M A R K
"Tangna naman kumare. Ang mahal-mahal naman ng presyo ng mga isda mo. Wala na bang itatawad niyan?" malakas na bulalas ni tita Emma sa isang tindera ng mga isda. Hindi napansin ni tita ang pagtaas nito ng kilay sa kanya dahil abala ito sa pagsusuri sa isda. Halos ilapit na nga ng tita ko sa mukha niya ito upang masiguro lang na sariwa pa ito.
"Hay naku Emma! Huwag ka nang magtaka dahil wala nang mura sa panahon ngayon. Kung namamahalan ka ay sa iba ka na lang bumili..." Tahimik lamang akong napangiti sa tinuran nito. Inabala ko na lamang ang aking sarili sa pagtitingin-tingin sa kabuuan nitong palengke at hindi na pinansin ang malakas na pag-uusap ng dalawa. Hmp! Kilalang-kilala na dito si tita Emma dahil nagkaroon na kami ng pwesto dito sa palengke noon ngunit nalugi naman kalaunan kaya nagsara din agad.
Hindi magkandamayaw ang mga tindera sa pagtatawag sa tuwing may dumadaan na tao sa harap ng kanilang pwesto. Tipikal na palagi mong makikita sa lugar na ito. Napatigil ako sa pagmamasid sa palagid nang walang sabing inabot sa akin ni tita Emma ang isang plastic bag na naglalaman ng kanyang biniling isda. Hay naku! Si tita talaga, ang daming salita, bibili din naman pala. Kaagad ko itong nilagay sa loob ng kanina ko pang bibit na bayong. Nakasunod lamang ako kay tita habang tinatahak na namin ang daan palabas nitong lugar.
"Hay naku Mark! Nakakahaggard talaga ang mamalengke ng ganitong oras. Sa susunod nga, ikaw na lang ang uutusan kong mamili. Hindi kinakaya ng maganda kong kutis ang init." Likas na malakas talaga ang boses ng tita ko. Bahagya pa itong napahaplos sa kanyang medyo kaputiang balat at napapaypay pa ng kanyang kamay.
Kasalukuyan kaming naghihintay ng tricycle na masasakyan pauwi. Tirik na tirik na din kasi ang araw kaya kung makareklamo na ang tita ko ay parang masusunog siya sa sikat ng araw. Sabagay, totoo naman kasi. Kahit din naman ako ay pawis na pawis na ngunit hindi ko na lamang pinapansin. Sanayan na lang talaga.
"Mamaya nga pala pagdating natin sa bahay ay mag-igib ka. Naubos na pala yung inimbak mong tubig kagabi. Pinanligo ko."
"Opo," tipid kong turan dito.
Naging ganito na ang buhay ko nang mawalay ako sa piling ng aking mga magulang. Tanging si tita Emma lamang ang buong puso na tumanggap sa akin nang mga panahong wala na talaga akong madulugan. Ni minsan ay wala akong narinig na masasakit na salita mula sa kanya. Mabait na tao ang tita ko, kaso masyado lang talagang madaldal. Hindi na nag-asawa ang tita ko at hindi na din nagka-anak. Simple lang ang buhay na meron kami ng tita ko. Nakatira sa isang maliit na bahay at nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw. Minsan nga apat pa eh.
"Hoy! Mark! Ano? Tutulala ka na lang ba diyan? Aba'y iiwan kita diyan," malakas na sigaw ni tita habang nakadungaw mula sa loob ng tricycle.
Mabilis na lamang akong napatakbo papasok doon at umayos ng upo sa tabi niya.
"Sa barangay Dimahalay, pare," maotoridad nitong sabi sa driver.
Nagsimulang paandarin nito ang sasakyan at tinahak na nga nito ang daan pauwi sa aming barangay. Di rin nagtagal ay nakababa na kami sa kanto kung saan ang bungad ng aming barangay. Maglalakad pa kami ng kaunting oras bago kami makarating sa bahay. Pero kung may sapat ka namang pera ay pwede ka namang sumakay ng padyak o pedicab na naghihintay sa gilid ng maliit na kalsada. Maraming tao ang naglalakad palabas at papasok ng lugar kaya kung hindi ka sanay ay mahihilo ka talaga. Hirap din pumasok dito ang mga malalaking sasakyan tulad ng kotse at mga truck. Sa gilid naman ng daan ay maraming mga iba't-ibang tindahan ang nakatayo.
Ramdam ko na ang panlalagkit ng aking katawan dahil sa mainit na tama ng araw. Kung hindi ako magkakamali ay magtatanghali na kaya ganito na kasakit sa balat ang sikat nito. Ngunit kahit gan'on ay hindi pa din siguro sapat ang init nito para mangitim ako. Ni hindi ko nga maalala kung nangitim na ako buong buhay ko eh. Dahil kahit anong gawin kong bilad ay namumula lang talaga ako. Napaisip tuloy ako, baka namumula na naman ako?
"Wala ka bang dalang payong diyan Mark?" Lumingon ito sa akin sa kalagitnaan ng aming paglalakad. Napaangat ang tingin ko sa kanya at umiling lamang bilang pagtugon sa tanong niya. Minsan din lutang 'tong si tita. Eh di sana nilabas ko na kanina kung may dala akong payong at hindi kami nagtitiis ng ganito. Napabuntong hininga na lamang ako at napalunok ng laway nang makaramdam ako ng pagkauhaw.
Nang makarating ay kaagad kong binuksan ang gate na gawa sa yero nitong bahay namin. Mabilis namang pumasok si tita. Muli akong napapunas nang dumaloy pababa sa aking pisngi ang aking pawis. Pagkasara ng gate ay pumasok na din ako sa loob at naabutan kong umiinom ng tubig si tita. Napalingon ito saglit sa akin. Lumapit ako dito nang maibaba ko na sa ibabaw ng maliit na mesa ang kanina ko pang bitbit na bayong.
"Oh." Inabot sa akin ni tita ang basong kanyang ininuman. Nagsalin ako ng tubig mula sa pitsel at kaagad din itong ininom. Para naman akong nabuhayan nang maramdaman ko ang pagdaloy nito sa lalamunan ko. Nagmistulang napawi ang kanina pang uhaw na aking nararamdaman.
"Mag-igib ka na doon ng tubig. Wala tayong gagamitin panghugas dito sa mga pinamili natin." Nadinig kong muling utos sa akin ni tita.
Kasalukuyan niyang inaalis ang mga plastic bag sa loob ng bayong at maayos itong sinasalansan sa ibabaw ng mesa. Bigla akong napaisip nang mapagtanto kong ang dami naming pinamiling mga gulay at iba't-ibang panggisa tulad ng bawang at sibuyas. Bukod pa doon ay bumili din siya ng isang kilong karne ng baboy. Base kasi sa pagkakaalala ko ay wala namang nalalapit na okasyon.
"Tita? Bakit ang dami ata nating pinamili?" kuryoso kong tanong sa kanya.
Napatigil siya sa kanyang ginagawa at tahimik na napangisi. Mas lalo akong nagtaka sa inasal niya. Bahagya pa niyang inayos ang kanyang buhok. Nangingintab din ang kanyang mga mata na animong may iniisip na nakakakilig. Nang matagal siya bago nakasagot ay marahan ko siyang tinapik sa kanyang balikat na ikinabalik niya sa ulirat.
"Hay naku Mark! Huwag kang echosera diyan. Pero kung mapilit ka talaga, sige. May afam kasi akong nakilala sa pinagtatrabahuhan kong club tapos nagkwentuhan kami ng mga bagay-bagay hanggang sa inimbitahan ko siyang dumito sa ating mumunting bahay..." Hindi ko na masyadong nadinig ang mga sunod pang sinabi ni tita bagkus ay napabuntong-hininga na lamang ako nang parang lutang na nagkuwento si tita sa akin. Hay naku! Kung kailan tumanda, doon naman naglandi. Pero nasanay na din ako dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagsabi siya sa akin ng mga bagay tungkol sa mga lalaking nakakasalamuha niya dahil normal lang yun sa kanyang trabaho.
Isang entertainer si tita sa isang club malapit lamang dito sa aming lugar. Noong kabataan niya ay naisipan niyang mag-Japan at nang makapag-ipon ng sapat na pera ay napagdesisyunan niya na lamang bumalik dito sa bansa.
"Ay ewan ko sayo Mark, tama na pagiging echosera. Mag-igib ka na doon at baka dumating na yung afam ko na wala pa ding tubig diya. Nakakahiya." Hindi na din ako tumutol sa kanyang utos at agad na kinuha ang mga timba sa loob ng banyo at sa kusina. Pinagpatong-patong ko ito bago ko ito bitbitin. Mas madali kasing bitbitin sa ganung paraan.
Nagsimula akong maglakad patungo sa kabilang kanto upang mag-igib. Apat na balde din itong dala-dala ko at paniguradong mahihirapan akong bitbitin ito mamaya. Ngunit ang mas masaklap pa ay kailangan ko pang punuin ang dalawang drum na kasing-balikat ko ang taas bago ko ito matapos. Ni hindi man lang ako pinagpahinga ni tita kahit sandali.
Nang makarating ay nagsimula na akong magbomba sa poso upang mabilis na akong matapos dito dahil paniguradong may panibagong iuutos na naman sa akin si tita. Lalo na ngayong may darating na bisita. Medyo makalat pa naman ang bahay dahil hindi ako nakapaglinis kaninang umaga.
Sa kalagitnaan ng aking ginagawa ay gulat na lamang akong napalundag nang may tumapik sa balikat ko. Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa bilis ng kabog nito. Hay naku! Kahit kailan talaga ang lalaking 'to ay wala nang ginawa kundi ang pag-tripan ako. Natatawa siyang tiningnan ko. Sinamaan ko lamang ito ng tingin dahil sa pagiging maloko niya na naman.
"Tangna Mark! Kung nakita mo lang ang mukha mo kanina, sobrang nakakatawa." Halos hindi ito makapagsalita ng maayos dahil pilit nitong pinipigilan ang kanyang pagtawa na mas lalo kong kinainis.
"Ewan ko sayo, Otep. Wala ka nang ginawang matino sa buhay. Palagi mo na lang akong pinaglalaruan." Nakaismid akong muling tinuon ang atensyon ko sa pag-iigib at hindi na lamang siya pinansin.
"Sipag naman..." Saglit ko siyang sinulyapan. Prente siyang nakatayo sa harap ko habang ang parehong kamay niya ay nakahawak sa kanyang bewang. Napansin ko din ang pag-igting ng kanyang panga nang pasadahan niya ako ng tingin mula sa aking paa pataas sa aking mukha.
"Hoy! Huwag mo nga akong tinitingnan ng ganyan." Sinuway ko siya agad nang mapansin ko ang panlalagkit ng titig niya sa akin. Nginisian niya lamang ako bago kinuha ang dalawang balde sa tabi niya.
"Bilisan mo diyan. Mag-iigib din ako."
"Matuto kang maghintay."
"Tsk! Sawang-sawa na ako maghintay," dinig kong sambit niya. Hindi ko na lamang iyon pinansin at pinagpatuloy ang aking ginagawa. Dahil kapag nagpatuloy lang ako sa pakikipag-usap sa kanya ay baka bukas na ako matapos dito. Tsaka kailangan ko na magmadali dahil may bisitang darating si tita Emma. Kailangan ko pa maglinis ng bahay dahil hindi pa ako nakakapaglinis kanina dahil maaga kami namalengke ni tita.
"Matagal pa ba yan?" naiinip na tanong muli ni Otep. Napaikot na lamang ako ng aking mata dahil sa ilang beses na niya akong tinatanong ng ganyan. Naaalibadbaran na din ako sa lalaking 'to dahil hindi matahimik. Hindi ko alam kung saan ba siya pinaglihi ng nanay o sadyang madaldal lang talaga siya.
"Ito na nga diba? Isang balde na lang oh!" kung makareklamo kasi parang hindi na nagmamadali yung tao. Binibilisan ko na nga dito dahil paniguradong walang gagamiting tubig doon si tita pangluto.
Napainat ako ng ilang ulit nang sa wakas ay matapos na ako sa pag-iigib. Nakaramdam ako ng biglaang pagkagutom nang maamoy ko ang niluluto ni tita. Lumapit ako dito at nagtanong-tanong kung ano ang mga niluluto niya. Sa palagay ko ay tatlong putahe ng ulam ang lulutuin niya base na din sa mga rekados na nakalatag sa mesa. Dahil sa nasanay na ako sa pagluluto ay rekados pa lamang ay alam na alam ko na ang mga iluluto. Kumbaga, sisiw na lamang sa akin ang pagluluto.
"Tulungan na kita tita." pagalok ko dito. Kahit pagod pa ay kailangan ko nang tulungan siya para na din makakain na kami. Nagugutom na din kasi ako kanina pa.
"Ay mabuti pa Mark." inabot nito sa akin ang malaking sandok na hawak niya at ako na ang naghalo ng mechado na kanyang niluluto. Nang kumulo na ang sarsa nito ay tinikman ko muna ito at tinansya ang lasa. Sa palagay ko ay tama na ang pagkakatimpla ni tita. Walang duda na magaling din si tita sa pagluluto.
Sumapit ang hapon ay naging abala na kami pareho ni tita sa paglilinis ng bahay. Patapos na din kami dahil pagkatapos naming kumain ay nagsimula na kaming magligpit ng mumunting kalat dito. Konti lang naman ang lilinisin dahil araw-araw naman akong naglilinis dito.
Minsan ay natatawa na lamang ako kapag naririnig ko si tita na pakanta-kanta habang abala sa ginagawa. Siguro ito na ang tamang panahon para magseryoso na si tita sa buhay, na magkaroon na siya ng sarili niyang pamilya. Hindi pa naman ganun katanda si tita para matupad ang pangarap ko para sa kanya. Sobra akong matutuwa kapag natupad yun. Sana din ay seryosohin siya ng kung sino mang lalaki na ito at huwag siyang paasahin tulad ng mga dumaang lalaki sa buhay ni tita. I hope na hindi siya biguin nito.
"Tita?"
"Oh? Bakit?" tumigil ito sa pagpupunas ng aparador at tumingin sa akin. Nakapameywang pa ito habang hawak ang maliit na basahan.
"Ano nga pala ang pangalan ng bisita natin?" hindi ko lang maiwasang matanong. Baka kasi mamaya kapag dumating na ito at batiin ko ay hindi ko alam ang pangalan nito. Nakakahiya naman.
"Romeo." sagot niya sa akin. Ayos na sana ang naging sagot niya ngunit nabigla na lamang ako nang may idinugtong pa siya.
"Oh Romeo! Iligtas mo ang kaisa-isang Juliet sa iyong buhay. Ibigin mo ako ng buo o' irog ko..." napakamot na lamang ako sa pagiging lutang na naman ni tita. Itinaas pa nito ang kanyang kamay na parang may inaabot sa ere. Halata naman sa mga kinikilos ni tita na mahal niya ang lalaking 'to. Sa ngiti niya pa lang at mga pagkislap ng kanyang mga mata ay parang sigurado na siya sa kanya. Ang kaso na lang ay hindi ko pa ito nakikita.
"Eh ikaw Mark? Kailan mo naman ipapakilala sa akin ang boyfriend mo?" mabilis pa sa alas-kwatro akong muling napalingon sa kanya.
"Huh? Sino naman ang ipapakilala ko eh wala naman akong boyfriend?"
Kailan pa naging interisado si tita sa buhay pag-ibig ko?
"Sa gwapo mong yan? Hay naku! Simulan mo nang maghanap habang maaga pa at baka matulad ka sa akin na tumandang walang asawa. Sige ka, baka maubusan ka na niyan." napabuntong-hininga na lamang ako at tinuloy ang pag-aayos ng mga unan dito sa sofa. Tumigil na din sa pagtatanong si tita at inabala na lamang ang kanyang sarili.
Boyfriend? Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na maghanap ng boyfriend. Problema lang yan.
Halos hindi magkandamayaw si tita sa paglalagay ng makeup nang tumawag sa kanya ang lalaki kanina. Base pa lamang sa malalim na boses nito ay nakikita ko na sa isip ko na malaking tao ito. Nadinig ko din kanina na nakasakay na raw siya sa kotse at mukhang jackpot dito si tita. Walang duda na kapag ikinasal na sila nito ay maaahon na si tita sa kahirapan.
Grabe ka naman Mark. Bibisita pa lang sa bahay, kasalan naman agad ang nasa isip mo.
Sumapit ang hapon nang makarinig ako ng busina ng kotse sa labas ng aming bahay. Dali-dali namang tumakbo palabas si tita. Tiningnan muna nito ang kabuuan niya bago tuluyang pinuntahan ang tao sa labas. Suot-suot nito ang isang kulay maroon na dress na ako pa ang pumili para sa kanya. Nakahanda na ang lahat sa mesa at malinis na din ang buong bahay. Mahahalata mo na pinaghandaan talaga ni tita ang pagdating ng lalaki sa kanyang buhay.
"Andyan na siya!" mababakas mo sa boses ni tita ang excitement at pagkakilig.
Madilim-dilim na sa labas nang dumating ito. Bigla akong kinabahan nang madinig ko ang boses nito nang batiin niya si tita. Sinubukan ko munang kalmahin ang aking sarili. Tumayo ako ng tuwid sa harap ng aming pintuan at hinintay na lamang ang kanilang pagpasok.
Bakit ako biglang kinabahan?
Napangiti ako nang masulyapan ko ang pagkapit ni tita sa braso ng lalaki. Hindi ako nagkamali sa naging hula ko na makisig ito. Kung hindi ako nagkakamali ay halos kaedaran lang nito si tita. Hindi maipagkakaila na gwapo ito noong kabataan niya. Sa tindig pa lamang nito ay mababakas mo na ang karangyaan nito dahil sa suot niyang long sleeves na napapatungan ng isang blue coat at puting necktie. Kagalang-galang siya sa kanyang hitsura.
Buti na lang ay pumayag ito na bumisita dito sa amin. Sa ganitong lugar. Kung iisipin mo kasi na ang ganitong klase ng tao ay pipiliin pang makipagkita na lamang sa isang magandang restaurant pero pumayag ito sa alok ni tita na bumisita dito sa amin.
"Ahmm... Si Mark nga pala, pamangkin ko." nabalik ako mula sa pagiisip nang magsalita si tita sa harap ko. Hindi ko man lang namalayan na nakalapit na pala sila sa akin.
"Nice meeting you Mark." inilahad nito ang kanyang malaking kamay. Saglit ko itong tiningnan bago nakipagkamay sa kanya.
"Nice meeting you din po." nakangiti kong pakilala dito. Nabaling ang aking tingin diretso sa kanyang mga mata. Napako ang tingin ko doon nang mapansin kong may kakaiba sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Mabilis kong iwinaksi sa aking isip ang bagay na yun at hindi na lamang pinagtuunan ng pansin.
"Romeo Crosagne, by the way."
Napakunot ako ng aking noo at nagdikit ang aking kilay nang magpakilala ito. Napaisip ako. Para kasing narinig ko na ang apelyido niya pero hindi ko lang matandaan kung kailan at saan.
ⓚⓐⓘⓩⓔⓡⓚⓚⓨⓞⓢ