Madaling araw pa lang ay nagsimula nang mag-bake ng cookies si Mina para mamaya pagdating ni Drake ay may meryenda na sila agad. “Oh, anak, anong bine-bake mo?” Nagulantang siya nang biglang sumulpot ang nanay niya. “Sorry, anak, nagulat yata kita.” “Naku, ‘Nay, hindi naman po. Hindi ko lang po kasi namalayan na nandiyan po pala kayo.” “Anong oras darating si Drake?” “Hindi ko po alam, ‘Nay. Wala pong sinabi si Clint, basta ang sabi umaga raw niya ipahahatid,” sagot niya saka nilingon ang kanyang ina. Naghahanda na rin itong magluto ng kanilang almusal. Tuwing umaga ay dalawa sila ng nanay niya ang magkatulong na magluto. “’Nay, tikman n’yo po ito. Bago kong recipe,” pagmamalaki niya sa kanyang ina at iniabot dito ang isang cookies. Kinuha nito iyon at kumagat. “Hmm…Anak, ang sarap.

