KABANATA 18

3268 Words
In love Nanginig ang tuhod ko sa titig niya at lalong namilog ang mata. "Em...ery? Your eyes..." Napatuwid akong tayo at napatakip ng mukha sa hiya. "It looks... very heavenly..." Nag-angat akong tingin. Umatras ako sa medyo madilim na parte para hindi niya masyadong makita ang mata ko kahit pa kanina ay nakita na. "Ang... ganda..." napangiti siya. "It resembles earth. As blue as the ocean and as green as the forest... wow..." nakabukas pa rin ang labi niya sa gulat at mangha. Hindi ko akalain na iyon ang magiging reaksyon niya at maihahalintulad sa mundo, wala rin kasi akong balak ipakita sa kanya kahit dati pa. Alam kong hindi niya ako huhusgahan dahil hindi siya makitid tulad ng tao sa paligid na kinalakihan ko. Unang beses kong marinig 'yan sa kahit na sino. Naramdam ko ang kirot sa puso ko, na parang nabalot ng init, parang yakap. Nanlambot lalo ako at sandaling natulala sa katotohanang nasa harapan ko siya at nakita na ang tunay na kulay ng mata ko. Wala namang masama kung malaman niya... basta ayaw kong may makaalam dahil wala namang mangyayari o mababago sa sitwasyon namin. Ikiniling ko ang ulo ko at humingang malalim, naalala ang nangyari kanina. "Anong ginagawa niyo rito?" Malamig kong tanong. Malamig din ang tingin kong ibinato sa kanya, hindi ko inaalis ang mga mata ko. Lumunok ako, nanuyot bigla ang lalamunan. Natauhan din kalaunan si Sir Shaun. Ang pagkamangha sa mukha niya ay nawala na parang anino sa dilim. Napalitan iyon ng lungkot, nakangiti pero dama kong malungkot siya. Pinigilan kong mangunot ang noo ko sa reaksyong nakita. Ako dapat itong malungkot hindi ikaw. Ako itong pinaglaruan mo. Sa isip ko lang nasasabi lahat ng gusto kong itanong sa kanya pero bago man mangyari iyon, napapangunahan na agad ako ng realidad. Ni hindi ko rin talaga alam saan ako lulugar pagdating sa kanya, kung paano ko siya haharapin na hindi maiisip 'yung nararamdaman ko para sa kanya. Huminga siyang malalim. "Ayain sana kitang kumain ng Balut," May hawak siyang supot na may lamang tatlong itlog at inangat sa ere. "Nabanggit kasi ng Ale na palagi kang nabili nito sa kanya." Ismid lang ang mukha ko. "Ah, hindi kasi ako mahilig diyan. Ang kuya ko lang." Pinapanatili kong magalang ang pananalita ko. Tinatatak ko na sa isip kong amo ko siya.Tama, para sa ikabubuti ko rin ito. "Ah, ganon ba? Pero... Do you eat this? I have no idea how to eat Balut. Can you teach me?" Hindi niya rin inaalis ang titig sa mga mata ko. Nakakaramdam na tuloy akong pagka-ilang. "Pasensya na po pero matutulog na kasi ako. Masamang matulog ng busog." Natawa siyang mahina. Nanliit ang mata kong nakatingin sa kanya na agad ko ring binawi nang mapatitig ulit siya. "Nagpapaturo lang naman ako sa'yong kumain pero hindi ko sinabing kumain ka rin." Tawa niya. Nagtiim ang bagang ko. Maiinis ba ako o matatawa sa sinabi niya? Wala pa rin akong pinakitang emosyon. Napansin niya rin iyon. Bumuntong hininga na lang siya at nanumbalik ulit ang ngiti. "Sige na... Uh, kahit dito na lang tayo sa tapat ng bahay niyo." Sinuyod ko ang kalsada. Wala nang mga tao, sarado na rin mga kabahayan. Nakakapagtaka dahil bihira iyon mangyari lalo na't maaga-aga pa naman. Sa mga oras na 'to nagsisimula ang araw ng mga tao rito, pero may naririnig pa rin naman ang karaoke at tawanan ng mga nag-iinuman sa 'di kalayuan. Binalik ko ang tingin sa kanya. Puno talaga ng pag-asa mga mata niya na papayag ako sa gusto niya. "Pasensya na talaga, Sir Shaun, pero masama ho kasi ang pakiramdam ko. Kailangan kong magpahinga para makapasok akong maaga sa hotel." Nagulat ako sa ikinilos niyang paglagay ng palad na noo ko, natampal ko 'yon palayo. Kinabahan ako sa ginawa ko.  "Sorry..." mahinang aniya. Akala ko magagalit siya, hindi ako makatingin nang maayos at yumuko na lang. Nangibabaw ang tunog ng karaoke sa katahimikan. May padaang grupo ng tao kaya umatras ako, napakapit sa gate at nagtago. Mahirap nang makita ng mga kapitbahay ko ang itsura ko. Sa dati naming tirahan, tampulan akong tukso. Ayaw ko nang maulit pa iyon o maging centro ng atensyon. Sinundan ko ng tingin 'yung mga tao para masiguradong hindi nila ako makikita. Humarang naman si Sir Shaun sa harapan ko dahilan para matakpan ako. Tikom ang bibig nag-angat ng tingin. Napaka lambing ng ngiti niya sa akin. Nakaramdam akong guilt. Ang sama ba ng trato ko sa kanya? Nasaktan ko ba siya? "You don't want anyone to see your eyes, hm?" Hindi ako sumagot. "Then let's go inside. Doon na lang tayo kumain," aniya at pumasok na. Nabitin lahat ng salita sa lalamunan ko nang makitang nakapasok na siya sa loob. Dali-dali kong sinarado ang gate at tumakbo papasok, iika-ika pa ako dahil maga ang paa ko. Pagpasok ko, naka-upo na si Sir Shaun sa sofa, gaya ng pwesto niya noong araw na nalaman ko ang totoo. May tusok akong nadama sa puso ko. Tinitigan ko siya sandali bago naupo sa harapan niya, hindi nagbago ang suot niyang itim na sleeve, hindi iyon nakatupi kaya hindi kita ang mga tattoo.  Abala siya sa paglalatag ng tatlong balut sa lamesa at pag-aalis ng asin sa maliit na plastic. Nakangiti siya habang ginagawa iyon na parang batang sabik sa pagtatanggal ng gift wrap sa regalong natanggap. Namalayan ko na lamang na matagal ko pala siyang tinititigan at nahuli ang sariling nakangiti. Huminga akong malalim at ci-nom-pose ang sarili saka naupo. "How can you teach me if you're sitting in front of me? Dito ka sa tabi ko, Emery."  Nasa tuhod ang mga siko niya at magkahawak ang dalawang kamay, matamang nakatitig sa akin. "Dito lang po ako." Sa tuwing nagiging pormal ako, nagbabago talaga ang ekspresyon ng mata niya na parang maiiyak o ano. "Mmm, sige. So... Paano ito?" Huminga akong malalim. "Ipukpok mo muna sa lamesa, 'wag masyadong malakas para hindi mabasag lahat ng shell." Ginagawa naman niya ang sinabi ko at sa tuwing matatapos na, titingin ulit sa akin, nag-aantay ng susunod kong instruction. Hindi ko alam paano ko nakakayanang hindi matunaw sa harapan niya. Iba pa rin ang t***k ng puso ko para sa kanya, hindi nagbago pero nadagdagan ng sakit. Masakit masyado dahil alam ko na ikakasal na siya. Palaisipan kasi lahat sa akin. Gusto kong malaman ang puno't dulo pero natatakot naman akong magtanong. Siguro dala na rin ng pride ito. Sa kagustuhan kong maging matatag at ipakitang hindi ako apektado, niloloko ko naman sarili ko. Pride na lang ang meron ako dahil naibigay ko na kay Sir Shaun ang puso ko. Naibigay ko nang hindi ko namalayan.  Hawak na pala niya at hinayaan ko.  Kinagat ko ang bawat sulok ng pisngi ko para pigilan ang sariling magtanong. Kinain niya 'yung tatlong balut maliban sa mga pato. Napangisi akong tago nang subukan niya iyon kainin kanina pero iniluwa rin kaagad at muntik pang masuka. Tumayo ako at naglagay ng tubig sa baso, nagpanggap pa akong diretso ang paglalakad kahit kumikirot ang paa. Pagbalik ko, nililigpit na niya 'yung kalat sa lamesa. "Uminom po muna kayo bago umuwi." Kaswal kong sabi at naupo. "Hindi pa ako uuwi. Gagamutin muna natin 'yang paa mo." Tinignan ko ang paa ko saglit at binalik agad sa kanya. "O-Okay lang ako. Paltos lang iyan, malayo sa bituka." Gumalaw ang panga niya at ambang tatayo nang magsalita ulit ako. "Magha-hating gabi na po. Hindi naman po magandang tignan na may lalaki akong kasama sa bahay at-" "I'm sorry, Emery, for hurting you." Tila umatras ang dila ko at hindi na nakapagsalita. Sa isip ko, lahat ng mga gusto kong sabihin at itanong, nawala na. May kaguluhang nangyayari sa loob ko at hindi ako makapag-isip nang ayos. Pero may nagsasabi sa akin na sinsero naman 'yung sinabi niya, ramdam ko, kaya nga mas naiinis ako sa sarili ko. "Nagpanggap ako pero totoo lahat ng pinakita ko sa'yo," maingat niyang paliwanag. "I just want us to be friends. I want to know you more and more because... Because I li-" "Makakauwi na po kayo, Sir Shaun." Putol ko at tumayo. Alam ko na ang sasabihin niya. Hindi ko na papatapusin pa dahil ayaw ko na ring umasa pa. Ngayon pa lang, dapat ipaintindi ko na sa delusyonal kong utak na hindi kami pu-pwede. Hindi teleserye o kwento sa libro ang buhay ko na magkakatuluyan ang mayaman at mahirap. Dahil sa totoong buhay, walang ganoon. Walang ganon, Emery! Gising! Sinundan niya akong tingin, mabilis ang paghinga. Ako itong nasasaktan din kapag nakikita ko 'yung lungkot sa mata niya. Pero hindi ko inalis ang mata ko. Tumayo na rin siya kasabay ng pagpakawala ng malalim na buntong hininga. "Uuwi na ako pero hindi ako aalis hangga't hindi tayo bumabalik sa dati. I'll stay here in this place until I gain your trust again." Palabas na siya nang pinto nang bigla siyang lumingon.  "If you want or need someone to talk to, nandito lang ako, few steps away from you." Lumunok ako. "Sana ganyan ka rin sa magiging asawa mo." Lumipas ang tagpong iyon pero nasa isip ko pa rin 'yung itsura ni Sir Shaun. Wala siyang isinagot sa sinabi ko. Ngumiti lang at tumango bago umalis, halata namang apektado siya. Bakit ba kasi hindi niya itago ang nararamdaman niya sa akin para hindi ako nasasaktan ng ganito?! Maging sa trabaho ko, naiisip ko pa rin siya. Kinausap ako ng floor manager na ginawa raw day-off ang araw ko. Tinanong ko kung sino nagbago ng schedule ko pero wala siyang maisagot.  "Mabuti pang umuwi ka na lang o kaya mamasyal ka." "Pero Ma'am Anna, hindi ko-" "Hindi ko na problema iyon, MJ. Sige na, umuwi ka na. Ngayong linggo lang 'yan, next week normal na ulit ang pasok mo." Iniwan na ako ni Ma'am Anna at bumalik sa trabaho niya. May ideya na naman ako kung sino may pakana. Sinandal ko ang likod ko sa locker. Naiinis ako na pati ang schedule ko sa trabaho ay ipapabago niya. At bakit? Panay ang buntong hininga ko habang pauwi na nang maramdaman ang pag-vibrate ng phone sa bulsa ko sa likod ng pantalon.  