STAR
HINDI KO alam kung anong maaaring mangyari sa akin mamaya kapag nakita ko na si Zhian na nagpe-perform ng live sa harapan ko. Hindi na normal ang tahip ng dibdib ko at sobrang kinakabahan talaga ako. Parang hindi ko kakayanin ang moment na 'yon pero hindi ko hahayaang mahimatay ako dahil kapag nagkataon, 'di ko masasaksihan ang moment na nasa harap ko na siya.
Napalingon ako sa paligid. Kasalukuyan kaming papasok na sa loob ng Arena kung saan gaganapin ang pinakahihintay kong concert. Hindi mahulugan ng karayom ang lugar at kita ko sa mukha nila ang 'di maipaliwanag na excitement, kagaya ko.
Dahil sa dami ng tao, medyo natagalan ako bago makapasok sa loob. Naghiwalay na kami ni Yeng dahil magkaiba naman kami ng ticket. Naiiyak na nga ang lokang 'yon dahil nanghihinayang sa pagkakataon. Sapat naman sana ang pera niya pangbili ng VIP, kaya nga lang naubusan.
Hindi na nga ako nakatulog nang nag daang gabi dahil sa sobrang excitement na nararamdaman ko. Ang ginawa ko, pinanood ko lahat ng music videos nila at iba pang mga videos na kasama ang Angels Band. Hindi ako nagsawang ulit-ulitin yon.
Hindi ko rin hiniwalay ang unan sa akin buong magdamag. Kung pwede nga sanang dalhin ko 'yon dito, dinala ko na.
May dala akong isang pandang stuffed toy-ihahagis ko 'yon mamaya sa stage kapag nagpe-perform na sila. Nilagyan ko 'yon ng bulsa at doon nilagyan ng letter. Sana nga ay mapansin ni Zhian ang dala ko. Nakita ko kasi sa ibang concert na may ganoon. Naghahagis ang mga tao ng bulakalak at kung anu-ano pa.
Grabi nga 'yong mga guard sa entrance, e. Todo, suri sila sa dala ko para namang may balak ako sa Angels Band. Stuffed toy lang naman 'to at walang bomba.
Huminga ako ng malalim nang marating ko ang unahan. VIP standing ang ticket ko pero mas malapit 'yon kaysa sa mga iba. Marami ng tao sa lugar at naririnig ko na agad ang mga tilian ng mga kababaihan maging ng mga baklang hindi maitago ang kilig doon. May nakita na rin akong mga lalaki sa loob ng venue.
Lumingon ako sa stage at na-imagine ko agad si Zhian na kumakanta roon. Napangiti ako. Iniisip ko pa lang pero kakaibang saya na ang hatid niyon sa akin.
Hanggang ngayon, 'di pa rin ako makapaniwala na nakatayo na ako sa loob ng isang lugar kung saan kakanta ang hinahangaan kong banda at ang lalaking matagal ko ng gusto. Parang panaginip pa rin ang lahat. Tila nakalutang ako sa hangin. Libo-libong boltahe ng saya ang kumakalat ngayon sa aking katawan. Pero kinakabahan pa rin ako. Malamang dahil ito ang unang pagkakataon na makikita ko si Zhian. Imagine, he will sing in front of me. OMG! Iisipin ko na lang na ako ang kinakantahan niya.
Inilabas ko ang aking cellphone. Maigi at hindi nila pinagbawal 'yon. Nag-picture muna ako bago 'yon binalik sa bulsa ko.
Saglit na lang at magsisimula na ang concert. Nakita kong puno na ang venue at tila sasabog ang ear drums ko dahil sa malakas na hiyawan at sigawan ng mga naroon. May malalaking banner pa akong nakikita. Hindi na nga ako nag-abalang gumawa niyon dahil magiging sagabal lang 'yon sa akin. Gusto kong magpokus lang kay Zhian at sa buong banda.
Inihanda ko na ang aking sarili. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko. Sobrang lakas niyon na kahit maingay ay naririnig ko pa rin.
Napatingin ako sa itaas ng stage at napaawang ang bibig ng mamatay ang ilaw. Kasunod niyon ang pag-play ng isa sa mga awiting pinasikat ng banda.
Mayamaya pa'y lumabas ang spotlight at tinutukan niyon ang tatlong lalaking nakatalikod sa gitna. Nakapolo ng puti ang mga ito at naka-black pants.
Humarap ang mga ito ng magsimula ang intro ng kanta nilang "Reason". Naghiyawan ang lahat at ako napatulala na lang. Hindi ko alam ang gagawin ko. Tatalon ba ako? Sisigaw?
Ang gwapo niya! sigaw ng isip ko. Nakangiti silang kumakanta at kumakaway sa mga naroon habang ako hindi makagalaw. Naistatwa na ako sa pagka-starstruck sa kanila. Ang ga-gwapo nilang lahat.
Ngumiti ako ng ubod tamis ng makabawi sa pagkagulat. Ito na ang pinakahihintay kong sandali. Hindi ko alam pero tila nakalutang ako sa ulap ng mga sandali ito. Para bang boses lang ni Zhian ang pumapasok sa tainga ko.
"Good evening, Angels."
Lalo akong napangiti dahil sa malaki't buong boses na 'yon ni Zhian. Hindi nakaligtas sa akin ang mapuputi niyang mga ngipin na tila kumislap ng makita ko.
Hiyawan ang naging sagot ng mga naroon. Hindi ako makahiyaw dahil hanggang ngayon, starstruck pa rin ako sa bandang nasa harap ko.
Kung gwapo sila sa poster at mga pictures, e, 'di hamak naman na mas gwapo sila sa personal. Sobrang puputi nila at ang tatangkad. Parang balikat lang ata ako ng mga ito.
Natapos ang opening song ng Angels Band. Huminto ang kanta at nagsimula na silang magsalita.
"Thank you, guys for being with us tonight," sigaw ni Troy. Kumindat pa ito na nagpatili sa marami.
In fairness, cute naman pala 'tong si Troy. Makalaglag panty ang dimple nito. Pero dahil wala akong panty, walang malalaglag.
"I love you, Angels."
Hiyawan rin ang naging sagot ng marami sa sinabing 'yon ni Jarson. Isa ring cute ang isang 'to. Mukha siyang high school student na babaero.
Nakailang kanta na ang Angels band pero nananatiling na kay Zhian ang pokus ko. Hindi ko nga alam kung kumukurap pa ako e. Basta ang alam ko, ayaw kong sayangin ang segundo ko. Kailan kong sulitin ang sandali 'to. Hindi ako magsasawang pagmasdan siya.
Hindi ko rin namalayang hype na pala ako. Tumatalon. Sumisigaw. Kumakanta ng malakas. Nadala na ako ng agos ng magagandang musika at ng ligayang nadarama ko.
Ang hot ni Zhian habang nasa stage at kumakanta. Makikitang sanay na siya sa paghawak ng mikropono. Magaling din itong mag-play ng guitar. Ang lakas ng impact niya sa ibabaw ng entablado at kahit sino ay mapapatitig talaga kapag kumanta siya
I can't explain why I love you
I love you with no reason
I need you 'cause I love you
I will be on your side forever
I don't care who you are
I just know for sure that you are the reason why I'm breathing
You're my only love and no one can even replace you in my heart.
Napatulala ako kay Zhian. Isa 'yon sa paborito kong kanta ng Angels, ang Only Love. Hindi ko namalayan ang utay-utay na pag-ngiti ng mga labi ko. Kasabay ng beat ng tugtog ang kabog ng dibdib ko.
Bigla tila nawala lahat ng tao sa paligid ko. Tanging ako at si Zhian na nasa stage ang natira. Nakatingin siya sa akin habang kinakanta ang Only Love. Nakangiti siya sa habang tila nangungusap ang mga mata naming dalawa. Bumaba siya ng stage at agad lumapit sa akin.
Marahang hinaplos niya ang pisngi ko. Tinitigan niya ang mga mata ko habang kumakanta pa rin. Kapag kuwa'y ginagap niya ang kamay ko.
Napapitlag ako ng marinig ang malakas na hiyawan at palakpakan. Hindi ko namalayang tapos na pala ang tugtog. Nakita ko ang tatlong lalaki na kumakaway sa lahat.
Kitang-kita ko ang ngiti ni Zhian. Pero hindi ko makita ang saya doon. Hindi ko alam kung bakit tila may kakaiba sa ngiti niya.
Mayamaya pa'y nakita kong naghahagis na ng mga stuffed toy at mga bulaklak ang ibang mga tao. Bumaling ako sa dala kong panda. Alam ko kasing paborito ni Zhian ang panda.
Niyakap ko muna 'yon at hinalikan. Tiningan ko si Zhian at ngumiti ng ubod tamis. Sana lang talaga makuha niya 'to.
Pinagdikit ko ang mga labi ko at saka huminga ng malalim. Medyo mataas ang entablado at dahil maliit ako medyo mahirap ibato ang hawak ko.
Bahala na! Umayos ako ng tayo at saka binato ang ang hawak ko. Pero nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagkadismaya ng mga manonood. Natutop ko ang aking bibig. No!
"OMG! Saan nanggaling ang panda na 'yon?"
"Grabi naman! Medyo malaki ang panda na 'yon, siguradong nasaktan si Zhian."
"Grabi naman 'yong naghagis no'n. Hindi man lang nag-ingat. Nasaktan tuloy si Zhian."
Tinamaan ko sa ulo si Zhian?! OMG! No!
Kinabahan ako. Bakit ba kasi hindi ko inayos ang paghagis sa panda. Tumahimik ang lahat. Bahagya akong yumuko. Muli akong bumaling kay Zhian at nanlaki ang mga mata ko sa ikalawang pagkakataon. Omo! Totoo ba 'to? Nagsalubong ang mga titig namin si Zhian. Sa palagay ko'y tatlong segundo rin 'yon.
No! Hindi kaya nakita niya ako? Baka alam niya na ako ang nagbato ng panda na 'yon sa kaniya? Hindi!
"Don't worry, guys. I'm okay, is just a stuffed toy. Isa pa hindi naman malakas ang pagkakahagis ng panda." Ngumiti pa siya para tila i-assure na hindi talaga siya nasaktan.
Yumuko ako. Nahihiya ako dahil sa nagawa ko. Paano kung may nakakita sa akin? Tapos abangan ako sa labas para awayin? No!
Nasaktan ko tuloy si Zhian. Ngumuso ako dahil doon. Hindi ko naman sinasadya, e.
Nakita kong napatawa ang dalawa niyang kabanda. May binulong pa si Troy kay Zhian. Mayamaya pa'y muli silang kumanta.
Dahil sa nangyari medyo nawala ang pokus ko kay Zhian. Nagi-guilty ako dahil sa nagawa ko. Pero nagpatuloy ako sa pagtitig sa kaniya habang kumakanta.
Hindi pa rin nababawasan ang kagwapuhan niya kahit ilang oras ng kumakanta sa stage. Hindi ko man lang siya mabakasan ng pagkapagod. Nananatili siyang fresh at parang sobrang bango niyang tingnan.
Napangiti ako dahil sa isipin 'yon. Medyo kumalma na ang pagtibok ng puso ko. Hindi na rin ako kinakabahan dahil bumalik na ang sigla ng mga manonood. Tila nalimutan na nila ang nangyari dahil sa panghaharana ng tatlong gwapong lalaki.
"Thank you, Angels. We love you!" sabay-sabay na sigaw ng tatlo. Nagpalakpakan ang lahat.
"See you next time for another memorable concert. We love you Angels" si Jarson.
"Thank you sa walang sawang pagsuporta, Angels. Mahal namin kayo!" sigaw naman ni Troy.
Agad akong tumitig kay Zhian. Kumaway muna siya at ngumiti. "This is another memorable moments with you, guys. Thank you all for being with us tonight."
Naghiyawan ang lahat at nagpalakpakan. Ako nanatiling nakatitig lang kay Zhian na ngumingiti't kumakaway sa mga manonood. Piling ko talaga sobrang bait niyang idol.
Ilang saglit pa at tuluyan na silang nagpaalam. Naiwan akong tulala dahil sa nakita ko. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba 'yon o totoong binalingan ako ni Zhian ng sulyap bago tuluyang mawala sa stage. Nanigas ako. Hindi ko alam! Pero sana totoo na lang 'yon.
Tulala akong lumabas ng arena. Hindi ako makapaniwala sa nangyari sa loob ng arena na iyon. Hindi ko inasahan ang mga nangyari ngayon. Napaka-memorable talaga ng concert na 'to at hindi ko 'to malilimutan.
Dire-diretso lang ako sa paglakad na tila walang nakikita. Pero naririnig ko ang walang sawang tilian ng mga nanood ng concert. Hindi pa rin sila maka-move on kagaya ko. Aba, sino pa namang makaka-move sa ganitong mga ganap.
Baka kahit isang buwan o taon pa ang lumipas, hindi pa rin ako makaka-move on. Ngingiti pa rin ako.
"Star! Hoy!"
"O! Y-yeng?" gulat kong tanong at napahinto sa paglalakad.
"Gulat na gulat? Kanina pa kaya kitang tinatawag pero parang wala kang naririnig. Hindi ka pa rin ba makapaniwala na nakita mo na sila?" sabi niya.
Hindi ko namalayang kanina pa pala niya akong tinatawag. Ukupado ang utak ko ng mga nangyari sa loob ng concert. I can't believe that I've been in this concert. Nakakabaliw pa ang mga ganap sa loob ng arena. Para talagang tiningnan ako ni Zhian o baka inisip ko lang iyon.
Kumain muna kami ni Yeng sa malapit na restaurant bago kami umuwi. Wala kaming sawang nagkwentuhan tungkol sa experienced namin sa concert. Sobrang tuwang-tuwa kami at hindi na mawala ang ngiti sa mga labi namin na tila pininta na roon. Bahagya ko ring nakalimutan ang nagawa ko.