Kabanata 4 - 1985, Ang Pagmamanman

1611 Words
Cavite, June 1985 Pansamantalang magpapalipas ng gabi si Conrado sa bahay ni Favio dahil hindi pa siya nakahanap ng bahay na mauupahan niya. “Dito ka na lang kaya tumira P’re? Wala naman akong kasama dito.” Suhestiyon ni Favio pagkabukas ng ilaw. Nilapag ni Conrado ang kanyang bag at makinilya sa mahabang upuan. “Hindi ako makakapagsulat kung may maingay.” Walang emosyon nitong sagot. “Ikaw na lang nakatira dito?” “Oo P’re. Pinauwi ko muna sa Bicol sina Nanay. Mas ligtas sila doon e. Mas gusto kong ako lang ang nandito.” Mahinang natawa si Conrado sa tinuran ng kaibigan. “Kung pursigido ang mga nasagasaan mo sa serbisyo walang ligtas na lugar para sa kanila.” Sumilip siya sa kurtina. “Palagyan mo ng ilaw sa kalsada P’re. Hindi mo makikita kung mayroong tumitiktik sa`yo mula dito.” Naupo si Conrado. Nagtanggal siya ng sapatos at kinuha ang tsinelas sa bag. Napansin niya ang mga album sa ilalim ng miseta. Pagkapalit niya ng tsinelas ay binuklat niya ang kulay pulang album. Mga larawan ni Favio ang nakalagay sa photo album. Nakasilid rin dito ang ilang mga larawan nila sa akademya. “Angpayat mo pa diyan.” Komento ni Favio pagkalapag ng kape sa mesita. “Kape ka muna. Mukhang hindi mo gusto si Red.” Hindi nag-angat ng tingin si Conrado. Patuloy siya sa pagbuklat ng mga larawan. “Mayabang siya. Hindi mo ba napansin na mataas ang tingin niya sa sarili niya?” Napako ang tingin niya sa larawan nila ni Favio habang nakahilera kasama ang mga kaklase. Ito ang huling larawan niya bago siya umalis sa akademya. “Nandito pala `to.” Bahagyang dumukwang si Favio upang makita ang larawan. “Ah oo. N`ong umalis ka sa akademya naiwan `yan. Hindi ko alam kung naiwan o sinadya mong iwan.” Nangiti si Conrado. Sinadya niyang iwan ang larawan dahil ayaw na niyang magkaroon pa ng alaala sa akademya. Sinara niya ang photo album saka binalik sa ilalim ng mesita. Dinampot niya ang tasa ng kape at inamoy ito. “Hindi ka pa rin nagbabago P’re. Bakit mo ba inaamoy e pare-parehong kape naman `yan.” Umiling siya pagkasimsim ng kape. “Magkakaiba ang aroma ng mga kape P’re. Nga pala, anong plano niyo sa serial killing? Saan kayo mag-uumpisa sa paghahanap?” Napabuntonghininga si Favio. “Pag-iigtingin ang mga pagronda sa gabi. Magtatanong-tanong sa mga kalapit na lugar kung may kahina-hinalang mga tao silang napansin.” “Para kayong naghahanap ng karayom sa isang bundok ng dayami.” Komento nito saka bumuntonghininga. “Mukhang matatagalan pa ako dito.” “Ayaw mo ba n`on? Parang ayaw mo na sa Cavite ah? Masyado mo na bang isinapuso ang pagiging Manilenyo? O baka naman may kasintahan ka na doon at nami-miss mo na?” Biro pa nito. Napahalakhak si Conrado. “P’re kapag nagkaroon ako ng kasintahan masisira ang konsentrasyon ko sa trabaho. Dadagdag pa sa alalahanin ko ang kaligtasan niya. Kaya hindi ko na muna iniisip `yan.” “Gaya ka pa rin ng dati. Iniisip mo pa rin ang kapakanan ng mahal mo. Paano ka magkakaroon ng asawa niyan P’re?” Nagkibit-balikat ito. “Hindi ko pa iniisip ‘yan P’re. Ayokong magkaroon ng ibang iisipin ulit bukod sa sarili ko.” “Duwag ka pa rin hanggang ngayon.” Natawang sabi ni Favio. “Dito ka na muna at ako ay maliligo na.” Tinawanan niya ito. “Wala ka na namang balak maligo buka P’re, ano?” Tawa lang ang naging tugon ng kaibigan sa kanya. Naiiling na hinalo-halo ni Conrado ang kanyang kape saka sumimsim ulit. Inilabas niya ang folder na naglalaman ng kopya ng report ng mga magkakasunod na p*****n. Bagitong mamamatay tao. Iyon ang kanyang konklusyon. Humiga siya sa mahabang upuan. Ginamit niya ang kanyang bag na unan at isa-isang tiningnan ang mga larawan. Awang-awa siya sa mga biktima. Sinusubukan niyang alalalahanin ang mga librong nabasa niya tungkol sa iba’t-ibang krimen. Bumuntonghininga siya. Kulang pa ang kanyang kaalaman upang ilagay ang sarili sa sitwasyon ng killer. Binalik niya ang mga larawan sa folder nang makailang beses na siya ng hikab. Ipinatong niya ang kanyang braso sa kanyang mata. “Ano kaya ang dahilan ng killer.” Yan ang tumatakbo sa isip ni Conrado. Iniisip nito ang suhestyon na bigyan ng bansag ang killer pero mas malaking porsyento sa isip niya na ayaw niya. “Hayop. Hindi kita kailanman bibigyan ng pangalan.” Sumpa nito sa sarili. --- Kinaumagahan ay nagtungo ang dalawa sa Cavite National High School upang magmanman kasama si PO2 Lucio. “Hindi na kasama sa trabaho mo ito Con. Pwede naman sa headquarters ka na lang,” sabi ng PO2. Bumuntonghininga ito habang nagtatanggal ng tinga. “Napakahirap ng ganitong trabaho. Parang lahat ng nakikita ko suspect. `Yang lalaking `yan. Masama ang tingin.” “Gago ka P’re. Hinaan mo ang boses mo.” Saway ni Favio sa kanya. Tahimik lang ang mamamahayag na nagmamasid. Wala siyang nakikitang kakaiba sa mga taong napapadaan nila. “Boss! Boss!” hingal na lumapit sa kanila ang isang batang lalaki. Napahawak ito sa tuhod at habol-habol ang hininga. “Boss…” “Bakit Totoy?” “Bili na kayo ng tinda kong kakanin Boss. Pandagdag baon lang.” Binuksan nito ang kanyang bago. Puno ito ng mga kakanin. May bibingka, suman at cassava cake. “Masarap to mga Boss. Mura pa.” “Bibilhin ko na lahat.” Sabi ni Conrado kaya napaangat ng tingin sa kanya ang bata. Natawa ito sa pagkakunot ng noo ng batang hindi makapaniwala sa tinuran niya. “Bakit? Ayaw mo?” “Naku Boss Kuya! Gustong-gusto ko nang gumaan na ang bag ko.” “Pasalamat ka Totoy may kasama kaming maraming pera.” Biro ni PO2 Lucas sa bata. “Ikaw e huwag gumala-gala ha at delikado na ang panahon.” “Marami namang pulis sa gabi, Boss.” sagot ng bata. “Nung isang gabi nga may sinitang magkasintahan dito e.” Kwento ng bata habang nilalagay sa plastic ang mga kakanin. “Nung nakaraan naman may sinita rin na lalaki. Pero hindi sila pinansin Boss. Tuloy-tuloy lang sa paglalakad. Kinilabutan nga ako nung makasalubong ko Boss kasi naamoy ko dugo. Tumakbo nga ako kasi baka aswang `yon!” Nagkatinginan ang tatlo dahil sa kwento ng bata. “Siguradong dugo ang naamoy mo?” Biglang interesadong tanong ni Favio. “P’re, anong alam ng bata sa dugo? Baka nag-iimbento lang `yan.” “Hindi, Boss.” Kumpiyansang sagot naman ng bata. “Tumatambay ako sa punerarya kaya alam ko ang amoy ng dugo. Aswang siguro `yon.” “Anong itsura ng lalaki? Nakita mo ba?” Pahabol na tanong ni PO2 Lucio. “Ilarawan mo nga sa amin.” Napakamot sa ulo ang bata. “Boss, may kadiliman na. Hindi ko naaninag pero Boss, n`ong nakalayo na ako tapos nilingon ko siya sumakay siya sa isang kotse. Kuba pa nga `yong kotse e. May kotse na ang aswang Boss?” “P’re Mabuti pa e imbitahan natin sa presinto itong bata nang doon makapagbigay ng statement.” Suhestiyon ni PO2 Lucio. “Boss! Bakit? Ikukulong niyo ako?” kinakabahang sabi ng bata. “Anong kasalanan ko, Boss?” “Huwag muna.” Sagot ni Favio. “Kausapin muna natin ang mga magulang niya.” “Toy, late ka na sa klase mo.” Sabi ni Conrado pagkatingin nito sa kanyang relo. Siya ring pagtunog ng bell ng eskwelahan. Dali-daling tumakbo ang bata papasok ng paaralan. “Kakausapin na ba natin ang magulang P’re?” tanong ni Lucio. “Mukhang may makukuha tayong impormasyon sa bata.” “Malabo `yan at delikado.” Sagot ni Conrado. “Bakit hindi hinuli `yong lalaking sinasabi niya? Bakit sumakay sa kotse? Saka P’re impossibleng hindi man lang naamoy ni isa sa mga pulis ang lansa ng dugo.” “Anong pinupunto mo?” makahulugang tanong ni PO2 Lucio. “Na may nagpoprotekta sa killer? Na ka-baro pa namin?” pagalit nang tanong nito. Binigyan siya ng nang-uuyam na ngiti ni Conrado. “Bakit hindi? Hindi naman lahat ng pulis ay malinis. Alam niyo `yan. At hindi pa naman kayo sigurado kung ang tinutukoy ng bata at ang suspect sa mga nakaraang pagpatay ay iisa.” “P’re, ang Mabuti pa ay bumalik ka muna sa Headquarters at ipagtanong mo kung sino ang mga naka-destino dito nung gabing `yon.” Sabi ni Favio kay PO2. “Ako na muna ang magmamanman dito.” “Buti pa nga.” Umalis na ang PO2. Naiwang nailing si Favio kasama ang walang reaksyon si Conrado. “Sa susunod P’re. Sa akin mo na lang sabihin kung ano ang tumatakbo sa isip mo. Mapapahamak ka pa e.” “Alam mo kung ano ang iniisip ko ngayon?” nakatingin sa papaalis na sasakyan ni PO2 Lucio si Conrado. “Madaling paglaruan si PO2 Lucio. Determinadong maresolba ang kaso pero hindi ginagamit ang utak.” “Bakit? Ikaw ba? Puro ka na lang ba utak at hindi mo na ginagamit ang puso mo ngayon?” Walang kagatol-gatol na tumango si Conrado. “Wala nang halaga `to.” Turo niya sa puso niya. “P’re, hindi na ito uulit. Hindi na ako magkakamali ulit.” Tiningnan nito ang kanyang relo. “Maaga pa. Maghahanap na muna ako ng mauupahang bahay. Maiwan na muna kita dito. Huwag kang magkakamaling dalhin sa Headquarters ang bata. Kabisado kita.” “Oo na. Sige na. Ikaw na ang mas matalino. Dapat ikaw ang nagpulis e.” Pagtataboy nito sa kanya. “Bilisan mong maghanap ng mauupahan. Kung hindi, doble ang renta mo sa bahay ko.”                  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD