CHAPTER SEVENTEEN
HINDI naman ako natagalan sa restroom. Inayos ko lang ang buhok ko pagkatapos kong gumamit ng toilet at bumalik na rin ako sa table namin. Hindi ko lang inaasahan na meron akong madadatnan. Isang babae ang nakaupo ngayon sa iniwan kong upuan. Inaayos niya ang kwelyo ni Carson na para bang sanay na sanay na siyang gawin iyon.
Hindi ordinaryo ang ngiti niya kay Carson. May halong malisya iyon at malagkit din ang tingin niya sa asawa ko. She looks sophisticated. Naka-corporate attire siya at napakapula ng lipstick niya. Maganda siya at sexy. At hindi ko siya gusto. Nakita kong pinalis ni Carson ang mga kamay ng babae at umayos ng upo. Tuluyan na rin akong lumapit sa kanila. In all fairness, ang bilis ko lang nawala, may pumalit agad.
“Misis.” Mabilis na tumayo si Carson nang makita ako at hinila ako palapit sa kanya.
“Kaibigan mo, Mister?” kaswal na tanong ko.
“Yes, Misis, kaibigan namin. Clarifate, I’d like you to meet my wonderful wife, Mary Cris. Misis, this is Clarifate.”
Ewan ko ba. Hindi maganda ang vibrations ko sa Clarifate na `to. Meron akong pakiramdam na hindi lang sila basta magkaibigan ni Carson. Halata naman sa mga tingin niya sa asawa ko. Her efforts are not enough to distract Carson though.
“I heard from Ziggy na nag-lunch sina Carson dito kaya sumunod ako. Hindi ko inaasahang isasama pala niya ang asawa niya. I thought his wife has no plans of leaving the mountains.”
“Do you have a problem with that? You don’t look happy to meet me,” sabi ko na may kasamang ngiti. Gosh, hindi ko na maalala kung kailan ako huling nakipagplastikan sa isang tao.
“Hindi naman sa gano’n.” She smiles at me, too. Ang plastik din. Patas lang kami. “I’ve been looking forward to meet you. Kahit tanungin mo pa si Carson. You’ll be surprised how closed we are.”
“I’m not fond of surprises,” sabi ko naman. Kung hindi ko pa alam, meron pa siyang gustong ipakahulugan sa sinabi niyang ‘closeness’ nila ng asawa ko.
“So would you mind if I sit here? Nasanay lang kasi kami ni Carson na laging magkatabi kapag kumakain. We’ll just get another chair for you.”
“You can take my seat,” I say politely. Itali ko pa siya riyan, eh. Good for four lang ang table tapos magpapakuha na lang siya ng isang silya? Sina Ziggy at Thirdy naman ang binalingan ko. “Guys, would you mind kung lumipat kami ng ibang table ni Carson?”
“Whatever you wish, Mrs. Florencio,” tugon naman ni Thirdy.
“We’re very much fine with that,” segunda naman ni Ziggy. It’s as if I did him a favor. “Women rule.”
“You don’t have to,” giit naman ni Clarifate na siya lang tanging may problema sa sinabi ko. “Mag-uusap pa kami tungkol sa mga importanteng bagay.”
“Lunch is more important.” Binalingan ko si Carson na ngiting-ngiti naman. Hindi ko alam kung bakit. Parang sira `to. Nahalata yata na hindi ko gustong nandito ang ‘friend’ niya. “Mister, take a break will you? Kahit ngayon lang?” Sinadya kong lambingan ang boses ko.
“You don’t have to remind me,” nakangiting sabi niya at binalingan ang mga kaibigan niya. “Brothers, alam n’yo na `yan, ha.”
“Oo na,” Ziggy groans.
Thirdy waves his hand in dismissal. Hinila naman ako ni Carson papunta sa kasunod na bakantang mesa. Mataas na fortune plant lang ang naghihiwalay nito mula sa table nina Ziggy. It’s fine as long as hindi ko kasama sa table ang Clarifate na iyon.
“EX MO `yong Clarifate, `no?” tanong ko kay Carson. Sinikap kong gawing kaswal ang tono ko dahil ayokong isipin niya na nagseselos ako.
“No.” Hindi ko gusto ang ngisi ni Carson. “Bakit mo tinatanong, Misis? Nagseselos ka ba sa kanya?”
Kasasabi ko lang na ayokong isipin niyang nagseselos ako, eh. Hindi tuloy napigilang umasim ng mukha ko.
“Parang nagtatanong lang, eh.”
Binuhat niya ang silya niya at lumipat sa tabi ko.
“She’s not my ex. I told you I don’t commit into relationships.”
“Sabagay, hindi mo naman siya kailangang maging ex para i-date siya. Sobrang closed n’yo raw, eh. Inaayos pa nga niya ang suot mo, `di ba? Ang sweet n’yo. Para kayong mag-ina.”
Natawa naman si Carson. Pupusta akong abot ang tawa niya sa kabilang table. Pero wala akong pakialam. I love to hear him laugh.
