Kasalukuyan akong nakaupo sa labas ng bahay. Nakangiti ako habang tinititigan ko ang mga halaman.
“Lord, ingatan mo ang asawa ko. Ikaw na ang bahala sa kanya.” Tumayo ako. Pumasok na ako sa loob ng bahay.
Oo, nakaka-boring na mag-isa sa bahay. Pero sanay na ako. Hindi na sa'kin big deal na mag-isa dahil alam kong pinaghihirapan ni Sav ang pag-uwi n'ya para lang makasama ako.
**
Makalipas ang isang buwan.
Habang nanunuod ako ng tv ay bigla akong napatayo dahil sa balita.
Ayon sa balita ay maraming terorista ang nakapalibot sa isang lugar na kung saan ay do'n din nagtatrabaho ang aking asawa.
Hindi ko alam pero nanikip ang dibdib ko. Pero pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili na magaling ang asawa ko na makipaglaban. Alam ko na kakayanin n'ya ang mga masasamang 'yun.
Lumabas ako sa bahay. Tumingin ako sa langit. Nagsimula akong magdasal.
Muli akong pumasok sa bahay. Nakita ko sa tv na mayroon na namang bagong labas na balita. Kasalukuyan daw na marami ng sundalo ang namamatay. Hindi ko alam pero bigla akong napaluhod. Natulala ako. Para bang ang puso ko ay sasabog sa sobrang bigat at sakit.
Hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha ko.
Walang signal sa lugar na 'yun kaya hindi ko rin matatawagan si Sav. Yes, matinding sakripisyo ang ginagawa namin dahil walang communication kapag nando'n s'ya sa lugar na 'yun. Mahirap, sobrang hirap pero ano pa nga ba ang magagawa ko?
Kahit na naninikip na ang dibdib ko ay patuloy pa rin ako sa panunuod sa tv. Naaawa ako sa mga nasawi na sundalo. Ngunit saludo ako sa kanila dahil handa nilang itaya ang buhay nila maprotektahan lang ang mga tao ro'n at ang bansa.
Tumayo ako. Naglakad ako nang naglakad dahil hindi ako mapakali. Gusto ko nang puntahan ang asawa ko pero alam ko namang bawal. Hay, ayaw ko naman na maghintay lamang ako rito.
Tumakbo ako palabas ng aming bahay. Nang makarating ako sa kalagitnaan ng daan ay bigla akong napatingin sa paa ko, wala pala akong suot na sapatos o tsinelas. Pero muli akong tumakbo dahil kailangan kong makasagap ng balita tungkol sa asawa ko.
Sumakay ako agad sa nakapilang tricycle nang makarating ako sa paradahan. Pero bigla kong naalala na wala akong dalang wallet.
“Oh, Khia, ikaw pala 'yan. Bakit wala kang tsinelas? Saan ka ba pupunta?” nag-aalalang tanong ni manong Jos.
“Emergency lang, manong Jos. About ito sa asawa ko, kay Savrioz. Manong, wala akong dala na pera, p'wede ba na ihatid mo muna ako sa bayan? Babayarin din po kita. Mayroon lamang akong kakausapin.”
“Ano ka ba, Khia, oo naman. Tara na! Mukhang emergency nga 'yan!”
Nakahinga ako ng maluwag, “Salamat, manong Jos.”
Makalipas ang ilang minuto.
Nakarating ako sa bahay ng ninong namin sa kasal ni Sav.
“Tao po, ninong Zin!” hindi mapakali na tawag ko mula sa gate nila.
“Oh! Hija? Ano ang ginagawa mo rito? Ah, alam ko na. Halika, pumasok ka!” Dali-dali n'yang binuksan ang gate.
“Ninong, sayo talaga ako tumakbo dahil alam ko na maco-contact mo ang superior o kahit na sinong mataas na sundalo sa camp nila Sav dahil retired soldier po kayo. Please ninong, tulungan n'yo po ako.”
“Oo, inaanak. Tara sa loob. Nag-aalala nga rin ako para sa inaanak ko dahil marami na ang nasawi. Tara sa loob dali. Ako ang bahala.”
Nanginginig ang mga tuhod ko. Hindi ko na alam kung kaya ko pang maglakad o mag-isip ng tama dahil sa sobrang pag-aalala ko.
Gumawa ng paraan si ninong para ma-contact ang superior na may hawak sa asawa ko. Sana ay ma-contact n'ya lalo't mahina ang signal do'n. Pero walang imposible sa superior ni Sav dahil sigurado ako na hindi 'yun nakikipaglaban sa panahon na ganito dahil 'yun ay siguro'y nasa opisina, nagpaplano.
Narinig ko na mayroon ng kausap si ninong kaya gumaan ang loob ko.
Humarap sa akin si ninong. “Inaanak...”
“Ano po 'yun, ninong?”
“I'm sorry.”
“Hindi ko po kayo maintindihan, ninong.”
“Ang 'yong asawa ay bihag na ngayon ng mga terorista. Isa s'ya sa mga nabihag. 'Yun ang sabi sa akin ng superior nila. I'm so sorry.”
Bumagsak ang katawan ko. Ni hindi man lang ako nasaktan sa pagbagsak ko. Tumulo ang luha ko. Pakiramdam ko ay namamanhid na ang buong katawan ko.
“Inaanak! Inaanak!” nag-aalalang sigaw ni ninong. Pero itim na lamang ang nakikita ko.
**
“Inaanak, gising. Oh ito, tubig.”
“Ninong? Ninong? Ninong!!” na-confirm ko na si ninong ang nasa harapan ko kaya hinila ko ang braso n'ya. “Ninong, p'wede bang gawan mo ng paraan ang lahat? Please, ninong! I'm begging you po! Ninong, please! Please! Please! Mayroon po ba kayong magagawa para masundo natin si Savrioz? Ninong please naman! Ninong!”
Kitang-kita ko na awang-awa na sa akin si ninong dahil habang nakikiusap ako sa kanya ay nakaluhod ako.
“Inaanak, I'm so sorry pero hindi na 'yun sakop ng kakayahan ko. Mahirap makapunta sa lugar na 'yun dahil sigurado ako na wala ring biyahe papunta do'n. Pero huwag kang mag-alala, alam kong matapang ang asawa mo.”
Humagulhol ako, “Ninong! Wala ka po bang kakilala sa lugar na 'yun na powerful? Please ninong, tulungan n'yo naman po si Sav, please! Baka kasi kung ano ang gawin ng mga terorista sa kanya.... H-hindi po natin hawak ang mga utak nila.”
“Inaanak, ang tanging magagawa lang natin ngayon ay ang magdasal at... At hintayin ang bagong balita.“ Yumuko si ninong. Ramdam ko na mabigat din para sa kanya ang nangyayari kaya sinubukan ko na lamang na manahimik dahil alam ko na parehas kaming nasasaktan.
Para bang isang talon ang luha ko dahil patuloy ang pagbuhos nito. ‘Sav, lakasan mo ang loob mo please dahil mayroon ka pang babalikan’.
Lumipas na ang ilang oras pero wala pa ring bagong balita. Hindi ako mapakali, halos nalibot ko na ang buong bahay at bakuran nila ninong kakalakad. Pero hindi nawawala ang pag-asa ko na kakayanin ng asawa ko ang lahat ng pagsubok dahil alam n'ya na mayroon s'yang ako.
Ayaw kong isipin na mapapahamak s'ya sapagkat alam kong ang ginagawa n'yang laban ay hindi lang para makauwi sa akin kundi ang pagmamahal n'ya sa aming bansa. 'Yun ang higit na ipinagmamalaki ko. At ang pinanghahawakan n'ya.