Sundo
Mas inilapit pa niya ang kanyang mukha sa akin. Uminit ang pisngi ko. Nakatitig pa rin ako sa kanya, hindi ko magawang bumaling ng tingin. Panay na ang lunok ko pero nanunuyot pa rin lalamunan ko, pati na rin ang labi ko na nagdikit na yata dahil para 'di rin makapagsalita.
Naging mabagal ang takbo ng oras na naging segundo. Nabingi ako sa lakas ng t***k ng puso ko at bahagyang nahilo. Humigpit pa ang kapit ko sa uniporme ko. Ganitong-ganito ang nangyari noong unang beses ko siyang makita... nangyayari na naman.
Wala nang mapaglagyan ang puso ko sa sobrang daming emosyong nararamdaman ko sa sandaling ito. Ang sabi ng isip ko, lumayo ako, tumakbong sobrang layo para hindi niya maabutan dahil mali ito. Pero ang puso ko, masaya.
Ganon pala talaga 'no? Ang hirap kalabanin ng puso. Ang hirap sundin kahit na alam mo sa sarili mo ang tama at mali, mas pinipili mo pa rin 'yung bagay na makapagpapasaya sa'yo.
Kasi masarap naman talaga magmahal at mahalin, pero paano na? Sa sitwasyon namin ni Sir Shaun... Alam kong bawal, pero bakit gusto kong pumikit at damahin ang halik niya?
Sinabi niyang ayaw niyang pakasalan si Blanca at ako ang mahal niya. Dapat pa ba akong maniwala? Sinaktan na niya ako, niloko. Anong kasiguraduhan ang pwede kong panghawakan para mapaniwala niya ako? Pwedeng oo, mahal niya ako ngayon. Paano bukas at sa mga susunod pang mga araw? Paano kung magsawa na siya? Paano na ako?
Unti-unting nanikip ang puso ko, ganoon din ang mga kamay kong nakapatong sa dibdib ko. Marahang pumikit si Sir Shaun habang papalapit na nang papalapit ang labi niya. Kumikirot ang puso ko pero sinunod ko ang sigaw nito...
Mariin kong ipinikit ang mata ko at pinigil ang paghinga.
"Surpise!!"
Sa bigla ko nang makarinig akong hiyaw, malakas kong naitulak si Sir Shaun at takot na tinignan ang pinagmulan ng boses. Namilog ang mata ko nang maaninag ko ang imahe ng isang babae, hindi na ako nagtangka pang tignan ang mukha niya at nagbawi agad akong tingin, sa takot na baka si Blanca iyon.
Dagundong na ang t***k ng puso ko sa lakas no'n, nagbaba akong tingin. Nakatuon ang mata ko sa malamig na tiles, kabado.
"A-am I... Interrupting... something?" Usal ng babae.
Kinagat ko ang nanginginig kong labi at mariing pumikit. Sa isip ko, hinanda ko na ang ang sarili kong makatanggap ng sampal at sabunot sa kanya... kung siya man si Blanca.
Nadinig ko ang malalim na buntong hininga si Sir Shaun, dismayado. Mahinang humagikgik ang babae.
"I think nakakagulo nga talaga... ako. Okay, I'll leave you two alone. You can continue your kiss now, Shaun." Pang-uuyam ng babae sabay tawa.
"Lite!"
Napaigtag ako sa tabi ni Sir Shaun, nakayuko pa rin. Naiiyak na ako sa kahihiyang sinasapit ko. Lite? Hindi ba iyon ang pangalan ng bestfriend ni Sir Shaun, na sa tingin ko ay 'yung babaeng nagustuhan niya at asawa na ng pinsan niyang si Sir Maximus ngayon?
Nandito na naman 'yung kirot sa puso ko. Ang dating sa akin ay kinakahiya niya ako... o nago-overthink na naman ako?
"What? Sorry... Kalma... aalis nga nga, e."
"Just... go, Lite. Just leave us alone..."
Tumikhim ako at humingang malalim. Walang sabi-sabi, tumakbo ako palayo. Nilampasan ko ang kaibigan ni Sir Shaun, sa sobrang madali at lito, nakalimutan ko ng dalhin pa ang cart na puno ng gamit panglinis.
Nasa dibdib ko ang dalawa kong kamay at hinahabol ang hininga. Para akong maiiyak o mahihimatay, ang gulo ng nararamdaman ko sa biglaang pangyayari.
Paglabas ko ng elevator, tumakbo ako papunta sa pinaka malapit na restroom. Pinagpapasalamat ko na wala akong guest na nadaanan. Ako lang ang mag-isa sa restroom, nasa marmol na lababo ang dalawa kong kamay habang malalim na tinititigan ang sarili sa salamin.
Swerte ba ako o malas? Swerte ba na hindi natuloy 'yung halik ni Sir Shaun? Sign ba iyon na hindi dapat ako maging mapusok at pag-isipang maiigi ang lahat? O malas?
Ang gulo! Naghilamos ako para mahimasmasan. Nagtagal akong ilang minuto sa loob, nilulubos ko lang 'yung pagkakataong walang tao rito maliban sa akin. Pagkatuyo ng mukha ko, inulugay ko ang mahaba kong buhok at sinuklay gamit ng dalawang kamay.
Itali ko rin iyon pabalik sa pagkakatirintas at saka humingang malalim, tinampal ko ang pisngi ko bago tuluyang lumabas. Laking gulat ko at muntik pang mapahiyaw nang magsalita si Sir Shaun, na nasa gilid ng pintuan, nakahilig ang likod sa pader, naka-krus ang mga kamay na tila nag-aabang.
"Why'd you run away?"
"P-po?" Tarantang sabi ko, nasa dibdib ko ang kaliwa kong kamay dahil sa gulat.
Matamlay ang anyo ni Sir Shaun pati na rin ang boses, ibang-iba kanina. Lumunok ako at tumindig nang diretso. Hininto ko muna ang pag-iisip nang kung anu-ano para 'di niya mahalatang apektado ako.
Ngayon, nagsisisi na tuloy ako bakit ako tumakbo gayong 'di naman kailangan. Napanghinaan ako masyado, nagpadala ako sa emosyon ko.
Matatalas ang bawat paghinga ni Sir Shaun. "Damn it!" Mariin niyang bulong.
"Let's go back, Emery. We still need to talk."
"Pasensya na po Sir Shaun sa inasal ko kanina. 'Wag po kayong mag-alala, kukunin ko rin po 'yung cart sa kwarto." Nasabi ko iyon diretso kahit na alam kong kinakabahan ako.
Napasapo siyang noo. Pulidong-pulido talaga ang matutulis niyang panga. Umangat ang manggas ng suot niyang dark blue na sweatshirt dahilan para lumitaw ang tattoo niya sa kaliwang braso.
Hinilot niya ang sentido na parang sumasakit na ang ulo sa kakausap sa akin.
"Emery-"
"Sige po. Mauuna na po ako," putol ko at lumakad na paalis.
Kung sa normal na empleyado at gagawin nila 'yung ginawa ko kay Sir Shaun ngayon lang, malamang sesante na iyon agad! Hindi ko na nakita o nakausap pang muli si Sir Shaun na araw na ito.
Pero ginugulo pa rin ako ng isip ko. Muntik na kaming maghalikan ni Sir Shaun kanina! Napapatulala pa rin ako sa tuwing maalala ang mapupula niyang labi, perpekto at matulis na ilong... muntik na. Handa na talaga ako kanina, e.
Sa mga oras na iyon, handa na akong kalimutan 'yung tama sa mali. Sabihin na nating mahal niya ako, pero hindi pa rin tama na halikan niya ako dahil nasa relasyon pa siya. Hindi lang bastang relasyon, magpapakasal na sila.
Siguro hindi ko talaga dapat seryosohin si Sir Shaun. Kasi kung hindi niya mahal si Blanca, bakit sila pa rin? Sila pa rin kasi mahal niya. At ako? Katuwaan lang. Baka para sa kanya, flavor of the month lang...
Nawala na sa isip kong kapitbahay ko na si Sir Shaun kaya nabigla ako nang madaanan ko siya sa tapat ng bahay nila. Napalilibutan siya ng sandamakmak na babae habang naglilinis ng luma at karag-karag niyang kotse, na props niya para bumagay sa mundo ko.
Nagkatinginan kami. Nginitian niya ako at kumaway. Nagpatay malisya na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Siniko ako ni Jean sa tagiliran, natawa.
"LQ?"
Kalahati lang ang nabigay kong ngiti sa kanya, samantalang andami na niyang nasabi at naikwento tungkol sa lalaking nakilala niya sa party ni Jayzza.
Isa pa iyon, e! Sumakit pa lalo ang utak ko sa pagalala nang nangyari sa amin ni Kristoff.
"O siya! Uuwi na ako. Kitakits ulit bukas sa school at saka... Nga pala, susunduin ako ni Marky bukas sa school kaya mauna ka nang umuwi sa akin, okay?"
Tumango ako. "Sige. Ingat kayo."
Pinanuod ko muna ang patalon-talong lakad ni Jean palayo. Mukhang maganda naman ang naidudulot ng Marky na iyon sa kanya. Alam kong matalino si Jean sa pag-ibig kumpara sa akin dahil realistic siyang klase ng tao. Pero kung mali ako at masaktan siya, nandito naman ako para samahan siya.
Parang wala pa akong nakikilalang tao na handa kapag nasaktan. Wala pa.
Pagbukas ko ng gate, may nahulog na blue na papel na nakatupi sa tatlo. Pumasok muna ako sa loob at kinandado ang gate bago iyon pinulot. Binuksan ko iyon pero hindi ko gaanong mabasa ang nakasulat doon dahil alas sais y media na at dumilim na ang langit.
Umupo agad ako sa sofa at saka binasa ang sulat.
Magandang gabi, Emery Joule!
Kamusta naman ang araw mo, magandang binibini? Sana ay naging masaya ka ngayon. Hiling ko na sana magkausap muli tayo. :)
-SL
Nakangiwi ako hanggang sa matapos kong basahin ang sulat. Ano raw? SL? At sino naman iyon? Kung sino man ang SL na iyon, hindi siya nakakatuwa. Binalik ko sa tatlong tupi ang papel at dinungaw ang bintana, tinignan ko ang mga taong dumadaan, mukhang wala namang weirdo o kakaiba sa labas. Ganoon pa rin.
Kinilabutan naman ako sa naisip kong baka may stalker ako. Sa panahon ngayon, wala nang imposible. Mahirap na lalo't ako lang mag-isa sa bahay.
Ang kaso wala namang ganitong nangyayari sa akin noon, walang sulat o stalker. Simula lang noong dumating si Sir Shaun. Hindi kaya... si Sir Shaun ang nagbigay?? Kasi SL ang initials. Sa pagkakaalam ko, Shaun Lake ang buong pangalan niya.
Pwedeng oo... pwede rin namang hindi.
Kinuha ko sa body bag ko ang cellphone at di-nial ang numero ni Kuya. Guminhawa agad ang loob ko nang sa dalawang ring ay sinagot na niya.
"Kamusta, Emery?" May pagka-iritado yata ang boses ni Kuya.
Ngumuso ako at sinandal ang likod sa upuan. "Hindi mo na nga ako kinakamusta tapos parang hindi ka naman masaya na tumawag ako." Humalukipkip ako.
"Pag pasensyahan mo na ang Kuya. Marami lang talagang ginagawa."
Natahimik ako sa sinabi niya, medyo nabigla. Ni minsan hindi ko narinig si Kuya na kumatwiran ng ganyan, hindi niya ako nakakalimutan kahit gaano siya ka-busy. Ngayon lang.
Nangunot ang noo ko. Gusto kong umunawa pero nadala na rin ako sa pagtatampo ko.
"Okay. Hindi na ako tatawag. Kamustahin mo na lang ako kapag hindi ka na busy." maktol ko sabay putol sa tawag.