“It was nothing. Tinanong lang niya ako kung bakit wala akong suot na necktie.”
“So gusto niyang nakikita kang may suot na necktie,” I tell him matter-of-factly.
“Nagseselos ka nga?”
“Hindi nga.” I look at his collar. “Gusto ko lang malaman kung mas bagay nga sa`yo ang may necktie. `Yon lang.”
“So what do you think?”
“Para sa’n ba kasi `yong necktie?” kunot-noong tanong ko. “Dati hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangang may cravat ang uniform namin no’ng high school. Napakinabangan ko lang `yon bilang pamahid ng pawis.”
Natawa na naman siya.
“Puproblemahin talaga natin `yon?” natatawa pang tanong niya.
Pabiro ko naman siyang siniko.
“Ewan ko sa`yo.”
“Pero hindi ka talaga nagseselos?”
Pinanlakihan ko naman siya ng mga mata.
“Gusto mong mapingot?”
Siyempre, hindi ko aaminin `yon, `no. Saka na siguro.
GUSTO ko na sa Selina’s. Parang lutong-bahay ang mga pagkain. Pinagsaluhan din namin ni Carson ang dessert na halo-halo dahil malaki ang in-order niya. Napansin ko na paborito niya ang langka at hindi siya masyadong mahilig sa ice cream.
Pinag-usapan namin uli `yong ginawa naming pagbisita sa home for the aged. Naisip ko, hindi lang `yon ang tulong na gusto kong gawin para sa mga lolo at lola doon. Naiisip ko na mag-organize ng party para sa kanila, `yong merong magpapasaya para sa kanila. Na kahit sandali lang, makalimutan nila ang lungkot na nararamdaman nila. `Yong pakiramdam na maabandona.
“Ang dami mo ngang gustong gawin para sa kanila,” amused na komento pa ni Carson.
“Matatanda na kasi sila. Hindi na sila gano’n kalakas para alagaan ang sarili nila. Kailangan nila ng ibang tao para makakilos. At `yon ang pinakamahirap do’n. Ibang tao pa ang nag-aalaga sa kanila. Hindi naman sa negatibo ang tingin ko ro’n. Ang sa `kin lang, hindi naman sila kailangang kalimutan ng mga mahal nila sa buhay.” Malungkot akong nagbuntong-hininga. That’s why I hate being helpless.
“May kinalaman ba `to sa pag-abandona ng tatay mo sa inyo ni Nanay?” seryosong tanong niya. Carson is looking at me like he’s trying to see through my eyes. “Is that where you’re coming from?” May kakaibang lambing na sa pagkakataong ito ang boses niya.
Hindi naman agad ako nakapagsalita. Loko `to, natumbok nga niya. Kaya ko ginagawa `to dahil alam ko ang pakiramdam na `yon.
“Galit ka pa rin ba sa kanya?”
Malungkot na ngumiti ako. Kung pwede lang sana, ayokong magdrama. Itong si Carson naman kasi, eh.
“Alam ko ang pangalan niya, alam ko ang mukha niya, at maraming beses na akong nagkaroon ng pagkakataon na makausap siya pero hindi ko ginawa. Nate-tempt na ako na magpakilala at sabihing anak niya `ko pero lagi akong nauunahan ng takot na baka i-reject na naman niya `ko sa pangalawang pagkakataon. Sa huli, pinili ko na lang na makontento na hanggang doon na lang `yon.”
“Pero hindi mo ba naisip na baka hindi naman pala gano’n kung hindi ka naunahan ng takot mo na `yon?”
“Naisip na rin, siyempre. Pero alam ko ring walang magbabago. Hinding-hindi ako magkakaroon ng buong pamilya.”
“Gusto mo, hanapin natin siya one of these days? Kausapin natin siya. Sasamahan kita.”
Napamaang ako sa sinabi niya. Seryoso ba siya?
“A-ano?” Pagak akong tumawa. “Puro ka talaga kalokohan.”
“Seryoso nga ako. Ipakita natin sa tatay mo na lumaki kang maganda, matapang, mabait, naninindak pero malambing, mukhang suplada pero marunong naman palang ngumiti—” Napaigtad si Carson nang basta ko na lang siyang kurutin sa tagiliran. “Ano?” natatawang tanong niya.
Hindi ko alam pero parang lumobo ang puso ko sa mga sinabi niyang `yon. Lalo na `yong ‘naninindak pero malambing’.
“Huwag mo `kong i-build up masyado. Ang hirap paniwalaan,” pakli ko.
“Hindi kaya,” natatawa pang sabi niya. “Kung ano man ang tulong na gusto mong gawin para sa home for the aged, we’ll make it happen. Lalo na kung `yon ang makakapagpasaya sa`yo.”
Nagbaba ako ng tingin at mariing pinagdikit ang mga labi ko. Ayokong maging emosiyonal pero parang kinukurot ang puso ko. Pinaparamdam sa `kin ni Carson na lagi lang niya akong sinusuportahan.
Basta ko na lang siyang niyapos sa baywang at idinikit ang pisngi ko sa dibdib niya.
“Amasona pa rin ba ang tingin mo sa `kin?” tanong ko.
“Of course,” sagot naman niya. “Amasona with a heart.” Pinisil niya ang balikat ko at hinaplos ng isang kamay niya ang buhok ko.
“SIYANGAPALA, Chamo, meron kaming pupuntahang party ni Cris sa isang gabi. Baka pwede mo siyang gawan ng isusuot,” sabi ni Carson nang naghahapunan na kami. Apat lang kami sa hapag-kainan.
“Hindi problema `yon, Kuya. I could let Mary Cris wear my creations,” nakangiting sagot naman ni Chamomile habang nakatingin sa akin. “Actually, meron akong katatapos lang na ginawa na isa sa mga paborito ko. Pwede kong i-adjust `yon para magkasya sa kanya kung kinakailangan.” Kinindatan pa niya ako.
“Thank you, Chamo,” nakangiting sabi ko naman.
“Walang ano man, bayaw. Aw, ang sarap ng feeling na may tinatawag na ‘bayaw’. Huwag na kayong maghiwalay, ha? Malakas ang chemistry n’yong dalawa, eh.”
“Hindi kaya masyadong mabait si Cris para kay Kuya?” sabad naman ni Calla.
“Wala kang baon next week, ha,” walang kangiti-ngiting sabi naman ni Carson.
“Actually, Kuya, `yong sasabihin ko sana ay mas mabait ka. At... nakakabuti kayo sa`yo sa isa’t isa. Ayoko nang mag-English.”
Natawa naman kami ni Chamomile. Kahit mahilig mang-asar si Calla, nakikita ko namang walang halong biro ang sinabi niya. Kasi ako, alam ko sa sarili ko na nakakabuti si Carson para sa `kin. Hindi man gano’n kaganda ang naging simula namin pero kung ano kami ngayon na ang mas mahalaga para sa `kin. Kung sakaling gano’n din si Carson, bonus na lang siguro `yon. Sino ba naman ako para humiling ng mas higit pa sa kung anong meron kami ngayon?
“By the way, manonood kami ng movie ni Calla mamaya. Sama ka sa `min. Horror kasi `yong panonoorin at kailangan namin ng karamay sa katatakutan. Kung wala lang naman kayong ibang plano ni Kuya mamaya.”
“Magandang idea nga `yan,” napangiting sabi ko at binalingan si Carson. “Sama ka, Mister?”
“I would love to pero meron pa `kong ire-review na mga papeles. Just have fun with them,” sagot naman niya at nginitian ako.
NAPANOOD na pala nina Chamo at Calla dati ang ‘Train To Busan’ sa sinehan pero pinanood lang uli nila dahil crush nila ang bidang lalaki. Sa kwarto nila kami nanood. Ang dating kwarto ng Ate Camya nila ay ginawang workshop ni Chamo. Tuwing may okasyon lang naman daw ito umuuwi sa mansiyon at nakikitulog na lang sa kanila kung nagpapalipas ito ng gabi. May pakiramdam ako na merong mabigat na dahilan kung bakit hindi rito nakatira si Camya pero hindi na lang ako nagtanong dahil baka isipin nilang nakikialam ako.
Pagkatapos naming manood ay hindi muna ako bumalik sa kwarto namin ni Carson. Kinunan pa ako ng sukat ni Chamo para makapili siya ng damit na babagay sa `kin. At sa totoo lang, hindi maganda ang epekto sa `kin ng pelikula. Parang nalungkot ako imbes na matakot.
Nang makabalik na `ko sa kwarto ay nadatnan ko si Carson na nakaupo sa mesa at nagbabasa. Ang daming papeles sa harap niya. Nakasandal siya sa upuan habang nakahawak sa sentido niya ang isa niyang kamay. Kahit dahan-dahan lang ang pagsasara ko ng pinto ay narinig pa rin niya at nilingon ang direksiyon ko. I smile sheepishly.
Nginitian din niya ako.
“Kumusta?” tanong niya. “Maganda ba `yong movie?”
Lumapit ako at umupo sa tabi niya.
“Maganda naman. Kaya lang, nalungkot ako.”
“Akala ko ba, horror ang pinanood n’yo?” tanong niya.
“Oo nga. Pero merong part kasi ro’n bago`yong ending. `Yong character ni Gong Yoo, na-infect na rin at nagiging zombie na siya. Nagpahulog siya ro’n sa tren bilang sakripisyo. `Yong naiwan na lang ay `yong anak niyang babae at `yong buntis. Pero bago `yon, nag-flashback sa isip niya `yong moment na dumating ang baby niya sa mundo. Hawak-hawak niya sa kamay `yong baby tapos `yong emosyon sa mga mata niya, alam mo `yong...” I sigh. How I wish madaling isalin sa mga salita ang nararamdaman ko sa eksenang `yon. “Hindi siya naging perpektong ama pero mahal na mahal niya `yong anak niya. At wala kaming gano’ng moment ng biological father ko.” At kinukurot pa rin ang puso ko hanggang sa mga sandaling `to.