"Iyan ba lahat ang mga gamit mo?" nakangiting salubong sa'kin ni Don Lario pagkarating ko malapalasyo niyang bahay.
Mula sa namamanghang pagtingin-tingin sa paligid ay nabaling sa kanya ang atensiyon ko.
Bukana pa lang ng bahay niya ay parang lobby ng pinakamahal na hotel na minsan kong napuntahan.
Matamis kong nginitian si Don Lario bago pasimpleng tinapunan ng tingin ang mga tinutukoy niyang gamit na hinahakot ng mga kasambahay papasok.
"Meron pa po sa labas, Don Lario," magiliw kong sabi.
"Ate, dahan-dahan po. Pinaglibingan po ng pinakamatapang na datu ng silangan ang bangang iyan."
Mabilis kong nilapitan iyong katulong na may bitbit ng nasabing banga dahil bigla itong namutla sa sinabi ko. Bigla pang nanganib ang banga ko sa mga kamay nito.
"Pasensiya na po kayo, Don Lario," nahihiya kong baling dito. "Ayaw po kasi ni Nanay na ilagay sa bago naming bahay ang mga ito kaya isinama ko na lang po. Para ko na po kasing mga anak ang mga ito."
"So, you're into collecting jars," tumango-tango niyang saad at sinisilip ang ilang mga nasa malapit sa kinatatyuan niya.
"Opo. Ito po si Datu Mikon... daang taon na po ang edad ng bangang ito."
May pagmamalaki kong iminuwestra sa kanya ang bangang halos umabot na sa baywang ko ang taas at gawa magandang uri ng clay. Maganda ang desinyo nito na tatak ng tribong pinanggalingan nito.
"You have names for everyone?" parang naaaliw na tanong ni Don Lario.
Kimi akong tumango bilang sagot sa kanya.
"Nagdadala po ng swerte sa'kin ang mga ito kaya pinangalanan ko isa-isa," napakamot kong wika.
"I have a room for them in the third floor. Pwede mo sila roon ilagay."
"Nakakahiya naman po, pwede naman po sila sa magiging silid ko."
"Mas mabuting naroon sila dahil nakalaan talaga ang silid na iyon para sa antique collections ko."
Nagpalipat-lipat ako ng tingin kay Don Lario at sa pitong bangang nakahilera sa harapan namin.
"Pwede po kaya sila roon?" may pagdadalawang-isip kong tanong." Hindi po mamahalin ang mga iyan. Hindi ko nga alam kung legit na antique ang mga iyan. Nagustuhan ko lang talaga ang design nila," nahihiya kong dagdag.
Wala naman sigurong antique na nagkakahalaga ng humigit-kumulang limang daan. Pinakamahal yata sa mga ito ay Datu Mikon na umabot ng mahigit isang libo.
Noong nabili ko ito ay donyang-donya ang pakiramdam ko. Yayamanin ako bigla dahil nakabili ng mahal na banga.
"Clarita, ipahatid mo roon sa silid ng mga collection ko ang mga banga ni Lolita," utos ni Don Lario sa pinaghinalaan kong head ng mga katulong.
Nagkasya na lang ako sa panonood habang isa-isang binuhat ng mga katulong ang mga banga ko paakyat sa taas.
"Excuse me, Miss Lolita. Saan po namin ilalagay ito?"
Bitbit ng isa sa sumundo sa aking bodyguard ni Don Lario ang antique kong salaman na pinakaayaw ni Nanay.
"Sa kwarto ko po iyan," mabilis kong tugon.
"Sigurado ka, iha?"
Napanguso akong bumaling kay Don Lario dahil sa sinabi niya. Batay sa pagngiwi niya ay hindi niya nagustuhan ang desinyo ng salamin ko kahit na ayaw niyang ipahalata.
"Antique po iyan. Portal iyan papuntang kabilang mundo," seryoso kong pahayag.
Nang makita ko ang tila gulat sa mukha nito ay bigla akong bumunghalit ng tawa.
"Joke lang po iyong huli kong sinabi," mabilis kong dugtong sa sinabi. "Kahit po mukhang nakakatakot ang salamin na iyan ay maganda po ako sa repleksiyon niyan kaya dapat ay nasa kwarto ko iyan."
"Ihatid ni'yo iyan sa magiging silid niya," utos ni Don Lario sa may hawak ng salamin ko.
"Kumain ka na ba?"
Kasabay ng tanong ni Don Lario ay biglang pagtunog ng tiyan ko kaya ngumiti na lang ako dahil sapat nang kasagutan iyon.
