Hindi ko alam kung saan humuhugot ng kakapalan ng mukha si Caitlyn at nagawa niya pa talagang maki-share ng table sa amin. At ang hindi ko rin naman maintindihan ay bakit dito pa sila kakain gayong marami namang restaurant sa resort ni Ivo. “Mabuti na lang at napansin ko kayo, kung hindi ay baka malipasan itong aking paglilihi,” sambit ni Caitlyn kahit na wala namang nagtatanong sa kan’ya. Pakiramdam ko ay may kung anong bumara sa dibdib ko nang dahil sa sinabi niya. Naglilihi? Kung ganoon ba ay buntis na siya at kaya rin dito niya gustong kumain ay naglilihi na siya sa anak nila. Marahan akong bumuntong hininga at pinilit na lamang kumain kahit na nawalan naman na ako ng gana ng dahil sa presensya nilang dalawa. Mukhang napansin ni Argus ang kawalan ko ng gana dahil sa panghihina ko.

