Part 35: Bala Ng Kapalaran

676 Words
Mainit na ang labanan. Bawat putok ng baril ay parang kulog na gumugupo sa pandinig. Usok, dugo, at sigaw ang bumabalot sa paligid. Pero sa gitna ng lahat, isang bagay lang ang nakikita ko—si Adrian, lumulusob na parang wala nang bukas. "Cover fire!" sigaw ng commander. Agad akong pumutok, pero sa gilid ng aking mata, nakita ko si Adrian. Sugatan na ang balikat niya, may tama rin sa tagiliran, pero hindi siya bumabagal. Mas lalo pa siyang sumugod. Parang hinahabol niya ang sarili niyang multo. "Adrian! Maghinay-hinay ka!" sigaw ko. Pero hindi siya lumingon. Para bang wala nang mundo maliban sa baril na hawak niya at ang mga kalaban sa harap. Isa, dalawa, tatlong putok—bagsak lahat ng Yakuza sa landas niya. Pero kasabay noon, may sniper sa itaas, nakatutok na sa kanya. Diyos ko... Adrian! "ADRIAAAN!" sigaw ko, at sa isang iglap, itinulak ko siya sa gilid. Sabay kong naramdaman ang matalim na init na dumaan sa katawan ko. Bala. Tumama sa akin. Nanlumo ang tuhod ko. Bumigat ang mundo. "DAVID!!!" Isang sigaw na puno ng sakit at takot. Si Adrian, hawak ako, nanginginig ang kamay. "Bakit mo ginawa 'to?! Ako dapat—ako dapat ang tinamaan!" bulyaw niya, halos mabaliw. Gusto kong ngumiti, pero ang dugo ko ay dumadaloy na parang ilog mula sa dibdib ko. "Dahil... Adrian... mas mahalaga ka kaysa sa bala. Mas mahalaga ka sa lahat." Umiling siya, luhaang nakatingin sa akin. "Huwag kang magsalita ng ganyan! Hindi kita papayagang iwan ako!" Habang tuloy ang putukan, rinig na rinig ko si Adrian na sumisigaw ng utos, galit, at takot. Para siyang isang leon na sugatan, nangingibabaw ang tinig niya kahit sa ingay ng barilan. "Cover him! Secure the perimeter! Taposin natin 'to!!!" Kasabay noon, narinig ko ang kalabog ng mga kalaban na bumabagsak isa-isa. Ang team namin, kahit sugatan, pinilit tapusin ang operasyon. At sa bawat putok ng baril, rinig ko rin ang tinig ni Adrian—hindi bilang opisyal, kundi bilang isang taong desperadong ayaw akong mawala. "David! Huwag mong ipikit ang mga mata mo! Naririnig mo ba ako?!" Oo, rinig kita, Adrian. Pero ang mga mata ko... mabigat. Sobrang bigat. Gusto kong sumigaw, gusto kong sabihing "nandito ako," pero ang kaya ko lang ay pigilan ang sarili kong matulog. Dahil alam ko—kung tuluyan kong isara ang mga mata ko, baka iyon na ang huli. Nang matapos ang putukan, tahimik. Puno ng usok ang paligid. Mga katawan ng kalaban, nakahandusay. At doon, narinig ko ang tinig ni Adrian, halos punit na ang lalamunan sa kakasigaw. "Medic!!! Bilisan niyo!!! Dugo... ang daming dugo!" Hinawakan niya ang mukha ko, pinipilit akong tingnan siya. "David... huwag mo akong iwan. Hindi pwede. Hindi pwede..." Nanginginig ang tinig niya. Umiiyak siya, hindi na niya pinipigilan. Ang matapang na opisyal na kilala ng lahat, ngayon parang batang takot mawalan ng mahalaga. "Kung aalis ka... ano na ako? Huwag kang mawawala sa akin, David, pakiusap." Sa ospital, malabo ang lahat. Amoy gamot, amoy dugo, amoy takot. Pero isang bagay lang ang malinaw: ang kamay ni Adrian, mahigpit na nakahawak sa kamay ko. Hindi niya ako iniwan. Kahit kailan. Naririnig ko ang bawat dasal niya, bawat hikbi. "Lord... huwag niyo siyang kunin. Ako na lang. Basta siya, huwag lang siya..." Akala niya, wala akong malay. Pero gising ako. Hindi ko lang kayang idilat ang mga mata ko. Pilit kong nilalabanan ang antok, ang panghihina, dahil alam kong kapag bumigay ako, wala nang bukas. Adrian... kung alam mo lang. Hindi ako lalaban para sa sarili ko. Lalaban ako, dahil sa'yo. Dahil gusto kong makita kang nakangiti muli. Masyado nang marami ang kinuha sa'yo ng mundo. Huwag mong hayaang pati ako... Lumipas ang oras. Dugo ko'y halos maubos, pero hindi ko pinakawalan ang kamay niya. Siya rin, hindi bumitaw. At sa huling lakas ng isip ko, iisa lang ang pumasok: Adrian, mahal kita. At kung ito man ang huling laban ko, tandaan mo—hindi desperasyon ang nakita ko sa'yo. Tapang iyon. Tapang na handa kong ipaglaban hanggang sa huling pintig ng puso ko.  Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD