DALI-DALING lumabas si Helena ng bahay, bitbit ang lumang backpack na iniwan sa kanya ng kanyang ina—ang tanging bagay na mayroon siya mula rito. Sa kanyang pag-alis, maghahanap siya ng trabaho at inihanda ang sarili para sa hindi na pagbabalik sa bahay na kinalakihan niya.
"Helena, itong five hundred lang talaga ang mapapabaon ko sa'yo," ani ng kanyang tiyahin habang binubugahan siya ng sigarilyo.
"Salamat po, Tita," sabi ni Helena habang tinatanggap ang pera na agad hinablot ng asawa ni Tita.
"Ano 'to? Bakit mo binibigyan ang batang 'yan ng ganitong halaga ng pera?" Pinasadahan ni Tito ng tingin si Helena habang nilulukot ang five hundred na hinablot mula sa kanyang kamay.
Lumunok si Helena at napagtantong hindi para sa kanya ang perang iyon. Ngayong umangal na si Tito, malabong makuha pa niya iyon.
"Tita, salamat na lang po—"
"Umalis ka na nga lang, Helena! Pabigat ka lang dito!" Sigaw ni Tito sa kanya.
Nahihiya at naaawa angbkanyang Auntie sa kanya habang tinitingnan si Helena. Kung normal na araw ito, baka nasagot na ni Helena ang kanyang Tito. Ngunit hindi ito normal na araw. Ito ang araw na aalis siya sa bahay na kinalakihan niya. Narito ang mga alaala nila ni mama noon. Kahit puno ng mapapait na alaala, hindi niya makakalimutan ang mga magaganda at simpleng alaala na hatid nito.
"Naku, Helena! Pasensya ka na, ah?" Mangiyak-ngiyak na sabi ng kanyang Tita. "Kung sana ay pwede kitang patirahin dito—"
"Mama! Paalisin niyo na ho si Helena! Patay na naman po si Tita. Marunong naman 'yan magtrabaho kaya 'wag niyo nang patagilin!" Sigaw ng pinsan niyang si Trisha.
"Nako, okay lang po, Tita! May pera pa naman ako dito. Sige na po, aalis na po ako!" Sabi naman ni Helena.
Tumango si Tita at inupos ang sigarilyo. "Mag-ingat ka, Helena." May bahid ng pagsisisi sa kanyang boses.
Ngumiti si Helena, tumango, at tinalikuran siya.
Humakbang siya sa medyo maputik na daanan nila. Tuwing umuulan kasi ay nagiging putik ito. Kanina ay umulan kaya ganito ang daanan ngayon. Kitang-kita niya ang bawat putik na dumidikit sa lumang sapatos niya. Lalabhan niya ito sa oras na makakakita na siya ng matutuluyan. Sa ngayon, pagkakasyahin niya muna ang isang libo niya sa paghahanap ng trabaho at matutuluyan.
Sumakay siya ng dyip upang magtungo sa mga lugar na maaari niyang pag-aplayan ng trabaho. Nakita niya sa dyaryo ang mga tindahang nangangailangan ng iba't ibang posisyon.
Kumatok siya sa isang opisina. Ayon sa dyaryong nabasa niya, kailangan daw nila ng sekretarya. Sa kasamaang palad, hanggang sekretarya lang ang ma-aapplyan niya. High school lang ang tinapos niya at ang mga subjects niya noon ay tungkol sa computer. Ang pagiging sekretarya o kahit saleslady sa isang ticketing office ay tama lang sa kanyang pinag-aralan.
Pinasadahan siya ng tingin ng security guard. Tinitigan nito ang maputik niyang sapatos at ang damit niyang inaayos niya agad ang mga gusot.
"Anong kailangan mo, miss?" Ngumisi siya sa kanya.
Ibinalandra ni Helena sa harap niya ang dyaryo. "Nakita ko po sa dyaryo na kailangan niyo raw ng—"
Pinutol na siya ng babaeng naka-pantalon at may I.D sa ticketing office na iyon. Ngumunguya ito ng takoyaki at pinasadahan siya ng tingin. "Walang hiring dito, miss. Doon ka na lang kaya sa club?"
"Ah? Pero sabi kasi dito sa—"
"Miss, ang sabi ko, wala nga. Kahapon nakakuha na kami ng isa kaya doon ka na sa club! Sige na at madudumihan lang ang sahig namin dito! Lumayas ka na!"
Padabog na sinarado ng babae ang pintuan ng ticketing office. Bumuntong hininga si Helena at tumingin sa sarili. Siguro ay huhugasan niya na lang muna ang sapatos niya at magpapalit ng mas pormal na damit.
