Goodbye Micah poor girl. Hello the future queen.
***
“Micah!” Nakangiting salubong sa kanya ng Ninang Giselle niya habang marahan itong bumababa mula sa napakalaking hagdan ng mansyon.
Napatingala siya, at sa sandaling iyon, para niyang nakita ang isang reyna na bumababa mula sa sarili nitong palasyo. Hindi yung reynang nasa picture book. Yung reynang totoo. Yung reynang hindi mo pwedeng hawakan kasi masyadong mahal. Hindi niya napigilang mapahinto sandali at humanga.
Ganito ang buhay na gusto niya. Ganito ang buhay na pinapangarap niya. Sa isip niya, kung gagamitin mo lang nang tama ang ganda at talino mo, siguradong aangat ka. Walang masama sa pagiging ambisyosa basta hindi ka nananapak ng kapwa at marunong kang tumulong kapag nasa taas ka na. Pero kung kailangan manapak para umangat, magsusuot ako ng heels.
“Ninang,” nakangiti niyang bati habang tumatayo mula sa pagkakaupo sa malambot at napakalaking sofa. Parang ngayon lang siya nakaupo sa ganitong klaseng sofa sobrang lambot, parang lulubog ka sa sarap. Yung tipong isang upo mo pa lang, ayaw mo nang tumayo. Yung tipong yung sofa sa apartment nila, mukhang basahan na lang kumpara dito.
Isang kasambahay ang nagpapasok sa kanya sa loob ng mansyon at pinaghintay siya sa sala habang tinatawag ang Ninang niya mula sa ikalawang palapag. Habang naghihintay, hindi niya maiwasang libutin ng tingin ang buong paligid. Mataas ang kisame. May malalaking chandelier na kumikislap sa liwanag. Ang sahig ay makintab na marmol. Ang mga dingding ay may mga mamahaling paintings. Hindi ito basta bahay. Palasyo ito. At ngayon, narito siya. Sa loob ng palasyo na sa pangarap lang niya natatanaw.
Hindi na ako babalik sa dati, bulong niya sa sarili. Kahit anong mangyari. Kahit sino pang makalaban ko. Hindi na ako babalik sa apartment na may tulo ang bubong.
“Oh dear, thank you for coming,” malambing na saad ng Ninang Giselle niya habang lumalapit para makipag-beso at yakapin siya. Amoy pera. Amoy Chanel No. 5. Amoy tagumpay.
“Good morning po, Ninang Giselle,” magalang niyang bati.
“Dala mo na ba ang mga gamit mo?” tanong nito.
Tumango siya at itinuro ang maliit niyang maleta na nasa gilid, iyon lang ang dala niya. Isang maleta. Kasya lahat ng buhay niya sa isang maleta. Pero pagkatapos ng araw na ito, hindi na.
“Magaling,” saad nito bago tumawag ng kasambahay. “Dalhin ninyo iyan sa guest room.” Agad namang kumilos ang kasambahay. Hindi niya maiwasang mapangiti. Sa laki ng bahay na ito, siguradong hindi lang basta guest room ang makukuha niya. Yung guest room dito, mas malaki pa sa buong apartment nila sigurado iyon.
“Nakapag-breakfast ka na ba, hija?” tanong ng Ninang niya.
“Hindi pa po, Ninang. Hindi po kasi ako mahilig mag-almusal,” sagot niya. Sa totoo lang, nagmadali siyang umalis kanina para maiwasan ang Mommy niya. Ayaw niyang marinig ulit yung boses nitong galit. Ayaw niyang makita ulit yung mukha nitong nasasaktan. Hindi pa ngayon, Mommy. Pagbalik ko, saka mo na ako patawarin.
“Okay lang iyan. Magbibihis muna ako, tapos magkakape tayo sa labas,” saad nito.
Napatingin siya rito. Kung tutuusin, parang handa na ito. Maganda ang suot, maayos ang buhok, at perpekto ang ayos ng mukha. Silk na blouse. Pearl na hikaw. Lipstick na hindi nag-smudge. Ganito talaga kapag may pera, naisip niya. Kahit kakagising mo lang, mukha ka pa ring nasa magazine.
“Sige po, Ninang,” sagot niya.
“Halika muna, ihatid kita sa magiging silid mo para hindi ka mainip habang naghihintay,” dagdag nito habang hinahawakan ang kamay niya. Malamig ang kamay nito. Malambot. Walang kalyo. “Alam mo naman, marami pa akong kailangang ayusin bago ako lumabas. Ayokong makita ako ng iba na hindi maayos.”
Napangiti siya at sumabay sa pag-akyat ng hagdan. Habang umaakyat sila, ramdam na ramdam niya ang bawat hakbang. Parang bawat baitang ng hagdan ay palayo siya nang palayo sa dati niyang buhay. Papunta sa buhay na gusto niya. Sa buhay na pinagdarasal niyang makamit. Isang hakbang. Dalawa. Tatlo. Paalam, kahirapan.
***
Sa hallway pa lang, napanganga na siya. Mahaba. Malawak. May carpet na parang sa hotel. Yung carpet na kapag inapakan mo, lumulubog yung paa mo. May mga pintuan na halatang mamahalin ang disenyo. Gold ang mga doorknob.
“Micah, sa ngayon sa guest room ka muna dahil guest kita,” saad ng Ninang niya. “Pero kapag nagawa mo na ang misyon natin, lilipat ka sa silid ni Damian.”
Itinuro nito ang isang saradong pinto. Napatingin siya roon. Tahimik. Mabigat. Parang may misteryong naghihintay sa likod nito.
Napangiti siya. “Don’t worry po, Ninang. Mangyayari po iyon agad pagdating pa lang ni Damian,” kumpiyansa niyang sagot.
“Iyan ang gusto ko sa iyo,” saad nito. “Matapang at palaban.”
Muli niyang sinulyapan ang pintuan bago sila nagpatuloy sa paglalakad. Iyan ang magiging daan ko, bulong niya sa sarili. Iyan ang magiging trono ko.
“Here, ito ang magiging silid mo pansamantala,” saad ng Ninang Giselle niya habang binubuksan ang isang pinto. “Pumasok ka, Micah. Pinalinis at pinaayos ko iyan para sa’yo.”
Ngumiti siya at pumasok sa loob. At tulad ng inaasahan niya. Maganda. Malaki. Malinis. Malayo sa dati niyang silid. Malayo sa silid na may pintura na tuklap na. Malayo sa silid na may bintana na kapag umuulan, pumapasok ang tubig.
May king-sized bed na may makapal na comforter, malalambot na unan, at headboard na parang pang-hotel. May vanity table na may ilaw, malaking cabinet, at sariling banyo na kumpleto sa lahat. Yung banyo na may bathtub. Hindi pa siya naliligo sa bathtub sa buong buhay niya.
“Ang ganda po, Ninang,” saad niya habang iniikot ang tingin sa buong silid. Ito. Ito yung buhay na deserve ko. Ito yung buhay na ipinanganak ako para dito.
“Micah,” tawag ng Ninang niya. “Ngayong nandito ka na sa mansyon, mas mabuting tawagin mo na akong Tita. Sinabi ko kay Daniel na pamangkin kita.”
Tumango siya. “Don’t worry po, Tita. Madali po akong matuto,” nakangiti niyang sagot. Matuto kung paano magsinungaling. Matuto kung paano umarte. Matuto kung paano manalo.
“Good girl,” saad nito.
***
Matapos siyang iwan ng Ninang niya, nagpaalam itong mag-aayos muna. Medyo matatagalan daw ito, kaya maaari muna siyang magpahinga. Pagkalabas nito, agad siyang tumalon sa kama. Napapikit siya. Sobrang lambot. Sobrang sarap. Parang ayaw na niyang bumangon. Parang gusto niyang matulog dito habambuhay.
“Ganito ang kama na bagay sa akin,” bulong niya habang nakatingin sa kisame. Yung kisame na hindi tumutulo. Yung kisame na walang amag.
Unti-unti, iniangat niya ang kanyang kamay at pinagmamasdan ang sarili. “Ganito ang buhay na gusto ko,” dagdag niya. Napangiti siya. At saka siya napabuntong hininga.
Sumagi sa isip niya ang Mommy niya. Ang maliit nilang apartment. Ang mga gabing puyat ito sa trabaho. Ang simpleng buhay na pilit nitong pinapaniwala sa kanya na sapat na. Yung buhay na basta may makain, okay na. Yung buhay na basta magkakasama, masaya na.
“Hindi sapat,” bulong niya. Hindi para sa kanya. Hindi para sa kanila. Sorry, po Mommy. Pero nagsasawa na akong maging mahirap. Nagsasawa na akong maging kontento sa “pwede na.”
“Kukunin kita, Mommy,” mahinang saad niya. “Hindi ka na magtatrabaho. Hindi ka na maghihirap pa.” Pagbalik ko, ikaw na ang magiging reyna. Ako na ang mag-aalaga sa’yo. Hindi mo na kailangang sumagot ng tawag ng ibang tao. Hindi mo na kailangang magpaumanhin sa boss mo.
Napapikit siya sandali. Pagdilat niya, ibang Micah na siya. Mas determinado. Mas matapang. Wala pa siyang ideya kung ano ang hitsura ni Damian. Hindi niya alam kung gwapo ito o hindi. Hindi niya alam kung madali ba itong akitin o hindi. Pero isang bagay ang sigurado siya. Kaya niya.
“Kahit ano pa ang itsura mo, Damian Navarro.” bulong niya, “Mahuhulog ka sa akin.”
Tumayo siya mula sa kama at tumingin muli sa paligid ng silid. Bumaba siya at naglakad-lakad sa loob ng silid. Pinadaanan niya ng kamay ang mga mamahaling gamit. Ang makinis na kahoy. Ang malambot na tela. Ang malamig na hangin mula sa aircon. Lahat ng ito Magiging kanya.
Hindi siya papayag na hanggang dito lang ito. Hindi siya papayag na maging panandalian lang ang lahat ng ito. Hindi ako bisita dito. Hindi ako guest. Ito na ang bahay ko.
“Akin na ito,” mahinang saad niya.
At sa sandaling iyon, alam niyang nagsisimula na ang tunay niyang laban. Isang laban na hindi lang tungkol sa pag-ibig, kundi sa kapangyarihan. Sa pera. At sa buhay na matagal na niyang inaangkin sa isip pa lang. At ngayon unti-unti na niya itong kinukuha sa realidad.
Paalam, Micah na mahirap. Hello, Micah na magiging reyna.