“Anak, ang aga pa gising ka na agad?” manghang tanong niya sa anak. Araw ng linggo at iyon ang araw na ipapasyal sila ni Clint sa Laguna.
“Ma, excited po kasi ako sa pupuntahan natin ngayon. ‘Di po ba alas siyete po tayo susunduin?”
“Oo, anak, pero alas singko palang. Kahit alas sais ka na sana gumising para may isang oras ka pang tulog. Baka antukin ka mamaya niyan.”
“Ayos lang po. Malayo po ba ang Laguna, ‘Ma?” tanong ulit ng anak niya. Talagang halata sa boses nito ang excitement.
“Depende, anak, kung saang parte sa Laguna tayo pupunta,” tugon niya. Tumatango-tango lang ito na parang nag-iisip. “Idlip ka muna ro’n, anak. Magluluto lang ako ng breakfast natin.”
“Hindi na po, ‘Ma. Tutulungan ko na lang po kayo maghanda ng breakfast,” anang kanyang anak at nagsimula ng tanggalan ng plastic ang mga hotdogs. Hindi na niya pinigilan ang anak na tulungan siya. Hinayaan na lang niya ito. Mamaya ay papaidlipin na lang niya ulit ito sa biyahe, tutal, may isang oras pa naman ang biyahe mula Manila hanggang Enchanted Kingdom sa Laguna.
Nagsangag siya ng kanin at nagluto pa ng itlog na may kasamang kamatis at sibuyas. Isa iyon sa paboritong pagkain ng kanyang anak tuwing umaga. Napapadami ang kain nito lalo na kapag sinahugan niya ng maraming sibuyas at kamatis.
“Hmmm…Nakakagutom ‘Ma! Ang bango po niyang niluluto niyong ulam!” bungad na sabi nito na pasinghot-singhot pa na wari’y inaamoy ang kanyang niluluto. Nakabalik na pala ito galing sa kuwarto nito. Inutusan niya kasi itong mauna na nang maligo bago kumain para mabilis silang makagayak mamaya. May katagalan kasi kung maligo ang anak niya.
“Maupo ka na riyan, sandali na lang ito. Maghahain na ako,” utos niya rito na agad namang tumalima sa utos niya. Siya namang pagsulpot ng nanay at tatay niya sa kusina.
“Oh, anak, anong oras daw ba kayo susunduin dito?” tanong ng kanyang nanay.
“Mga alas siyete raw po, ‘Nay,” tugon niya habang nagsasalin ng kanin sa isang bandehado.
“Naku, anak, maligo ka na, anong oras na, oh? Ako na riyan,” anang kanyang nanay na hinalinhinan na siya sa paghahanda ng lamesa at kinuha sa kanya ang bandehadong may laman ng kanin.
“Sige po, ‘Nay, salamat. Saglit lang po ako maliligo,” paalam niya sa ina saka mabilis na tinanggal ang kanyang apron saka pumanhik sa kanyang kuwarto upang maligo.
Mabilis ang bawat kilos niya. Mamaya na lang siya maliligo ng bongga pagkauwe nila galing Laguna. Wala na siyang oras. Kailangan pa niyang mag-ayos. Nang bigla siyang matigilan. Para saan at mag-aayos pa ako? paismid niyang bulong sa isip. Nagtungo siya sa closet at pumili ng kanyang susuotin. Simpleng jeans at isang puting blouse na medyo maluwag ang napili niya. Nagsuot siya ng sando sa loob para hindi makita ang panloob niyang suot na bra. Hindi niya rin ibinutones sa may bandang itaas ang kanyang blouse para kahit paano ay magandang tignan at bahagyang itinak-in sa harap. Binagayan niya rin ito ng isang puting rubber shoes. Konting pulbos lang ang nilagay niya sa mukha at manipis na lipstick. Hindi naman siya mahilig gumamit ng make up dahil kung tutuusin ay hindi na niya kailangan dahil natural na ang pagka-rosy cheeks ng kanyang pisngi. Ipinusod niya ang kanyang buhok nang paitaas dahil tiyak mainit doon.
Tapos na kumain ang anak niya nang lumabas na siya ng kwarto at tumungo sa kusina upang kumain. Tinignan niya ang orasan. May twenty minutes pa siya para kumain.
Hindi bale, konti lang naman ang kakainin niya dahil ayaw niyang magpakabusog, mahirap na baka sumuka siya pagsumakay sila ng rides sa Enchanted Kingdom.
Eksaktong alas siyete ay may bumusina na sa labas ng bahay nila. Excited na tumakbo palabas ang anak niya. “’Tay, ‘Nay, alis na po kami. Pakisabi na lang po kay Mela siya na po bahala sa coffee shop, ha?”
“Oo, anak. Mag-enjoy kayo ro’n,” ang nanay niya ang sumagot. Ang tatay niya naman ay tahimik lang na nakamasid sa kanila pero kakikitaan ito nang kakaibang pahiwatig sa mga mata nito.
“’Nak, enjoy,” ani nito na may ngiti sa mga labi ngunit may ibang pagkislap ang mga mata. At alam na alam niya kung ano iyon.
