Zaina Jhin
Kalahating oras na rin ang nakalipas matapos tumila ang malakas na ulan. Laganap na ang dilim at panay mga ilaw na galing sa ibat ibang sasakyan ang siyang makikita sa magkabilang side ng daan. Gabi na ngunit may mga tao parin sa labas na animo ay pang karaniwang oras lamang. Bawat isa sa kanila ay kay bibilis ng kilos, ang ilan ay pauwe na sa kani kanilang mga tahanan habang ang ilan ay papasok pa lamang sa kanilang mga trabaho.
Isang taon mahigit na ang nakakalipas nang muli kong maranasan ang buhay dito sa Maynila. Malayong malayo sa buhay sa probinsya ang bagong buhay namin dito. Lahat ay kailangang bilin, lahat ay kailangang bayaran. Kung hindi ka magsisikap at magtitipad, hindi magiging magaan kahit paano ang buhay mo.
Napakurap kurap ako matapos kong maalala na gabi na nga pala at ilang oras na rin akong nawala sa amin. Baka nagwawala na naman ang tatay at sila nanay na naman ang sumasalo ng init ng ulo non, kawawa na naman sila. Agad akong napatayo mula sa pagkakasalampak ko dito sa gilid ng daan ngunit mabilis din ang naging pagbagsak ko dahil sa p*******t ng binti ko. Marahil ay nangawit ito sa matagal na pagkakaupo kayat heto nahihirapan akong tumayo ng maayos. Minasahe ko ng dahan dahan ang mga binti at paa ko saka ko muling sinubukan tumayo. Nang matagumpay kong naitayo ang mga paa ko ay saka ko sinikap na ihakbang ng dahan dahan hanggang sa nakuha ko nang muli ang tamang paggalaw ng mga binti ko. Naging mabilis nag bawat hakbang ko, nagmamadali habang kinakabahan. Kailangan ko nang makauwe agad dahil walang kakampi si nanay.
“Anak Diyos ko, buti nakauwe kana. Basang basa ka, halika magpalit kana,” lumuluhang sambit ni nanay. Nakaramdam ako ng kunsensya dahil sa ginawa ko. Masyado akong nagfocus sa sama ng loob ko kay tatay, nakalimutan kong may nanay at mga kapatid ako na kailangan ng tulong at proteksyon.
“Pasensya kana anak, hindi kita nagawang sundan walang maiiwan sa mga kapatid mo, baka sila ang pagbuntunan ng inis ng tatay mo,” tuloy tuloy na wika ni nanay habang binabalot ako ng twalya. Muli ay nakaramdam ako ng inis dahil sa ama kong lasinggero.
“Nasan na po siya?” tanong ko habang nililibot ng paningin ko ang bahay na puno ng kalat.
May mga balat ng chichirya sa lapag, bote ng Gin at isang pistil na puro yelo na lamang ang laman. Basa din ang sahig gawa ng yelo na naiwan lamang sa baba. Nang mabaling sa lababo ay nakita ko ang tambak na hugasin na kasalukuyan namang hinihugasan ni Faye. Ang ilang mga kapatid ko ay nasa sulok lamang at madudungis pa. Tahimik lamang silang nakatingin sa amin na batid kong natakot na naman kay tatay. Nagtagis ang mga panga ko dahil sa inis, anong klaseng ama ang meron kami. Ano ba ang nangyayari kay tatay, hindi naman siya dating ganito.
“Nasa kwarto na anak, natutulog na,” wika ni nanay habang nagdadampot ng mga kalat.
Nilapitan ko si nanay upang ako na ang magligpit. Ngunit hindi ko inaasahan na may isang bagay akong makikita na siyang magpapakulo sa dugo ko.
“Nay ano yan?” takang tanong ko nang makita ang pasa sa palapulsuhan niya.
“Wala to anak, sige na kumain kana don,” wika nito saka tumayo at kinuha sina James at Josh at dinala sa banyo upang linisin.
“Si Tatay ate, naghihilahan sila ni nanay kanina, ang higpit ng hawak niya kay nanay,” Napatingin ako sa kapatid kong si Faye na tumigil pa sa paghuhugas ng pinggan upang makaharap ako.
Napakuyom ako ng kamay, sinasabi ko na nga ba, siya na naman ang may kagagawan. Si tatay lang naman ang nananakit kay nanay.
“Anong ginawa sayo Nay?” inis kong tanong matapos ko itong sundan sa banyo.
“Alam mo naman ang Tatay mo kapag lasing na nagwawala. Inaawat kong maghamon ng away dyan sa labas, ayun ako ang napagbuntunan, napahigpit ang hawak sa kamay ko,”
Napabuntong hininga ako dahil sa inis. Kung kaya ko lamang na labanan si Tatay ay gagawin ko, ngunit paano? Bago pa ako makakilos ay malawang natamaan na ako ng malaki niyang kamay.
“Sa susunod po hayaan niyo na lang siya sa gusto niya, para hindi na kayo nasasaktan,” wika ko saka pinagpatuloy ang pagliligpit ng mga kalat.
“Hindi ko naman pwedeng pabayaan ang Tatay mo anak, baka mapahawak alam mo naman ang mga tao dito sa Maynila,”wika ni nanay.
Napailing na lamang ako at hindi na kumibo, ayaw ko nang makipagtalo ko nanay. Nakakainis lang na buti pa si nanay inaalala siya samantalang si tatay tila tuluyan nang nawalan ng pakialam sa amin. Masyado niyang sinisira ang buhay niya at buhay namin dahil lang sa pangungulila kay Inang. Lahat naman kami ay nangungulila ngunit hindi sa ganitong paraan.
Matapos magligpit ay nag latag na ako ng higaan naming magkakapatid. Sina nanay at tatay kasama sina Josh at James kase sa kwarto natutulog habang kaming tatlong magkakapatid na babae ang nandito sa sala ng apartment.
“Sige na ate kumain kana, kaya na namin ni Vina maglinis ng katawan,” wika ni Faye habang hawak si Vina. Napangiti ako at saka ako tumango.
“Sige maglinis na kayo tapos matulog na ha, ako na ang bahala dito,” wika ko na agad namang sinunod nila Faye.
Nakangiti akong sinundan ang dalawa kong kapatid hanggang sa makapasok sa banyo. Ako naman ay pumasok na sa kwarto upang ihanda naman ang damit nilang dalawa. Napatingin ako kay tatay na nahihimbing na ang tulog, maging sa dalawa kong kapatid na lalaki na natutulog na din.
“Anak naidlip pala ako,” wika ni nanay saka akmang tatayo pa.
“Sige na Nay matulog kana po, tapos na kami mag ayos, magpahinga kana po,” wika ko saka pinagpatuloy ang pagkuha ng damit.
Nakatingin lang si nanay sa akin saka maya maya ay bumalik sa pagkakahiga.
“Salamat anak,” nakangiti nitong sambit saka yumakap sa dalawa kong kapatid.
Lumabas na ako sa kwarto at hindi naman nagtagal ay natapos na sa paglilinis ang dalawa kong kapatid na babae. Kumain lang ako saglit saka naghugas ng pinagkainin ko. Kinuha ko na ang twalya upang maligo dahil nakalimutan ko na palang basa ako, medyo natuyo na tuloy ang damit ko. Matapos maligo ay sinigurado ko lamang na nakalocked nang mabuti ang pinto namin at mga bintana bago tumabi ng higa sa mga kapatid ko.
Bago tuluyang nahiga ay pinagmasdan ko muna ang mga kapatid kong mahimbing nang natutulog. Tatayo sana ako upang kumutan sila ngunit bigla ay tila nahilo ako kayat napahawak ako sa aking ulo. Noong ko nalaman na medyo mainit ko at sumasakit din ng bahagya ang ulo ko. May sinat ako, marahil ay dahil sa pagkakabasa ko sa ulan.
May pasok pa bukas kailangan makainom ako ng gamot, hindi maaaring magkasakit ako sapagkat ayaw kong lumiban sa klase. Bawat araw ay mahalaga dahil panibagong kaalaman ang ituturo sa eskwelahan kayat nararapat na makapasok ako.
Tumayo na ako upang kumuha ng gamot sa lagayan ni nanay. Nagtungo ako sa aming maliit na kusina saka kumuha ng plastic na baso at sinalinan ng tubig. Ininom ko ang gamot saka dinamihan ang pag inom ng tubig. Isa sa natutunan ko sa school na mainam daw ang pag inom ng maraming tubig dahil nakakatulong iyon sa katawan natin.
Muli akong bumalik sa higaan namin saka kinuha ang bag ko at inilabas ang notebook ko. Wala naman na akong takdang aralin dahil ginawa ko na sa school ngunit kailangan kong mag aral ng mga aralin namin. Nais kong kinabukasan ay natatandaan ko parin ang mga itinuro ng aming guro.
“Apo, magpapakabait ka. Mag aral kang mmabuti, wag na wag mong pababayaan ang mga kapatid mo, Ang nanay mo, palagi mo syang tulungan. Kawawa naman ang nanay mo, mahalin niyo siyang magkakapatid,”
Napahinto ako sa pagbabasa ng bigla ay tila narinig ko ang boses ni Inang. Ang mga salita at paalala niya sa akin noon hanggang ngayon ay malinaw parin sa aking alaala.
Muli kong binalik ang tingin ko sa mga kapatid ko, bahagya kong inayos ang kanilang kumot saka ko hinaplos ang kanilang mga ulo.
“Opo Inang, mag aaral akong mabuti para sa mga kapatid ko,” mahinang bulong ko.
“Wag kang mag aalala inang, hindi ko po sila pababayaan. Palagi ko ring tutulungan si Nanay, simula ngayon ako ang magiging lakas niya,” nakangiti kong sambit.
Saglit kong ipinikit ang mga mata ko, pakiramdam ko ay narito si inang at binabantayan ako. Sa tuwina ay dumadating siya upang paalalahanan ako sa mga bagay bagay. Nakakatuwa na hanggang nagyon ay nakaagapay parin sa amin si Inang.
Naramdaman kong bigla ay tumulo ang mga luha ko. Nang idilat ko ang mga mata ko ay nagsunod sunod na ang pagtulo ng luha ko. Sinikap kong wag gumawa ng ingay ang aking pag iyak dahil baka marinig nila at magising sila. Hindi ko nais na ipakitang umiiyak ako at nasasaktan. Ngunit sa tuwina ay bumabalik sa akin ang magkawala ni inang. Ang mga alaala na kasama siya.
Sinisikap ko naman na maging matatag at subukang tanggapin kahit paunti unti na wala na si Inang subalit mahirap pala talagang gamutin ang sugat na pault ulit nananariwa. Kung may magagawa nga lang ako upang tuluyan nang magamot ang sugat na ito ay gagawin ko. Hindi ko rin nais na habang buhay na malugmot sa pangungulila ko kay inang.
“Panginoon ko, gabayan mo po ako,” mahinang usal ko bago tuluyang bumagsak ang talukap ng aking mga mata.
Kinabukasan ay maaga akong pumasok dahil mag pepresent ako ng aking project sa subject naming Mapeh. Nung isang araw ay natapos ko na iyon subalit kaninang madaling araw ay nagulat ako na may dumi iyon. Mukang nabasa dahil sa baso at boteng nabasag ni tatay kagabe.
Ang project namin ay tungkol sa art at naatasan kaming magpahayag ng kahit anong emotion sa pamamagitan ng art. Simpleng drawing lamang ang ginawa ko, may punong tuyot at may isang ibon na nakadapo habang naghihintay na muli itong magkaron ng bunga.
Nagkaroon ng mantsa sa gilid kaya heto at gumugupit ako ng mga colored paper na nilagyan ko ng design upang matakpan ang mga gilid na nadumihan. Nagsilbi iyong boarder na may design na rin. Hindi na nahalata ang mantsa dahil sa magandang design na nakahatak ng atensyon.
“Makikita na malungkot ang ibon habang nakadapo at nahihintay kung muli bang mabubuhay ang punong tuyot na at malapit nang mamatay. Parang buhay pag ibig, nakakalungkot ang maghintay ng maghintay kung alam mo sa sarili mo na may posibilidad na maaaring hindi mangyari ang inaasahan mo. Ang art na ito ay nagpapakita ng kalungkutan, subalit nagpapakita din ito ng pag asa, kung makikita nyo mayroon itong isang dahon, tandaan na kahit katiting na lang ang chance, hindi dapat mawalan ng pag asa,” mahabang paliwanag ko sa aking project sa harap ng mga kaklase ko. Nagpalakpakan naman sila matapos kong mag present kayat babalik na sana ko sa upuan ko ngunit biglang nagsalita ang kaklase ko.
“Ang ganda ng gawa mo pero ang lungkot niya. Nasaktan kana ba Zaina Jhin?” tanong ng kaklase kong lalaki.
“Ibig sabihin nagka-boyfriend kana Zaina?” tanong pa ng isa sa mga kamag aral ko.
Napangiti ako saka muli kong pinagmasdan ang gawa ko. Nang muli akong humarap sa kanila ay nakita ko ang mga mata ng bawat isa na naghihintay ng sasabihin ko.
“Hindi pa, pero may isang tao na nasaktan ko at nasaktan din ako dahil sa isang pangyayari na hindi inaasahan. Ngunit ang project kong ito ay hindi lang tungkol doon. Pag ibig at pag asa ang pinapakita nito, pag ibig na minsan ay hindi madaling makuha at patuloy na naghihintay kahit pa napakaliit na lamang ng chance. Pag asa, maaaring sa buhay ng tao o sa buhay pag ibig. Pag asa na nararapat lamang magkaroon ang bawat isa. Hindi dapat tayo nagpapadaig sa kalungkutan, dahil hanggat nabubuhay tayo ang pag asa ay nariyan lamang,”
Nagulat ako ng isang masigabong palakpakan ang ibinigay ng mga kaklase ko sa akin. Doon ko narealized ang mga sinabi ko, nakaramdam ako ng bahagyang hiya dahil hindi ko namalayan na naipahayag ko na pala ang damdaming tinatago ko. Ngunit masaya ako naintindihan at nagustuhan nila ang project ko.
Nakangiti akong bumalik sa upuan ko at habang ang mga kaklase ko ay patuloy sa pagpalakpak. Ang sarap pala sa pakiramdam, tila gaya lamang noong nasa probinsya ako.