Kabanata XII

2289 Words
Niyakap ko ang aking tuhod habang pinapakinggan na lamang ang kanilang pinag uusapan. Minu minuto akong sumusulyap kay Yael pero nahuhuli ko siyang nakatingin lang sa akin na para bang hindi niya pinuputol ang paninitig. Kagaya ko, nakapatong ang kanyang siko sa kanyang tuhod. Kanina pa ako nakakaramdam ng pagkailang, kabaliktaran sa pinapakita niya. Ngunit, ang natatanging magkatugma sa amin ay ang mabilis na pag pintig ng aming mga puso.  “Oier?” muli akong sumulyap kina Maestra Prima nang marinig siya, kaya lang sa tuwing sinubukan kong sumulyap, nararamdaman ko ang pag hinga ni Yael sa aking leeg sa aking tabi. “Naririto lang siya sa paligid, minsan umaalis ng mansyon para makipagkita sa mga pinsan niya.”  “Ganon ba,” Tumango ang matandang ginoong nangingibabaw ang puting buhok sa ulo. Pumapameywang siya habang nililibot ang kaniyang mga mata sa kabuuang lugar. Lumapit naman si Maestra Prima sa amin. “Shh,”  hinawakan ni Yael ang aking ulo nang bumaling siya kay Maestra Prima. Bolta boltaheng kuryente ang dumaloy sa paibaba ng batok nang maramdaman ang kanyang kamay sa aking ulo. Hindi ko maintindihan ang sarili, nababaliw na nga siguro ako. “Ito, maganda ang librong ito para kay Elester.” Aniya. Sa tingin ko naparito sila dahil nais ng mama ang maghanap ng libro para may babasahin ang nagngangalang Elester.  Ibinigay iyon ni Maestra Prima sa kanya na walang pasubaling tinanggap niya naman. “I will tell her,” ani ng ginoo sa baritonong boses. Tumango si Maestra Prima. Inangat ng ginoo ang kanyang mangas upang silipin ang orasan sa kanyang pulso. Kunot noo akong napatitig sa bilog na may mukha ng isang hayop na tattoo sa kanyang mga kamay.  Kung hindi niya muling ibinaba ang mangas ay hindi mapuputol ang paninitig ko roon. Naging pamilyar sa akin ang tattoo’ng iyon. Wari nakita ko na pero hindi ko maalala kung saan at kailan. Kunot noo lang akong nakatingin sa kawalan na pilit inaalala ang hitsura ng tattoo’ng iyon.   Sa giliran ng aking mga mata, napansin ko ang paninitig sa akin ni Yael. Tumaas ang dalawa niyang kilay nang tumingin ako pabalik sa kanya. Hindi nagtagal, lumabas nang tuluyan sa silid aklatan ang dalawa. Nawala ang liwanag mula sa sikat ng araw nang isinara ni Maestra Prima ang pintuan. Ilang segundo pa kaming namalagi ni Yael sa ilalim ng sako, sa parehong posisyon. Itinapat ko ang aking nakasarang palad sa bibig at malakas na tumikhim. Dali dali namang kinuha ni Yael ang sako at mabilis siyang tumayo. Tumayo na rin ako at humarap sa kanyang nakatalikod na katawan sa aking direksyon. Nakapameywang ang isa niyang kamay habang ang isa nama’y nakakapit lang sa kanyang noo na para bang may iniisip na may malaking problema siyang kinakaharap sa buhay. Dumalo ako sa librong kinuha ko kanina na nakalatag lamang sa mesa. Inangat ko iyon at niyakap bago humarap kay Yael na kasalukuyang nakatitig lamang sa sahig.  “Yael,” napaangat naman siya ng tingin nang banggitin ko ang kanyang pangalan. “Pasensya na ulit sa p********l ko sa iyo. Hindi na iyon mauulit.” Wala namang siyang naging tugon para sa akin. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin- partikular sa aking labi. Naramdaman ko ang muling pagka ilang. “Kung…” Inilagay ko ang aking hibla ng aking buhok sa likurang bahagi ng aking tainga, “Kung wala ka ng sasabihin, aalis na ako.” Ani ko at tumalikod na.  Ngunit napahinto ako nang marinig siyang magsalita, “Galingan mo sa unang elimination round, Celestine.” seryoso ang kanyang boses, wala iyong halong panunuya. Nakakapanibago ang marinig ang tono ng kanyang pananalita, parang hindi si Yael, parang ibang katauhan. Pagkatapos kong maka akyat ng labasan, muli akong bumaling sa pinto ng silid aklatan. Celestine, tinawag niya ako sa aking pangalan. Huminga ako nang malalim at pumanhik na paitaas.  Nang makarating ako sa pasilyo, unti unti namang bumagal ang aking paglalakad nang makita si Penelope at si Santina na tumutungo sa aking direksyon. Mabilis kong itinago ang aklat sa aking likuran habang hindi pa bumabaling ang kanilang atensyon sa akin. “Oh, hi! Celestine.” masayang bati sa akin ni Penelope. Nakangiti siya, marahil walang kabalbalang naiisip. “Nakita kita kaninang lumabas ng kusina, saan ka kaya galing?” nilagay niya ang likuran ng kanyang hintuturo sa ilalim ng kanyang labi.  “Marahil sa likuran?” tanong ni Santina sa kanya. “Sino na naman kaya ang sadya niya roon, ano? Hmm..” nakatingin sila pareho sa itaas at malayong nag iisip. “Kailangan ko ng umalis,” nakayukong ani ko sa kanila. Tumabi naman si Penelope sa aking dadaraanan. Hindi ko gusto ang pinapakita nilang kilos sa akin, wari may gagawin silang hindi ko nanaisin. Kung ano man iyon, ipapaubaya ko sa Diyos ang lahat. Nag umpisa akong humakbang nang muling nagsalita si Penelope, “Mag umpisa ka ng magbalot, Celestine.” Mas matangkad ng ilang pulgada si Penelope sa akin. Patpatin ngunit maganda naman ang pananamit. Itinago ko sa likod ng aking saya ng aklat na dala nang inakbayan niya ako. “Nalalapit na ang pagtatapos ng pananatili mo rito sa mansyon,” bulong niya sa aking tenga. Wala naman akong naging reaksyon. Kung sino pa ang hindi marunong magluto, siya pa itong malakas ang loob na paalalahanan ako. Lumayo siya at matamis na lamang akong ningitian. “Bye,” mapanuya niyang utas at saka siya tuluyang umalis kasama si Santina. Huminga na lamang ako nang malalim bago pumasok sa aking kwarto. ALAS tres y media, nang kumain kami ng meryenda. Si Maestra Prima ay nakaupo lamang sa pinakadulo ng hapag kainan. Kaharap ko si Penelope at si Santina. “Kumusta ang pagsasanay ninyo ng pagluluto?” tanong ni Maestra sa amin. Naka pirmi lang ang kaniyang paningin sa kanyang kinakain. “Maayos naman po, gumagaling na po kami sa pagluluto.” Tugon ni Carmen. Sumang ayon ako sa kanyang mga sinabi. Nakikita ko sa bawat binibini rito ang hindi nila kagustuhang umalis sa mansyon. Isa lang ang kanilang layunin, ang manalo sa paligsahan na ito. Tipid na ngumiti si Maestra Prima at bumaling kay Penelope, “Penelope…”  Tumaas ang kilay niya nang marinig si Maetra Prima, “Ano ang lulutuin mo?” tanong niya rito. Umangat ang dulo ng labi ni Penelope, sumulyap siya sa akin bago ibinalik kay Maestra Prima, “Italian dish, Madame. I’m sure Oier will like it.” aniya at ngumiti. “I can’t wait,” kibit balikat niyang aniya. “Italian dish,” nakangusong tumango si Maestra Prima. Sa akin naman siya bumaling at ngumiti. “...At ikaw, Celestine?” sa totoo niyan, hindi ko pa alam kung ano ang lulutuin. Nakausap ko si Oier ngunit hindi siya nag bigay kung anong putahe ang gusto niyang kainin, hindi ko naman siya pinilit at sang ayon ako sa kanyang sinabi na isang pandaraya iyon. “Adobo po,” tumagilid ang kanyang ulo. “Napaka simple,” komento niya.  Narinig ko naman ang pag ngisi ni Penelope, Tinanong niya ang iba pang kalahok at lahat ay ang reaksyon sa kanila ni Maestra Prima ay kahanga hanga. Mas kailangan ko nga siguro pag tuonan ng pansin ang pagbabasa ng librong kinuha ko sa silid aklatan nang sa gayon ay maging pamilyar sa akin ang mga potaheng niluluto sa ibang bansa dahil mas mukhang nakahiligan ni Oier ang pagkaing banyaga. “Bibigyan ko kayo ng kaalaman tungkol sa paboritong makakain ni Oier.” Nakatuon ang atensyon ng lahat kay Maestra Prima. Nakaramdaman ko ang pagdaan ni Lyka sa aking giliran at sinalinan ako nito ng tsokolateng kanyang madalas pakuluan sa kusina. “Pihikan siya sa panlasa,” suminghap ako. Sinasabi ko na nga ba,  paano kung hindi niya magugustuhan ang lulutin ko? Sumagi sa isipan ko ang pagtapon ng pagkain niluto sa basurahan. Sigurado kapag nakita iyon ni Sister Olivia ay magagalit siya, hindi kailanma’y tinatapon ang pagkain. “Kapag hindi niya nagustuhan ang amoy, hindi niya itutuloy ang pagtikim ng pagkain na iyon.” Rinig ko ang pag singhap ng lahat. Napasulyap naman ako kay Penelope, walang bakas na kahit na anong kaba sa kanyang mukha. Nakangiti lang siyang nakatingin kay Maestra Prima, tila malaki ang tiwala sa kanyang sarili. “Madalas sa restaurant siya kumakain at sa luto ng partikular na serbidora sa kanilang pamamahay.” Bunyag ni Maestra Prima. “Po? Lumalabas po si Oier para kumain sa restaurant?” tanong ni Miko. Ganon rin sana ang ang itatanong ko, ayon kay Ms. Illuna walang nakakaalam ng totoong pagkatao nito kaya’t kung iisipin, kung lalabas siya ng kanyang lungga ay walang nakakakilala sa kanya at imposible rin sa edad niya’y hindi man lang niya naranasan ang buhay ng isang normal na tao. Tumango si Maestra Prima, “Madalas,” napatingin siya sa kanyang kinakain. Bahagyang naka angat ang magkabilang dulo ng kanyang labi. “Pero nitong nakaraang araw, napaparito siya sa mansyon upang suriin ang bawat isa sa inyo.” Hindi makapaniwalang pagdaing ang narinig ko sa kanila. Nasabi nga iyon ni Oier, madalas siyang nanonood sa CCTV ngunit hindi niya nabanggit kung saan siya rito sa mansyon nanonood. Sa dami ng sulok at silid sa ibaba man o sa ikalawang palapag rito, hindi mo na nanaisin ang libutin buong mansyon. “Oh my, he’s here?” hindi mapakaling tanong ni Penelope. Sinuri niya ang kanyang labi nang dumukot siya sa maliit na salamin sa bulsa. “Dapat pala, hindi ako nagmumukhang pangit.” Sandali siyang sumulyap sa akin. “Hanggang dito na lang ang maaari kung ibunyag, magpatuloy na kayo sa inyong pagkain.” mungkahi niya. Naging usap usapan sa bawat kalahok ang hindi nakikitang presensya ni Oier rito sa mansyon. Naririnig iyon ni Maestra Prima pero pinapawalang bahala niya pagkatapos. Ako nama’y nanatili lang tahimik, hindi ko pwede ibunyag ang lihim naming pagkikita nitong nakaraang gabi ni Oier. Sa kasagsagan ng pagtatapos ng aming pagkain ay may itinanong si Penelope kay Maestra Prima, “Madame, maaari po ba kaming pumunta sa likuran ng kusina?” napako ako sa kinatatayuan ko. Hinihintay ko na lang na banggitin ni Penelope ang aking pangalan. “May nakita kasi ako na roon dumaan.” Patuloy niya. “Sino?” matigas na katanungan ni Maestra Prima. “Hindi nahuhuli roon ng CCTV, mas maganda siguro kung sa mga silid kung saan ko kayo pinasyal nang sa ganon ay makita ang mga galaw ninyo sa CCTV.” Aniya. “Hindi ko po nakita ang mukha eh,” isang multo ng pag ngisi ang nakita ko sa kanyang labi. Wala siyang binabanggit na pangalan ngunit alam ko sa sarili kong ako ang kanyang tinutukoy, “..sa tingin ko isa sa mga serbidora lang,” aniya. Mariin siyang tiningnan ni Maestra Prima “Yael!” umalingawngaw ang boses ng Maestra nang tinawag niya si Ginoong Yael. Suminghap ako at nakaramdaman ng pangmamanhid. Madalas akong galitin ni Yael, sigurado akong ilalaglag niya ako upang galitin na naman ako. Ang kasiyahan niya ay makita ang nakabusangot kong mukha. Halos hindi ko mainom inom ang tsokolate sa aking harapan, nang makita sa giliran ng aking mga mata ang pag dating niya. Nakasuot siya ng puting t-shirt na hapit sa kanyang katawan at may hawak hawak na itak. “Po?” tanong niya kay Maestra Prima. “May nakita ka bang taong pumupunta sa likurang bahagi ng kusina?” tanong niya.  Sinubukan kong sumulyap. Tumalon sa kaba ang aking puso nang magtama ang mga mata naming dalawa. Agad akong umiwas nang makaramdam ng pamamaso ng kanyang titig. “Wala naman po,” tila nabunutan ako ng tinik nang marinig ang naging sagot niya. “Sarili ko lang naman po nakikita kong nakaabot doon kung tinutukoy niyong isang gwapo este tao.” sagot niya. Binalot ng tawanan ang lahat sa kanyang naging sagot. Siya itong nakakaalam na pumapasok ako sa silid aklatan na naroroon kung kaya’t inaasahan kong isusumbong niya ako. Hindi ko akalain na ako’y kanyang pagtatakpan. Marahil may dumaang anghel at sinapian siya. LUMAPIT ako kay Miko pagkatapos ng meryenda, abala siya sa pagsasanay ng kanyang lulutuin. Ang gilid ng kanyang mga mata ay basa na ng kanyang mga pawis. Napangiti ako nang maingat siyang naghihiwa ng gulay. Pumalumbaba ako sa Kitchen bar counter at tiningnan ang mukha niya. “Mukhang masarap ah,” komento ko sa kanyang niluluto. Hindi siya kumibo na para bang hindi niya ako nakita nasa harap niya lang. “Amoy pa lang magugustuhan na ni Oier,” puri ko sa kanya. Sinubukan kong kainin ang kanyang hinihiwa nang muntik na akong madaplisan ng kutsilyo. “Pwede ba, Celestine! Umalis ka na lang muna.” Kunot noo niyang ani sa akin. Agad akong tumayo nang matuwid dahil sa biglaang pang angat ng kanyang boses. Ito ang unang pagkakataong masigawan ako ng aking kasama rito sa mansyon.  “Pasensya na, gusto ko lang sana masubukan.” Tugon ko sa kanya. Nilalaro ko ang aking hintuturo at inaasam ang pagtanggap niya ng aking panghihingi ng tawad. “Hindi kita kailangan dito, kaya kong mag isa.” Aniya at pinagpatuloy ang pagluluto. Ang mga serbidora ay napatingin sa aming direksyon. Nang bumaling ako sa kanila ay agad silang bumalik sa kanilang pinagkaka abalahan. Bumagsak ang balikat ko at umatras na lang. “Pasensya na ulit,” mahina kong ani at tuluyang umalis. Siguro maling abalahin ang isang taong buo ang atensyon sa pagluluto. Kirot sa puso ang nangyari ngunit hindi ko malalamang nakakaabala ako kung hindi niya ako pinagsabihan. Kasalanan ko rin naman ang lahat kaya wala akong dapat ikasama ng loob. Pinagkibit balikat ko na lang iyon at pumanhik na pabalik ng aking kwarto. Mas maganda siguro kung pag tuonan ko na lang ng pansin ang magaganap na pagsasanay nang sa gayon hindi ako mapatalsik rito hangga’t wala pang nakikitang kaunlaran sa aking misyon.  Ramdam ko ang bigat sa puso nang maisip ko muli ang aking misyon. Madalas akong maduwag ngunit walang makakapag paangat ng aking pakiramdam kung hindi ang sarili ko lamang. Kailangan kong masanay, at hintayin ang tamang oras ng diyos para sa lahat ng bagay. Isang hakbang ang ginawa ko pagkatapos makaliko sa isang sulok at napahinto nang makita si Yael na nakasandal sa pader, sa giliran ng pinto ng aking kwarto. Nakayuko ang habang ang dalawa kamay ay nakalagay sa kanyang magkabilang bulsa.  “Anong ginagawa mo rito?” Umangat ang kanyang ulo nang marinig ako. Napansin ko roon ang multo ng kasiyahan bago ako bumaling sa aking bulsa upang kunin ang susi. Naririto na naman ba siya upang asarin ako? Nasampal ko na siya kanina marahil sapat na iyon para aluin ang utak niya. “May naghahanap sa iyo,” naghahanap ng kasagutan ang aking paningin nang bumaling ako sa kanya, “..Si Oier,” aniya sa baritonong boses. Natigilan naman ako. May interaksyon sila sa isa’t isa? “Bakit hindi ka na raw pumupunta sa likuran nitong nakaraang gabi, pinag hintay mo siya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD