“Hey babe! Lunch?”
Kahit hindi ako lumingon ay kilalang kilala ko ang boses na iyon. Iyon ang boses ng lalaking minahal ako sa loob ng dalawang taon, si Gio. Taga-kabilang Department siya pero nagpunta siya dito sa opisina namin hindi para sa akin, kundi para sunduin si Mary. Si Mary na mula sa bibliya ang pangalan pero nuknukan ng kalandian ang katawan. Siya lang naman ang ipinalit sa akin ni Gio.
“Okay, let’s go babe!” sagot ni Mary na bahagya pang sumulyap sa akin.
Awtomatiko ding napatingin sa akin ang mga kasamahan namin sa opisina. Pero nang bumaling ako sa kanila ay agad nag-iwas ng tingin ang mga ito na animoy mga abala sa kanilang trabaho. Napailing na lang ako. For nearly a year, we had been the subject of office gossip. Paanong hindi? Halos magdadalawang taon na kami ni Gio noong matanggap dito si Mary. Kasamahan ko pa sa Department ang babae. At simula noong pumasok siya sa eksena, nagsimula ang mga away namin ni Gio.
Hindi ko man nahuli, pero ramdam kong may namamagitan sa kanilang dalawa. Malakas ang pakiramdam ng isang babae pagdating sa relasyon. Sigurado akong niloloko na ako ni Gio, pero sa tuwina ay itinatanggi niya iyon. Every time I tried to confront him; he would accuse me of being paranoid. After numerous attempts to save our relationship, we gave up. Sa huli ay nakipaghiwalay na siya sa akin.
Ang sabi ni Gio ay hindi ko talaga siya mahal. Dahil kung mahal ko umano siya, bakit hindi ko siya mapagtiwalaan. Bakit hindi ko magawang ibigay ang hinihiling niya? In short, he wanted us to have s*x, but I refused. Kaya iniwan niya ako.
Ang masakit, hindi ko man lang siya nakitang nagluksa. Wala pang tatlong buwan mula noong kami ay maghiwalay, nakikita na silang dalawa ni Mary na lumalabas. That is extremely insulting to me. Siyempre nagalit ako at nasaktan. Pero dahil lang sa hiwalay na kami ni Gio, tila ba nawalan na ako ng karapatang magkomento ng tungkol sa kanila. Ako pa ang nalabas na kontrabida sa mata ng ibang kasamahan namin.
Ang nakakainis pa, madami kaming katrabaho na doble-kara. Panay ang kwento nila sa akin tungkol kay Mary. Kesyo ganito si Mary, ganiyan si Mary, at kapag nagpadala naman ako at nagsalita ng hindi maganda, ikukwento naman nila sa kabila. Kaya naman lalong lumalim ang alitan namin. Hindi ko nga alam kung bakit nagta-tyaga ako sa kompanyang ito. Para sa akin siguro ay dahil sa pride ko. Ako ang nawalan. Ako ang iniwan. Pagdating dito sa trabaho, hindi na ako ang magpapaubaya! Ano sila sinuswerte? Matira matibay kami dito!
“Tigas din ng mukha ni Gio, ah!” baling sa akin ni Jean. Siya ang matalik kong kaibigan at ka-opisina na rin. Syempre nasa akin ang loyalty niya. Pero sa ngayon ay nangigigil ako sa kaniya dahil siya ang nagpakilala sa akin kagabi sa Walter na ‘yon. Napaismid ako pagkaalala sa lalaki pero hindi ako aamin kay Jean sa katangahan ko. Hindi ako aamin na isinuko ko kay Walter ang hindi ko maibigay-bigay kay Gio.
“Hayaan mo na sila! Move on na naman ako,” labas sa ilong na sabi ko dahil ang totoo ay gusto kong hiklatin ang buhok ng Mary na ‘yon sa tuwing nakikita ko.
“Eh? Totoo girl?” hindi naniniwalang tanong ni Jean. “Sorry nga pala, ha! Naiwan na kita kagabi sa bar. Si Eddie kasi! OMG!” parang nasa ulap na bulalas niya. Pairap naman na sinulyapan ko siya. Bago niyang boyfriend si Eddie. At mukhang hulog na hulog ang loka! Kaya nga inaya niya ako sa bar kagabi, pagkatapos ay nawala na lang silang dalawa at naiwan kami ni Walter na magkasama. Kung hindi ko lang ‘to kaibigan, kakalbohin ko ito eh!
“Sa susunod huwag mo na akong idamay diyan sa kahangalan mo sa boyfriend mo! Isinama mo pa ako kagabi, tapos iiwanan mo pala ako.”
“Girl, sorry na! Kumusta naman si papa Walter? Gosh! Ang gwapo niya diba? Aminin mo, mas hot siya kaysa kay Gio!”
Yes, I think that Walter is really hot and attractive, pero sa ugali naman binawi.
“Hinatid ka ba niya kagabi?” usisa pa ni Jean.
“O-Oo,” kaila ko. Kahit ang totoo ay naghihinagpis akong umalis sa hotel kanina lang umaga.
Napatango-tango naman si Jean. Mukhang naniniwala naman siya sa akin. “Mabuti naman. Gentleman pala.”
Ang Walter na ‘yon? Gentleman? Gusto kong kontrahin ang sinabi niya pero pinigil ko ang sarili. Magsasalita sana ako nang biglang lumabas ang boss ko sa maliit niyang opisina at bumaling sa akin.
“You!” turo niya sa akin saka nag-isip ng idudugtong sa sasabihin. Parang wala yata siya sa sarili? Napamulagat ako sa kaniya habang naghihintay ng kaniyang utos. “Mag-lunch ka na at sumama ka sa akin mamaya! May lakad tayo!” Pagkasabi niya noon ay lumakad na siya ulit papasok sa opisina at malakas na isinara ang pinto.
“Eksena ng baklang Val na ‘yon?” baling sa akin ni Jean habang nakahawak pa sa kaniyang dibdib.
Pinandilatan ko siya ng mata. “Baka marinig ka!”
Totoo namang pamintang durog ang boss kong si sir Val. Na-obserbahan ko na ‘yon. Mabait naman siya kaya lang ay moody. Lalo na kapag may LQ sila ng bebe niya.
“Oh siya girl, kumain na tayo at mukhang may lakad kayo ng boss mo,” aya sa akin ni Jean.
Magkasabay na kaming nagtungo sa cafeteria. Pagpasok ko pa lang sa cafeteria ay namataan ko na si Gio na nakamasid sa akin. Nagtama ang aming mga mata at mabilis akong nag-iwas ng tingin. Dapat ay wala na akong pakialam sa kanila ng Mary niya! Kaso sa bawat kilos ko ay nararamdaman kong nakasunod ang mga mata niya sa akin. Pinilit ko na lang balewalain iyon hanggang sa natapos kami ni Jean kumain.
“Titingin-tingin sa ’yo ang kolokoy na Gio. Anong gusto ng lokong ‘yon?” naiiling si Jean habang naglalakad kami pabalik sa opisina.
“Hayaan mo na!” walang buhay kong sagot.
“Natural pababayaan na! Ikaw ha! Huwag ka nang babalik doon kahit magmakaawa pa siya ha!” bilin sa akin ni Jean. Natawa naman ako sa kaniya. Kahit hindi niya sabihin, hindi na talaga ako makikipagbalikan kay Gio if ever man na mauntog siya at bumalik sa akin.
Nakarating kami sa opisina ngunit ni hindi pa ako natatagalang nakaupo sa pwesto ko ay lumabas na sa opisina si sir Val.
“Loraine! Ready ka na ba? I need to secure this deal! Nai-stress na ako, my God! Kung bakit ba ako ang inutusan ni big boss na makipag-usap sa halimaw na lalaking ‘yon!”
“Eh bakit ako ang isasama mo sir? Secretary mo lang naman ako—”
“Tumpak! Secretary kita kaya sasamahan mo ako!” aniya na pumalakpak pa sa mukha ko. Napasimangot naman ako sa kaniya. “Huwag mo akong masimangutan diyan! Bilisan mo na! Kapag na-secure ko ang deal na ito ay babahagian talaga kita. Negosyante iyong pupuntahan natin at may planong magpatayo ng pinakamalaking car repair shop dito!”
Ano nga kaya? Ang galing din talaga mangako ng boss kong ito. Nasa marketing Department ako, at mga machines and equipment ang products namin. Wala na akong nagawa kundi mag-ayos at magpaalam kay Jean. Tumango lang naman sa akin ang kaibigan ko habang sinubukang maidlip.
Mabuti pa sila at makakatulog pa. Nakakainis kasi itong si sir Val! Lunch break pa pero heto kami at bumabyahe na sa kung saan man kami papunta. At ang halimaw na lalaking tinutukoy niya ay hindi naman niya sinabi kung sino.
Nagulat ako nang pumarada ang company service namin sa isang open field at madaming taong naroroon. May mga tent pa at base sa nakikita ko ay may car show na nagaganap. Napatingin ako sa boss ko na nanghahaba din ang leeg sa karamihan ng tao. Napapanganga ako sa mga magagandang sasakyan sa paligid namin. Halos puwede na akong manalamin sa kintab ng mga iyon. Nandoon ang mga latest model ng sasakyan at ang ilan naman ay iyong mga classic na hindi na available sa market.
“Asan kaya si Mr. Werner,” bulong ng boss ko. Napatingin ako sa isang sasakyan na luma na pero kayganda naman. Pinagkakagulohan iyon ng mga tao. Lalo pa at may dalawang car-show models na naroroon na sadya namang takaw-atensyon dahil sa mga suot na halos wala nang itago sa katawan.
“I paid for three different models, Viny. One of them is Yessa,” narinig ko ang baritonong boses ng lalaki sa di-kalayuan. Nakakatakot at may halo ng pagbabanta iyon.
“S-Sir, I'm sorry, but Miss Yessa had to cancel at the last minute. Sabi niya ay may kumuhang model sa kaniya ng shampoo at nataong ngayon ang shoot nila.” Nanginginig ang boses ng sumagot na babae.
“Then I'll make sure she doesn't get that project! What would you do in this situation?” halata ang tinitimping galit sa boses ng lalaki.
Hmn, possible kayang iyong papasikat na modelo ang tinutukoy nilang Yessa? Sayang naman at hindi ko makikita ngayon!
Dahil sa curiosity ay sinulyapan ko ang nagsalita at napanganga ako nang mamukhaan kung sino iyon. Ang walanghiyang si Walter! Hindi niya ako napapansin pero kahit sa karamihan ng tao ay kilalang kilala ko siya. Oo nga pala at nabanggit niya kagabi na mahilig siya sa sasakyan.
Pasimple akong lumapit sa pwesto niya at sa sasakyan niya na mukhang naka-entry sa car show na iyon. Tutal nawala na sa paningin ko ang boss ko eh mangugulo muna ako dito habang naghihintay sa kaniya.
“Anong klaseng sasakyan ‘yan? Luma at ang sama na!” bulalas ko dahilan para mapatingin sa akin ang mga nakaumpok doon lalo na iyong dalawang modelo.
“Are you serious? Alam mo ba kung magkano ‘yan?” natatawang sagot sa akin ng isang lalaki doon. Malinaw na hindi siya sang-ayon sa sinabi ko.
“Yes, I am serious. At wala akong pakialam kung magkaano pa ‘yan! Niloloko lang kayo ng presyo niyan! Tingnan niyo naman ang hitsura! Eh, wala namang ipinagkaiba sa normal na sasakyan ngayon. At saka tingnan niyo ang kulay, ang baduy! Kung sino man ang may-ari nito, siguradong walang kwenta kasama!”
“And how would you like me to paint my car, huh?” narinig ko ang inis na boses ni Walter kaya napangiti ako. Nilingon ko siya at nang magtama ang aming mga mata ay napansin kong natigilan siya. I am sure nakilala niya ako.
Anong sabi niya kagabi? I doubt I'd recall your face pala ha!
“What are you doing here? Stalking me?” galit na tanong niya. Ako naman ang napahiya sa mga naroroon dahil sa sinabi niya.
“Kakilala naman pala si sir!” kantiyaw ng ilang kalalakihan. Natural kampi sila kay Walter lalo pa at nalaman nilang ito ang may-ari ng sasakyan na hinahangaan nila.
“Excuse me? I am here for work—” Naputol ang sasabihin ko nang biglang lumapit sa amin si sir Val.
“Mr. Werner! Good afternoon!” masayang bati niya na nagpakunot ng noo ni Walter. Halata ang inis niya at lalo yata iyong nadagdagan sa pagdating ng boss ko.
Maang naman na napatingin ako kay sir Val. Si Walter ba ang Mr. Werner na hinahanap namin?
“You again? What do you need?” inis na baling ni Walter sa boss ko.
“I have an offer for you, Mr. Werner. I assure that our machines met the standard—wait Mr. Werner makinig ka muna!” tawag ng boss ko kay Walter nang tumalikod ito at naglakad na palayo. Sa tingin ko ay wala na itong planong pansinin si sir Val. I suddenly felt guilty. Malay ko bang siya ang kakausapin namin!
“Mr. Werner! Sabihin mo lang kung ano ang gusto mong mangyari at handa kaming ibigay. We will review our offer and maybe we could—”
Nagulat ako nang biglang tumigil sa paglakad si Walter at nilingon kami. This time, he is staring at me intently. Humalukipkip siya at bigla akong kinabahan sa paraan ng pagkakatingin niya sa akin. Parang may plano siyang hindi maganda!
“Sabihin ko lang kung anong gusto kong mangyari?” naghahamon na tanong niya sa boss ko pero ang mga mata ay nasa akin. Parang nanuyo yata ang lalamunan ko!
“Yes, Mr. Werner! I have our quotation—”
“I'm willing to acquire the equipment from you. However, I have one condition..”
“Of course, Mr. Werner! What is it? Baka kaya naming ibigay!” nabuhayang sagot agad ni sir Val habang ako naman ay masama ang kutob sa sinasabi ni Walter.
“You see, one of my car show models did not arrive today,” nakakalokong sagot niya. Napanganga naman ako sa narinig at kitang kita ko nang ngumisi siya sa akin. Tila naman nahulaan ni sir Val ang gustong iparating ni Walter. Nakanganga pa rin ako nang lumingon sa akin ang boss ko na nakikiusap ang mga mata.
No!