Unknown number: You should take a rest for today. :) Huminto ako sa paglalakad sa lobby ng hotel at napakamot sa kilay. Sinasabi ko na nga ba, e. Burado na ang numero ni Sir Shaun pero alam kong siya itong nag-text. Maypa-delete-delete pa akong nalalaman, e, kabisado ko rin naman. Ibabalik ko na nasa sa bulsa ko ang phone ng may nag-text ulit. Unknown number: Good morning, Emery. :) Are you free today? Can we talk about last night?  Napaisip ako. Last night? Si Kristoff! Bumuhos lahat ng alaala sa nangyari sa amin kagabi. Gusto kong sumigaw sa loob loob ko pero nandito ako sa hotel. Dumadagundong sa lakas ang t***k ng puso ko at gusto ko ring i-umpog ang sarili ko sa pinaka matigas na pader dito sa hotel.  Preoccupied ang isip ko at puro si Sir Shaun ang nasa isip ko kaya nakalimutan ko kung anong nangyari bago pa man mangyari ang lahat. Paano ko nakalimutan na nahalikan ko sa labi si Kristoff kagabi?! Ang first kiss ko! Nasayang ang first kiss ko sa lalaking hindi ko naman gusto!  Napatalon ako sa gulat nang lumitaw ang numbero ni Kristoff sa phone ko, tumatawag. Napalinga ako sa paligid. Wala namang nakatingin sa akin o pumapansin. Huminga akong malalim at inis sa sariling naglakad, nakatitig pa rin sa phone. Nagtatalo ang isip ko kung sasagutin ko ba o hindi.  Nahihiya ako sa kanya at naiinis din sa pangyayari. Bumabalik na naman 'yung kamalasan ko sa buhay na akala ko natapos na. Paglabas ko ng hotel, tumambad sa akin ang init ng araw kahit na maaga pa. Huminga akong malalim at sinagot din ang tawag. Dahan-dahan ko pang inilagay ang cellphone sa tainga ko, kabado.  "H-hello?" sabi ko.  "Good morning, Emery. Hi... Mmm, nabasa mo ba texts ko?" Matagal bago ako nakasagot. Naglalakad na ako papunta sa sakayan nang mabagal para maiwasan ang kirot sa paa.  "Emery?" "Sorry! Ah, naglalakad kasi ako..." hindi ko narinig ang sinasabi ni Kristoff sa kabilang linya dahil may dumaang bus at bumusina.  "Pupuntahan kita." "Huh?" "Where are you?" "Uh, nasa kalsada." Humalakhak siya. "Obviously, pero saan nga? Susunduin kita." Nangunot ang noo ko. "Hindi na, Kristoff. Saka na lang tayo mag-usap... sorry..." sabi ko at ibinaba na ang tawag.  Isa pa 'tong dumagdag sa isip ko. Sinuklay ko ang buhok ko gamit ng palad at napasabunot. Ang tanga ko talaga! Nanghihinayang pa rin ako sa first kiss ko. Dapat sa tamang tao ko iyon ibibigay at sa magandang pagkakataon, e. Napaka layo sa imagination ko at sa pinapangarap ko 'yung nangyari. Nakakainis! Naghahantay akong may dumaang jeep nang may puti at karag-karag na sasakyan ang pumarada sa harap ko. Sobrang lapit pa sa kinatatayuan ko na isang hakbang na lang, didikit na ako. Bahagya akong nagtaka, dumistansya ako at tumingin ulit sa dumaraang jeep.  Ilang saglit lang nadinig ko ang pagbaba ng bintana, masakit sa tainga 'yung nilikha no'ng tunog na katulad ng chalk na ikinikiskis sa blackboard. Mariin akong napapikit at nangilo.  "Sabay ka na sa'kin, Emery." Isang pamilyar na boses ang nadinig ko. Bago ko pa silipin ang bintana ng sasakyan, bumukas na ang pintuan sa driver's seat at may lumabas. Namilog ang mata ko nang ang magarang si Sir Shaun ang sakay ng bulok na sasakyan. Abot tainga ang ngiti ang nakakasilaw niyang ngiti.  "Sir?" sabi ko nang matauhan.  "Uuwi ka na rin ba? Sakto lang pala ako. Uuwi na rin kasi ako, e. Pwede kang sumabay sa akin." Nakalapat ang dalawang braso niya sa bubong ng sasakyan.  Ibang-iba siya tignan ngayon. Hindi siya 'yung typical na Sir Shaun na may mamahaling coat na suot, polo shirt at maong na pantalon lang suot niya. Mamahalin pa rin naman tignan pero ang simple... at mas lalo siyang naging gwapo. "Magje-jeep ho ako."  Naningkit ang mata niya at ngumuso. "Namamaga paa mo 'di ba? You can't work with sore feet, Emery." Kaya ba pinag-day-off mo ako at isa na naman 'to sa plano mo? Kung ano man ang plano niya ba't niya 'to ginagawa, wala na akong pakealam pa. Basta hindi na ako magpapauto pa! Hilaw akong ngumiti at umiling.  "Salamat po pero hindi pa naman po ako uuwi, Sir Shaun." Tumango-tango siya. "Really? At saan ka naman pupunta?" "Huh?" hindi ko inaasahang magtatanong siya. Mabuti naman at nakapag-isip agad akong idadahilan. "Ahh, magkikita kasi kami ni Kristoff." Nabura 'yung ngiti sa labi niya at nag-igting ang mga panga. Napalunok ako. Nakakatakot ang madilim niyang ekspresyon at mabigat na aura. Ganitong tensyon ang nadama ko noon, ang hirap huminga.  "Kristoff..." may pagbabanta sa boses niya habang binabanggit ang pangalan nito. "I know him... really well..." ngumisi siyang katakot-takot. Napalunok ako.  Saktong nahagip ng mata ko ang isang jeep. Pinara ko iyon kahit na ibang lugar ang destinasyon niya. Mabilis at maingat ako naglakad palayo. Pagsakay ko sa jeep, nakatayo pa rin si Sir Shaun doon. Bago pa man siya makalingon sa akin, tumakbo na agad ang jeep pag-upo ko at doon lang ako nakahingang malaya.  Medyo natakot ako kanina sa reaksyon ni Sir Shaun. Bumaba na rin ako sa jeep nang makalayo at doon ulit ako nag-intay ng jeep na pauwi. Sinigurado kong wala sa paligid si Sir Shaun. Pahirapan na nga tuloy makauwi dahil madadaanan ko ang tapat ng inuupahan na bahay ni Sir Shaun. Tuwing dadaan kasi ako, pakiramdam ko talaga nandoon siya at nakikita ako. Ewan ko ba kung dala lang 'to ng imahinasyon ko, e. Nang araw na iyon, tahimik ang araw ko at nakapagpahinga ako. Maging sa mga sumunod na araw, wala na kaming interaksiyon pang muli ni Sir Shaun. Hindi na rin nagagawi si Sir Xenon Rizaldo sa hotel. Sabagay, tapos na ang palabas at pagpapanggap. Si Sir Shaun na ang nandoon lagi.  Madalas siyang pum-westo sa island counter habang kaharap ang laptop at umiinom ng kape na inuutos niyang timplahin ko. Ganoon lang ang interaksyon. Hindi niya ako kakausapin pero bantay sarado naman ako ng mga titig niya, mas malala pa nga iyon kung tutuusin. Paano ako makakapagtrabaho gayong may matang nakabantay sa akin?  