"SINO kaya 'yong nagbato ng stuffed toy na panda kay Zhian, 'no?"
Napatingin ako kay Yeng na nakanguso at tila iniisip kung sino nga ang nagbato niyon. Naalala kong hindi ko nga pala pinakita kay Yeng 'yong stuffed toy na 'yon. Yumuko ako. "Sa akin ang stuffed toy na 'yon," pag-amin ko.
Kasalukuyan kaming nasa bahay ngayon. Kanina pa kaming nag-uusap tungkol sa concert ng Angels kagabi. Hanggang ngayon hindi pa rin kami makapaniwala na nasaksihan namin sa harap namin ang mga iniidolo namin at harapang nakita silang kumakanta na matagal na naming pangarap.
"Huh?! Sa 'yo ang stuffed toy na panda na 'yon?" gulat na pakli ni Yeng na tila hindi makapaniwala sa narinig.
Tumango ako habang nakayuko. "Hindi ko nanan alam na matatamaan ko si Zhian, e. Nagi-guilty nga ako sa nagawa ko." Nag-angat ako ng ulo at sumimangot sa aking kaharap.
Kita ko na hindi pa rin makapaniwala si Yeng. Nakaawang ang bibig niya habang nakatingin sa akin. Mayamaya kumalma ito. Inayos niya ang buhok at inipit 'yon sa likod ng kaniyang tainga.
"Hala! Paano kung may nakakita sa 'yo? Siguradong magagalit sa 'yo ang maraming wings. Aba, nataamaan mo kaya sa ulo si Zhian," nag-aalalang aniya.
"Oo na! Huwag mo ng ipaalala sa akin 'yong nangyari," kunot-noo kong saway. Halos hindi na nga ako nakatulog kagabi. Ang dami kasi ng nasa isip ko.
"Oh, Star. Anong nangyari diyan sa mukha mo? Hindi ba't nanood ka ng concert kagabi? Bakit ganiyan 'yang mukha mo? Hindi ka ba masaya? Na-realize mo na ba na hindi gwapo si Zhian?"
Matalim akong tumingin kay Mack na kararating lang. Pangiti-ngiti pa ito. Nginusuan ko siya at nang lumapit siya ay pinalo ko sa braso. "Ewan sa 'yo, Mack. Sobrang gwapo kaya ni Zhian," pagtatanggol ko pa rito.
"Oh! 'Yon naman pala, eh, bakit ganiyan mukha mo?" Umupo ito sa tabi ko at inakbayan ako. Siniko ko siya dahil naiinis ako.
"E, paano ba naman. Kagabi, naghagis siya ng stuffed toy sa stage, ayon, natamaan niya sa ulo si Zhian," sabat naman ni Yeng at napatingin pa sa akin.
Natawa si Mack. Tiningnan ko siyang kunot ang noo at salubong ang mga kilay.
"Hindi ko ma-imagine 'yong hitsura ni Zhian no'ng natamaan mo ng stuffed toy," natatawang winika ni Mack.
Napasinghap ako. Nakakainis talaga 'tong si Mack. Kinurot ko siya na agad nagpaiktad sa kaniya. Inalis niya ang pagkakaakbay sa akin at sinalag ang mga kurot ko.
"Huwag mong pagtawanan si Zhian. Hindi naman siya nasaktan, eh," sabi ko. Inungusan ko siya at isang suntok sa braso ang ginawad ko.
Nasapo ni Mack ang sariling braso. "Masyado ka namang sensitive, Star. Natatawa lang naman ako, e."
"Tsk! Ewan sa 'yo!"
Napatawa na lang si Yeng at Mack. Tiningnan ko na lang sila ng masama.
"Oh! Nandito pala kayong dalawa? Gusto niyo dito na kayo mananghalian?" Kararating lang ni Mama galing sa palengke. Namili ito ng lulutuin.
Agad napangiti ang dalawang 'to. "Sige po, 'Ta. Dito po kami kakain," agad na pagpayag ni Mack.
Nginusuan ko si Mack. Ngumiti lang siya sa akin. Hindi na talaga 'to nagsawa sa pang-aasar sa akin.
"Sige, diyan na muna kayo at magluluto lang ako." Ngumiti si Mama at dumeretso na sa kusina.
Natahimik na lang ako habang 'yong dalawa nag-uusap lang. Ukupado pa rin ng nangyari ang isip ko. Kinakabahan din ako na baka may nakakita sa akin.
Mayamaya pa'y natapos na si Mama na magluto. Tinawag na niya kaming tatlo at nagsimulang kumain. Nagustuhan naman no'ng dalawa ang pagkain. Likas naman kasing masarap magluto si Mama, e.
–
BINUKSAN ko ang pinto ng aking silid at pumasok doon. Tumambad sa akin 'yong unan na nakalagay sa kama ko. Napangiti ako. Agad na kinuha ko 'yon at niyakap.
Kakaalis lang nila Yeng at Mack. Tuwang-tuwa pa ang mga ito dahil sa nangyari. Aba't inaasar pa ako tungkol sa pagbato ko ng stuffed toy. Ayaw ko na ngang isipin 'yon, e. Nagi-guilty kasi ako sa nangyari. Alam kong malambot yong stuffed toy na iyon pero natamaan ko pa rin siya, e.
"Sorry Zhian. 'Di ko naman talaga sinasadya 'yon, e." Tinitigan ko 'yong malaking picture niya roon. Ngumiti pa ako sa kaniya. Nakangiti siya sa litrato kaya iniisip ko na sa akin siya nakatingin.
Kinuha ko ang aking cellphone na nasa bedside table. Binuhay ko 'yon at agad in-on ang data. Makikibalita muna ako sa internet tungkol sa concert ng Angels Band.
Pag-open ko ng FaceTook ko, tumambad sa akin ang maraming litrato ng Angels Band sa iba't ibang pages and groups. Pero isang status ng Page ang nakaagaw ng atensyon ko.
"Sino kaya 'tong isang fan na nambato kay Zhian sa concert nito kagabi?"
Inaasahan ko na 'to. Kahit nga maliit na issue, e, kumakalat basta tungkol kay Zhian at sa banda. Sikat naman talaga sila kaya hindi na ako magtataka.
Marami pa akong nabasa tungkol sa nangyari. Pati sa iba't ibang online sites kumakalat ang issue na 'yon. Pati sa mga news site naroon ang nangyari. Nakahinga naman ako ng maluwag ng wala akong nabasa na kilala nila ang nambatong 'yon. Pagkatapos kong magbasa ng mga news, nag-out na rin ako at humiga na lang.
Pinagmasdan ko ang litrato ni Zhian at niyakap ng mahigpit ang unan. Pumikit ako at tuluyang kinain ng antok.
–
"HINDI ka ba interesado sa audition?" tanong ni Yeng sa akin nang matapos ang balita sa TV.
Sabi roon–magkakaroon ng audition para sa ikaapat na miyembro ng Angels Band. At magaganap iyon sa isang linggo sa Heart Entertainment building sa Makati.
"Nope. Para namang magaling akong kumanta, 'di ba?" Hindi ko siya hinarap. Kasalukuyan na akong nakabaling sa CP ko.
"Pero 'di ba marunong kang mag-piano?"
Tumango ako. "Yes. Pero ang kumanta, hindi."
"Sira! Marunong ka kayang kumanta. Naalala ko pa ngang no'ng kumanta ka sa school no'ng hing school tayo, e. Hangang-hanga nga sa 'yo ang lahat ng nakarinig."
Naalala ko nga ang panahong 'yon. Pero hindi ako satisfied sa boses ko. "Hindi ko naman talaga gustong gawin 'yon. Napilitan lang ako. Saka isa pa, marunong lang akong kumanta, hindi magaling," pagputol ko sa papuri nito.
"Well, bahala ka. Pero kung magbago isip mo, sabihin mo sa akin sasamahan kita." Tila umaasa pa rin si Yeng na mag-a-audition ako roon.
"Sige," tumango na lang ako. Kumuha ako ng chip sa plastik ng checheriya na nasa mesa at kinain 'yon.
"Pero kung ako sa 'yo, mag-a-audition ako roon. Biruin mo kapag natanggap ka, makakasama mo na sila ng madalas. Magiging sikat ka rin kagaya nila at magiging malapit ka sa lalaking minamahal mo," sabay sabi pa niya.
Nag-angat ako sa kaniya nang tingin at napaisip. Pero sa huli hindi pa rin ako kumbinsido sa sinabi niya. "E, wala naman akong pag-asang matanggap, e." giit ko.
"Paano mo nasabi? Cute ka, kagaya ng hinahanap nila. Marunong mag-piano at kumanta. O, 'di ba? Nasa'yo lahat ng hinahanap nila."
"Basta ayaw ko, isa pa mahirap maging sikat. Saka mas maraming mas magaling at mas-cute sa akin. Ayaw kong umasa." Umiling pa ako ng bahagya at muling bumaling sa cellphone na hawak ko.
"Sige, sabi mo, eh," pagsuko ni Yeng.
Mayamaya pa'y umuwi na rin si Yeng. Natapos na kasi ang inaabangan naming balita tungkol doon sa pagbato kay Zhian.
Masaya akong malaman na hindi naman talaga nasaktan si Zhian. At hindi rin ako nakilala. Walang nakakila kung sino ang nagbato sa kaniya. Sinabi rin ni Zhian, na malamang na hindi ko sinasadya 'yon.
"O anak, gutom ka na ba?"
Napalingon ako kay Mama. Inalis ko ang throw pillow sa lap ko at tumayo. Nagmano ako sa kaniya at tinulungan sa pagdala ng mga pinamili nito. Wala na kasing laman ang ref. kaya namili si Mama.
"Hindi pa naman po, 'Ma." Inayos ko ang pinamili ni Mama at siya naman ay nagsimula nang magluto.
"Anak, nabalitaan kong may gagawing audition ang entertainment ng Angels Band. Bakit 'di mo subukang mag-audition?"
Dahan-dahan akong lumingon sa kaniya. Naggagayat na ito ng mga rekado. Nakapagsaing naman na ako para pagdating ni Mama ay ulam na lang ang lulutuin.
"Ayaw ko po, 'Ma," agad kong tanggi at ngumiti sa kaniya.
"Bakit? Sa tingin ko malaki naman ang chance na mataggap ka. At kapag nangyari 'yon, magiging malapit ka sa baby love mo." Pilya pa siyang napangiti sa huling mga sinabi.
"'Ma!" Napatawa ako. "Hindi po ako matatanggap doon. Hindi naman po ako ganoon kagaling kumanta." Nagpatuloy ako sa pag-aayos ng mga pinamili ni Mama.
"Sinong nagsabi sa 'yo na 'di ka magaling kumanta? Magaling ka, 'nak. 'Di ba nga no'ng high school ka, ang daming humanga sa'yo no'ng kinanta mo ang kanta ng Airl Supply na Two Less Lonely People In The World."
"Ma, noon po 'yon. Ngayon 'di na maganda boses ko. Hindi ko naman po kasi 'to naalagaan, e," giit ko. "Maganda ang boses ko no'ng 'di pa uso ang kanta," natawa ko pang dagdag.
"Narinig nga kita no'ng nakaraang araw, kinakanta mo 'yong kanta ng Angels na Only Love, e. Sobrang galing mo pa rin, 'nak."
Humarap muli ako kay Mama. Kita ko ang paghanga nito sa akin. Naalala kong todo kanta nga pala ako kahapon sa kwarto ko habang pinapatugtug ang kantang 'yon. "Si Mama talaga, hindi ko po gustong pasukin ang industriyang pinasok ni Zhian. Ayaw kong hinahabol ng media at ayaw kong dumating ang araw na bawat galaw ko kailangan kong ingatan dahil sa mga matang nakatitig sa akin." Lumapit ako kay Mama at nag-presintang tumulong. Hindi naman siya tumutol.
"Kung sabagay, magulo nga naman ang buhay ng maging sikat," sa wakas ay pagsang-ayon ni Mama.
Nang matapos ko ang aking ginagawa, nagsimula nang magluto si Mama at ako naman humarap sa TV para manood ng pelikula. Hindi ako ganoong kagaling sa pagluluto kaya hindi na ako nagpi-presintang tumulong pa kay Mama.