Ilang segundo lang nang ibaba ko ang tawag, tumawag si Kuya. Nagpatay akong cellphone dahil sa inis ko. Umiiral lang din ang pagiging isip bata ko, pero wala na rin akong ganang makipag-usap pa sa kanya o kahit na sino.
Isang nakakaubos na araw na naman ang lumipas.
Sa school, panay pa rin ang iwas ko kay Kristoff. Madalas ko siyang makita sa hallway papunta sa klase ko pero sa ibang daan ako naglalakad at minsan nagtatago pa sa mga taong nakakasabay ko. Inaabangan yata talaga niya ako.
Wala naman kasi kaming dapat pag-usapan. Wala akong mukhang maiharap sa kanya, isang kahihiyan ang ginawa ko na hindi ko man lang naisip noong gabing mangyari iyon.
Patapos na ang klase ko at excited na excited si Jean sa date nila ni Marky. Suportado rin sila ni Jayzza at sinabing mabait naman talaga si Marky. Wala pa akong nakukuhang pagkakataon na makausap siya, palagi silang magkasama ni Jean at 'di na mapaghiwalay.
Ako na lang mag-isang umuuwi kahit sa trabaho dahil sinusundo rin siya ni Marky. Ang lakas maka-showbiz ng mga sagutan ni Jean sa tuwing tatanungin ko siya kung sila na ba, hindi pa raw pero may pagkakaunawaan sila.
Anong pagkakaunawaan? Siya itong nagsabi sa akin na dapat lahat ng bagay ay may label para sa huli, hindi magkakalituhan. Ewan ko ba kay Jean. Ako ang kinakabahan sa ginagawa niya pero masaya naman siya, e. Halata naman.
Niligpit ko na ang gamit ko papasok sa bag. Umuna na si Jean dahil kanina pa nga nag-aantay si Marky sa gate ng school. Hindi talaga nila ako inaaya sa date nila. Napailing-iling ako sa sarili. Gusto ko sana talaga makilala 'yong lalaki na 'yon, e. Para malaman ko rin kung paano niya pakisamahan o pasayahin si Jean, para na rin hindi na ako mag-alala.
"Una na kami ni Misha ha? May bagong pop-up store ang MAC sa mall! Hindi ka ba talaga sasama?" Tanong ni Jayzza.
Nakatayo silang tatlo sa harap ko. Sila Jayzza, Misha at Scarlet, mga nakasukbit na ang bags nila sa balikat. Ngumiti ako at umiling.
"Sige na! Saka kakain tayo sa Ramen, hindi mo pa 'yon nat-try, e." Si Misha naman.
Inangat ko na ang kamay ko at winagayway bilang pagtanggi. Maglalaba rin kasi ako pag-uwi ko sa bahay. Tiyak na hindi ko na iyon magagawa kung sakaling sasama man ako sa kanila.
Dumaan ang ilang ulit pang pamimilit nila. Tumunog ang cellphone ni Jayzzq kaya ako napahinto at bumaling sa kanya. Nagningning ang dalawa niyang mata sa liwanag mula sa cellphone niya sabay ngisi. Pinatay niya agad ang phone at tumingin sa akin, nakangisi pa rin.
"Sige na nga! But make sure na you'll join us next time ha?! Kung hindi, kakaladkarin na kita."
Ngumisi lamang ako. May kakaiba sa ngisi niya, e. Hindi siya sumusuko pagdating sa pamimilit sa akin, pero nag-iba bigla ang ihip ng hangin nang tignan niya ang kanyang cellphone. Naningkit ang mata ko habang kinakawayan silang tatlo na palabas na sa classroom.
Paglabas nila, doon ako nagbawi ng hangin at bumontong hininga. Ako na lang mag-isa sa loob ng classroom at ugong ng aircon na lang ang naririnig ko. Nag-nap muna ako saglit.
Maya-maya, may narinig akong yabag. Hinayaan ko na dahil baka makiki-sit-in lang. Lumalakas na ang yabag, alam kong papalapit sa akin at tama nga ako, dahil 'yung katabi kong upuan ang hinigit niya at malamang na doon siya naupo.
Nag-angat na akong ulo at binalingan ng tingin ang kanan ko. Muntik pa akong mahulog na kinauupuan ko nang makita si Kristoff, halos isang dipa lang ang layo niya sa mukha ko. Nalukot ang mukha ko at sinapak siya sa balikat.
"Papatayin mo ba ako sa gulat?! Diyos ko!" Inirapan ko siya at suminghap.
Tawa pa nang tawa, akala siguro nagbibiro ako. Pumangalumbaba siya habang minamasdan ako, may kung ano yata siyang nakikita sa mukha ko kaya kakaiba kung makatitig. Sinimagutan ko siya at tumayo.
Idinadaan ko na lang sa pagdadabog ang hiya ko. Iniiwas ko na ang mukha ko at baka biglang mamula pa. Isipin pa niya na gusto ko siya.
"Going home?"
"Hindi. Papasok ulit ako sa school." Pabalang kong sagot, tinatalikuran siya.
Pahapyaw ang sarkastikong tawa niya. "I'll take you home. Halos isang linggo kitang hindi nakikita rito..."
Naglakad na ako palabas ng classroom at sumunod din naman siya gaya ng inaasahan ko. Makulit ang isang 'to, e. Kaya nga todo iwas ako dahil wala na akong kawala rito. Kung nandito lang si Jean, tinaboy na niya 'to. Hindi ko pa rin nasasabi kay Jean ang nangyari sa amin ni Kristoff kaya malamang ay pagagalitan na naman ako no'n.
"Hmm, are you avoiding me because of... what happened?" Maingat niyang tanong sa gilid ko.
Kahit anong bilis ng paglalakad ko, nasasabayan niya ako. At kung tumakbo man ako, ako lang din ang kawawa. Soccer player ang isang ito, sinong niloloko ko?!
"Bakit naman kita iiwasan? Ha?" Kalmado kong sagot. Natataranda na ako sa loob ko. Anong klaseng tanong iyon?!
Ang tanga mo talaga, Emery! Dinudungaw ni Kristoff ang mukha ko para suriin ang reaksyon ko. Ismid ang mukha ko at patuloy sa paglalakad palabas ng school.
Nagpamulsa si Kristoff. Bumungtong hininga siya at bumagsak ang dalawa niyang balikat.
"I'm sorry, Emery. Alam kong hindi naman iyon sinasadya at hindi mo rin gusto that's why I wanted to apologize to you personally. Hindi kita naalalayan ng tama."
Napakurap-kurap ako, inawat ko ang sariling lingunin siya. Ako nga itong dapat magsorry dahil ninakawan ko siyang halik! Naiinis ako dahil nasayang ang first kiss ko pero hindi naman niya kasalanan iyon!
Tumikhim ako para pagaanin ang mabigat na sitwasyon ko.
"Ahhh, iyon ba? Akala ko naman kung ano... Wala iyon!" sabi ko na lang.
Pikit mata akong napalunok. Big deal sa akin iyon! Pero para matapos na at hindi na mapag-usapan, mabuting ganito na lang ang sabihin ko.
"Kalimutan mo na 'yon. Nakalimutan ko nga, e. Pinaalala mo lang." Sabay tawa ko.
Nakahinga namang maluwag doon si Kristoff at napangiti. Nasa lobby na kami. Pinagtitinginan ng lahat si Kristoff. Lagi namang ganito, e. Sikat kasi sa school, gwapo, mayaman, varsity player at... mabait? Mabait siya para sa akin, ewan ko lang kung ano ang ugali niya sa iba.
Nakakasalubong ko ang mga mata ng babae na nagbabago ang ekspresyon at napapa-irap pa kapag nasa akin na ang tingin nila. Ano nga bang bago? Mahirap talagang mapalapit sa tulad ni Kristoff, gulo ang abot ko nito sa mga fan girls niya. Nararamdaman kong naiinis sila sa akin, tingin pa lang nakakamatay na.
"I can't..."
Naputol ang pag-iisip ko at napatingin kay Kristoff. Diretso lang ang tingin niya sa daan.
"Ano?" Salubong na ang kilay ko.
Suminghap siya. "I can't forget your kiss that easily," huminto siya sa paglalakad.
Napahinto na rin ako at natarantang napatingin sa paligid namin. Nasa gitna pa kami ng entrance ng lobby, walang taong dumadaan pero ang mga mata ng fan girls niya naman ay pinagpe-pyestahan kaming dalawa.
Binalik ko ang naguguluhan kong tingin kay Kristoff. Akala ko okay na kami, medyo gumaan na ang loob ko kahit na nagsinungaling ako sa sarili ko, kaso ano na naman 'to?
Inalis ni Kristoff ang kaliwang kamay niyang nasa bulsa para suklayin at ayusin ang kulot niyang buhok. Bahagya siyang humarap sa akin. Naka-angat ang gilid ng labi niya kaya't lumataw ang malalim niyang dimples sa kaliwang pisngi.
Napasinghap ako nang ilapit niya ang kanyang mukha sa akin.
"I can't forget your kiss because you know what?" Ngumiti siyang malapad. "Because I like you."
Napakurap akong tatlong beses. Pamilyar ang ganitong pangyayari... ganito 'yung sitwasyon namin ni Sir Shaun... ang kaibahan lang, hindi parehas ang naramdaman ko sa kanilang dalawa.
Iba ang t***k ng puso ko kay Sir Shaun, para akong nasa kalawakan, kakaibang pakiramdaman na hindi ko pagsasawaang maramdaman. Samantalang itong kay Kristoff, pagkabigla lang ang naramdaman ko at hiya.
Sumimangot ako't napa-ngiwi. "Ito para kang tanga!" Sabi ko at sinapak siya sa braso.
Ikiniling ko ang ulo ko tanda ng pagka-irita at lumakad na palabas ng building. Nakakapit ako sa sabitan ng bag ko, iniisip kung tama ba ang reaksyon ko.
Mahirap na talaga maniwala sa mga sinasabi ng tao. Hindi ko na alam kung anong totoo, lalo sa tulad niya. Mayaman 'yon. Anong nagustuhan no'n sa akin? Parehas lang ba sila ng balak ni Sir Shaun? Ang pag-tripan ako? Malas lang ni Kristoff, hindi na ako uto-uto.
Pero mali rin naman na isipan ng masama lahat ng tao. Kung totoo man din ang nararamdaman niya, mas mabuting malinaw sa kanya na malabo ang gusto niya.
Akala ko titigilan na ako ni Kristoff pero humabol muli siya sa lakad ko. Kalmado pa rin naman siya kahit na ganoon ang sinabi ko, nakangiti pa.
Tinitignan ko siya. Nakangiti pa rin talaga, mukhang good mood. O 'di ba? Hindi talaga siya seryoso sa sinabi niya sa akin. Baka pinapa-practice-san lang ako. Napabuntong hininga na lang ako at nagkibit balikat.
"Bakit mo ba ako sinasabayan maglakad? 'Di ba nandoon ang kotse mo?" Tinuro ko ang nadaanan naming parking lot na katabi lang ng gate ng school.
"Ayaw mo kasing ihatid kita sa inyo kaya ihahatid na lang kita sa jeep."
"Ha? Ano ako batang paslit? Diyan lang naman sa gate, e."
"Exactly! Diyan lang naman sa gate kaya pagbigyan mo na ako. Ayaw ko kasing ipilit na ihatid ka at baka isipin mo weirdo ako. Pero let me just walk you to our school gate. Please!" Nag-puppy face pa siya sa harap ko.
Natawa ako at tinulak ang mukha niya palayo. "Hindi bagay!"
"You look prettier when you smile," aniya.
Sinimangutan ko siya agad. "Tse!"
Tumindig nang maayos si Kristoff, nanatili siya sa harapan ko at pabaliktad na naglakad. Tawa pa rin ako nang tawa sa mga pinagsasabi niyang walang katuturan. Hindi mo aakalain na ang mayamang tulad niya ay sobrang jologs pala.
Napapahawak na ako sa tiyan ko sa sakit no'n sa kakatawa. Sa pag-alis ni Kristoff sa harapan ko nang malapit na kami sa gate, nahagip ng mata ko ang pamilyar na kotse.
Heavily tinted ang sasakyan kaya 'di ko makita kung sino ang nasa loob. Pero may hinala na ako kung sino, hindi ko masyadong tinignan na ang sasakya para kung sakali ngang si Sir Shaun iyon. Mabilisan kong tinignan ang plaka ng sasakyan. EJHR 2020. Sa kanya nga iyon!
Kinabisado ko talaga iyon para sa mga ganitong klaseng pagkakataon. Ano naman ang ginagawa niya rito?!
Sumakto naman na may tumakbo mula sa gilid ko papunta mismo sa kotse ni Sir Shaun. Sa kurba pa lang ng katawan, mamahaling bag at glamorosang aura, alam kong si Blanca Pereira iyon.
Nanikip ang dibdib ko sa sandaling pumasok si Blanca sa loob ng kotse. Ano pa bang nakakagulat doon? Ikakasal sila, e. At kaya nandito si Sir Shaun ay para sunduin si Blanca. Anong nakakagulat doon? Ha! Emery?!
"Are you listening, Emery?"
"H-Ha?!" Sabi ko kay Kristoff. Napakagat akong labi. Lutang na naman ang isip ko dahil lang sa nakita ko.
"I asked if you want to go to the art museum with me. It's my friend's. Bagong bukas lang kaya gusto kong suportahan."
Napatango na lang ako, wala sa sarili.
"Great!! Saturday, next week!"
Ngumiti ako. Wala na akong ganang magsalita. Nawalan ako ng lakas doon. Noong isang araw, sabi niya mahal niya ako, e. Ano ba ang halaga ng salitang iyon para sa kanya? Katumbas lang ba iyon sa kanya ng thank you? Sa akin kasi malalim ang ibig sabihin no'n.
Hinatid nga lang ako ni Kristoff sa jeep. Panay pa ang kaway niya sa akin, nginitian ko lang siya.
Pag-uwi ko sa bahay, may blue na papel na naman ang naka-ipit sa pintuan ng gate namin. Kinuha ko na iyon bago ma mahulog sa mamasa-masang lupa. Binuksan ko na agad iyon pagpasok ko sa kwarto ko at naupo.
Magandang gabi, Emery Joule!
Ngayong araw ang huling araw na makikita kita. Mawawala lang ako ng isang buwan dahil may aayusin akong importanteng bagay. Pagbalik ko, sana magka-usap ulit tayo. Mag-iingat ka palagi! :)
- Shaun Lake H. Rizaldo
Nalaglag ang panga ko. So, sa kanya nga talaga galing ang mga sulat na natatanggap nitong huling mga araw?! Ano na namang kalokohan ang naisip niya at bigla niyang naisipang magpakilala? At saka... Aayusing importante? Aalis siya?
Naalala ko na naman ang nakita ko kanina. Nakaramdam ako ng inis. Nilukot ko ang papel at binato sa pader. Maliit lang ang kwarto ko kaya tumalbog lang iyon pabalik sa kama ko. Inis kong binagsak ang sarili sa kama at hinampas-hampas ang unan.
"Nakakainis ka talaga Shaun Rizaldo! Nililito mo ako! Nalilito na ako!" Asik ko. Sinasapak-sapak ko ang unan, iniisip na si Sir Shaun iyon.
Nakakainis talaga! Lahat na yata ng emosyon napaparamdam niya sa akin at hindi ako magkanda-ugaga! Naiinis ako sa kanya, minsan naman pinaparamdam niya na ako lang ang babaeng nakikita niya...
At hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Gusto ko siyang iwasan pero minsan, napapaniwala niya ako sa mga sinasabi niya kahit na walang katotohanan. Tapos bigla na lang siyang mawawala?!
Sige, umalis ka at 'wag ka nang umasang kakausapin pa kita!