mga estudyante. Wasak na wasak na talaga ang mga batas sa eskwelahang ito. Para bang nawalan na ng saysay at kahalagahan ang noong itinuturong dignidad ng Murim school.
"Lahat kayo!!! Tapusin niyo na siya!!!" Muling nangibabaw ang tarantang boses ni sir Danilo.
"Aaaaaaaaaaah!!!!" Sapat na iyon para magkandarapang sumugod sa akin ang panibagong alon ng mga estudyante.
Halos mabingi ang pandinig ko. Natulala ako sa tanawing iyon. Ni minsan ay hindi ko naisip ang ganitong sitwasyon. Nakakatakot, nakakabaliw para sa labing-anim na taong tulad ko. Kakatawa na ang plano kong hindi maging pansinin o manghalina ng anumang atensyon habang nakakulong ako sa loob ng eskwelahan ay ang kabaliktaran sa nangyari.
Saan ba ako nagkamali? Kailan nagsimulang pag-initan ako ni Dean Chicago? At kailan pa naging mainit ang dugo ng mga estudyante sa akin?
Nasapo ko ang aking noo at natawang tumanaw sa malayo. Hindi ako. Hindi ako ang nagkamali at ang may kasalanan ng lahat.
"MEIII!"
"AH--!"
Nagpagulong-gulong kami sa bumabahang dugo sa lupa at natigil lamang iyon nang pukpukin niya ng malaking bato ang aking ulo na siyang nagpadilim ng paningin ko.
Mal Yaotzin, ang kapatid kong babae sa ama na buwan lamang ang tanda sa akin.
"Wala ka nang kawala ngayon, Mei!!!" Kakakilabot niyang sigaw habang sinusubsob ang aking mukha sa lupa.
Hindi maipinta ang kaniyang mukha habang tinitingala ko siya ngayon. Lumuluha ang mga mata niya sa sobrang kagalakan, habang umuunat ang kaniyang bibig sa labis na pagtawa.
Hindi gaya naming lahat, siya lang ang bukod tanging hindi nababalutan ng mga sugat sa katawan. Halata ring napakalinis ng kaniyang kampilan na nakasukbit sa kaniyang likuran.
"Alam mong nakareserba lamang ang kampilan ko para sa dugo mo!!" Iyak-tawa niyang pagsigaw sa aking pagmumukha na tila ba'y nababaliw.
Laging siya ang nangunguna sa ranggo kahit pa pareho lamang kaming Junior students. Dinaig pa ang mga Senior na may isa hanggang tatlong taong karanasan sa pakikipag-p*****n.
Halos lahat ng papuri at respeto ng mga estudyante, matanda man o bata, ay nakukuha niya.
At bakit... bakit ngayon ko lamang napagtanto, na pinlano at ginawa niya ang lahat ng iyon para mangyari ang siyang nangyayari ngayon? Para mangyaring... brutal at mas baboy pa sa hayop ang kamatayan ko?
***
THE DEAD GIRL
HAS COME ALIVE
***
"H-Huwag... tama na... p-pakiusap... huwag niyo akong ilibing... Mal, maawa ka... t-tama na."
Habang tinatabunan nila ang katawan ko ng mga lupa sa malalim na hukay ay siyang pagluha ko ng dugo na matagal nang naipon sa mga mata ko. Hindi ko magawang makakilos sa bigat ng mga lupang nakadagan sa akin at sa mga natamo kong bali sa katawan. Sa pagsabay ng buhos ng ulan, ang mga lupa ay nagiging putik na siya pang higit na dumaragan sa aking katawan at lumulunod sa akin.
"Ganyan nga, Mei! Ganyan at magmamakaawa ka! Kung alam mo ang posisyon mo nung una palang, sana'y 'di pa tayo hahantong sa ganito!" Bulalas ni Vee habang dinuduro sa akin ang hawak niyang pala. "Sa tinagal-tagal, sa wakas matatapos na rin ang paghihirap namin nang dahil sa'yo!!"
Gusto kong mapailing. Gusto kong umiling ng todo, kung nagagalaw ko lang ang sarili kong katawan ay ginawa ko na. Lahat sila ay napaikot ni Mal. Bantay-sarado ko ang sariling kilos dito sa loob, subalit humantong parin sa ganito dahil sa kagustuhan ni Mal. At kung gumagana ang mga isipan nila kaysa emosyon, hindi sana sila nagagamit ngayon ni Mal na parang mga piyesa ng ahedres.
"Lumalakas na ang ulan, bumibigat na ang mga lupa! Bilisan niyo na ang paghuhukay!" Muli kong narinig ang nangingibabaw na boses ni sir Danilo.
Ang mga natitira kong hininga ay dinaan ko na lang sa tawa imbes na magmakaaawa sa kabila nang inda-indang sakit. Sadyang kakatawa ang mga kinikilos nila. Sa paglabag pa lamang ng mga batas sa aming eskwelahan alang-alang sa isang katulad ko.
Tiningala-tingala ko si Mal nang sa wakas ay sumilip na siya sa aking hukay. Mas lumala pa ang estado ng kaniyang itsura kumpara sa kanina na ngayon ko lang nasisilayan sa ilang taon naming magkasama. Labis-labis ang unat ng kaniyang mga labi sa pagkakangiti at umaapaw ng mga luha ang kaniyang nanlalaking mga mata. Nagkikislapan ang kaniyang mga ngipin, at yumuyugyog naman ang kaniyang mga balikat sa paminsan-minsang pagtawa.
"Mei, Mei, Mei!!" Mas narinig ko ang bulalas niyang tawa habang nakayuko akong pinagmamasdan. Tumagal pa iyon ng ilang segundo bago siya biglaang tumalon sa aking hukay.
"Mal..." Pag-daing ko sa kaniyang pangalan. Hindi ko na iyon nadugtungan pa nang luhuran niya ang aking tiyan.
Nagkaharap ang aming mga mukha na halos pulgada na lamang ang layo nang yumuko pa siya sa'kin. Hindi parin natigil ang pag-iyak-tawa niya sa nag-uumapaw na kasiyahan.
"Magmula nang dumating ka, Mei, naging impyerno ang buhay ko!" Ang panggigigil ay ibinuntong niya sa aking dalawang pisngi na walang kasing lalim niyang pinisil gamit ang isang kamay. "Kaya naisip ko... bakit hindi ko rin gawing impyerno ang buhay at pagkamatay mo?"
Naghalo ang mga patak ng luha namin sa aking dalawang pisngi. Ayaw kong mamatay, Mal. Hindi sa paraan na gusto mo, at lalong hindi sa mga kamay mo.
"At nagbunga ang lahat ng pinaghirapan ko sa eskwelahang 'to! Walang-wala akong pinagsisihan." Lumayo siya sa akin at tumayo upang itaas ang kaniyang kampilan sa ere, na siyang nakatutok ang talim sa aking tiyan na tinatabunan ng makakapal na mga lupa't bato.
Pinilit kong itaas ang sulok ng aking labi. "W-Wala rin akong pinagsisisihan, Mal..."
"Ano?" Nabawasan ang ngiti niya, at may pagtataka akong matalim na tinitigan.
"H-Hindi ko pinagsisisihan na..." Bigla akong napaubo ng dugo kung kaya't nasabi ko na lamang ang sumunod gamit ang aking labi nang walang lumalabas na boses.
Nanlaki ang mga mata niya nang batid kong naintindihan ang aking ipinarating. Subalit bumalakas sa mukha niya ang labis na galit at malakas siyang napasigaw bago tuluyang sakupin ng dilim ang paningin ko.
.
.
.
At nangyari iyon, isang taon nang makaraan... Bago ko ngayon tanaw-tanaw ang Murim School.