Years later...
Boston
Maagang nagising si Corrine kahit na halos dalawang oras lang ang naging tulog niya. Gusto pa sana niyang manatili sa higaan pero hindi na siya makabalik sa pagtulog. She was undeniably a morning person. Mananatili iyon kahit na nasa ibang bansa siya. Tulog pa ang mga kaibigan niya. Napagpasyahan niyang lumabas at maglakad-lakad. May breakfast buffet sa hotel na tinutuluyan sa kasalukuyan pero napagpasyahan niyang maghanap pa rin ng ibang restaurant o diner. Mamayang gabi na ang flight nila pabalik sa Maynila at gusto niyang samantalahin ang pagkakataon na makaikot.
Hindi naman sa hindi siya nakapasyal sa apat na araw na naroon siya. Pinuntahan nila ang ilang mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga turista. Hindi iyon ang unang pagkakataon niya sa Boston pero iyon ang unang pagkakataon na mga kaibigan lang ang kasama niya.
Her best friend was getting married to the most wonderful man, Billy. Dahil kay Emma, naging malapit na kaibigan na rin si Billy para kay Corrine. Pare-pareho silang mga teacher. Magkakasama rin nilang sinimulan ang isang learning center tatlong taon na ang nakakaraan. Ngayong matatag na ang center, napagpasyahan nina Emma at Billy na magpakasal na at simulan ang pagbuo ng sariling pamilya. Billy’s parents were in Boston. Elementary pa lang ang kaibigan, sa Boston na nagtatrabaho ang mga ito. Nagtatrabaho pa rin ang mag-asawa kahit na matagal nang nagtapos ng pag-aaral si Billy. Nakasanayan na raw ng mga ito ang Amerika at parang wala nang planong umuwi sa Pilipinas.
Inimbitahan siya ng dalawa na sumama tutal bakasyon naman. Pumayag siyang sumama sa isang kondisyon. Siya ang gagastos sa kanilang trip. Hindi gustong pumayag ng dalawa pero wala ring nagawa sa bandang huli. Hindi sila kasya sa maliit na apartment ng mga magulang ni Billy kaya nanatili sila sa hotel. Komportable man ang pamumuhay nina Emma at Billy, hindi pa rin maikakaila na mas maginhawa ang buhay ni Corrine. Both could afford the hotel and airfare, pero mas gusto niyang maitabi na ng dalawa ang gagastuhin sa magiging kasal. Plano niyang sagutin ang honeymoon ng mga ito para maitabi na ang pondo para sa pagsisimula ng pagbuo ng dream house ng dalawa.
Napabuntong-hininga si Corrine habang naglalakad. Kailangan niyang aminin na naiinggit siya sa mga kaibigan. Parang napakadali ng lahat para kina Emma at Billy. They met in school. They fell in love. They stayed in loved. And now they were getting married. Gusto rin niya ng mga ganoong bagay. She was turning twenty-seven soon. Gusto niyang maranasan ang mga nararanasan ng kanyang mga kaibigan. She had always thought she’d be married by now. Mayroon na rin sigurong isang anak na inaalagaan.
Mathias divorced his wife a long time ago. Hindi gaanong nagtagal ang marriage nito. Hindi pa rin niya alam ang dahilan ng hiwalayan pero hindi maikakaila na ikinatuwa niya ang balitang iyon. Alam niya na hindi naging madali kay Mathias ang pakikipaghiwalay at labis na nasasaktan ang binata. Alam ni Corrine na hindi tamang maging masaya dahil doon pero hindi talaga niya mapigilan. Umasa siya na kaagad na mabubuo ni Mathias ang puso at pag-ukulan na siya sa wakas ng pagmamahal na matagal na niyang hinihintay.
