Kabanata 1: Arianne at Glenn
"Glenn!" tili ni Arianne nang basta hatakin na lang ng boyfriend ang katabi niyang lalake.
"Gago ka!"
"Lumayo ka sa girlfriend ko!" naghihimutok nitong eskandalo sa loob ng isang bar.
Pinagmamasdan lamang niya ang binatang mamatay-matay sa galit. Pulang-pula ang maputi, at maamo nitong mukha.
"What's your problem, man?!" nagtatakang tanong ng foreigner habang nagpupunas ng dugo sa labing pumutok.
"Itatanong mo pa talaga, ha?!" akmang lalapit muli si Glenn sa nakayukong dayuhan nang harangin ni Arianne.
Nagtama ang mga mata nilang parehong nagliliyab sa galit. Nakakapit ang dalaga sa nakausling dibdib ng nobyo na handang-handa na para makipagbasagan ng mukha sa kaniyang customer.
"Ano ba'ng ginagawa mo?" impit na asik niyang tanong habang mulat na mulat ang mga bilugang mga mata.
"Hindi ba dapat ako magtanong niyan sa iyo?" Nakangising saad naman nito.
Itinaas ni Arianne ang isang kilay habang buong kumpiyansang nakikipagsukatan nang tingin kay Glenn.
"Ang sabi mo, waitress ka sa bwisit na bar na 'to!"
"Tapos, tapos maabutan kitang katabi 'yang hayop na foreigner na 'yan!" Sigaw nito habang walang espasyo ang kanilang mga mukha.
Natigilan siya, at dahan-dahang dumausdos ang mga kamay na nakakapit sa umaalong dibdib ng binata.
Halos isang linggo pa lamang siya sa night bar na ito. Waitress lang naman talaga ang trabaho niya rito. Ang kaso ay may kalakihan ang tip kapag nag-table ka sa mga guest, lalo na sa mga dayuhan.
"Arianne!"
"Naku, Sir. Sorry for this gulo," hati sa tagalog, at english ang pagpapaliwanag ng baklang manager ng bar na si Sam.
Tinulungan nitong makatayo nang maayos ang parokyano, ganoon na rin ang ilang kasamahan niyang waiter.
"Are you okay, Sir?" natatarantang usisa ni Sam.
Agad na humarap si Arianne sa manager, at sa dayuhang customer. Nakasusuyang tingin ang ipinukol sa kaniya ni Sam.
"Ano ba 'to, Arianne ha?"
"So-sorry, Sir Sam," nahihiya niyang dispensa.
"Hay, ewan ko sa iyo. Lumayas ka na nga rito pulos kaguluhan lang ang dinadala mo!" Singhal nito sa kaniya dahilan para mapapikit ang mga mata niya.
Makulimlim pa rin ang mukha ni Glenn habang matiyagang naghihintay sa labas ng bar. Walang hinto ang binata sa pagbuga ng hangin. Dahil hanggang ngayon ay nagpupuyos pa rin siya sa galit.
Madilim ang paligid, at wala rin tigil sa pagbalik-balik ang mga sasakyan sa magulong daan. Marami rin mga tambay na may mga kaharap na pakawalang babae na naghihithitan ng mga sigarilyo.
"Masaya ka na?" walang ka-emosyong-emosyong wika ni Arianne nang lumapit rito.
Napakurap si Glenn, at napalunok. Kung kanina ay mabigat pa rin ang dibdib niya, ngayon na nakatitig siya sa mga mata nito ay tila napawi iyon.
"Arianne-"
"Nagtatrabaho ako-"
"Trabaho ba 'yon?!" tumaas agad ang boses ni Glenn, at itinuro pa ang entrada ng bar.
"Oo!" pikon na sagot ng dalaga.
Tumaas ang sulok ng labi nito habang hindi makapaniwala ang mukha. Ang paalam sa kaniya ng nobya ay waitress. Pero naabutan niya itong katabi, at kaakbay ang isang foreigner.
"Alam mo bang isang buwan pa lang ako kay Sir Sam. Sa bar na 'to tapos, ano?!"
"Ano'ng gusto mo, pabayaan na lang kita?"
"Trabaho 'yon, Glenn!" pilit na paintindi ni Arianne sa kaniya ang ginagawa.
"Lintek! Anong klaseng trabaho 'yon?!"
Dahil sa malakas nilang boses ay nakukuha na nila ang atensyon ng nasa paligid.
"Ang linaw ng sinabi mo, waitress."
"Ano ba'ng trabaho ng isang waitress?"
"Umupo sa tabi, at magpaakbay sa customer!" sunod-sunod, at namimintog ang ugat nito sa leeg.
Napaatras ang mukha ni Arianne nang ilapit ni Glenn ang mukha sa kaniya. Halos lamunin siya ng mga nangangalit na mata ng nobyo.
"Ano?!" hamon nito sa kaniya.
Ibinaling niya ang mukha sa daan. Pilit niyang kinokondisyon ang emosyon. Binasa niya ang ibabang bahagi ng labing natutuyo dahil sa malakas, at malamig na hangin ngayong malalim na ang gabi.
"Arianne, iniingatan lang kita," malumanay na saad ni Glenn nang mapansin ang pananahimik ng dalaga.
Pinag-aralan niya ang anyo ng nobya. Malungkot ang maliit nitong mukha. Napansin niya rin ang pagpipigil ng mga luha nito.
"Sorry," mahina niyang dagdag, at umapak palapit pero natigilan siya nang umatras ang dalaga.
Itinuon ni Arianne ang maluha-luhang mga mata kay Glenn. Simula noong first year highschool sila ay naging maganda na ang pagtitinginan nila.
Pareho silang skolar, at sikat sa pribadong eskwelahan na pinapasukan. Si Glenn dahil sa pagiging gwapo, at pagiging magaling na player ng football. At siya naman bilang isang magaling, at matalinong estudyante.
"Arianne-"
"Glenn, tingin mo, may patutunguhan pa 'to?" matabang niyang tanong.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" halos pabulong na tugon ni Glenn.
Tinitigan niyang maigi ang mga nagtatanong na mata ng binata. Dahilan para hindi na niya pigilan ang mga luha.
"Lagi na lang kasing ganito ang sitwasyon natin-"
"Dahil gusto ko lang maayos ka!" inis na katwiran nito, at muli na namang lumakas ang boses.
"Ano bang ayos?!" Nakaangat ang isang kilay ni Arianne habang hindi maintindihin ang ibig sabihin nitong ayos.
"Iyong trabaho mo-"
"Ano bang mali? Nakaupo lang naman ako-"
"Nakaupo?! Arianne, naka-table ka sa customer na 'yon. Tapos ano'ng susunod?" hysterical ni Glenn.
Iniyukom niya ang mga nangangatal na kamay habang hindi inaalis ang pagkakatuon ng mga matang nauuyam sa nobyo.
"Magpapahawak ka na tapos-" hindi na naituloy ng binata ang sasabihin nang isang sampal ang dumapo sa pisngi nito.
Tila nabingi si Glenn, tabingi ang mukha niyang namamanhid. Si Arianne naman ay nanginginig ang buong katauhan dahil sa narinig na panghuhusga ng binata.
"Bakit?"
"Tingin mo gagawin ko 'yon?"
"At gusto ko ang bagay na 'yon?!" habol hiningang pahayag niya habang humikhikbi.
Maingat na humarap si Glenn sa dalaga habang nag-iigtingan ang mga panga. Napakurap siya nang magtagpo ang mga mata nila ng dalaga.
"Alam mo kung bakit ko 'to ginagawa."
"Kailangan ko ng trabaho. Kailangan ko ng pera para sa pamilya ko."
"Kung hindi ako magtatrabaho, ano na lang ang mangyayari sa kanila?"
Napahawak sa batok si Glenn, at tumalikod nang bahagya. Totoo naman ang sinasabi ng nobya. Isang kahid, isang tuka ang pamumuhay nito. May binubuhay na tatlong kapatid, at ang mapang-abuso nitong ina.
"So-sorry, Arianne."
"Tama na siguro 'to, Glenn-"
May bumundol na kung ano sa dibdib niya dahil sa sinagot nito. May alinlangang nilinga niya si Arianne.