“Bakit hindi ka na raw pumupunta sa likuran nitong nakaraang gabi, pinag hintay mo siya.” aniya.
Ang dalawang braso niya ay ginawa niyang unang sa kanyang batok habang nakasandal sa pader at ang kanyang labi nama’y nakanguso habang nakatingin sa itaas.
“Teka, nag uusap kayo?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. Sumagi sa isipan ang nangyari noong isang gabi na tinawag ako ni Oier sa aking palayaw. Kung gayon malaki ang posibilidad na sinabi ni Yael iyon sa kanya.
Wala naman siyang naging tugon sa aking katanungan. Nanatili lang siyang nakatingin sa itaas at nakanguso, tila may iniiwasang banggitin. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kanyang braso. Napatalon siya sa gulat dahil sa ginawa ko at saka ako tiningnan sa aking mga mata.
“Pakiusap, huwag mong sasabihin na nagkaroon kami ng interaksyon ni Oier.” pagmamakaawa ko sa kanya. Nanatili siyang nakatingin sa aking kamay na nakahawak sa kanyang braso na para bang ang laki ng ibig sabihin na iyon para sa kanya. “Malalagot ako kay Maestra Prima,” nilibot ko ang aking paningin sa kabuuang lugar. “...at sa mga katunggali ko rito sa mansyon.” mahina kong pagpapatuloy.
Hindi agad siya nakapagsalita. Ang kanyang nakangiting mata at seryosong pagmumukha ay nag aaway nang umangat ang kanyang ulo upang matitigan ako.
“Hindi rin gusto ni Oier na ipagsabi ang tungkol dito,” sagot niya.
“Paano mo nalaman nang hindi siya kinokompronta?” tanong ko. Napakurap kurap ang kanyang mga mata. Sandali siyang bumaling sa sahig bago ibinalik sa akin ang kanyang paningin.
“Kilala ko siya, close kami.” aniya.
Binitiwan ko ang kanyang braso, “kapag nalaman kong pinagloloko mo ako, hindi kita mapapatawad, Yael.”
Ngumisi siya. Namayani ang kanyang matang ngumingiti, “Sasampalin mo ako ulit?” tanong niya. Umalis siya sa pagkakasandal at pinag ekis ang kanyang dalawang braso sa tapat ng kanyang dibdib. Mas matangkad siya sa akin kung kaya’t kailangan kong iangat ang aking mukha upang makita ang kanyang nakangising mga mata.
“Lingid sa kaalaman mo, Seleng. Ako ang kanang kamay ni Oier.” Nagsimulang humangin sa paligid dahil sa kanyang pagmamayabang. “Kinukwento niya sa akin ang mga pagkikita niyo nitong nakaraang gabi.”
Itinapat niya ang kanyang nakasarang kamao sa sa kanyang bibig at saka tumikhim, “Sabi niya ‘Yael, ipaalam mo kay Celestine na ako’y kanyang pinaghintay nitong nakaraang gabi’.” ginaya niya ang baritonong boses ni Oier pero sa tingin ko hindi naman naglalayo ang estilo at tunog ng kanilang pananalita. “Tugon ko sa kanya ‘Bakit kamahalan?’ tugon niya naman, ‘pumupuslit siya rito gabi gabi upang makita ako’.” Mas lalo akong kinabahan.
Hindi ko batid kung totoo o hindi ang pinagsasabi niya. Baka sakaling totoo nga at ginagawa niya lang biro upang magmukha siyang ka aliw aliw sa paningin niya at hindi para sa akin.
Hinigit ko siya sa loob ng aking kwarto at isinara ang pintuan nito. Hindi naman natatamaan ang kwarto ko ng CCTV pero hindi ko alam kung re record ba ang boses doon. Mas mainam kung itatago ko siya muna rito lalo na’t natural na malakas at malalim ang kanyang boses.
Mukha pa lang ni Yael ay hindi na makakapagtiwalaan, malaki ang posibilidad na ipagkalat niya ang balitang ito upang galitin ako.
Pinalibot niya ang kanyang mga mata sa kabuuan ng aking kwarto, “Napakabango…” aniya. Pumikit siya at nilanghap ang bango ng aking kwarto. Nakangiti siya nang dumilat.
Uminit ang aking pisngi. Binabalot ng amoy ng perfume ang sa bawat apat na sulok ng aking kwarto. Sinundan ko siya ng tingin nang naglakad siya papunta sa kama at umupo roon.
“Dito ka ba natutulog?”
Pinagsadahan niya ng kanyang palad ang aking higaan at saka tinukod ang dalawang kamay sa kama sa gawing giliran ng bawat beywang. Ipinatong niya naman ang kanyang isang paa sa kanyang hita habang nakatingin lang sa akin.
“Malamang, umalis ka nga diyan at baka madumihan pa ang higaan.” ani ko sa kanya. Ngumisi naman siya ngunit hindi na nagsalita. “Hindi ko alam kung nagbibiro ka o hindi pero kung sakaling totoo, pakisabi sa kanya’y hindi ako sigurado kung makakabisita ako tuwing gabi lalo na’t nag iingat ako ngayon, pinaghahalataan ako ni Penelope. Narinig mo naman kanina, hindi ba?” sunod sunod kong pagkakasabi sa kanya.
“Ganon ba,” mahina niyang utas at nakatingin lamang sa kawalan.
Tumango siya ilang sandali at umangat muli ang kanyang mapanuyang ngiti. “Hindi siya papayag,” direktang sabi niya.
“Kung makapagsalita ka’t tila tagapagsalaysay ka naman ng kamahalan mo. Hindi mo pa nga sinasabi sa kanya,” tugon ko sa kanya.
“Ilang ulit ko ba sasabihin sa iyo na ako ang kanang kamay niya, Seleng?” aniya.
Napatingin ako sa orasan sa tabi ng kama nang makitang malapit na ang pagpapanhik ng mga binibini dito sa kaparehong palapag.
“Oo nga, pero hindi ibig sabihin iyon na alam mo na ang desisyon niya.” Lumapit ako sa kanya at hinigit ang kanyang matigas na braso upang patayuan siya mula aking kama. Muli siyang napatingin sa aking kamay na nakahawak sa kanyang braso at lumunok ng isang beses bago tuluyang inangat ang sariling katawan. “Umalis ka na lang muna at baka mahuli ka rito. Ikaw na bahala na sabihin kay Oier ang tungkol sa pinag usapan natin.” ani ko.
“Hindi ako mahuhuli kung hindi mo ako hinigit dito,” aniya at hinimas ang gawi ng kanyang braso kung saan ko iyon hinawakan kanina pagkatapos niyang tumayo.
“Hindi ka naman kita hihigitin kung hindi umaalingawngaw ang boses mo sa pasilyo.” Tugon ko naman.
“Ah basta, Seleng. Hindi ako paparito kung hindi ako inutusan ni Oier.” Mariin niyang pagkakasabi. Tumango na lang ako at tinulak ang kanyang likuran papuntang pintuan.
“Oo, sige. Naniniwala na ako sa iyo.” Hindi ko alam kung sinasadya niya pero napakatigas ng kanyang likod, tila pinipigilan niyang makarating sa pintuan. “Malapit na ang oras para pagpapahinga, ilang sandali lamang at aakyat na ang mga binibini rito.” Nag aalalang tanong ko.
“Umalis ka na lang muna!” mahina ngunit mariin kong bulyaw.
Lumingon siya at ngumiti, “Muna? Ibig sabihin, pwede akong pumunta rito sa kwarto mo Seleng sa ibang pagkakataon?” tanong niya.
“Hindi, Yael. Hindi maaaring magsama nang madalas ang lalake at babae sa iisang kwarto nang hindi pa kinakasal.” narinig ko siyang ngumisi.
Pinihit ko ang doorknob. Bubuksan ko na nang marinig ang sintunadong boses ni Penelope na kumakanta sa labas.
“Huwag kang mag alala, Seleng. Hindi ako mahuhuli rito,” mayabang niyang ani at tumungo sa bintanang katabi ng aking higaan.
“Anong gagawin mo?” nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita kong binuksan niya ito nang malaki at hinawi ang kurtina. Pumasok ang malakas na hangin dahil doon. “Yael,” utas ko at napatalon na lang sa gulat nang inangat niya ang kanyang paa at saka siya tumalon mula roon.
Balak niya bang magpakamatay para lang hindi siya mahuli na pumuslit rito? Nahihibang na nga siguro siya!
Dali dali akong lumapit doon, hinawakan ko ang dulo ng bintana at napatingin sa ibaba. Nakahinga ako nang maluwang nang may halaman naman na sumalo sa kanya roon at mabuti na lang hindi gaanong mataas ang kwarto mula sa lupa. Nasulyapan ko siyang nakatiyaha nang pagkakahiga sa damuhan at nakatingin lamang sa akin.
Ngumiti siya at itinaas ang kanyang hinlalaki upang ipahiwatig na walang nangyaring masama sa kanya. Sinapo ko na lamang ang aking ulo at umiling.
SUMAPIT ang gabi, nakatiyaha ako sa kama habang nagbabasa ng librong tungkol sa pagkaing mayayaman. Pinapakiramdam ko ang sarili kung pupuslit ba ako mamayang gabi sa likuran o kung hindi na. Sa ilang gabi kong pumapanhik doon, ngayon lang ako nakaramdaman ng takot na baka mahuli na ako sa pagkakataong ito.
Isinara ko ang libro at ipinatong sa aking higaan. Hindi ako mapakaling tumayo at kinuha ang puting bandana. Dahan dahan akong lumabas ng silid at pumanhik sa ibaba ng hagdan. Siniguro ko naman na hindi ako makikita nino man rito at baka maging dahilan pa ng maaga kong pagpapatalsik sa mansyon na ito.
Umangat ang ulo ko upang matingnan ang orasan na nakapaskil sa aking ibabaw. May trenta minutos pa bago tumunog ang curfew hour.
Binilisan ko ang paglalakad at liliko na sana sa kusina nang mapansin si Penelope na umiinom ng tubig.
Walang ibang tao sa kusina kung hindi siya lang. “May pupuntahan ka ba? Bakit may bandana na nakabalot sa ulo mo?” tanong niya.
Humahalukipkip siya habang unti unting humahakbang papalapit sa akin. Nanliliit ang kanyang mga mata na wari binabasa ang aking isipan gamit ang aking reaksyon sa mukha.
Binaba ko ang bandana sa aking balikat at huminga nang malalim. Sasamantalahin niya ang kabaitan ko kung magpapakita ako ng kahinaan ngayon.
“Kagaya mo, iinom din ako ng tubig.” Tugon ko at nilagpasan siya. Kukuha na sana ako nang baso nang mahigpit niya akong hinigit sa aking siko. Ramdam ko ang kukong na unti unting bumabaon sa aking balat. Nagsisinungaling ako kung sasabihin kung hindi masakit.
Strikto at masakit mangaral ang aking ina pero ni minsa’y hindi niya ako pinagbuhatan ng kamay. Marahas kong binawi ang aking kamay at kunot noong napatingin sa kanya.
“Ginayuma mo siguro si Yael kaya ka niya pinagtakpan kanina, tama ba?” pang aakusa niya. Mas lalong kumunot ang aking noo.
“Nagkakamali ka, hindi ako ganong tao.” Depensa ko sa aking sarili, “Walang makikita si Yael dahil hindi naman ako pumupuslit doon,” pagsisinungaling ko.
Ngumisi siya at umiling, “Celestine. Alam kong pumupuslit ka riyan. Ano? Hinahanap mo si Oier?” tumaas ang kanyang isang kilay. “Hindi ko na pala kailangang maging threatened sa’yo, nalalapit na ang katapusan ng pananatili mo kaya’t kung may balak ka ring gayumahin si Oier,” umiling siya. “Huwag mo ng ituloy,”
Tila may gusto siyang ipagmalaki. Hindi ko alam kung saan niya napupulot ang aral na tinuturo sa paaralan at ganito siya kung magsalita sa kapwa niya babae. Pilit niyang binababa ang iba para sa i angat ang kanyang sarili.
“Asal talangka,” aalis na sana siya nang marinig akong magsalita.
Namumula ang kanyang pisngi at ilong nang bumaling. “Ano sabi mo?” tanong niya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
“Hindi nabibili ng yaman ang magandang ugali, Penelope, pero kung aaralin mo, magiging libre lang ito.” Nagsalin ako ng tubig sa aking baso at uminom roon nang hindi nakatingin sa kanya.
Narinig ko ang kanyang pag ngisi, “The audacity…” utas niya.
Hinugasan ko ang basong ginamit ko at basong ginamit niya na namamahinga sa lababo at saka ito itinabi upang matuyo. “Kahit ang basong ginamit mo, hindi mo magawang hugasan. Paano ka magiging karapat dapat kay Oier kung hindi mo magawa kahit ang isang simpleng bagay?”
Sumandal ako sa lababo at ginaya ang kanyang posisyon na nakahalukipkip. “Ang lakas ng loob mo ah,”
Nanatiling walang kahit na anong reaksyon ang aking mukha. Ito ang unang pagkakataon kong makipagtalastasan sa taong may hindi kaaya ayang ugali maliban kay Yael. Kahit ang mga kasamahan kong novitiate ay madalas akong hindi nagsasalita dahil hindi ko gustong masakit ng tao sa tuwing ipinapahayag ko ang nilalaman ng aking isipan.
“Katotohanan ang sinasabi ko Penelope,” nakauwang ang kanyang labi at hindi matigil tigil ang pag ngisi. “Sa tingin mo ba magugustuhan ni Oier ang pag uugaling mayroon ka? Walang lalakeng gustong nanaisin ang magkaroon ng asawang may hindi kaaya ayang katangian.” Ngumiti ako sa kanya. Sana maitatak ito sa kanyang utak nang siya’y magtanda. “Kaya nga tayo isinabak sa patimpalak, hindi ba? Upang mayroon siyang pagpipilian.”
Maganda si Penelope, pero kagaya ng sinabi ni Maestra Prima, ang tunay na ganda ay hindi binabase sa panalabas na anyo. At isa pa, hindi pang habambuhay ang kagandahan, kahit ilang medisinang iturok sa bawat ugat ng tao, malulusaw at malulusaw ito sa bawat taon ang lilipas. Mapapawalang bisa ang halaga ng kagandahan kung oras na natin.. Oras nang lisanin ang mundo. Ang mahalaga, may katangian tayong itinatak sa kapwa natin na hindi maglalaho kailanman.
“Hindi ko alam kung saan ka humuhugot ng katapangan Celestine ha.” Umiling siya. Nanlilisik ang kanyang mga mata na para bang binabalak niyang saksakin ako gamit ang kanyang mga titig. “Para sabihin ko sa iyo, na hindi rin tipo ni Oier ang mga kagaya mo. Look at yourself,” Tinuro niya ako gamit ang kanyang palad. “... Hindi ka niya kailanman matitipuhan, Celestine. Hindi ko maintindihan kung bakit mo isinali ang sarili mo rito, like duh! Kung makapagsalita kang hindi ako karapat dapat..” wari mapuputol ang kanyang ugat sa kanyang leeg habang mahinang nagmumura.
“Stay out of here, b***h!” bulalas niya. Hinawakan niya ang kanyang buhok at napatingin na lamang sa kisame. Bahagyang umaalingawngaw ang kanyang boses sa buong silid ng kusina. Hindi ako sigurado kung nakaabot ba iyon sa pasilyo o sa labas.
Ramdam ko ang pagpipigil niya. Ganoon din ang nararamdaman ko tuwing pinapaibabaw niya ang hindi magandang asal.
Lumapit sa akin at akmang pisikal akong susugurin nang marinig namin pareho si Maestra Prima.
“Celestine? Penelope?” sabay kaming bumaling sa direksyon ng kanyang malalim na boses. Nakasuot siya ng makintab na damit pantulog at nakaitaas ang pagkakaayos ng kanyang buhok. Nakasalikop rin ang kanyang dalawang kamay habang mariin kaming tiningnan. Pansin ko ang paninigil ni Penelope.
“Ano ang ginagawa ninyo sa kusina? Ilang minuto na lang at tutunog na ang alarm.”
Bahagya akong nagulat nang bigla akong inakbayan ni Penelope. Batid kong pinapakita niya ang magandang katangian tuwing malapit si Maestra Prima.
“Umiinom lang po kami ng tubig, Maestra.” Ngumiti siya nang tumugon.
Napalingon siya sa aming likuran, “Mabuti naman at hinugasan niyo ng mga basong ginamit. Nang sa gayon, hindi na mahihirapan ang serbidora na panatiling malinis ang hugasan tuwing gabi.” Tumango siya.
Hindi na ako nagsalita nang maramdaman ang kanyang paninigas. “Matulog na kayo, kailangan niyong magpahinga dahil bukas na gaganapin ang unang eliminasyon.”
Bahagyang nanginig ang aking tuhod dahil sa kaba at sa gulat. Bukas na pala at wala pa akong naiisip na maaaring lutuin.