chapter 1
"You're fired."
Umalingawngaw sa apat na sulok ng opisina ni Mhilo Carson ang malamig at matigas na boses ng lalaking kasalukuyan nakaupo sa likuran ng nag-iisang mesang umukopa sa malaking espasyo ng silid. Kalmado man ang pagsasalita nito, pero malinaw ang awtoridad doon na walang sinumang pwedeng sumuway.
Nasa harapan nito ang isang empleyadong babae na parang tinulos sa kinatatayuan na tila ba nahihirapang tanggapin ang narinig mula sa CEO ng Carson Electronics.
Hindi umubra ang taglay nitong ganda na maaring nakakahalina sa ibang kalalakihan pero hindi sa kaharap na lalaki.
"S-Sir Mhilo—"
"Pack your things and leave quietly before I forget how to be nice," putol ng kausap nito sa akmang pag-apila.
May kung anong malamig na pakiramdam na lumukob sa babae habang pilit na inintindi kung saan napunta ang kilalang mabait at compassionate na CEO ng kompanya. Direkta siyang nagtatrabaho kay Mhilo Carson at sa ilang buwan niyang pagkakakilala rito ay ni minsan hindi pa ito naging ganito kalamig at nakakakaba kausap.
Si Mhilo Carson ay kilala bilang isang mabait at hinahangaang lider sa industriya— isang taong marunong makinig, may malasakit sa mga empleyado, at may matalas na pang-unawa sa negosyo. Ngunit sa sandaling ito, ibang-iba ang aura ng lalaki. Wala ang karaniwang maaliwalas na ngiti nitong laging nakahanda para sa lahat ng kaharap, sa halip ay malamig na titig at nakakaintimadang presensya ang taglay nito ngayon.
Parang tuksong sumagi bigla sa isipan ng babaeng empleyado ang mga naririnig niyang bulong-bulungan mula sa mga matatagal nang empleyado ng kompanya... ang kakambal ni Mhilo Carson na tila anino ng huli na pinangingilagan ng lahat na si Coco Carson. Ni minsan ay hindi pa niya nakaharap ang huli, kahit na sa mga malalaking event ng kompanya na dinadaluhan ng ibang mga Carson ay hindi niya nasilayan ang kakambal ng kanyang amo.
Pero bakit parang umaangkop sa description nito ang taong kaharap niya ngayon?
Ayon sa mga sabi-sabi ay parang pinagbiyak na bunga ang dalawang Carson. Kung hitsura ang pag-uusapan ay walang makapagsabi kung sino si Mhilo at sino si Coco maliban sa kanilang ina na si Madam Kaye Carson.
Magkamukha man sila, parang gabi at araw naman ang kaibahan ng mga personalidad ng kambal.
Si Mhilo, siya 'yung ideal guy sa paningin ng lahat—mabait, magalang, parang hindi kayang manakit ng kahit na sino. Sa mata ng publiko, siya 'yung perpektong anak at boss na gusto mong sundan at pagkatiwalaan.
Pero si Coco Carson? Hindi magaganda ang mga maririnig tungkol sa kanya. Pabulong nga kung pag-uusapan ang pangalan nito sa loob ng kompanya. Sinasabing tahimik ito pero mapanganib. Kung may kailangang gawin na hindi kayang gawin ni Mhilo na maaring ikasira ng imahe nito, ay si Coco Carson ang gumagawa. Wala itong pakialam sa nararamdaman ng iba at tinatagurian itong walang puso ng mga taong nalasap ang kalupitan nitong taglay.
Kung si Mhilo ang liwanag, si Coco ang aninong sumusunod sa kanya—lagi lang nasa likod na tila nag-aabang kung kailan nito kailangang kumilos upang dumihan ang sariling mga kamay.
At ang pinakaayaw ni Coco Carson ay ang mga babaeng tila desperadang makuha ang atensiyon ni Mhilo Carson. Bawat empleyadong babaeng nagtatrabaho sa kompanya ay iyon ang laging nagagawa malaking pagkakamaling, ang mahulog sa mabait na si Mhilo Carson.
"And correction..." mahina pero malinaw na pahayag ng lalaki na nagpabalik sa babae sa reyalidad. "I'm not my brother, I'm Coco." Sapat na ang tinging binigay niyang sa babae upang kumpirmahin ang mga pagdududang naisip nito.
Nawalan ng kulay ang mukha ng kawawang babae at tila para itong bubuway mula sa kinatatayuan. Nang pahinamad na kinumpas ni Coco Carson ang isang kamay ay napaigtad ang babae bago nagmamadaling lumabas ng opisina kahit na nanginginig ang mga binti dahil sa takot.
Kapag magtatagal pa siya kahit ng ilang segundo sa harapan ng kakambal ng kanyang amo ay tiyak hindi lang siya ang mamalasin kundi pati ang buo niyang pamilya lalo na at halos pag-aari ng mga Carson ang buong siyudad. Kahit sa ibang bansa ay umaabot ang koneksiyon at impluwensya ng pamilyang iyon kaya walang sinuman ang naglalakas loob na bumangga sa mga ito— lalo na kay Coco Carson.
Habang nagmamadaling naglalakd ang babae sa malawak na hallway ng gusaling pagmamay-ari ng magkakambal na Carson ay tila may ideya na ang ibang mga empleyado sa kung ano ang nangyari. Batay sa tila wala sa sariling hitsura ng dalagang empleyado at takot sa mga mata nito ay alam na ng lahat na nakaharap nito si Mhilo Carson.
Nakatanggap ng simpatiyang tingin ang babae mula sa iba, habang iyong ilan naman ay lihim itong pinagtatawanan. Hindi kasi sila nagkulang sa pagbibigay ng pangaral at payo rito tungkol sa pagkakagusto kay Mhilo Carson— kinapahamak iyon ng mga nauna sa kanya at ngayon inani na niya ang resulta ng katigasan ng ulo.
"Kawawa naman..."
"Ginusto niya iyan..."
"Lalaki tayo, huwag tayong tsismoso."
Kapansin-pansin na halos puro kalalakihan ang mga empleyado sa dalawampung palapag na gusaling headquarters ng Carson-Electronics.
Hindi na naririnig ng babae nag bulungan ng mga kasamahan sa trabaho dahil ang tanging mahalaga sa kanya ngayon ay ang makalabas ng gusali at makalayo sa tila nanunuligsang tingin ni Coco Carson na para bang sumusunod pa rin sa likuran niya.
========
Pagkasara ng pintuang nilabasan ng babaeng tila hinahabol ng demonyo sa pagmamadaling makaalis ay sumandal sa kinauupuan ang naiwang kausap at pinatong ang dalawang paa sa mesamg nasa harapan, hindi alintana ang ilang mga dokumento nadudumihan ng suot na sapatos.
Inabot nito ang isang folder na nasa mesa at binuklat. Bahagyang kumunot ang noo nito habang binabasa ang lamang mga papeles ng folder. Tuluyan nang nawaglit sa isipan nito ang ginawa kani-kanina lang sa kawawang empleyada at natuon na ang buong atensiyon sa binabasa.
Kagalang-galang man ang ayos nito mula sa suot na coat and tie hanggang sa slacks na kapares ay iba ang sinasabi ng combat boots nito sa paa. Kapansin-pansin na hindi iyon nababagay sa three-piece suits nito at malinis na postura pero nilalabas naman sa likas niyang kaangasan.
"Coco, ilang beses ko pang ipaalala sa'yo na hindi patungan ng marumi mong sapatos ang mesa ko." Mula sa kabilang pintuan ng opisina ay iniluwa ang isa pang lalaking kamukhang-kamukha no'ng nakaupo na kani-kanina lang ay may sinesanteng empleyado.
Hindi nag-angat ng tingin sa bagong dating si Coco at nagpatuloy lang sa ginagawang pagbabasa sa hawak na mga papeles.
"Coco..." pabuntonghiningang sambit ulit ng bagong dating sa pangalan ng kausap. "Isusumbong kita kay Mommy—"
"I heard you, Mhilo," pumapalatak nitong putol sa pananakot ng kakambal.
Pahinamad nitong ibinababa ang mg paa mula sa mesa bago pinaikot ang kinauupuang swivel chair paharap sa bagong dating.
"Bakit hindi ka dumiretso sa bahay?" tanong ni Mhilo sa kakambal. Humalukipkip pa ito habang matamang tinitigan ang kausap. "Gusto mo ba na palagi kang paalalahanan na kailangan ay hindi mo kalimutang mag-update kay Mommy Kikay 'pag nakauwi ka na." Halata sa ekspresyon sa mukha ni Mhilo ang pagkayamot sa kakambal.
"At ilang beses ko na rin bang ipaalala sa'yo na huwag ka nang mag-hire ng babaeng empleyado?" balewalang tugon ni Coco sa litaniya ni Mhilo. "Sa simula lang sila matino, lumuluwag na mga turnilyo nila kapag tumatagal." Iminuwestra pa nito ang tinutukoy gamit hintuturong pinaikot-ikot sa tapat ng sintido.
Napabuntonghininga si Mhilo at napahilot sa sariling noo dahil sa indikasyon ng pahayag ni Coco.
"So, may tinanggal ka na namang empleyado," naiiling nitong usal. Hindi na iyon tanong kundi ay statement. Sa tono pa lang ni Mhilo ay halatang hindi ito ang unang beses at lalong hindi ang magiging huli kapag magkakaroon na naman sila ng empleyadong babae. "Nag-iisang babae lang iyon sa sa hanay ng nga Chief of Staff ko."
"Bakit kasi kailangang may babae?" paingos na tanong ni Coco. "Kung gusto mo talaga ng babae ay kumuha ka no'ng senior citizen na para hindi ma-in-love sa'yo at tatanga-tanga sa bandang huli," iritable nitong dugtong.
"Gracia is good at her job," saad ni Mhilo.
"Gracia? Sino naman iyan?" matalim na tanong ni Coco. Kakatanggal niya lang sa isang babaeng empleyado at mukhang may panibago na namang nakikitang magaling itong kakambal niya.
"Si Gracia, iyong tinanggal mo," umikot ang mga matang sagot ni Mhico.
Agad napahinto ang akmang pagkulo ang dugo ni Coco dahil sa narinig.
"Akala ko bago na naman," umismid nitong usal bago binalik ang tingin sa binabasang papeles.
"Ano iyan?" usisa ni Mhilo sa binabasa ng kapatid. Hindi ugali ni Coco ang magkainteres sa mga transaksiyon dito sa kompanya pero mukhang may biglang kumuha sa interes nito.
Pagkarating niya kanina ay naabutan niya itong binabasa ang kung anong laman ng folder na hawak nito. Na-curious tuloy siya kung ano iyon.
Sa halip na sumagot ay binaba ni Coco ang binabasa at matamang tumitig sa kakambal. Hindi tuloy mapigilan ni Mhilo na kabahan dahil ngayon lang niya nakitang ganito kaseryoso si Coco.
"Tama bang tinanggap ko ang hininging favor sa'kin ni Lolo Felan?" seryoso nitong tanong.
Naguguluhan napakurap-kurap si Mhilo at hindi alam kung paano sagutin ang tanong ni Coco.
Kasalukuyang pinamumunuan ng nabanggit ni Coco ang Carson Empire. Si Felan Carson ang isa sa mga pinakamatatag na pangalan sa industriya—makapangyarihan, may koneksyon sa loob at labas ng bansa, at halos untouchable sa dami ng legal at underground assets na hawak. Kagagaling lang ni Coco sa Austramica kamakailan para dalawin ang matanda at personal na ihatid ang annual report ng ilang kompanyang nasa ilalim ng empire.
Sa antas ng Carson Empire, ang pagbibigay ng ulat ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng mga executive board o private channels. Kaya kung si Coco mismo ang pumunta, ibig sabihin ay mabigat at confidential ang dala nitong report at hindi basta-basta ipagkakatiwala sa kung sino-sino.
Hindi man si Coco ang prominenteng mukha ng kompanya pero malaki ang papel nito sa mga desisyong ginagawa sa likod na hindi inaabot ng press release o board meeting.