Chapter - 6

1524 Words
Her first sip of real wealt taste like smooth red wine no burn, just power *** Dinala siya ng kanyang Ninang Giselle sa isang mamahaling restaurant. Isang bagay na lubos niyang kinatuwa. Ngayon lang siya makakapasok sa ganitong klaseng lugar, at ngayon lang din siya makakatikim ng pagkain na dati ay sa social media at pelikula niya lang nakikita. Isa ito sa mga bagay na matagal na niyang pinapangarap. At balang araw, sisiguraduhin niyang kasama niya rito ang Mommy niya. Pero sa ngayon. Kailangan muna niyang magtrabaho. Kailangan niyang galingan. Kailangan niyang magtagumpay. Tahimik niyang pinagmasdan ang paligid habang nakaupo sila. Eleganteng ilaw ang nagbibigay ng mainit pero sopistikadong ambiance sa lugar. May marahang tugtog ng piano sa background, at ang bawat mesa ay maayos ang pagkakaayos, may kandila sa gitna, makikinang na kubyertos, at mga basong kristal na kumikislap sa ilaw. Amoy mamahaling pabango at pera ang buong restaurant. Hindi yung amoy ng fried chicken sa fast food. Hindi yung amoy ng pawis at pagod. Napansin niya rin ang mga taong naroroon. Halos lahat ay may dating, mga lalaking naka-suit, mga babaeng naka-eleganteng damit. Kahit ang kilos nila ay puno ng kumpiyansa, parang sanay na sanay sa ganitong mundo. Walang nagmamadali. Walang sumisigaw para tawagin ang waiter. Isang tingin lang, nandiyan na agad. Hindi niya maiwasang mapangiti. Ganito ang mundo na gusto kong pasuki. bulong niya sa sarili. Yung mundo na hindi kailangang mag-alala kung may pangbayad ka. Yung mundo na ikaw ang hinihintay, hindi ikaw ang naghihintay. Kahit wala siyang ideya sa karamihan ng nasa menu, naglakas-loob pa rin siyang umorder. Pinag-aralan niya ang bawat nakasulat, kahit hindi niya kilala ang pangalan ng pagkain, binasa niya ang ingredients at doon siya nag-base ng pipiliin. Ayaw niyang magmukhang ignorante. Ayaw niyang mahalata na hindi siya sanay sa ganitong klaseng lugar. Truffle. Caviar. Wagyu. Mga salitang ngayon lang niya binibigkas nang malakas. Pero kailangan niyang masanay. Dahil simula ngayon, ito na ang magiging normal niya. “Hope you’ll like this place,” nakangiting saad ng Ninang Giselle niya habang hawak ang wine glass na may lamang red wine. Napatingin siya rito. Sa itsura pa lang ng inumin, halatang mahal na. Sa taon ng wine at sa pangalan nito, siguradong hindi basta-basta ang halaga. Baka nga ang isang baso ay katumbas na ng isang linggong allowance niya noon. Isang linggong baon. Isang linggong ulam. Pero siyempre, para sa Ninang niya, normal lang iyon, balewala ang presyo rito. “Beautiful, Tita,” nakangiti niyang tugon. Sinasanay na niyang tawagin itong Tita. Kailangan niyang masanay bago pa dumating si Damian. Kailangan natural na sa bibig niya. Kailangan walang sabit. “Anyway,” saad ng Ninang niya habang marahang iniikot ang wine glass, “dinala kita rito para mapag-usapan natin nang maayos ang plano tungkol kay Damian.” Tumango siya. Narito rin siya para doon. Para sa trabaho. Para sa misyon. “At saka,” dagdag nito, “gusto kong masanay ka sa ganitong lugar. Hindi ka pwedeng magmukhang out of place kapag nandito ka na sa mundo namin.” Napangiti siya. Iyon din ang gusto niya, ang mapasok ang mundo ng mga ito. Hindi bilang bisita. Hindi bilang turista. Kundi bilang may-ari. Hindi ako magmumukhang out of place, Tita. Sisiguraduhin kong mas bagay ako rito kaysa sa inyo. Sa isip niya. “I understand po, Tita,” sagot niya. “By the way po Tita,” saad niya, “hindi ko pa po nakikita ang itsura ni Damian. May picture po ba kayo?” Napatawa ang Ninang niya. “Bakit, natatakot ka ba na baka pangit siya?” biro nito. Umiling siya, may kumpiyansang ngiti sa labi. “Don’t worry po, Tita. Hindi po mahalaga sa akin ang itsura,” saad niya. “Ang mahalaga po ay kung ano ang meron siya.” Ang mahalaga ay yung bank account niya. Yung apelyido niya. Yung kayamanan niya. Ang mukha, nabibili. Ang pera, hindi. Her thought. Lalong napatawa ang Ninang niya. “Iyan ang gusto ko sa iyo, Micah. Manang-mana ka talaga sa akin,” saad nito. Itinaas nito ang wine glass. “Cheers! sa magiging partner ko sa pagyaman.” Ngumiti siya at kinuha ang sarili niyang wine glass. Sa wakas makakatikim na rin siya ng mamahaling wine. “Cheers po, Tita,” sagot niya bago sumabay sa pag-inom. Sanay siya sa alak. Iba’t ibang klase na ang natikman niya, beer, cocktail, kahit mga mumurahing hard drinks sa bar na pinupuntahan nila ni Alex, pinapatos niya. Pero iba ito. Mas pino ang lasa. Mas smooth. Walang hapdi sa lalamunan. Parang bawat patak ay may kasamang dignidad. Ganito pala ang lasa ng yaman, naisip niya. Hindi mapait. Hindi masakit. Matamis. Malinis. Nakakalasing pero hindi ka masusuka. Matapos iyon, inilabas ng Ninang niya ang cellphone nito. “Here,” saad nito habang ipinapakita ang larawan. “Damian is handsome. Bata pa lang siya, gwapo na at malakas na ang dating.” Kinuha niya ang cellphone at tinitigan ang larawan. Isang lalaking naka-suit, maayos ang buhok, at may kumpiyansang ngiti. Malinis ang hitsura, matangos ang ilong, at ang ngipin ay napaka perfect. Hindi niya napigilang mapangiti. Gwapo. At higit sa lahat mukha talagang mayaman. Hindi pilit. Hindi trying hard. Natural. Yung tipong kahit nakapambahay, halata mong hindi ordinaryo. “Ilang taon na po siya, Tita?” tanong niya. “Twenty-five,” sagot nito. “Pero huwag kang magpaloko sa edad niya. Napakatalino at tuso niyan, lalo na sa negosyo.” Bahagyang nagbago ang tono nito. “Kaya nga sobrang bilib sa kanya ang asawa ko. Lahat ng negosyo, ipinangalan sa kanya. Halos wala nang natira para sa akin.” Napahigpit ang hawak nito sa wine glass. “Five percent lang ang para sa akin, Micah. Imagine that,” dagdag nito na may halong galit. Saka iniling ang ulo. Tahimik siyang nakinig. “Ako ang kasama ng Papa niya sa loob ng maraming taon. Ako ang nag-alaga. Ako ang nandiyan sa lahat. Tapos ngayon halos wala akong makukuha?” patuloy nito. “It’s unfair! Hindi tama! Hindi makatarungan!” Naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Pero sa loob-loob niya, natural lang iyon. Anak pa rin ang pinili sa huli. Dugo pa rin ang mas makapal sa kasal. Pero para sa Ninang niya, hindi sapat ang kung anong meron ito. At iyon ang dahilan kung bakit narito siya ngayon. “Kaya Micah,” seryosong saad nito, “gawin mo ang lahat para mapa-in love si Damian. Kumilos ka agad. Kung kailangan mong mag-double time, gawin mo. Huwag mong hintayin na dumating ang Sophia na iyon.” “Sino po si Sophia?” tanong niya, kahit may kutob na siya. “Fiancée ni Damian,” sagot nito. Bahagya siyang napangiti. Mas lalo lang naging interesting ang lahat. May fiancée? Good. Mas masarap agawin ang bagay na pag-aari na ng iba. Magsasalita pa sana siya nang dumating ang waiter dala ang pagkain nila. Maingat nitong inilapag ang bawat plato. Maganda ang presentation. Halatang pinag-isipan. At ang amoy- Nakakagutom. Amoy pera. Amoy tagumpay. “Micah,” muling saad ng Ninang niya. “Nabanggit ng Mommy mo na may boyfriend ka raw?” Bahagya siyang natigilan. “Ah… opo, Tita. Si Alex po. Pero makikipag-break na po ako sa kanya,” sagot niya. “Good,” saad nito. “Sa misyon mo kay Damian, wala kang dapat sabit. Forget all those men.” Napangiti siya. “Tita, eighteen lang po ako. Nag-e-enjoy lang po ako. I know my limits,” mahinahon niyang sagot. Ayaw niyang isipin ng Ninang niya na pabaya siya. Oo, adventurous siya. Oo, masaya siyang gumigimik kasama ang mga barkada, pero may kontrol siya. Si Alex ang una niyang boyfriend. At sa loob ng tatlong buwan, marami siyang natutunan, pag-inom, paglabas, pag gimik sa mga bar, pakikisama sa ibang tao. Pero hindi siya nagpapadala. Hindi siya nagpapagamit. Birhen pa rin siya hanggang ngayon. May respeto siya sa kanyang sarili, hindi niya basta ibibigay sa kung sino lang ang iniingatan niyang p********e. Kung may makakakuha man nito, dapat karapat-dapat. Katulad ni Damian Navarro. Hindi si Alex na allowance niya lang sa basketball ang pang-date. Hindi si Alex na hanggang milk tea lang ang kaya. Si Damian. Si Damian na kayang bilhin ang buong milk tea shop, isama pa ang coffee shop. “At least alam mo ang limit mo,” saad ng Ninang niya. “Enjoy ka lang, pero huwag kang magpapagamit lalo na kung wala namang future.” Tumango siya. “I hope na bago dumating si Damian, tapos na kayo ni Alex,” dagdag nito. "Ayoko ng gulo, Micah," “Makakaasa po kayo, Tita,” sagot niya. “Good,” nakangiting saad nito. Tahimik silang kumain pagkatapos noon. Pero sa isip niya malinaw na malinaw ang lahat. Ang plano. Ang target. At ang buhay na naghihintay sa kanya. Habang sinusubo niya ang mamahaling pagkain, ramdam niya ang kakaibang saya. Hindi lang dahil sa lasa, kundi dahil sa pakiramdam. Pakiramdam na narito na siya sa mundong matagal na niyang pinapangarap. At sa mundong ito, hindi siya papayag na maging bisita lang. Kukunin niya ito. Aangkinin niya. At sisiguraduhin niyang, hindi na siya babalik sa dati niyang buhay. Sorry, Alex. Sorry, Mommy. Pero ngayon, ako naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD