Nagising si Cherry sa pag-iingay ng kaniyang cellphone, kaya naman napilitan siyang bumangon at kunin iyon sa kanyang bag. Hindi na kasi niya nagawa pang i-check iyon kagabi sa sobrang kapaguran. Busy kasi silang magkakaibigan sa pagdadry-run ng mga pagkain sa kanilang café. Plus, hindi pa fully furnish ang kanilang munting negosyo. Ilang linggo na rin ang nakalilipas simula nang mapag-usapan nilang magkakaibigan ang tungkol sa pagtatayo nila ng cafe.
“Hello,” humihikab pa niyang sagot sa tumatawag.
“Good Morning sweetheart!” Napakunot-noo siya nang mabosesan ang nagsalita sa kabilang linya.
Bahagya pa niyang nailayo ang cellphone sa kanyang tainga upang tingnan kung sino ang tumatawag na iyon. Agad ang pagbundol ng kakaibang kaba sa kanyang dibdib nang makitang si Tobby iyon. Tuluyan siyang nagising nang muling marinig ang boses ni Tobby sa kabilang linya.
Agad din siyang napatingin sa orasan na nakapatong sa kanyang bedside table. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang mag-aalas nuwebe na ng umaga. Late na siya sa usapan nila nina Althea at Jenny!
‘Oh no! Bubungangaan na naman ako ni Althea for sure!’ Nagmamadali siyang naghalungkat ng damit niya habang nakaipit ang telepono sa kanyang tainga.
“Tobby, sorry nagmamadali na kasi ako eh. What’s up?” tanong niya rito. Natawa naman ito sa kabilang linya.
“Easy sweetheart, baka naman madisgrasya ka sa kamamadali mo. Sige na kumilos ka na at late na late ka na. I’ll see you in a bit!” Bago pa siya makapagtanong ay naibaba na nito ang tawag. Naiwan na naman tuloy siyang nagtataka.
‘Hayyy, mamaya ko na nga lang ulit tatawagan si Tobby. Kailangan ko na talagang kumilos nang mabilis at baka sabunutan na ako ng dalawa kong kaibigan!’ Patakbo na niyang tinungo ang banyo saka naligo.
Wala pang labin-limang minuto ay natapos na siyang maligo at bihis na rin siya. Mamaya na lang siya magme-make up ng todo kapag kasama na niya sina Jenny at Althea. Bakit ba naman kasi hindi niya naisip mag-alarm kagabi.
Pagbaba niya ng hagdan ay agad niyang tinungo ang kusina, upang magpaalam sa kanyang ina. Nakihigop lang siya ng kape nito, saka humalik sa pisngi ng ina.
“Mommy mauuna na ako. Bye. I love you!” sabi pa niya habang halos patakbo niyang tunguhin ang pintuan palabas ng kanilang bahay. Agad naman siyang natigilan nang makitang nakasandal si Tobby sa sasakyan nito.
‘Shocks! Anong ginagawa niya rito? Kailan pa ito dumating?’ Sobrang lakas ng kabog ng kanyang dibdib.
Looking at him now, bakit parang sobrang guwapo nito ngayon? Compare sa Tobby na umalis about four months ago.
“Chubs, mas lalo kang male-late kung tititigan mo lang ako riyan. Tara na!” nakangiting untag sa kanya ni Tobby.
‘Oo nga pala, may investor nga pala kaming kailangang i-meet. Mamaya na ang harot girl, business muna!’ Ipinilig niya ang kaniyang ulo saka sumakay sa sasakyan ng binata.
Habang nasa biyahe ay titig na titig pa rin siya sa kababata niya. Hindi siya makapaniwalang kasama niya ito ngayon. At ang guwapo-guwapo nito sa kanyang paningin ngayon.
“Chubs, baka naman hindi pa tayo nakakarating sa meeting place niyo ay tunaw na ako?” nakangiting saad nito sa kanya. Bigla naman siyang tinamaan ng hiya saka nag-iwas ng tingin dito.
‘Shocks ang weird ko! Hindi naman ako ganito mag-react sa kanya dati ah. Bakit ngayon parang tinatamaan ako ng hiya sa kanya? At heart puwede bang kalma-kalma ‘pag may time?’ kausap na naman niya sa kanyang sarili.
Marahas siyang huminga ng malalim, kinakabahan kasi siya at hindi niya alam kung para kay Tobby ba iyon, o para sa kikitain nilang magkakaibigang inverstor?
“Ahm, kailan ka pa dumating?” lakas loob na tanong niya rito. Bahagya naman itong lumingon sa kanya bago sumagot.
“Kanina lang about five hours ago?” balewalang sagot naman nito sa kaniya.
Nakaramdam naman siya bigla ng guilt, dahil ibig sabihin lang no’n ay hindi pa ito masyadong nakakapagpahinga. Biglang parang gusto niya itong ikulong sa kanyang mga bisig.
“Dapat hindi mo na lang ako hinatid ngayon. Hindi ka pa nakakapag-pahinga masyado eh,” nag-aalalang saad niya rito.
Lumingon naman ito sa kanya saka ngumiti. “Uyyy, concern siya! Don’t worry Chubs, makakapagpahinga rin ako mamaya pag-uwi natin.” Kinindatan pa siya nito saka muling nag-focus sa pagmamaneho.
‘Pag-uwi natin? Balak mong sumama sa lakad namin?’ tanong pa niya sa sarili.
Napabuntong hininga na lang siya sa sinabi nito. Ilang minuto pa at narating na rin nila ang kanilang Dreame Cafe. Napangiti siya dahil iyon talaga ang naisip nilang ipangalan sa kanilang coffee shop since dream nilang tatlo ito. At gaya nga ng iniisip niya kanina, nakapamaywang na sa bungad ng coffee shop si Althea. Kaya naman agad na niyang tinakpan ang kanyang mga tainga upang hindi marindi sa talak ng kaibigan.
“Aha! At bakit ngayon ka lang mahal na prinsesa? Kanina ka pa namin tinatawagan, bakit hindi mo sinasagot ang phone mo? At bakit magkasama kayong dalawa? Kailan ka pa dumating magaling na lalake?” sunod-sunod na tanong nito sa kanila. Nagkamot na lang ng ulo si Tobby sa dire-diretsong salita ni Althea.
“Puwede, pumasok muna tayo at doon mo na ako talakan?” sabi niya rito habang patuloy lang niyang tinatakpan ang kanyang tainga.
Sumunod naman sa kanya si Tobby. Hindi rin naman ito natinag sa talak ni Althea. Nakataas naman ang kilay ni Althea habang nakasunod ang mga mata sa kanila.
“Good Morning Althea!” nakakalokong bati pa nito sa kaibigan nang huminto ito sa tapat nito.
“Heh! Sagutin ninyo ang mga tanong ko! Ikaw Cherry, bakit ngayon ka lang?” ulit nito sa tanong nito kanina.
“Sorry po ma’am kasi sobrang pagoda ako kahapon kaya napahimbing ang tulog ko!” sagot niya sa kaibigan.
Nagkatinginan naman sina Jenny at Althea, sabay pinagpalit-palit pa ng mga ito ang paningin sa kanilang dalawa ni Tobby. Nanlaki ang mga mata niya dahil mukhang alam na niya ang tumatakbo sa mga over imagine na utak ng mga kaibigan.
“Oh my God! Don’t tell me you and you—” Dinuro pa sila ni Jenny. Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang awatin niya ito.
“Hep! Kayong mga malalaswang mag-isip na dalawa, hindi niya ako pinagod!” Lalong nanlaki ang mga mata ng mga kaibigan sa sinabi niya.
“I mean hindi pa— NO! I mean napagod ako sa lakad natin kahapon. That’s it! Kaya ako na late. Hindi ko nailabas ‘yung cellphone ko sa bag, kaya hindi ko narinig ang tawag ninyo. Sorry!” Nag-iinit ang kanyang mga pisngi kaya agad siyang nag-iwas ng tingin sa mga ito.
Humagalpak naman kakatawa sina Jenny at Althea, habang si Tobby ay ngiting-ngiti habang mataman siyang pinagma-masdan nito. Lalo tuloy siyang nahiya.
‘My Gosh Cherry! Ang bibig mo! Ayan, hindi ka pa niya pinapagod ha? So, gusto mong pagurin ka niya gano’n?’ sita ng kanyang isip.
‘Hindi naman sa gano’n, pero puwede rin naman kung papayag ba siya eh! Ayyy! Bet!’ anang malanding bahagi naman nito.
“Okay, so bakit nga kayo magkasama? At bakit parang disappointed ka rin na hindi ka niya pinagod?” bumungisngis pa si Jenny habang tinatanong siya ng bruha niyang kaibigan. Agad niya ito nilapitan para kurutin.
“Hinatid ko lang siya girls,” nakangiting sagot ni Tobby sa mga ito, habang nakasandal ito sa bar counter ng coffee shop nila. Tinapunan din siya nito nang makahulugang tingin, na bigla niyang ikinailang.
“Owkay! Buti na lang at nandyan ka Tobby. Teka paano mo nga pala nalaman na may importanteng lakad itong babaeng ito?” tanong ni Jenny rito.
“Social media,” maiksing sagot nito sa kaibigan. Naalala niyang nag-post nga pala siya na may lakad sila ngayon sa kanyang wall.
“Owkay! Anyway highway, ilabas mo na ‘yung binake mo kahapon nang madala na natin sa investor natin.” Utos ni Althea sa kanya.
Kaya naman agad siyang nagtungo sa kusina, at kinuha ang binake niyang cakes kahapon. Nag-request kasi ng sample cakes ‘yung prospective investor nila.
Nang makuha ang mga cakes ay agad din siyang lumabas ng kusina. Sinalubong naman siya ni Tobby at kinuha mula sa kanya ang tatlong boxes ng cakes. Lumakad na rin ito palabas ng coffee shop nang makuha mula sa kaniya ang cakes. Kaya naman nang tapunan niya nang tingin ang dalawa niyang kaibigan, isang mapanuksong tingin ang ibinigay sa kanya ng mga ito.
“Anong itinitingin-tingin niyo riyan? Tara na kaya!” paiwas na saad na lang niya sa mga ito upang pagtakpan ang pagkapahiya.
“Tara na nga, ng maagang mapagod ni Tobby itong kaibigan natin!” ani Althea, sabay hagikhik pa ng mga ito. Agad naman niyang pinagkukukurot ang mga kaibigan.
‘Eeeiii! Pagurin nga kaya ako ni Tobby mamaya? Awww, ilusyonada lang? Eh hindi nga pala kami. Hihihi! Hindi pa is the correct word— malay natin maging kami rin ‘pag hinarot ko siya!’ Napapangiti na lang siya sa kanyang isiping iyon.