One deal. One billionaire. On year to ruin or rule him.
***
“Nababaliw ka na ba? Bakit mo kailangang makialam sa gulo ng Ninang Giselle mo? Bakit, Micah? Ginugutom ba kita? Nagkulang ba ako sa iyo para patulan mo ang inaalok niyang trabaho!” galit na sigaw ng Mommy niya nang sabihin niyang tinatanggap niya ang alok ng Ninang Giselle niya, ang magtrabaho sa mansyon ng mga Navarro.
“Mula nang ipanganak kita, Micah, hindi kita ginutom! Lahat ginagawa ko para sa iyo! Pinag-aaral kita para hindi ka matulad sa akin! Lahat ng gusto mo, kahit nahihirapan ako, pilit ko pa ring binibigay sa iyo! Tapos ganyan lang ang sasabihin mo sa akin!” sunod-sunod nitong dagdag, halos mawalan na ng hininga sa galit. Nanginginig ang mga kamay nito sa gilid ng lamesa. Yung mga kamay na napapaso na sa kakatrabaho sa call center, yung mga kamay na naglalaba, nagluluto, nag-aasikaso.
Kanina pa ito nagwawala. Hindi pa nga siya nito pinapakinggan nang buo. Hindi naman para sa sarili niya lang ang ginagawa niyang ito. Para rin ito sa Mommy niya. Lahat ng kikitain niya, hahatian niya ito. At kung magtatagumpay siya, hindi lang basta pera ang makukuha nila kundi buhay na hindi na kailangang maghirap. Buhay na hindi na kailangang magbilang ng araw bago sumweldo. Buhay na hindi na kailangang magtipid sa kuryente.
“Mommy, hindi lang naman po ito para sa akin para po ito sa inyo,” mahinahon niyang saad. Huminahon ka, Micah. Huwag kang sumigaw. Kapag sumigaw ka, talo ka na. Sa loob niya.
“Tumigil ka nga, Micah!” sigaw nito. “Hindi ko alam kung ano ang mga sinabi sa iyo ng Ninang mo, pero kung papatulan mo ang alok niyang iyon, wala kang pinagkaiba sa kanya isang gold digger!”
“Mommy, walang pong masama sa pagiging ambisyosa,” sagot niya, pilit pinipigilan ang sarili. Ramdam niya ang init na umaakyat sa lalamunan niya. Gold digger. Masamang salita ba iyon? O tawag lang iyon ng mga taong takot yumaman?
"Basta wala kang tinatapakang tao. Walang pong mali," dagdag niya.
“May fiancée ang lalaking iyon, Micah!” hiyaw nito. “Paano mo masasabi na wala kang matatapakang tao?”
Napatahimik siya. Alam niya. Alam niya ang lahat. Alam niyang may fiancée si Damian. Alam niyang masisira niya ang isang relasyon. Alam niyang may masasaktan. Pero alam din niyang araw-araw, may nasasaktan. At kung pipili siya kung sino ang masasaktan, pipiliin niyang hindi siya. Hindi ang Mommy niya.
“Tigilan mo na ito, Micah,” patuloy ng Mommy niya. “Kahit anong gawin mo, hindi kita papayagan! Sisirain mo ang relasyon ng iba! At paano kung hindi ka magustuhan ng lalaking iyon? Paano na ang plano ng Ninang mo? Baka ikaw pa ang sisihin niya kapag wala siyang nakuha!”
“I will do everything, Mommy, para magawa ang misyon ko,” matigas niyang sagot. May tiwala siya sa sarili niya. Hindi siya sanay matalo. Lumalaban siya sa kahit anong laban. Sa school, siya ang laging top. Sa pageant, siya ang laging kinukuha. Sa mga lalaki, siya ang laging hinahabol. Bakit si Damian Navarro pa ang hindi niya makukuha?
“Hinding-hindi kita papayagan!” madiing saad ng Mommy niya. Namumula na ang mukha nito. Yung mukha na kahit galit, kita mo pa rin ang pagod.
“Para rin po ito sa inyo,” giit niya. “Para maibigay ko ang buhay na deserve niyo. Kahit magtrabaho po ako pagkatapos kong grumaduate, hindi ko po maaabot ang buhay na meron si Ninang Giselle, hindi ko po maibibigay sa inyo ang ganoong klase ng buhay, ang maginhawang pamumuhay. Pero sa planong pong ito Mommy may chance tayo.”
“Huwag mong kalimutan kung sino ang mga Navarro,” babala ng Mommy niya. “Ma-impluwensya ang mga iyan. Kapag nagkamali ka, baka kayo pa ang balikan!”
“Nakahanda po ako sa lahat ng pwedeng mangyari,” sagot niya. Handa siyang masira. Handa siyang mapahiya. Handa siyang mawalan.
"Basta hindi na po tayo babalik sa ganito, Mommy. Ang kailangan ko lang po ay ang approval niyo.”
“Hindi!” mariing sagot nito. “Ikaw lang ang anak ko, Micah! Ayokong may mangyaring masama sa iyo!”
Naiintindihan niya ang takot ng Mommy niya. Pero hindi niya kayang pakawalan ang pagkakataong ito. Ito na yung alas niya. Ito na yung isang baraha na kapag nilaro niya nang tama, panalo sila habambuhay.
“Patawad po, Mommy… pero buo na ang desisyon ko—”
Hindi pa niya natatapos ang sasabihin niya nang isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Napapikit siya sa sakit. Dumagundong sa tenga niya. Yung pisngi niya, parang may apoy. Pero mas masakit yung nasa dibdib niya.
“Subukan mong ituloy ang binabalak mo, Micah! Kakalimutan kong anak kita!” mariing pagbabanta ng Mommy niya.