Muling nagpakawala ng buntong-hininga si Corrine. Napakatagal na niyang naghihintay kay Mathias. Noon, hinintay niya ang pagtatapos ng residency nito para makauwi na sa wakas sa Pilipinas. Pagkatapos, hinintay niya na ma-establish nito ang practice sa Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital. Alam niyang may kailangan itong patunayan. Alam niyang marami itong plano para sa ikauunlad ng ospital, partikular na ang surgery department. Hinintay na niyang magawa nito ang lahat ng kailangan nitong gawin. Nagkakasya na siya sa friendly na pag-uusap at pagkikita tuwing may okasyon ang kanilang mga pamilya o di kaya ay tuwing nagagawi siya sa ospital.
Ipinangako ni Corrine na maghihintay siya hanggang sa maging kanya na sa wakas si Mathias. Madalas niyang paniwalaan na kaya pa niyang maghintay. Pero may mga pagkakataon din naman na pakiramdam niya, parang walang hanggan ang kanyang paghihintay. Ayaw niyang aminin noong una pero parang napapagod na siya. Naiinip.
Kahit na ang mga kaibigan niya ay sinasabihan siyang tumigil na sa paghihintay. Magmahal na siya ng iba. Subukan niyang tumingin sa iba. Sinasabi ng mga ito na wala na siyang mapapala.
“Honey, you know I love you,” seryosong sabi ni Emma sa kanya minsan. “You deserve a guy who will immediately see you, see how precious your love is. A guy who will love you immediately. This Mathias does not deserve you.”
Madalas niyang sabihin na hindi niya kaya. Hindi natuturuan ang puso na basta na lang tumigil sa pagmamahal.
“Hindi mo ba naisip na baka habit lang ito o obsession? Hindi mo ba naisip na baka nakikita mo siya bilang pangarap na kailangan mong abutin? Hindi mo ba naisip na baka hindi ka naman talaga in love sa kanya?”
May mga pagkakataon na gusto nang maniwala ni Corrine sa sinasabi ni Emma. Pero may malaking bahagi sa kanya ang parang ayaw tumanggap ng pagkatalo. Paanong hindi pagmamahal ang kanyang nararamdaman?
“Walang mangyayari sa `yo hanggang sa hindi ka magmo-move on, Corrine.”
Natatakot siya na baka nga hindi na dumating ang araw na mahalin siya ni Mathias at hindi na niya magawang magmahal ng iba. Bahagya na siyang nag-aalala na baka mag-isa siya hanggang sa pagtanda. Maybe it was really the time to give up and move on.
Luminaw sa kanyang isipan ang isang partikular na mukha. It had been more than a decade but he could still invade her mind. Halos wala sa loob na gumuhit din ang isang magandang ngiti sa kanyang mga labi. Walang palya, tuwing dumadaan sa isipan niya si JC Boyce ay napapangiti siya.
Dahil masyadong lulong sa kakaisip sa isang lalaking isang dekada na niyang hindi nakikita, hindi niya gaanong namamalayan ang kanyang dinadaanan. Sumalpok siya sa isang lalaki na kasalubong niya.
“Oh, my God, I’m sorry,” kaagad na sabi ni Corrine. Tuluyan na siyang nahimasmasan. Bakit ba palagi siyang nawawala sa sarili tuwing naiisip si JC?
“Oh, no no. I’m sorry. I wasn’t loo— Corrine?”
Nagsasalubong ang mga kilay na tumingala si Corrine para makita nang husto ang mukha ng kanyang nakabangga. Bago niya iyon gawin, bumilis na ang t***k ng kanyang puso at parang may kakaibang pakiramdam na biglang nabuhay dahil pamilyar ang katawan ng lalaking nakabangga. Pamilyar ang bango. Pamilyar ang boses.
Sandali siyang nasilaw sa araw pero nakilala pa rin niya si JC. Nahigit niya ang hininga. Hindi niya mapaniwalaan na nasa kanyang harap ang lalaking iniisip niya kani-kanina lang. Halos wala sa loob na pinisil niya ang pisngi nito at mabilis niyang ikinurap-kurap ang mga mata para makasiguro na hindi siya dinadaya lang ng paningin.
Mas lumapad at mas tumamis ang ngiti ni JC. Mas kuminang ang mga mata na parang nasiguro na rin nito sa sarili na siya nga ang kaharap ng lalaki. “Corrine Marie Arqueza!” masayang bulalas nito.
Napangiti na rin si Corrine. “JC,” sabi niya. Hindi maipaliwanag ang kaligayahan na kasalukuyan niyang nararamdaman. She was so happy to see him again. Medyo nahihirapan pa rin siyang paniwalaan na nagkita silang muli pagkatapos ng napakaraming taon.
“What are the odds?” sabi rin nito. Parang katulad niya, ipinoproseso rin ng lalaki ang masayang sorpresa na iyon. Nababasa ni Corrine sa mga mata ni JC ang kaligayahan na makita siya uli.
“What are you doing here?” tanong ni Corrine.
“What are you doing here?” ganting tanong ni JC.
Pareho nilang hindi sinagot ang isa’t isa. Pareho silang nakangiti nang malapad at matamis, nakatingin sa isa’t isa. They were too caught up in their own little bubble. They were having a moment. Moment na nasira nang may bumangga sa kanilang dalawa dahilan para banayad uli silang sumalpok sa isa’t isa. Imbes na mailang ay sabay pa silang natawa.
“It’s really good to see you,” sabi niya.
“Yes,” nakangiting sagot ni JC. Luminga-linga ito sa paligid. “Do you have to be somewhere? I know a place with good coffee.”
“Eksakto. Naghahanap ako ng makakainan ng almusal.”
Hindi kalayuan ang lugar na sinasabi ni JC. It was a quiet coffee shop. Natiyempuhan niyang paalis ang isang couple sa isang pandalawahang mesa. Nasa sulok iyon at kahit paano, mayroon silang privacy. Si JC ang pumila at bumili ng kanilang kape. Ibinili rin siya nito ng muffin.
Pinakatitigan nila ang isa’t isa nang makaupo sila. Pareho silang parang timang na nakangiti, siyang-siya.
Si JC ang bumasag ng katahimikan. “You’ve grown.” Tumango-tango ang binata. “Beautifully. As expected.”
Bahagyang nag-init ang mga pisngi ni Corrine. Pakiramdam niya, lumobo ang kanyang puso sa narinig. Malinaw niyang nababasa ang paghanga sa mga mata nito. She had never felt so beautiful with the way he looked at her.
“Ikaw rin, pumogi nang husto,” sabi niya. Hindi niya iyon sinabi para ibalik ang papuri nito. Mas gumuwapo at naging makisig ngayon ang binata. Nawala na ang lahat ng boyish qualities na kanyang naaalala. Mas matipuno ang pangangatawan nito. His eyes looked wiser, more experienced. He was hotter than she remembered.
“Kumusta ka na? Ano na ang nangyari sa buhay mo?”
“Wow, marunong ka nang mag-Tagalog.” Mukhang mas komportable na ang binata sa lengguwahe. Hindi na gaanong awkward sa pagsasalita. May twang pa rin pero tunog-Tagalog pa rin na maituturing.
“My girlfriend, I mean fiancée, obliged me to speak Tagalog when I’m with her.”
Natigilan si Corrine. Sa kanyang palagay, wala na siyang naintindihan sa mga sinabi nito pagkatapos ng salitang “fiancée.” Hindi niya maipaliwanag ang dismaya at panghihinayang na bigla na lang dumagsa sa kanyang dibdib. He was not single. He had someone. He was getting married.
“Are you okay?” tanong ni JC nang mapansin ang pagbabago ng ekspresyon ng kanyang mukha. Nabura ang ngiti sa mga labi nito at bahagyang nagsalubong ang mga kilay.
“You’re engaged,” usal ni Corrine. Hindi niya sigurado kung mababakas sa kanyang mukha ang mga kasalukuyang nadarama.