"Come, nagpahanda ako ng mga pagkain," magiliw niyang aya sa akin.
Nilingon ko muna ang mga gamit ko na inaakyat sa taas mg mga katulong bago sumunod sa nagpatiunang don.
Mamaya ko na iisipin kung saan hahanapin ang magiging silid ko na pagdalhan ng mga iyon.
Ang laki naman kasi ng bagay at nakakahilong tingnan ang grandiyosang hagdan paakyat sa ikalawang palapag.
Isang enggrandeng dining area ang pinagdalhan sa'kin ni Don Lario at may ilang mga katulong na nakaantabay sa gilid ng napakahabang mesa kung saan ay nakahain ang napakaraming pagkain.
"May birthday po ba?" wala sa loob kong tanong habang najatuon ang pansin sa lechong nasa pinakagitna ng hapag kainan.
"Happy birthday po sa may birthday," nakangiti kong pahayag.
Nataon yata ako na may handaan. Sabi ko na nga ba swerte ang mga banga ko.
"Walang may birthday, iha. Gusto ko lang maghanda nang konti para sa pagdating mo. Sana ay ituring mong pangalawang bahay itong bahay ko."
Pinaghila ako ng upuan ng isa sa mga katulong kaya nginitian ko ito bilang pasasalamat bago naupo.
Agad naglakbay ang mga mata ko sa iba't- i ang putaheng nasa harapan ko.
Ito ba iyong konti lang para sa mga mayayaman? Pangpiyestang handaan na ito, ah!
"Feeling blessed naman po ako nito. Ako lang po ito, si Lolita na maganda pero nag-abala pa kayo," kunwari ay nahihiya kong wika. "Pwede na po bang tikman ang lechon?"
"Go ahead, para sa'yo talaga iyan," nakangiting sagot ni Don Lario.
Gusto kong mahiya sa totoo lang pero... naalala ko wala pala ako niyon kaya mabilis kong inusod ang kinauupuan upang tumayo.
Maingay ang tunog ng upuan kong nausod kaya bahagya akong nag-peace sign sa direksiyon ni Don Lario. Nakangiti lang siyang nakatingin sa'kin kaya pinagpatuloy ko ang pagtayo.
Akmang lalapit sa'kin ang isa sa mga katulong nang pinahinto ito ng kumpas ng kamay ni Don Lario.
Natigil tuloy ako sa gagawin ko sanang pagkuha sa balat ng lechon at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa.
"Sige lang, iha. Kumuha ka lang ng kahit anong gusto mo," udyok sa'kin ni Don Lario.
"Salamat po," medyo nag-bow kong tugon. "Pasensiya na po ha, gutom lang po talaga ako. Tinanghali kasi kami dahil masyadong ma-traffic tapos hindi pa ako nag-agahan. Kagabi naman ay konti lang iyong nakain ko kasi nag-iimpake ako ng mga dadalhin kong gamit ngayon."
Huminto lang ako sa pagsasalita nang nakakuha na ako ng mga putahing tingin ko ay sasapat na sa'kin.
In fairness napuno iyong malapad na pinggan na basta ko na lang kinuha. May lamang anik-anik ito kanina na di ko kilala pero mukhang masarap naman. Inilipat ko ang laman doon sa katabi nitong pinggan na may parang karne rin na may binudbod na sauce sa taas.
Para naman sa'kin lahat 'to kaya okay lang na maghahalo-halo, 'di ba?
Nang mapuno ang pinggang dala ay bumalik na ako sa kinauupuan ko malapit kay Don Lario na nasa kabisera.
Nang maupo na ako ay napansin kong walang lamang pagkain ang plato niya kaya naisip kong bigyan siya ng mga nakuha kong pagkain.
Bakit naman kasi ang layo ng mga pagkain sa pwesto namin? Paano namin abutin ang mga iyon? Sungkitin?
"Pwede po ba sa inyo itong seafood? Wala kayong allergy?" tanong ko habang nilalagyan ng hinimay na alimango ang pinggan niya.
"Wala naman pero konti lang para hindi magagalit ang doctor ko," magiliw niyang tugon.
"Bakit po may doctor kayo? May sakit po ba kayo?"
"No, wala akong sakit. Matanda na ako kaya kailangan ko lang ng magmonitor sa kalusugan ko."
"Naku, huwag ni'yong sabihing matanda na kayo... kahit anong mangyari ay dapat hindi ka aamin," napapalatak kong sabi. "Heto, tikman mo itong lechon, malutong pa iyong balat. Teka, kukuha pala muna ako ng sawsawan."
Mabilis akong tumayo at lumapit sa kinaroroonan ng iba't-ibang sawsawan sa tabi ng lechon.
"Ano pong gusto ni'yo? Maanghang o hindi?" tanong ko kay Don Lario.
"Kahit ano," kibit-balikat niyang sagot.
Para sigurado ay kumuha ako ng maanghang at hindi.
Nang aksidenting napatingin ako sa nakahanay na mga kasambahay sa isang dako ay nahuli ang pagkapatda sa mukha ng mga ito habang nakatingin sa'kin.
Nang mapansing nakatingin ako ay mabilis na umayos ang ekspresyon nila sa mukha.
Nang makabalik ako sa upuan ko ay bahagya akong dumukwang palapit kay Don Lario.
"Hindi ba natin sila pwedeng isabay sa pagkain?" pabulong kong tanong at bahagyang ininguso ang hanay ng mga katulong.
Saglit na sulyap sa direksiyon ng mga ito si Don Lario bago mapanuring tumitig sa'kin.
"It never happened in this household, but why not?" pabaliwa niyang tugon.
"Everyone, saluhin ni'yo kami sa pagkain."
Nagkatinginan ang mga katulong dahil sa pahayag ni Don Lario. Bumadha ang pagkapatda sa mga mukha nila.
"Don Lario, pasensiya na po kayo pero hindi po namin masusunod ang kagustuhan ninyo," magalang na sagot ng sa tingin ko ay ang head ng mga naroong katulong dahil medyo naiiba iyong suot nitong uniform doon sa mga kasamahan.
Medyo maalam ako sa mga ganito dahil suki ako ng mga teleserye na may mga mayayamang matapobre na sangkatutak iyong mga katulong. Ganitong-ganito talaga iyong eksenahan... nakalinya talaga iyong mga katulong at kulang na lang ay iyong background music.
Pakiramdam ko ay bigla akong napasok sa isang teleserye at ang papel ay isang maganda kontrabida na ibinahay ng isang matandang bilyonaryo! Pak na pak pero yuck! Never, over my dead skin cells!
"Hay, naku, Ate... huwag na kayong mahiya," 'di ko napigilang singit. "Tayo-tayo lang naman dito. Hindi naman namin mauubos lahat ito at isa pa... mas masaya kung marami ang magsasalo."
"You heard it, Mathilda. Saluhan ni'yo na kami."
"P-pero—"
"Wala nang pero-pero, Ate,"sansala ko sa akmang pangangatwiran pa sana no'ng tinawag na Mathilda. Siya iyong naiiba iyong uniform.
May pagdadalawang-isip na nagkatinginan ang mga katulong at pasulyap-sulyap sa kinauupuan ni Don Lario bago tumuon sa'kin iyong mga tingin nila.
"Maglabas kayo ng mga plato para sa inyo at tawagin ni'yo na rin lahat ng mga kasamahan ni'yo. Tama si Lolita, mas masaya kung sama-sama tayong magsasalo."
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ko kay Don Lario dahil sa iniutos nito.
Iba talaga ito sa lahat ng mga nakilala kong mayayaman. Sobrang bait nito!
Ilang sandali pa lang ay naging ukopado ang mahabang mesa at kahit na medyo nangingimi pa rin ang iba naming mga kasama ni Don Lario ay ako iyong nagbukas ng kwentuhan para mawala ang tensiyon sa paligid.
"Simula ngayon po ay makakasama ni'yo na akong magtatrabaho para kay Don Lario kaya sana po ay maging magkaibigan tayong lahat," magiliw kong anunsiyo sa gitna ng salo-salo.
"Kapag may gusto kang kainin ay magsabi ka lang sa'kin at ipagluluto kita," nakangiting tugon ni Kuya Landre ang matabang in-house chef ng mansion.
"Kapag day off natin, pasyal tayo minsan," wika ni Lita ang isa sa kaedaran kong katulong.
"Sama kami riyan," segunda naman ng iba.
Palagay ko ay makakasundo ko naman ang mga katulong dito dahil pare-pareho silang magaan pakisamahan maliban kay Ate Mathilda at Ate Clarita na tipid na ngiti lang ang ibinigay sa'kin.
Nagmana siguro sa kanila si Kuya Edgardo sa kaseryosohan. Kasalo rin kasi namin ito habang iyong security team na pinamumunuan nito ay pinadalhan lang ng pagkain dahil hindi pwedeng umalis sa pwesto.
Mukhang magiging masaya ang pananatili ko sa malapalasyong bahay na ito.