“Opo, ‘Tay. ‘Yang ngiti n’yo, ‘Tay, ah? Kakaiba,” sita niya dahil pangiti-ngiti na naman ito sa kanya bago siya nagtungo sa may pintuan.
“Masaya lang ako, ‘Nak.” Dahil sa sinabi ng kanyang ama ay napangiti na rin siya. Matagal na nitong sinasabi sa kanya na mag-asawa na rin siya para may tumayong ama si JB pero sa tuwina ay lagi niyang sinasabi na wala pa siyang napupusuan. Hanggang sa wala nang gustong manligaw sa kanya dahil hindi pa man nakakapagsimulang manligaw ay basted na agad sa kanya.
“Goodmorning po, Sir!” Hindi niya namalayan na lumabas pala ng sasakyan si Clint upang magbigay-galang sa kanyang tatay. Kumaway naman ang tatay niya rito.
“Magandang umaga rin sa’yo, hijo,” ganting bati ng tatay niya.
“Alis na po kami,” pamamaalam nito sa kanyang ama saka siya sinalubong at pinagbuksan ng pintuan ng sasakyan.
“Ano ‘yan dala mo?” tanong nito na halata ang pagtataka sa mukha nang mapansin ang bitbit niyang paper bag. “Meryenda. Just in case na magutom ang mga bata.”
“Hindi ka na sana nag-abala. Puwede naman tayo bumili na lang sana,” saad nito habang kinukuha sa kamay niya ang mga hawak niya.
“Naku, siya pang gastos,” nakaismid niyang sambit na bahagya nitong ikinatawa.
“Ba’t natawa ka?”
“Wala. Naisip ko kasi na ‘Miss wais’ ka pala.”
“Oo. Kaya dapat masanay ka na ‘pag kasama mo ako.” Natigilan siya sa huling tinuran. ‘Pag kasama mo ako? Ano ‘yon? Expectorant ang gaga. Umaasa ka na may susunod pa? sita ng kabilang isip niya. Lihim siyang napanguso at napasimangot.
“I will,” nanumpa pa ito nang sabihin iyon kaya bahagya rin siyang natawa sa gesture nito.
“’Tay, alis na po kami,” paalam niya ulit nang matanaw na hinihintay sila nito hanggang makaalis.
“Sige po,” paalam din ni Clint sa tatay niya.
“Ingat sa pagda-drive, hijo,” pahabol na habilin naman ng tatay niya kay Clint na kumaway naman ang huli.
Habang-daan ay maingay na naman ang dalawang bata tulad ng dati. Isang araw lang na hindi nagkita ay parang isang taon ng hindi nagkita kung magkumustahan.
“Dad, malayo ba ang biyahe natin?” mayamaya ay tanong ni Drake sa ama.
“Hmmm…An hour, baby.”
“Okay, Dad,” humihikab na tanong nito sa ama. Halatang inaantok pa ito.
“Kids, idlip muna kayo habang nasa biyahe. Para kahit paano may enerhiya kayo mamaya,” sabi niya sa mga bata. Malayo-layo pa naman ang biyahe nila kaya makaka-idlip pa ang mga ito. Lalo na’t maaga nagising ang anak niya.
“Ang aga nagising ni Drake sa sobrang excitement,” ani Clint.
“Naku, pareho sila ni JB. Sobrang excited. Feeling ko nga hindi na ‘yan natulog kakaisip sa pupuntahan natin ngayon.” Napapailing ito habang ngingiti-ngiti pagkarinig sa sinabi niya.
Mayamaya pa ay tumahimik na ang dalawang batang nakaupo sa likuran nila. Hudyat na nakaidlip na ang mga ito. Tumingin siya sa relo niya. Mag-aalas otso na nang umaga. Wala silang imikan ni Clint habang nagmamaneho ito. Wala rin naman siyang maapuhap na puwedeng buksan na usapan kaya tinutok na lang din niya ang paningin sa harap o hindi kaya’y tinitingnan niya ang bawat gusaling nadadaanan nila.
Hanggang sa hindi niya namalayan ay unti-unti na rin siyang hinila ng antok.
“Mina, wake up. We’re here,” nagising siya sa isang mahinang tapik sa kanyang balikat. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay nagulat siya dahil tumambad sa harapan niya ang entrance ng Enchanted Kingdom.
“Oh, God!” bulalas niya at agad inayos ang sarili. “I’m sorry, nakatulog pala ako.”
“It’s okay. Saka okay na rin iyon para nakapagpahinga ka.”
Nang bigla niyang maalala ang dalawang bata. Lumingon siya sa likod pero wala na ang mga ito roon. “Nasaan ang mga bata?”
“They’re outside. Sayang hindi mo nakita ang reaction nila nang makita nila na sa Echanted Kingdom natin sila ipapasyal.” She saw an amusement in his face when he said that.
Tinampal niya ito sa braso at saka sumimangot. “You’re so unfair! Bakit hindi mo ako ginising?”
“Ang sarap ng tulog mo, eh. And JB told me, you woke up early this morning just to prepared some snacks for us,” anito habang hinahaplos ang tinampal niyang braso nito. Na-carried away siya at bigla na lang niya itong natampal sa braso. Mabuti na lang at hindi ganoon kalakas. Mabigat pa man din ang kamay niya kapag namalo.
“Ilang oras ba akong nakatulog? At anong oras na ba?” sunod-sunod na tanong niya.
“One and half hour.” Nanlaki ang mga mata niya at agad napatingin sa relo niya.
“Alas diyes y medya na?!” gulat na sambit niya. Tumango lang ito sa kanya. Hindi siya makapaniwala na ganoon kahabang oras siya nakatulog, ang akala niya ay saglit lang siyang nakaidlip.
“That’s why I need to wake you up, sleeping beauty,” anito na may nakapagkit na nakakalokong ngiti sa mga labi. “We need to go inside now.”
“Bakit kasi hindi mo ako ginising, eh,” anya na umaktong nagtatampo. Saka mabilis na inayos ang sarili at tinignan sa salamin kung may dinaanan pa ng laway ang mga labi niya. Nakakahiya kung sakali. Ngunit sa kabila ng pagmamadali niya ay bigla niya naalala kung kumain na ba ang mga ito lalo na ang dalawang bata. “Baka nagugutom ang mga bata, kumain muna sila bago tayo pumasok.”
“Tapos na sila. Tayo na lang hindi pa,” naaaliw na sambit nito habang nakamasid ito sa kanya. Nailang tuloy siya habang naglalagay ng konting lip balm sa labi. “Para ka palang mantika kung matulog? Sa ingay ng dalawa kanina, ni hindi ka man lang nagising?”
Namilog ang mga mata niya pagkarinig sa sinabi nito. “Nakakahiya,” anya rito na bahagyang tumalikod at tinakpan ang mukha. Nag-init kasi ang pakiramdam niya kaya tiyak na namumula na ang pisngi niya sa hiya. Nalaman tuloy nito na ganoon siya matulog—parang mantika. Kaya nga tuwing umaga ay hindi puwede na wala siyang alarm clock dahil tiyak na hindi siya magigising on time lalo na pagpagod at puyat siya.
“Nah. It’s nothing. Ang cute nga eh,” anito ngunit halos hindi naman niya narinig ang huling sinabi nito. Ngunit kakikitaan pa rin ito ng amusement sa mukha.
“Ha? Ano?” tanong niya. Gusto niya ipaulit ang huling sinabi nito dahil hindi malinaw sa pandinig niya. Hindi niya alam kung sinadya nitong hindi iparinig o talagang mahina lang ang pagkakasabi nito.
“Wala ang sabi ko ang cute mo habang natutulog.”
“Hmp! ‘Yan ba talaga ang sinabi mo? Baka naman sinasabi mo na humihilik ako habang natutulog kaya ka natutuwa at pinagtatawanan mo ako ngayon?” naghihinampong turan niya. At pilit pinagtatakpan ang hiyang nararamdaman.
“Of course not! Honestly, I loved it.”
“That I was snoring while I’m sleeping?” nanlalaki ang mga matang tanong niya rito kahit sa kaloob-looban niya ay nginingit-ngit na siya nang sobrang hiya. Na ikinatawa naman nito dahil sa naging reaction niya.
“Both,” naaaliw na sagot nito at mabilis lumayo sa kanya nang akmang tatampalin niya sana ulit ito.
“Tita, Dad? Aren’t we going in?” Sabay pa silang napatingin kay Drake nang magsalita ito na siyang ikinatigil nila sa pag-aasaran.
“Ang tagal kasi ng Tita Mina mo mag-ayos,” paninisi nito sa kanya na ikinalaki ulit ng mga mata niya.
“I’m sorry, baby. Hindi kasi ako ginising ng daddy mo, eh,” anya sa bata na animo nagsusumbong upang idepensa ang sarili sa sinabi ng ama nito.
“Ang sarap kasi ng tulog mo, Ma, kaya hindi ka na namin ginising,” sabat naman ng anak niya na nakatayo sa tabi ni Drake.
Si Clint na nakamasid lang sa kanila ay nagkibit-balikat habang nangingiti. At sa facial expression nito ay parang gusto nitong sabihin na ‘I told you so’.
“So, are you ready? Let’s go?” kapagkuwan ay yaya ni Clint sa kanila nang makita siyang tapos na siyang mag-ayos.
“Teka, kukunin ko lang ‘yong pamalit na damit ni JB,” anya saka kinuha ang bag na naglalaman ng mga damit ng anak. “Si Drake ba kinuhanan mo ng pamalit?”
“Yup,” anito na itinaas pa ang dalang bag sa kanya.
“Okay then, let’s go?” yakag niya. Nang biglang maalala niya ang ticket nila. “Wala pa pala tayong ticket.”
“Nakabili na ako kanina habang tulog ka,” anito na itinaas ang hawak nitong mga ticket nila. Hindi niya napansin iyon kanina.
“Okay,” tanging nasabi na lang niya saka hinawakan ang dalawang bata para pumila sa entrance.
“Let me take your bag,” ani ni Clint at kinuha sa kanya ang kanyang bag na naglalaman ng damit at pamunas ni JB.