Hinawakan niya ang pisnging nasaktan habang nakatingin sa mga mata nitong puno ng galit. Galit at takot. Takot na mawala siya. Takot na mapahamak siya. Pero hindi ba’t mas nakakatakot kung mananatili sila sa ganito?
“Patawad po, Mommy… gusto ko rin pong makaranas ng magandang buhay,” mahina niyang saad.
Isang beses lang, Gusto ko lang matikman kung ano yung buhay na hindi mo kailangang mag-alala kung may pambayad ka ng kuryente.
“Sige! Sumama ka sa Ninang Giselle mo!” sigaw nito sabay tulak sa kanya. Napatihaya siya ng bahagya, muntik matumba. “Mula ngayon, wala na akong pakialam sa iyo! Bahala ka na sa buhay mo!”
Hindi na siya kumibo. Masakit. Pero buo na ang loob niya. Kung ito ang presyo ng kanyang ambisyon babayaran niya.
“Patawad po, Mommy,” mahinang bulong niya. Tumalikod na siya at umakyat sa kanyang silid habang hawak ang pisnging nasaktan ng ina. Alam niyang hindi iyon sinasadya ng ina. Nasaktan lang niya ito sa kanyang naging desisyon.
***
Pagpasok niya ng kwarto, agad niyang tinawagan ang Ninang Giselle niya. Sinabi niya ang lahat, ang pagtutol ng Mommy niya, ang galit nito. Pero malinaw ang isang bagay. Tuloy pa rin siya. Sa susunod na linggo, lilipat na siya sa mansyon ng mga Navarro. At ilang araw lang, darating na ang stepson ng Ninang niya.
Napag-usapan na nila ang plano. At para sa kanya, hindi iyon mahirap. Kung ang kapalit ay marangyang buhay. Kung mabigo man siya, may makukuha pa rin siyang allowance pera na sapat para makapagsimula. Twenty thousand a month. Mas malaki pa sa sinasahod ng Mommy niya.
Pero kung magtagumpay siya. Magiging prinsesa siya. At ang Mommy niya, mamumuhay na parang reyna. Kaya gagawin niya ang lahat, makamit lang ang tagumpay.
***
Isang linggo ang lumipas na hindi siya pinapansin ng Mommy niya. Kahit anong pilit niyang makipag-usap, tila pader ito na hindi siya marinig. Masakit. Parang hindi niya kasama sa bahay. Parang multo siya. Pero alam niyang nasa tamang edad na siya para magdesisyon.
“Mommy, ngayon na po ako aalis,” saad niya habang nag-aalmusal sila. Nakaempake na ang mga gamit niya. Handa na siya. Hindi na siya kayang sunduin ng Ninang niya dahil natatakot na ito sa Mommy niya, kaya driver na lang ang ipinadala.
“Gawin mo ang gusto mo, Micah,” malamig na saad ng Mommy niya, hindi man lang siya tinitingnan. Nakatingin lang ito sa kape nito.
“Huwag ka lang babalik dito na umiiyak.”
“Pangako po, Mommy magbabago ang buhay natin,” sagot niya.
“Huwag mo na akong idamay sa mga kalokohan mo!” tugon nito.
Napayuko siya. Kung magsasalita pa siya, baka mauwi na naman sa sigawan. Ayaw niyang umalis na galit sa kanya ang Mommy niya. Mas mabuti na ang ganitong katahimikan. Pero sa loob-loob niya, nangangako siya. Hindi siya mabibigo. Maibibigay niya ang buhay na deserve ng Mommy niya.
“Kapag nabigo ka, Micah huwag ka nang babalik,” dagdag pa nito.
“Huwag po kayong mag-alala, Mommy,” sagot niya, puno ng determinasyon. “Hinding-hindi po ako mabibigo.”
***
Pagdating ng driver, dinala na niya ang maliit niyang maleta. Kaunti lang ang laman nito. Pinangakuan siya ng Ninang niya na bibigyan siya ng bagong wardrobe mga damit na babagay sa isang dalagang alta, para sa mga mata ni Damian Navarro. Hindi na raw pwede ang mga dati niyang damit.
“Pang-masa,” sabi ng Ninang niya. “Pang probinsyana.” Wala naman siyang choice noon, kung ano ang nandyan ok na. Pero ngayon magbabago na ang lahat. Alam niyang kayang-kaya niyang dalhin ang kahit anong isuot niya. At sigurado siya lalong lilitaw ang angkin ganda niya kapag binihisan na siya ng marangyang kasuotan.
Isang huling sulyap sa bahay. Yung bahay na may sira-sirang bubong. Yung bahay na may kalawang na gate. Yung bahay na pinangarap niyang lisanin simula pa noong bata siya.
“Mommy, aalis na po ako,” saad niya.
Walang sagot ang Mommy niya. Gusto niya itong yakapin. Pero pinigilan niya ang sarili. Babalik siya. Hindi bilang anak na nabigo kundi bilang anak na nagtagumpay. Sasama niya ang Mommy niya sa bagong buhay. Sa isang mansyon. Sa buhay na matagal na niyang pinangarap para sa kanilang dalawa.
***
Sumakay siya ng sasakyan. At habang papalayo, isang bagay lang ang malinaw sa isip niya.
Wala nang atrasan. Kailangan niyang manalo. Dahil ang tagumpay niya ang tanging daan para maibalik niya ang lahat sa kanila ng Mommy niya.
Alam niyang tatanggapin siya ng Mommy niya, panalo man o talo siya. Pero hindi siya papayag na talo. Panigurado ang panalo niya.
Dahil hindi siya katulad ng Mommy niya.
Hindi siya makukuntento.
At hindi siya titigil hangga’t hindi sa kanya ang lahat.