Wala akong talent sa pagtimpla ng kape, 'di ko naman din pwedeng tikman. Tingin ko nga may pagkakataon na sobrang tamis ng timpla ko o di kaya'y mapait naman. Minsan kasi napapangiwi siya pero wala akong reklamong naririnig at nauubos naman niya. Napapasulyap pa rin ako sa kanya, nagagawa ko iyon kapag may kausap siya sa cellphone. Napapatanong ako sa sarili ko kung bakit hindi ko kayang magalit sa kanya? Oo, niloko niya ako at ikakasal na siya. Nasaktan ako pero hindi ako galit. Siguro dahil alam kong parte iyon ng pagmamahal sa isang tao.  Walang kasiguraduhan ang lahat ng bagay. Maari kang masaktan kahit na gaano mo kamahal o gaano ka kamahal ng isang tao. Doon naman masusubok ang pagmamahalan niyo, e. Isa pa sa naisip ko, paano kaya kung hindi nagpanggap si Sir Shaun noon? Paano kung noon pa lang, alam ko na ang lahat? Mangyayari din ba 'yung nangyari noon o baka naman naging maayos ang lahat? Tumayo sa high chair si Sir Shaun, bitbit ang coffee mug. Dinaluhan ko siya para kunin ang baso at mahugasan. Hinayaan niya akong gawin ang trabaho ko. Tahimik ang buong paligid. Walang kahit ano maliban sa tunog ng keyboard sa tuwing nagta-type siya sa laptop niya.  Patapos na ako sa paghuhugas nang huminto si Sir Shaun sa pagta-type at humalukipkip. Ramdam ko ang mata niya sa akin. Binilisan ko ang pagpupunas sa sink para makaalis na. Tumikhim si Sir Shaun. Tila napigtas ang lubid sa puso ko at gusto na namang kumawala. Nanatili ang mata ko sa malamig na sahig.  Suminghap si Sir Shaun. "I don't want to marry Blanca, Emery." basag niya sa katahimikan.  Nakatikom mga labi ko. Mukhang may gumugulo sa isipan niya at nasasabi niya 'to bigla sa akin.  "That's the truth. And do you know who I wanna marry?" naghahamon niyang tanong.  Wala akong lakas ng loob na tignan siya o magsalita. Nakailang lunok na ako pero mabilis na nanunuyot ang lalamunan at labi ko. Bigla akong gininaw.  "Do you wanna know, Emery?" matapang ang tono ng boses niya pero nandoon ang lambing, mababanaag mo 'yung lambing.  Kinuyom ko ang dalawang kamao ko at kumapit sa pantalon ko. Nahihilo ako sa lakas at bilis ng t***k ng puso ko sa mga tanong niya. Walang napalang sagot mula sa akin si Sir Shaun. Nagpakawala siyang malalim na paghinga at tumayo. Mas lalo akong kinabahan, doon na ako nag-angat ng tingin.  Lumakad siya papalapit sa akin. Papalapit na nang papalapit, nararamdaman kong nahuhulog ang puso ko. Hinawak ko ang kanang kamay ko sa sink bilang suporta at ang isa ay nasa dibdib ko. Nangungusap ang mga mata ni Sir Shaun, diretso ang titig sa akin, maamo at matamis ang ngiti niyang lagi kong nakikita 'pag magkasama kami.  Ilang dipa lang ang layo namin. Nakatingala ako sa kanya. Hinuhulaan ko kung ano bang gagawin o sasabihin niya kaso wala akong maisip. Magulo ang isip ko at puso. Binasa niya ang pang-ibabang labi at mariin itong kinagat na mas lalong nagpapula rito. Lumapad pa ang ngiti niya habang kapag ang labi. Pinakawalan niya ang mga labi niya saka humingang malalim at sandaling napapikit. Naghihintay lang ako sa sasabihin niya. Ito na naman 'yung pakiramdam ko na kami lang ang tao sa mundo. Suminghap siya at pagmulat ay yumukong kaunti para magpantay ang mukha namin.  "I'm in love with you, Emery Joule. Is that okay with you? Pwede ba kitang mahalin?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD