PINAG halong puti at kulay mapasyaw na pula ng bistida na may disenyong bell ang mataas na manggas. Pinagmasdan ko ang sariling repleksyon sa salamin. Ngayon ay araw gaganapin ang unang eliminasyon. Natulog ako ng tatlong oras at nagbasa muli ng libro pero ni isa’y wala akong ma desisyunan kung ano ang lulutuin ko sa mga oras na ito.
Huminga ako malalim at umiling. Hindi ko dapat pinagdududahan ang sarili kong kakayahan. Kung gusto kong manalo ay dapat gagawin ng buong puso ang responsibilidad at para sa pangarap ni Mama para sa akin.
Kinuha ko ang rosaryo at sandaling nagdasal. Pagkatapos, kinuha ko ang libro at lumabas na ng kwarto. May mga serbidorang naglilinis ng mansyon, napapangiti ako tuwing binabati nila ako. Napakatahimik ng umaga at tanging bumabasag nito ay ang mga tunog ng kubyertos sa kusina at kagamitang pang linis.
Mabilis akong humakbang patungo sa silid aklatan. Sa hindi kalayuan ay ang pinto patungo sa labasan, mga ilang talampakan lang ang distansya mula rito. Bago pa man ako pumasok, siguro ko munang walang makakapansin sa aking lihim na pagtungo rito. Wala itong kandado kung kaya’t madali lang akong nakakapasok dito.
Dahan dahan akong bumaba ng hagdan. Hindi pa gaanong sumisikat ang araw kung kaya’t madilim pa ang parte kung saan nakapaskil ang bintana sa kisame. May kaunting liwanag mula sa labas pero hindi ito sapat upang mabigyan ng liwanag ang bawat sulok ng silid aklatan.
Hindi pa ako nakakarating sa instanteng pinagkunan ko ng libro ay may naalinag akong isang pigura ng pamilyar na likuran ng isang ginoong nakatayo.
Mabilis ang pintig ng puso ko nang makilalang si Oier Goncuenco iyon. Bakit siya naririto? Sumagi sa isipan ko si Yael, marahil sinasabi niyang napaparito ako sa sikretong silid na ito. Pumikit ako ng mariin, hindi niya ba pwedeng ilihim na lang? Mas lalo akong kinakabahan ngayong nalaman ko na may koneksyon sila sa isa’t isa.
“Nasabi sa akin ni Yael na pumupunta ka rito sa silid.” Aniya nang hindi humaharap sa akin. Unti unti siyang bumaling at muli, naalinag ko ang nangungusap na mga mata sa likuran ng kanyang maskara.
Nakasuot siya ng puting tuxedo na bumabagay sa katamtamang maputing kulay ng kanyang balat. Nakaayos paitaas ang kanyang buhok na kadalasan kong nakikitang nakaibaba at tumatakip sa kanyang noo. Itinago niya ang isang kamay sa bulsa at tipid na ngumiti sa akin o dahil na natural na nakangiti ang kanyang mukha at mga mata.
“Pasensya na,” kinamot ko ang aking ulo. Hindi naman sinasabi ni Yael sa mga serbidora, mas mainam na sigurong sa aming tatlo lang umiikot ang lihim kong pagtungo rito. “Maganda para sa akin ang silid na ito pero huwag kang mag aalala, marahil huling beses ko na ito.”
Umiling siya at umupo sa mesa, sa gawi kung saan ko huling nakita si Yael na nakaupo. “Wala akong sinabing pinagbabawalan kita,” aniya sa madilim na boses.
Napakurap kurap ako. Kung gayon, malaya akong makakapunta rito. “Hindi ka galit?” tanong ko. Umiling siya bilang tugon.
“Hindi mo ako pagsasabihan?” tanong ko ulit. Umiling siyang muli at pagkatapos ay ngumisi,
“Ibibigay ko ang buong tiwala kay Maestra Prima ang pagsabihan ka kung mahuli ka niyang pumaparito.” Napasinghap ako’t hindi makapagsalita.
“Inaasahan ko pa rin na hindi mo sasabihin,” umangat ang mukha ko at lakas loob na tumitig sa kanya. “..At inaasahan ko ring pagsasabihan mo si Yael na huwag ipagkalat ang tungkol sa pakikipag usap ko sa iyo. Alam kong kilala mo ang ginoong iyon…”
Kunot noo akong napatingin sa kawalan nang sumagi muli sa aking isipan ang kanyang mapanuyang ngiti. Narinig ko ang muling pag ngisi ni Oier habang nakatago nang bahagya ang kanyang mukha sa ilalim ng kanyang palad.
“... Maingay ang taong iyon, Ginoong Oier. Mabait siya sa mga ibang kalahok pero kabaliktaran naman ang pinapakita niya sa akin.” naalala ko kung paano niya ngitian at batiin si Miko. Problemado akong umiling. Nakita iyon ni Oier at napansin ko naman ang pagpigil niya ng pag ngiti. “Natatakot ako na isang araw na maging dahilan siya ng pagpapatalsik ko rito.” Patuloy ko.
Hindi siya agad nakapagsalita. Nanatili siyang nakatingin sa akin na para bang may iniisip siyang sobrang lalim. Nakaramdam ako ng pagkailang at tumalikod na lang upang ibalik ang libro sa estante.
“Siguraduhin kong maging patas ang laban,” tipid niyang kasagutan.
Minsan, nakakaramdam ako ng kaba tuwing nagtatagpo ang landas namin ni Yael. Mayroon kasing pagkakataon na ihuhulog niya ang bombang hawak sa kanyang paraan ng pananalita, pero babawiin ito’t itatago sa kanyang bulsa.
“Siya nga pala, nasabi ba ni Yael sa iyo ang sagot ko kung bakit hindi ako tumutungo nitong nakaraang gabi upang makipagkita sa iyo?” Hindi ko makita ang kanyang reaksyon sapagkat inaayos ko ang mga libro. “Hindi ko akalain na pinaghintay kita, hindi ko rin naman inaasahan na hihintayin mo ako doon. Sigurado akong may sasabihin ka tungkol sa akin, kung gayon, hindi ba?” nakangiti kong tinapos ang pagsisi ayos nito.
“Tungkol sa misyon mo,” ngunit ang pag angat ng dulo ng aking labi ay unti unting bumababa nang marinig ang kanyang pag utas. Natigilan ako’t hindi tumugon. Hindi pa rin naglalaho sa kanyang isipan ang tungkol sa mission.
Lumingon ako. Nagsasayaw ang kanyang mata nang magtama ang paningin naming dalawa. Hindi ma paliwanag na pagtibok ng aking puso ang aking naramdaman sa mga oras na iyon. Siya lang ang tanging nakakapagbigay ng naturang sensasyon. Gayon din minsan si Yael.
Batid kong higit pa sa kaba pero hindi ako sigurado kung ano nga ba…
Tumaas ang aking kilay at hinintay ang kanyang kasunod na sasabihin, “Paano kung matalo ka’t mapatalsik, posible bang hindi mo na ipagpapatuloy ang mission mo?” tanong niya, ang kanyang baritonong boses ay nag a-asam ng kasagutan.
Tipid akong ngumiti at tumango, “Hindi ko kailangang sumuko, hindi pa naman ako napapagod eh.” Napatingin ako sa itaas at napanguso, naghahanap ng salitang maaaring idagdag upang ma suportahan ang una kong nabanggit. “Marahil panghihinaan ng loob, pero alam ko namang lilipas din iyon.” Patuloy ko. “Ibibigay ko ang buong tiwala sa puong maykapal…”
Tumango siya. “Good luck, Seleng.” gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Dobleng pintig ng puso ang naramdaman ko sa tuwing naririnig ko ang pagtawag niya ng aking palayaw. Doon ko rin napansin na hindi gaanong nagkakalayo ang boses nila ni Yael tuwing binabanggit naman ni Yael ang palayaw ko.
“Sisiguraduhin kong magugustuhan mo ang lulutuin ko, Ginoo.” Pagmamalaki ko, nilalabanan ang pagkailang sanhi ng hindi maipaliwanag na dahilan kung bakit mabilis ang tahip ng aking puso.
“Ano ba ang lulutin mo?” tanong niya.
Pinagsalikop ko ang aking kamay sa aking likuran at pumikit nang nakangiti. “Sikreto,” tipid kong tugon. Ngumuso siya at dismayadong umiling.
Sikreto. Dahil kahit ako’y tinatanong ko rin sa aking sarili kung ano nga ba ang lulutuin ko. Mamaya, ipi pwesto ko ang aking sarili sa tapat ng lutuan nang nalilito kung anong sangkap ang aking kukunin.
“Okay,” kibit balikat niyang tugon. “Di kita pipilitin, hihintayin ko na lang na ihain sa harap ko.” Patuloy niya. Mas lalong akong kinakabahan sa tono ng kanyang pananalita - normal pero tila nananakot.
“I’m very curious to know,” nakalagay ang ilalim ng kanyang hintuturo sa ibaba ng kanyang labi habang humahalukipkip.
Bumukas ang aking bibig upang tugunan ang kanyang sinabi nang umalingawngaw ang malakas na sipol sa labas ng silid aklatan nataranta ako’t agad tumakbo ngunit nang sumagi sa aking isipan na hindi pa ako nakapagpaalam sa kanya kung kaya’t nilingon ko siya muna.
“Sasabihin ko kay Yael kung kailan ulit tayo magkikita nang sa gano’y hindi mo na kailangang mag hintay.” Ani ko sa kanya at dali daling pumanhik sa itaas. Naka isang hakbang pa ako nang muli ko siyang nilingon at itinaas ang aking kamay saka ito winagayway sa tapat ng aking mukha. Binigyan ko siyang ngiti sa labi at wala siyang naging reaksyon sa mukha kung hindi ang tingnan lang ako.
Nang makalabas ay mabilis akong tumakbo patungong sala. Ilang hakbang bago ako tuluyang makalayo, bumalik ako sa hagdan kung saan ang daan papunta sa aking kwarto. Binuo ko ang aking sarili at sinubukang hindi magkaila upang walang makapansing nanggaling ako sa likuran.
Tatlong hakbang ang ginawa ko paibaba habang kinakalma ang aking sarili. Nag kunwari akong nanggaling sa kwarto kahit iilan sa mga serbidora ay bakas ang pagtataka sa kanilang mga mukha. Tanging ngiti na lamang ang maibibigay ko sa kanila.
Tumayo ako sa giliran ni Miko at ilang sandali pa'y naalinag na namin ang pagbaba ni Maestra Prima mula sa hagdan. Kagaya ng madalas niyang sinusuot at porma, nakaitaas ang pagkaka ayos ng kanyang buhok, makapal ang pilikmata, at saktong kulay ng kanyang labi. Nakasuot siya ng puting coat at sa ilalim noon ay isang kulay gintong puting hapit sa katawan na bistida.
"Handa na ba ang bawat isa sa inyo?" tanong niya nang siya'y tuluyang nakababa.
“Yes, Maestra!" sabay sabay naming sagot.
"Mabuti kung gayon," binuksan niya ang kanyang pamaypay. "Kumpleto na ang lahat ng mga kasangkapan na inyong gagamitin, mula sa gulay, prutas, mga iba't ibang uri ng karne, herbs and spices, at pampalasa. Kung may katanungan ang bawat isa sa inyo ay mahigpit kong pinagbabawalan ang pagtatanong sa isa't isa, maaari lamang kayong magtanong sa mga serbidora o kaya nama'y sa akin. Carmen at Miko ay magluluto sa labasang kusina, Penelope a Santina - sa kabilang silid naman, at pang huli, Celestine ay magluluto sa dirty kitchen."
"May CCTV ang bawat silid maliban kay Celestine, ngunit habang nagluluto ang bawat isa sa inyo'y may nakabantay na isang serbidora sa inyong likuran upang inyong mapagtanungan." Nakataas ang noo ni
Maestra Prima habang nagsasalita.
Ramdam ko ang kabang bumalot sa akin. Paano kung hindi magugustuhan ni Oier ang aking lulutin? Paano kung tuluyan itong itapon sa basurahan? Paano kung patalsikin ako? Paano kung hindi ako tanggapin sa monasteryo? Paano ang pangarap ni Mama na mag madre ako? Ang pangarap namin?
Pinukpok ko ang sariling ulo dahil sa pag iisip ng negatibo.
“May problema ba, Celestine?” napatalon ako sa gulat nang marinig kong binanggit ang aking pangalan ni Maestra Prima. Pansin ko na nakatingin ang lahat sa akin kung kaya’t mabilis akong umiling.
Lumipat ang tingin niya sa mga serbidora. “Maghanda na, babalik ako mga ilang oras upang tikman ang mga niluto ninyo.” Aniya.
SA aking harapan, ang mga sangkap na aking napili. Si Claire ang nagbabantay sa akin.Tahimik siyang nakaupo lamang sa aking likuran at hinihintay akong may tatanungin sa kanya. Siguro ang itatanong ko lang kung paano gamitin ang pang luto at mga iba pang modernong kagamitan.
Kinuha ko ang karne ng baka atsaka ito timiplahan bago ko nilagay sa oven. Plano ko ring magluto ng adobong manok na ginataan.
Hindi ko alam kung magkapareho ng panlasa si Oier at si Yael, dahil hindi ko alam ang iluluto kay Oier, ang paborito ni Yael ang aking ihahanda. Kinuha ko rin ang Juicer at ang mga nahiwang pipino at lemon. Imbes na asukal ang ilalagay mas pinili ko ang honey. Naghanda rin ako ng maiinom para sa kanya.
“Mukhang ang sarap niyan, Ms. Celestine.” Puri ni Claire sa aking likuran. Napangiti ako at sandaling bumaling sa kanya. “Amoy pa lang, sobrang bango na.” pumikit siya at nilanghap ang amoy ng pagkaing niluluto na humalo sa hangin.
“Bolera ka rin ano,”
“Totoo po!” napatingin siya sa itaas at ngumuso, “Ano kaya ang nangyayari sa ibang silid? Duda ko nahihirapan ngayon ang mga serbidora. Mabuti na lang at marunong po kayong magluto.” Puri niya at umangat ang dulo ng kanyang labi. “Chill chil lang ako rito, kakain kung may bahagi rin ako sa mga niluluto mo po.” Aniya at tinaas baba ang kanyang kilay.
“Kung may matitira sa’yo, o…” napag isip isip ako nang malalim. “O kung hindi magugustuhan ng kakain.” Negatibo ang aking mga sinabi pero bakas doon ang saya at pagtanggap.
“Nako! Imposibleng hindi magugustuhan ni Sir Oier iyan!” aniya.
Hindi na ako tumugon at itinuon na lamang ang atensyon sa aking niluluto. Napatingin ako sa kawalan habang hinahalo ang mga sangkap sa mga piraso ng manok. Bahala na kung ano ang magiging resulta.
***
MATAPOS ang pagluluto, ang mga binibining kalahok ay pinalabas sa kanya kanyang mga silid. Inalis ni Celestine ang nakakawit na apron at minasahe ang sariling batok nang tumungo na sa kanyang kwarto.
“Tapos ka na, Celestine?” tanong ni Carmen nang magkasalubong sila ni Celestine. Matamis na ngumiti at tumango naman si Celestine. “Hindi ko na tatanungin kung ano ang niluto mo, sigurado naman ako na ikaw ang unang mapipili.” nakangiting saad ni Carmen.
“Salamat pero hindi ko alam kung magugustuhan ng titikim,” tugon naman ni Celestine.
Pinagkibit balikat na lang iyon ni Carmen at mahinang humalakhak, “Who knows,”
Habang nag uusap sina Celestine at Carmen, sikreto namang pumanhik si Miko sa silid na pinaglutuan ni Celestine nang nagbigay senyas si Penelope sa kanya na ito na ang tamang oras. Napansin naman ni Yael ang kaduda dudang kilos ni Miko nang tumungo siya sa ikalawang palapag upang bisitahin si Celestine sa kwarto nito.
Inihanda ni Miko ang sangkap pampapakla sa kanyang bulsa at dahan dahang binuksan ang dirty Kitchen. Nang masigurong walang tao, pumasok siya nang tuluyan. Hindi niya namalayan na nanatiling nakauwang ang pinto nang tumungo siya sa mga nakahandang pagkain sa itaas ng tray.
“Sorry, Celestine…” mahina niyang utas at akmang ibubuhos ang sangkap pampapakla nang mabitawan ito dahil sa biglaang pag hawak ng isang matigas na kamay sa kanyang pulso.
Napalingon siya at napauwang sa gulat ang kanyang labi nang makita ang kunot noong mukha ni Yael.
“Makakarating ‘to kay Maestra...”