“SA ITSURA mo na iyan, nakatitiyak akong malinaw mong narinig ang sinabi ko,” wika ni Luke. “Why don’t you tell me kung ano ang masasabi mo?” Lumipas ang ilang saglit na nanatili lang din siyang nakatingin dito. Hindi mahina ang pandinig niya. At sa tono ni Luke, sigurado siyang tama ang narinig niya. At hindi rin naman niya nalulon ang dila para hindi agad makapagsalita. Hindi nga lang niya gustong magbuka ng labi sapagkat tila naglalabo-labo pa ang reaksyon niya. “Isang malaking kalokohan iyan,” aniya pagkuwa. Napangiti si Luke. “I’ll take na ang sinabi ko ang tinutukoy mong kalokohan. At least hindi ako ang mismong pinagsabihan mo na naloloko na. And before you asked about it, ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo. Malinaw ang isip ko.”

