"Kiel, ipinag-bake nga pala kita ng cookies. Nakalimutan kong ibinigay kanina 'nung nasa classroom tayo. Sana magustuhan mo 'to." Nagningning ang bagang ko dahil sa narinig. Nice, nagugutom pa naman na ako.
"Sana hindi ka na nag-abala pa. Pero salamat, ah?" Ngumiti si Zech sa babaeng nasa harap. At ang gaga, halatang kinikilig.
'Pinapaasa ka lang niyan, ‘te!' gusto ko sanang sabihin kaya lang huwag na, baka hindi na siya magbigay ng pagkain. Haha!
Maganda't matalino naman sana itong si Kirstin, 'yon nga lang siya ang naghahabol sa lalaki. Halos araw-araw 'yang may ibinibigay kay Zech ... ulam, cookies, shake, at kahit na anong pagkain. Sabi niya, luto o gawa niya raw pero hindi niya ako malilinlang. Binibili niya lang naman ang mga ito sa kung saan-saan. Ako kaya ang kumakain sa lahat ng ibinibigay nila kay Zech. Hehe!
"Tol, akin na." Kalabit ko kay Zech sa tabi ko. Umalis na kasi si Kirstin, pagkakataon ko na para lamunin ang gawa niya raw na cookies.
"Psh." Tingnan mo 'to. Ang bait-bait kanina sa harap nung babae tapos kapag sa akin ang sungit.
"Tol, gunting mo nga. Bakit ba kasi may ribbon pa ito, black pa ha? Kakaiba talaga ang mga babae mo." Umiiling pa ako habang nagtatalak.
"Shut up, Maria." Bumaling siya sa akin at sobrang sama ng tingin niya.
"Bakit na naman?" Rinig ko ang lalim ng pagbuntong hininga niya bago kinuha ang gunting at mabilisang ginupit ang ribbon.
"Salamat. Hehe." Ngumiti ako nang napakalapad sa kaniya pero inirapan niya lang ako.
"Whoo. Bakla!" Pang-aasar ko rito ngunit hindi na niya ako pinansin. Ganyan kasi 'yan kapag busy sa pag-aaral.
BSIT ang kurso naming dalawa ni Zech. BSBA naman ang kinuha ng kapatid ko, ganoon din sa tatlo ko pang kaibigan.
Pare-pareho kaming 2nd year College, si Natasha nama'y 1st year pa lamang. Nasa iisang apartment lang kami nina Natasha, Kiz, Lewisse, at Zimry. Si Zech ay nasa tabing apartment lang namin, exclusive for boys.
Nag-inat muna ako bago humiga sa damuhan, nasa field kasi kami ngayon.
"Wow, siya raw ang nag-bake nito? Haha! Don't me, tol. Cookies 'to ng Family Mart e. Hayy! Handang magsinungaling makapagpasikat lang sa lalaking gusto, gano'n?" Pero okay na rin, baka mas masarap pa nga 'to kaysa sa gawa niya.
"Can you shut your mouth, Maria? Hindi mo na nga ginawa 'tong assignment natin, iniistorbo mo pa ako!" By partners kasi 'yong assignment namin sa Programming kaya lang hindi ko naman alam kung anong gagawin doon.
"Hindi ko nga kasi alam 'yan, tol. Alangan namang maghirap ako sa kakaintindi riyan tapos mali lang din naman ang gagawin ko, 'di ba?"
"Bakit kasi hindi ka tumawag o nagtext sa akin para magtanong, 'di ba?" tiningnan ko siya na parang nandidiri.
"Yuck, tol! Bakit ko naman gagawin 'yon, jowa ba kita?" Pinipigilan kong huwag tumawa nang malakas nang makitang halos umusok na ang kaniyang ilong sa galit. Sarap talagang asarin nito.
"Nag-iisip ka ba, Maria Nowelle Valdecañas?" Umigting ang panga nito, at alam kong sa oras na hindi niya magustuhan ang isasagot ko ay baka sipain niya ako pabalik ng Manila. Pero hindi ko na talaga kaya...
"W-wait tol. Hmm... HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!" Sh*t ang sakit ng tiyan ko sa kakatawa. Nakakatawa kasi talaga ang itsura niya kapag galit.
"Pinaglalaruan mo ba ako?" Walang emosyong saad niya habang inilalapit ang mukha sa akin.
"H-huy, anong ginagawa mo?" Tumindig ang balahibo ko nang ilang dangkal na lang ang layo ng aming mukha sa isa't-isa.
"Kailangan pa ba kitang maging girlfriend para lang magtext o tumawag ka sa akin?"
"J-joke lang 'yon, tol. S-sige, tatawagan kita mamayang gabi. Hehe." Nagkabuhol-buhol na ang mga salita sa utak ko dahil sa ngisi niya. Pinilit kong ngumiti pero mas nagmukha itong ngiwi.
"Bakit mo naman ako tatawagan mamayang gabi, jowa ba kita?" Pagkatapos niyang sabihin 'yon, bigla itong lumayo sa akin at tumawa nang malakas habang dinuduro ako.
"Your face is priceless!"
"Sh*t ka talaga, Zech! Ugh!" Pinagbabato ko sa kaniya ang mga notebook niyang nagkalat sa harap ko.
Gago ka rin, Nowelle e! Bakit ba ang lakas ng t***k ng puso ko kanina? Hindi kayo talo niyan, huy!
---
"Uuwi ba kayo mamaya, tol?" Tanong ko kay Zech nang matapos ang aming klase ngayong araw.
Ang totoo niyan, sa Manila talaga kami lumaki't nakatira. Kaya lang, napagdesisyunan nina Mommy at Tita Kezia, nanay nina Kiz at Zech na ipatapon kami rito sa Tuguegarao City, Cagayan para matuto raw kami sa buhay. Dito na kami nag-aral simula kolehiyo. Magdadalawang taon na kami rito nina Kiz at Zech. Si Natasha nama'y ilang buwan pa lamang.
Dito kasi nakatira dati si Lola Jamaica, lola ng kambal. At ang malaking bahay na ipinamana ng kaniyang ninuno'y ginawang apartment, na siyang tinutuluyan namin ngayon.
Si Zimry at Lewisse ang talagang lumaki rito sa Probinsya. Sumama lang sila sa amin sa apartment dahil sa pagpupumilit ni Kiz.
Magkaibang Campus ang pinapasukan naming magkakaibigan. Nasa Cagayan State University - Caritan Campus 'yong apat samantalang sa Cagayan State University - Carig Campus naman kami ni Zech.
Every weekend kami umuuwi sa Manila para makasama ang aming mga magulang. At dahil friday ngayon, uuwi kami mamayang gabi.
"Kiel, busy ka ba? Yayayain ka sana namin sa Luna Streat." Harang sa amin ng isang babaeng hindi ko kilala. Napatigil tuloy kami sa paglalakad.
"Hindi ako pwede. Uuwi kami ngayon." Bumuntong hininga ako bago pinag-krus ang mga braso sa aking dibdib. Nakakabagot naman maghintay kung kailan matatapos ang usapan ng mga pabebeng ito!
Ang init-init tapos doon pa nila naisipang mag-usap sa gitna ng araw. Talino niyo mga tol!
Hindi ko na hinintay pang matapos ang usapan nila. Dumeretso na lang ako sa may benches sa tapat ng registrar.
"Whoo, ang init!" Kinuha ko ang mini robot sa aking backpack. Kasing liit lamang nito ang lighter. Regalo ito ni Zech sa akin noong 18th birthday ko. Gusto ko sana si Zake, ang unang imbensyon ng tatay ni Zech. Robot ito na mukha at galaw tao. Kaso hindi sila pumayag kaya gumawa na lang siya ng bago, sobrang liit nga lang.
"Kailangan ko ng hangin." Utos ko rito matapos siyang i-on.
Tumango lang ito ‘saka siya nagtransform ng maliit na aircon, may pakpak pa ito sa likod. Binitawan ko siya at kusa itong lumipad sa paligid ko upang mahanginan ako.
Ang robot na to'y hindi gaya ng abilidad ni Zake. Hindi siya nagsasalita ngunit nakakaintindi naman ito sa mga sinasabi. Hindi rin siya lumalaki. At kailangan mo pa siyang i-on para magkabuhay.
"Bakit mo ako iniwan doon, Maria?" Kunot-noong bungad sa akin ni Zech.
"Tol, mainit. Napakabait mo naman kasi sa mga babae mo kaya hindi ka tinatantanan." Umupo ito sa tabi ko 'saka siya humarap sa akin.
"Anong gusto mo, ipagtabuyan ko ang mga 'yon? Nakikipagkaibigan lang sila. I don't want to be rude. 'Tsaka babae ang kakambal ko, at si Moma rin."
"Malamang, magtaka ka kung lalaki ang magiging nanay mo." Hehe. Uusok na naman mamaya ang ilong nito. Minsan lang kasi ito magsalita ng mahaba e, sarap gaguhin.
"Tsk. Nonsense." Kinuha niya sa ere ang robot 'saka mabilis na naglakad palayo sa akin.
"Hoy, tol!" Mabilis akong tumakbo nang makitang papasok na siya sa kaniyang kotse. Hindi imposibleng iwan ako nito.
---
"Sa apartment mo muna ako, tol. Masyado pang maaga, wala pa akong kasama sa amin." Hindi naman ito umimik at patuloy lang sa pagpapalipad ng sasakyan.
Ang mga sasakyan ngayon ay sa himpapawid na dumadaan, kabilang ang mga jeep. Tanging mga tricycle at single motors lamang ang nasa kalye.
Wala sa sariling napatitig ako sa mukha ni Zech.
May itsura naman siya, moreno, matangos ang ilong, makapal na kilay, makapal at mahabang pilik-mata, natural na mapulang labi.
'Yun nga lang, masyadong torpe. Simula elementary, kami na ang magkasama. Mas malapit pa nga kaming dalawa kaysa kay Kiz e. Sabi niya noong nasa high school kami, may nagugustuhan siyang babae. Kaso hanggang ngayon hindi ko pa naman siya nakitang pumorma sa kung sino. No girlfriend since birth ang peg ni tol.
Sadyang mabait lang siya sa mga babae kaya 'yong iba binibigyan ng meaning. Napapaasa tuloy sila.
"Are you done staring, Maria?" Biglang saad nito ngunit nakatutok pa rin sa himpapawid ang kaniyang mga mata.
"Sunduin mo ba mamaya si Kiz?" Pambabalewala ko sa tanong niya.
"Yah. Do you want me to fetch Natasha?" Seryoso ang mukha nito nang bumaling sa akin.
"Hindi na. May robot car naman 'yon. Kaya na niya ang sarili niya." Tumango ito ngunit hindi na nagsalita pa.
"Boring mo namang kausap, tol!" Panghihimutok ko. Kahit sanay na ako sa katahimikan niya, nakakainis pa rin minsan e.
"What do you want me to say?" Bagot pa rin na tanong niya.
"Kahit ano. Magkwento ka, ikaw bahala." Ipinatong ko ang aking kaliwang paa sa upuan at humarap sa kaniya.
Bumuntong hininga muna ito, ngunit kalauna'y biglang ngumiti nang nakakaloko.
"You know what, Maria?" Hindi pa rin niya tinatanggal ang ngiti sa kaniyang labi.
Gaguhin na naman yata ako nito e.
"What?" Taas-kilay kong sagot.
"I like you." Mas lalong lumapad ang ngiti niya nang makitang lumukot ang mukha ko.
Palagi na lang kasi siyang nagbibiro ng mga ganyan. Baka sa susunod, maniwala na ako.
Joke! Pwe, nakakadiri!
"Chonggo ka talaga!" Iling ko. Itinaas ko ang aking kanang paa sa compartment habang ang isa nama'y nasa upuan mismo.
"Stop sitting like that, Maria. Lalo na kapag nasa labas tayo. Nakapalda ka pa naman." Naka-school uniform pa kasi kami.
"Mas komportable ako sa ganitong ayos, tol." Pinitik ko ang aking kamay para mabuksan ang maliit na TV sa harap.
"Tsk. Stubborn." Hindi na ako sumagot pa, mamaya abutin na naman kami ng ilang oras sa kakapangaral niya. Hindi na rin naman siya nagsalita pa.
Ganyan talaga 'yang chonggo na 'yan. Magbibitaw ng matatamis na salita pagkatapos aaktong parang walang sinabi. Buti na lang sanay na ako sa galawan niya.
Noong una, nasa 4th year high school pa kami, halos hindi ako makatulog nang hinalikan niya ako sa pisngi't sinabihan ng 'I like you'. Pero kinabukasan, balik na naman siya sa pangagago sa akin. Nagmukha tuloy akong tanga.
__
"Stop that already. Nandito na tayo." Pumalakpak siya para mapatay ang TV.
Bumaba na kami sa sasakyan at dumeretso na sa apartment niya.
"Tol, short at t-shirt mo nga," wika ko nang nasa salas na kami. Dumeretso naman ito sa kaniyang kwarto.
Tinanggal ko na ang pagkakabutones ng aking blouse, isinampay ko ito sa upuan. Nagtatanggal na ako ng skirt nang maabutan niya ako.
"Bilisan mo riyan, mukha kang suman sa sando at cycling mo." Ibinato niya sa akin ang damit na gagamitin ko.
"Alam mo namang si Mommy ang bumibili ng mga damit namin ni Natasha. Sabi ko sa kaniya, jersey shorts at sports sando ang kunin niya para sa akin kaya lang binungangaan lang ako," saad ko sa kaniya habang sinusuot ang maluwang na T-shirt at jersey short.
"May pera ka naman, edi bumili ka." May business kasi kami ni Natasha, isang coffee shop. Si Daddy ang humahawak muna rito pero ang kita, sa amin ng kapatid ko.
"Ayaw kong galawin 'yon. Ikaw nga sobrang tipid mo kahit dalawang business na ang meron ka." Actually, ang isa'y share sila ni Tito Zach. Isang kompanyang gumagawa ng mga robot. Nakuha kasi nito ang galing ni Tito sa pag-imbento ng mga gano'n. Ang pangalawa'y Resto-Bar.
Mayroon din si Kiz, si Tita Kezia naman ang kasosyo nito.
"Hindi naman kasi porke may pera ka, bili ka nalang nang bili," sagot niya.
"Ayun nga ang point ko, tol." Naupo na ako sa sofa pagkatapos kong nagpalit.
"Tol, juice nga." Tumayo ako makalipas ang isang minuto para puntahan si Zech sa kusina.
"Bakit ba mas gusto mong ikaw ang nagluluto? May robot namang kayang gumawa ng gan'yan?" Kahit sa gawaing bahay, siya mismo ang gumagawa.
"Hindi ginawa ang mga robot para maging tamad ang mga tao," simpleng sagot niya habang naghahalo ng mga sangkap para sa spaghetti.
"Ewan ko sa'yo. Iba ang takbo ng utak mo." Kinuha ko ang blender at dalawang manggang hinog.
"Akin na lang pala itong damit mo, ha? Wala na akong damit e. Ayaw ko namang isuot 'yung mga sexyng damit na binili ni Mommy." 'Saka ko lang naman sinusuot 'yun kapag wala na akong choice dahil sa pamimilit nila.
"Bumili ka ng sarili mo, Maria. Nasaiyo na lahat ng damit ko. Tsaka masyadong malaki yang mga ‘yan, mukha kang ewan."
"Okay na ako rito, tol. Ganito na lang, share na lang tayo." Hindi ito makapaniwalang tumingin sa akin.
"Really, Maria?" sarcastic niyang saad.
"Huwag na nga lang. Ano pa nga bang choice ko? Isusuot ko na lang 'yong mga lecheng croptop at iba pang hapit na damit na 'yon." Malungkot ko siyang tiningnan. Marahas itong napapikit saka ginulo ang kaniyang buhok.
"Ts. Fine!" Hahahahahaha! I won! Ewan ko ba riyan, ayaw na ayaw niya akong nagsusuot ng mga ganung damit. Mukha raw akong suman o 'di kaya'y hindi ko naman bagay. Gago talaga e!
Pero ayaw ko rin naman kasing magsuot ng mga ganoon, hindi kasi ako komportableng gumalaw.