Naghanap siya ng pampublikong CR. Tiniis niya ang baho sa loob para lang maging maayos ang kanyang sarili. Tinanggal niya ang t-shirt niya at nagpalit ng blouse na hindi kumportable ngunit pormal. Pinalitan din niya ang pantalon niya ng mas maayos at walang putik.
Kung hindi siya makakahanap ng trabaho hanggang alas-tres ng hapon, maghahanap na siya ng matutuluyan para mamayang gabi. Ngunit paano kung hindi siya makakahanap ng matutuluyan? Maghahanap na ba siya ng parke? Sa Quiapo church? Saan siya matutulog?
Umiling siya at inisip na may isang libong piso siya. Siguro ay makakahanap siya ng matutuluyan. Baka may magpapatuloy sa kanya, isang apartment o isang hotel sa halagang 500 pesos?
Nagpatuloy siya sa paghahanap ng trabaho. Sinubukan niya ang mga restaurant na direktang mag-aalok sa kanya sa isang malaking kumpanya. Pangatlong restaurant na ito sa araw na ito. Manager ang palaging kumakausap sa kanya habang tinuturo ang malaking building sa malayo.
"Miss, wala po kaming hiring dito ngayon. Ang mabuti pa, doon ka mag-apply sa Montenegro Group of Companies dahil mas hiring doon ngayon. May job fair pa nga!" Sabi ng Manager.
Tinitigan ni Helena ang rooftop ng napakalaking gusaling iyon sa malayo. Matayog iyon at pakiramdam niya ay hindi siya matatanggap doon.
"Tatanggap po ba sila ng high school graduate?"
"Aba, miss, high school graduate ang hanap nila!"
Napangiwi si Helena sa sinabi ng manager. Hindi niya alam kung totoo iyon o binobola lang siya nito para makaalis na siya sa kanila. Ganunpaman, tumango na lang siya. Wala na siyang choice.
“Maraming salamat po,” sabi ni Helena habang tinitingnan ang mga kumakain ng malulutong na lechon. Napagtanto niyang ala-una na pala at wala pa siyang almusal o tanghalian.
Tumingala siya sa menu ng restaurant upang tingnan ang presyo ng mga pagkain. Sa huli, nagdesisyon siyang umalis na lang.
Bumili siya ng pandesal mula sa nagtitinda sa labas at nagsimulang maglakad patungo sa building na sinasabi ng mga manager kanina. Habang naglalakad at kumakain, ramdam pa rin ang gutom niya. “Kaya mo 'to, Helena! Mamaya, kapag may trabaho na ako, kakain ako ng marami!” pangako niya sa sarili.
Hindi pa siya nakakaabot sa building nang mapansin niya ang isa pang restaurant na nangangailangan ng crew. Kinuha niya ang papel na nakapaskil sa pintuan at pumasok sa loob. Humalimuyak ang amoy ng lechon sa loob, at lalo pang kumalam ang sikmura niya. Pinilit niyang huwag tingnan ang mga plato ng mga kumakain at dumiretso sa loob.
“Nandito po ba ang Manager niyo?” tanong niya sa mukhang iritadong crew.
“Nasa loob siya,” sagot ng crew sabay turo sa isang pintuang may nakalagay na "Authorized Person Only."
Pumasok siya sa loob ng pintuan at inilahad ang kanyang resume. Pinapanood niya ang Manager na abala sa cellphone.
“O… Okay. Got it!” sabi ng lalaking Manager.
Sumulyap siya kay Helena ng dalawang beses na para bang nakakita ng multo. Binaba niya agad ang cellphone.
“Anong maipaglilingkod ko sa’yo, miss?” tanong ng Manager.
Ibinalandra ni Helena ang papel na nakapaskil sa pintuan. “Nakita ko po ito sa labas.”
Kinuha ng Manager ang resume niya.
“Kasi… pang-apat ko na ‘tong restaurant. May experience na po ako sa restaurant—”
“Walang hiring dito,” sagot ng Manager habang tinignan ang resume niya.
“Po? E, nakapaskil ‘to sa labas?”
Hinablot ng Manager ang papel at pinunit iyon sa harapan niya. “Wala dito. Sa Montenegro lang!” sabi niya.
Tumango si Helena. “Okay po. Salamat!”
Tumalikod siya ngunit hindi napigilan ang sarili na umirap. Kitang-kita niyang kailangan nila ng crew, kaya’t biglang walang hiring? Talagang malas na malas siya sa araw na iyon! Alas-dos na at ipinangako pa naman niya sa sarili na kapag alas-tres ay maghahanap na siya ng matutuluyan. Last shot na itong Montenegro company na ito. Kapag hindi siya nakahanap, bukas na lang ulit. Hindi siya susuko.